July 9, 2011

Ballpen - Part III

..Pan Pil 17. Matapos makapaghanda ng aking sarili at ibulsa ang aking pitaka at cellphone, pumunta na ako sa FI. Alam kong 9 magsisimula ang palabas pero pagdating ko doon nang mga 8:30 yata e nagulat ako sa sobrang haba ng pila. Mabuti na lang at madali kong nahanap ang pila ng bilihan ng ticket at buti na lang talaga at may ticket pa. Noon ko lang din nalamang napakalaki talaga ng sakop ng FI kasi dati, kaunti lang yung mga taong nakakasabay kong manood sa sinehang nabanggit, kaya maliit at chipipay pa noon ang tingin ko sa FI. Ngunit noong nakita kong ang haba-haba talaga ng pila papasok ng tanghalan, nakita ko ang istraktura bilang isang napakalaking gusali. Pagkabili ko ng aking ticket ay matagal kong hinanap ang dulo ng pila papasok. Sa simula ay akala ko nakita ko na ang dulong aking hinahanap ngunit nalampasan ko na pala at malapit lamang sa lugar na aking napagtanawan ng inakala kong dulo ang puwestong hinahanap kong patuloy pang nadadagdagan sa dami ng mga professor na nagpa-require ding magpapanood ng mga documentary films. Panibagong pila, panibagong oras na naman ang kailangan kong patayin para sa paghihintay. Mabuti na lamang at ka-text kita dahil sa unlimited ako for 5 days sa bagong sim ko na Globe. Mabuti na lang din at, napagtiyatiyagaan at nasasagot mo ang mga reply kong smiley lamang. Kahit na patuloy kitang inaasar at kinukulit ay sinusulit mo ang 80 pesos na ginastos ko para sa pesteng sim na hindi nakakakuha ng signal dito sa Cavite at mas mahal pa kumpara sa 60 pesos na ginagastos ko dati para mag-unli para sa isang linggo sa Smart. Hindi na rin masama.

Matapos lamunin ng napakakumportableng upuan ang aking puwet ay lumabas na ako ng FI, malamang. Halos tingin nang tingin na kasi ako sa aking relo at patuloy na nananalanging matapos na ang huling dokyung aming pinapanood. Balak kong ilagay ang aking reaksyon sa aking mga napanood sa mga susunod kong posts. Pagdating ko ng boarding house ay pagod na pagod talaga ang aking puwit kaya tinamad na akong magpalit agad bago humiga sa aking kama. Pinilit ko ang aking sariling makapagsulat agad ng takdang-aralin sa Pan Pil 17 para humaba-haba ang aking mga nalalabing oras ng Lunes na iyon. Sinimulan ko nang mag-type sa Word at buti na lang preskong-presko pa ang aking mga reaksyon sa mga napanood at nagtuluy-tuloy ang aking mga daliri sa paglikha ng mga walang kuwentang pangungusap. Binigyan kong lahat ng reaksyon ang napanood kong tatlong dokyu. Tinapos ko na ang aking huling pangungusap (isa sa mga parte ng compositions na hirap na hirap talaga ako kung saan nangunguna ang pamagat) saka humigang muli sa aking kama. Sobrang lupit kasi maya-maya lang ay bumuhos ang malakas na ulan: lalamig na naman ang aking kama at kumot. Hindi ko alam kung matutuwa ako kasi paboritong panahon ko para sa pagtulog ang pumalit sa pagod ng aking puwitang pupuwedeng nang magpumiglas sa pesteng upuang pinili ng aking puso o maba-badtrip lang ako dahil kung kailan ako magpa-print ng aking papel ay saka pumatak ang halos kumpol na ulang para sa aki'y nagpapapansin lang upang ipagpaliban ang puntong aking nais ipahayag sa pagnood ng pelikulang pinalabas sa pesteng Film Institute. Binayaan ko na lamang ang ulan at ipinikit ko na ang aking mga mata.


Malapit nang gumabi noon ngunit wala ka pa rin sa iyong boarding house dahil nanggaling ka pa sa bahay ng iyong classmate para, mag-scan. Nakahigang muli ako matapos makapagpa-print ng pesteng reaction paper. Nang sinabi mong papauwi ka na, bumangon na ako at nag-isip ng kakaibang palusot para makita kita para sa araw na iyon. Gusto talaga kitang makita, ewan ko. Okay na yung kahit saglit lang, datdatin mo lang ulit ako ng kung anu-ano. Ayaw ko yung nagtatanong sa akin kung anong nangyari sa akin sa isang araw o pinipilit akong magkuwento tungkol sa kung ano. Mas sanay at gusto ko yung dinudugtungan ko ang mga banat ng aking kausap, mas normal, mas malupit, mas okay. Binuksan ko ang aking filecase at nakita ko ang mga pesteng ballpen na nagpapahirap sa akin. Biruin mo, pagkabago-bagong mga ballpen, ayaw sumulat nang matino. Makakailang strokes pa ako bago pa tuminta sa papel. Nainis lang ako lalo. Kailangan kong bumili ng bagong ballpen. Ang paborito kong ballpen ay Pilot BS Fine, o kung ano man yan. Basta kapag nakakuha ako ng matinong picture siguro ipo-post ko na rin dito. Sobrang diin ko magsulat kaya masaya na ako sa mga mapapayat na mga ballpen. Dumudulas kasi yung kanang kamay ko kapag matabang ballpen yung.. Tsaka sino bang natutuwa sa mga matatabang ballpen? Mga bata lang matutuwa sa mga ganon kaya sa lapis lang dapat ginagamit ang design na nasabi. Tinanong kita kung may kailangan kang bilhin sa SC. Hindi ko na nahintay ang reply mo kaya bumaba na ako ng boarding house at nagsimula nang maglakad. Buti na lang at dinala ko ang aking cellphone at paulit-ulit akong tumitingin kung nag-reply ka na. Sinabi mong hindi ka sigurado kung may bibilhin ka pero sasama ka pa rin sa aking pagbili ng mahiwagang ballpen. Mabuti na lang din dahil kahit sa paglakad ay tamad na tamad ako kaya hindi pa ako umaabot sa SC ni sa kanto ng ating street nang matanggap ko ang iyong sagot. Matiyaga akong naghintay sa'yo. Syempre, natuwa na naman ako noong nakita kita. Sabay na tayong naglakad papuntang bilihan ng ballpen at ayon, bumili ako ng ballpen, ng ballpen na gusto ko. Okay na sa akin yung pauwi na tayo, kahit saglit lang tayong naglakad nang sabay, masaya na ako. Simple lang pero hanggang ngayon medyo naaalala ko pa rin at okay pa para balik-balikan ko. Pinili kong isulat ang mga araw na ito para lang, baka sakali, hindi mo man makita sa mukha kong palabiro at palaasar sa tuwing nagkakasama tayo e mabasa mo sa mga walang kuwentang pangungusap na ito yung sabik at galak na ibinubuhos mo sa mundo kong walang ibang hinangad kundi ang simpleng pamumuhay, pamumuhay na walang nagpipilit sa akin, buhay na walang problema, mga araw na paghanap lamang ng oras na makita ka at hindi pahirap na paghugot sa utak kung ano ang maaaring sabihin ng natataranta kong dila sa tuwing tinitingnan mo ako sa aking mga mata. Malapit na tayong dumating sa ating street pero sinabi mong ayaw mo pang umuwi. Ayos lang sana kung nakamaong na shorts ako e kaso pambahay na shorts lang ang suot ko. Hindi ko alam kung matutuwa akong dalhin ang cellphone, sukli at ballpen na aking mga dala pero sige, sasamahan pa rin kita. Dineretso natin ang Siomai St. hanggang sa kabilang kanto, nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagtatawanan. May mga oras na gusto kong hawakan ang iyong kamay kapag nagkakabanggaan ang ating siko o braso. Pero dahil mahina ang aking loob, lalo na sa mga babae ay hindi rin ako nakapag-isip at nakagalaw nang maayos. Naging maayos pa rin naman ang ating paglalakad. Nakarating tayo sa tapat ng pesteng FI, at dineretso ang kantong papunta sa likod ng Eng'g Building, malapit sa School of Statistics. Umabot din tayo sa College of Law at Ilang-ilang saka kumaliwa na sa kanto ng simbahan. Papalapit na tayong muli sa ating street pero nagpumilit ka pang maglakad pa habang napapasma na aking mga kamay sa pagbitbit ng aking bagong ballpen, cellphone at sukli. Pinabulsa ko na ang aking cellphone sa'yo nang umabot sa malapit sa Kalay. Iminungkahi kong mandapa tayo ng joggers sa Acad Oval kaya iyon, imbis na malapit lang ang ating lalakaran e napahaba pa ang oras ng ating pag-uwi. Pagdating natin ng Acad Oval ay nagsimula na tayong maglakad sa sidewalk. Hindi man natuloy ang masamang balak para sa mga nagtatakbuhang mga itik ay masaya pa rin kasi tuloy pa rin ang daldal mo sa akin. Nagsimula tayo malapit sa Eng'g at umikot tayo't dumaan sa Tres Marias ngunit nawalan ng ilaw ang ating mga nais na madaanan kaya itinuloy natin ang pag-ikot hanggang sa makarating tayo ng Quezon Hall at tapat ng Vargas Museum. Niyaya kitang umupo sa isa sa mga benches hindi lang para magpahinga dahil napagtanto kong mahaba pa ang ating lalakarin kung tatapusin natin ang Acad Oval at para mas tahimik at wala akong masyadong taong nakikita kapag tumigil na tayo at nagkatabi. Nagpatuloy ka sa iyong pagkuwento at pagte-text. May mga maiikling mga minuto man tayong namamangmang sa tahimik na paligid, masaya na rin ako kasi katabi kita. Hindi ko man mahawakan ang iyong kaliwang kamay ni mayakap ka noong gabing iyon e masayang-masaya na ako. Umabot ang ating usapan sa mga nakakatakot na bagay kaya nagyaya na akong umuwi. Kasalanan ko man ang pagputol ng masasayang mga kuwento, ginusto ko na ring maitago ang aking ballpen kasi baka mawala pa. Dumaan na tayo sa Freshie Walk patungo sa ating street.


Kinakabahan ako paggising ko kinabukasan kasi hindi ko tiyak kung tama yung ginawa kong reaction paper. Pakiramdam ko talaga may mali akong ginawa sa papel ko sa Pan Pil 17. Hindi naman ganon kabigat ang pasaning nabanggit kaya magaan pa rin ang pagbati ko sa araw na iyon. Martes na naman, makuwelang discussion na naman sa Fil 40, nakakasabik na reporting sa Kom 1 at matinding hintayan na naman sa Pan Pil 17. Oras na ng huli kong klase at pumunta na ako sa ikaapat na palapag ng..

No comments: