July 9, 2011

You Betrayed Your Self - Part IV

..CAL. Sa wakas, at malalaman ko kung tama ang mga pinagsususulat ko sa papel ko. Nagtawag ang aming professor kung sinu-sino ang gumawa ng reaksyon para sa dokyu ng El Dorado. Itinanong na rin niya ang mga nagsulat para sa Cultures of Resistance at iba pang mga natirang dokyu, saka sila igrinupo. Doon pa lamang sa pagtatanong ay napagtanto kong mali nga ang aking ginawa dahil sa lahat ng napanood kong dokyu ay nasulatan ko ng reaksyon, pero hindi na rin ganoon kabigat sa pakiramdam sapagkat nang tinanong ni Sir kung sino yung mga masisipag na hindi marunong sumunod sa kanyang mga panuto ay marami naman kaming mga nagsitaas ng kamay. Ngiting-ngiti talaga ako kasi buti na lang hindi kami pinagalitan at ayaw kong mapagalitan sa araw na iyon. Ayaw kong masira ang aking araw dahil sa isang pesteng reaction paper. Ayaw kong masira ang aking araw kasi hindi pa kita nakikita. Matapos ang brainstorming na naganap sa bawat grupo, hiningi na ni Sir ang aming mga papel. Laking gulat ko naman nang tawagin ang akin pangalan, hindi dahil sa sobrang lupit ko magsulat kundi dahil malupit ang ginawa ko kay Sir.

Sir U: Tabilin, sa susunod ah (sabay pakita sa harap ng klase ang aking papel na wala man lang pagkakahati ng mga talata at nasa 9 pt na font sabay react ng mga kaklase kong nakakita). Sa susunod.. ha-


Ako: Sir, hindi niyo po ba nababasa? (Sana sumang-ayon na lang ako sabay ngiti. Bakit ba hindi ko mapigil ang aking sarili sa pagtanggol ng mga bagay na iniharap at alam ko namang mali?) Sir, gusto niyo po bang magpasa ako next meeting ng mas mala-


Sir U: Hindi, hindi. Makinig ka ah. Dapat-


Ako: Sir, lalakihan ko po. Akin na po para maba- (tumahimik na ang klase)


Sir U: Hindi. Makinig ka. Dapat smooth. Smooth ba yung ginawa mo?


Ako: ... (puwede na'kong mamatay sa katahimikang ginawa ng mga kaklase ko na tila pinagtitripan na nila ako) ...


Sir U: Tabilin?


Ako: Hindi po.


Sir U: Sa susunod smooth, ah?


Ako: Opo. Haha. (natawa talaga ako, sabay may ilan ding mga nakitawa)


Naging mapayapa man ang unang pag-uusap namin ng aking prof sa Pan Pil 17, hindi pa rin mawala ang galit ko sa aking sarili. Bakit ba kasi nasanay akong magsulat nang hindi naghahati ng talata? Pesteng blog. Pinalabas na kami ng room pagkatapos i-discuss ang mga napag-usapan ng bawat grupo tungkol sa mga dokyung kinalaglagan nila. Sobrang lakas ng buhos ng ulan noon pagdating ko AS. Buti na lang pagdating ko ng lobby, saka tinodo ng ulan ang kanyang pagbuhos. Tinamad kasi akong magbukas ng payong paglabas ko ng CAL. Matiyaga akong naghintay sa'yo habang nasa lobby. Inabutan ko na nga yung mga bagong isyu ng Kule. Ang tagal ko nang naghihintay, panay tingin na ako sa akin relo, nauubos na naman ang pag-asang makakapanood pa tayo sa oras, dahil sa pesteng curfew ng ibang boarding house. Sa wakas, ikaw ay nag-text na papunta ka na rin ng AS. Tumayo na ako mula sa aking kinauupuan sa may bandang gita ng lobby saka naghintay muli malapit sa harap ng main entrance ng AS. Lahat ng maaaring labasan mo ay inantabayanan ko, palakad-lakad, patingin-tingin sa aking cellphone at relo. Wala akong natatanggap na sumunod pang mga mensahe. Todo bantay pa rin ako sa mga posibleng daang makita kita. Matapos ang siguro'y 15 minutes pa e dumating ka na, sa wakas. Matapos sabihan ka kung gaano ka katagal (nang hindi naman ako galit), pumunta na tayo sa FC Shed. Wala tayong masakyang SM North Trinoma na jeep. Lalong lumubog yung puso ko, sa bawat minutong nasasayang, sa patuloy na pagbuhos ng ulan, sa bawat jeep na dumadaang puno kaya tinanong kita kung may jeep pa-Trinoma kapag bumaba tayo sa Philcoa. Sabi mo naman meron kaya Philcoa na jeep na lang ang sinakyan natin. Pagdating natin ng Philcoa, sumakay tayo ng FX na patungong Trinoma. Sa FX. Sa FX. Mabuti na lang at malawak yung FX na nasakyan natin. Dikit-dikit na ang mga sasakyan, at nasa Philcoa pa rin ang sasakyan natin. Patuloy ka pa rin sa pagsatsat, pero enjoy naman. Iba naman ang paksa kasi sinimulan mo naman ako ng mga design sa mga upuan at gusali. Tapos biglang..


..naiintindihan kong dad mo ang pinag-uusapan natin. Tapos hinawakan mo yung kaliwang kamay ko. Ang lamig ng kamay mo noong mga panahong iyon. Umakmang nag-holding hands ang ating mga kamay, saka mo pinisil-pisil ang aking kamay habang nagsasalita ng kung ano tungkol sa tibok ng puso habang nakatingin sa akin. Hindi ko na maintindihan yung sinasabi mo kaya kawalang kuwentahan na lang ang lumabas sa aking bibig. Naghahalu-halo na yung mga iniisip ko, wala na akong masabing matino, hawak-hawak ko ang kamay mo! Patuloy ka pa rin sa pagpisil at pagsabi ng kung ano tungkol sa puso hanggang sa nakarating na rin tayo sa Trinoma. Madali na tayong umakyat sa patungong sinehan. Mabuti na lamang at may isa pang showing na 10 minutes na lang ay magsisimula na at marami pang mga bakanteng upuan sa gilid na mga parte ng tanghalan. Bumili na tayo ng ticket at pumasok na tayo sa sinehan. Nang magsimula ang palabas, hindi na ako natuwa agad. Naramdaman kong magiging pangit ang istorya pero pinilit ko pa rin ang aking sarili na papanoorin ko nang buo ang Transformers 3. Abala na tayo bigla sa pag-away sa babaeng partner ni Shia. Hindi talaga tayo natutuwa sa kanyang accent at labi. Tapos biglang..


..tumalikod ako sa'yo at hindi ko na maalala kung bakit. Nagpahayag ka ng kaunting lungkot at pagpupumilit, saka mo kinuha ang aking kaliwang braso. Humarap naman akong muli sa screen at kumapit ka naman sa aking braso. Dumaan ang ilang segundo at ibinaba mo ang iyong kanang kamay sa aking kaliwa. Hinawakan mo ito nang mahigpit, saka pinisil-pisil, na naman. Buong pelikula tayong magkahawak-kamay. Sobrang ligaya ang naramdaman ko. Okay lang sa aking makatulog ako doon, kahit hindi na ako pumasok sa klase kinabukasan. Hindi ko sukat akalaing gusto mo rin palang hawakan ang aking kamay. Mabuti na lang may mga taong tulad mong kayang gawin ang mga bagay nang wala nang tanong at paalam, lalo na at natataranta ako kapag malapit ako sa crush ko. Masigla at nakangiti tayong umuwi, walang halong hiya sa ating pag-uusap hanggang sa paglalakad papalapit sa ating street. Nagpaalam na tayo sa isa't isa pagdating natin sa tapat ng iyong boarding house. Nakangiti kong ipinikit ang aking mga mata paghiga sa aking kama.


Nagising ako sa aking alarm kinabukasan. Mas maaga kasi ng isang oras ang aking isinet para sa araw na iyon. Kailangan ko kasing bumili ng mapa para sa Aral Pil 12. Napagtanto kong sandali lang naman ako bibili ng..

No comments: