March 29, 2012

One

Ibig Ko'y Kasama
ni Jerry B. Gracio


Ibig ko'y kasama


Sa habang panahon, kasama sa buhay
Hanggang dapithapon; kaibigang alam
Kung ano ang aking mga iniisip,
Maging mga bagay na nababanggit lang


Sa panaginip. Ibig ko'y kasamang
Nasa aking tabi upang umalalay,
Kung ako ay luksa o kung dumidilat
Ang mata ng unos. Makikinig siya


Sa aking salaysay at mga lunggati,
Ukol sa daigdig, ukol sa digmaan,
Sa bayan, sa uri. Kahit na kung minsan,
Pananaw ko'y mali, kahit na madalas


Ay lihis ang aking mga ginagawi,
Siya'y di kikibo di man sumang-ayon
Sa aking sinabi, ngingiti na lamang
O kaya'y ngingiwi, ngunit sa huliha'y


Maiintindihan ang aking pighati
At mga pangarap para sa daigdig,
Para sa digmaan, sa bayan, sa uri.
Ibig ko'y kasamang iibig sa akin


Nang may pagnanasa, sa bawat bahagi
ng aking katawan, sa bawat paghinga;
Magpapaalalang ang bawat paggising
Ay bagong umagang magbibigay-lakas


Sa tuwing babangon magmula sigwa
Ng nagdaang araw; sa pakikihamok
Sa aking sariling mga kahinaan.
Hanggang sa matanggap ng lahat ng tao


Ang aking pag-ibig na kung magkaminsa'y
Hindi natatanggap maging ng sarili.
Kung ako'y pagod na, idadantay niya
Sa aking balikat ang kaniyang bisig,


Tapos ay hahalik sa pisngi ko't labi,
Marahang-marahan. Madalas tingin ko
Sa halik at yakap ay napakababaw;
Ngunit sa piling niya, lahat ng mababaw


Nagiging malalim.

No comments: