January 4, 2026

should've went in for the vibes

kinapa ng masid ang bukana. walang pakiramdam na may magpapakilalang maski sino o ano ngunit litaw na litaw ang pag-aligid ng mga taka. handa kang sumagot ng kahit na anong tanong pero may mga nakabangko ka ring alinlangan. sadsad na lamang ng pagdiretso ang natirang buhay habang nagdadalawang-isip pa kung itutulak ba ang panibagong kantong sumusulpot.

napansin mong hindi ka pala kinakabahan sa mga nagaganap. sabay bigla kang kinabahan nang ganap mong mapansin ito. bibilis nang bahagya ang yanig na naghatid na ng sunod-sunod na paghinga. sinubukan mong pakalmahin ang bawat pagsalo sa sarili. ipinikit mo ang iyong mga mata at huminto muna sa paglalakad. inisa-isa mo ang butil-butil na nakakalap na koneksyon sa kabila hanggang sa tumahimik na rin ang salimuot.

pagdilat mo'y tuyo na ang mga palad mong malapit na ring kumulubot. naghintay kang ilang banta para sa mga sakali pang tutulo, subalit wala nang nag-usig pa. pinakawalan ang pulupot habang kumakawala sa tigas ng pagkabukod ng sandal. itinupi nang pabalik ang pamago nang may mapansin kang kakaiba sa iyong mga kuko.