January 1, 2026

must be totally grand for you

nagmamadaling papasok sa malambing na yakap ng init. medyo mayroong pagkibit na ibalibag ang wasto sanang pampagising, pero wala na, kumulo na rin naman nang hindi oras ang ulirat sa pagbabalik agad-agad ng hindi naman pinapapasok na bisita. may pagtatakang bakit pa kailangang disiplinahin ang dakot ng gagamba, gayong pasulpot-sulpot lang din naman ang sirit ng sapot hanggang sa magkabit-kabit na naman sila nang walang tigil, parang hindi tinuruang nauubos din ang lahat, maski pa ang iba't ibang akala at sinungaling na nagpupumilit bumangon matapos basagin nang paulit-ulit sa lababo.

pipihiting marahan ang gripo, ayaw ng may tumatalsik. natutuyo naman din, kaya lang, siyempre, may pag-iwas pa rin sa kakaunting irita, kahit ngayon man lang. hahagip lang din ng kakaunting sabon, sabay ipapahid sa dumi, hanggang sa lumipat na ang amoy nito sa espongha, manghang-mangha ka.

padadaluyin nang marahan ang banlaw, uubusin lahat ng lagkit at lasa. hahayaan lang na magbagong-anyo't kumintab nang mag-isa, at dapat ay hindi minamadali. ang madulas ay pagkabasag ng sarili habang pinanonood pa ng mga nagpapatuyo na lamang. sa susunod ka na lang bibili ng panibagong espongha.