January 4, 2026

should've went in for the vibes

kinapa ng masid ang bukana. walang pakiramdam na may magpapakilalang maski sino o ano ngunit litaw na litaw ang pag-aligid ng mga taka. handa kang sumagot ng kahit na anong tanong pero may mga nakabangko ka ring alinlangan. sadsad na lamang ng pagdiretso ang natirang buhay habang nagdadalawang-isip pa kung itutulak ba ang panibagong kantong sumusulpot.

napansin mong hindi ka pala kinakabahan sa mga nagaganap. sabay bigla kang kinabahan nang ganap mong mapansin ito. bibilis nang bahagya ang yanig na naghatid na ng sunod-sunod na paghinga. sinubukan mong pakalmahin ang bawat pagsalo sa sarili. ipinikit mo ang iyong mga mata at huminto muna sa paglalakad. inisa-isa mo ang butil-butil na nakakalap na koneksyon sa kabila hanggang sa tumahimik na rin ang salimuot.

pagdilat mo'y tuyo na ang mga palad mong malapit na ring kumulubot. naghintay kang ilang banta para sa mga sakali pang tutulo, subalit wala nang nag-usig pa. pinakawalan ang pulupot habang kumakawala sa tigas ng pagkabukod ng sandal. itinupi nang pabalik ang pamago nang may mapansin kang kakaiba sa iyong mga kuko.

January 3, 2026

maybe mausoleums

magigising na lang pabigla sa biyahe. wala nang ibang natira kung hindi ang nagmamaneho at ang ihahatid sa limot. lilingon ang manong at magtatanong kung maaari bang magbaba na lamang sa ayaw. magbubuntonghininga nang malakas para malaman ng nakakarinig na totoong wala siyang kasalanan. ipipilit pa rin naman niya ang nais niya, at wala naman talaga siyang paki sa paki ng iba.

naisipan mong pumara bigla para lang makabawi. kinuparan kahit gaano ang panakaw na pag-aako ng direksyon nang makaiwas sa pagkalito. saglit lang at unti-unti nang nakikilalang muli ang mga dati na para bang walang nangyayari. kakampi nang ulit ang lahat ng hangin, halaman, at insekto, at tila gusto pa nilang umakay at maghatid sa mga matang nagpapaligaw.

bawat hakbang ay presko at tanggal ang namuong awa. sa lahat ng mga kaibigang bumalik, hindi nakakapagod ni nakakasawa ang bumati. walang magkakamukha, hati ang salamuhaan. parating may dahilan ng ngiti at tawa. titingin lahat kung sino man ang hihingi ng tulong. maingay ngunit hindi nakakairita. sabay-sabay na ang bawat halos ng haplos, ihip, pagakpak, huni, sitsit, ugong, yabag, wasiwas, sabay, sabay, gulo, iwas, kalabit. lumingon ka't wala kang kasamang iba.

January 2, 2026

almost this time

malapit nang matuyo pero may kintab pa rin. markado pa rin ng dulas ang hindi na matatapos pang pagkukunwari kahit matagal nang walang nakatingin at nagbabantay. hindi minsan malay ang sarili na ang sarili na lang ang natitirang malay sa sarili. may nag-aabang na takot na sa ubod ng pangyari ay kinakayang magpahinto ng ano mang landas na malilingat na lang bigla sa waglit.

hindi na muling makakagalaw pa. maikakahon at walang takas. kasunod ng apat na pagtupi ng ipinipilit na pagtatapos ay nakailang ikot na pala ang bigong hindi na kailan man pa mapapatawad. magtutuloy-tuloy ito hanggang sa kumabog na nang todo ang lahat. saka lamang minsan nakakapiglas, sakaling maisahan ang pagliko sabay buong-lakas na pagtulak at pagtulad.

malas lang kung pinlano mo rin ang pinlano mo. hibang ka na yata, pangiting sambit habang paunti-unting ngumingiwi na at naghahanap na lamang ng muling mapagtataguan. wala sa kaliwa. lalong wala sa kanan. pupulupot nang muli ang piga pero wala nang mapakawalan pa. kung mayroon man, madali lang tatangayin ng katahimikan ang mga matitira pa sanang kaibigan. inialay na lang muli ang sarili sa sarili.

January 1, 2026

must be totally grand for you

nagmamadaling papasok sa malambing na yakap ng init. medyo mayroong pagkibit na ibalibag ang wasto sanang pampagising, pero wala na, kumulo na rin naman nang hindi oras ang ulirat sa pagbabalik agad-agad ng hindi naman pinapapasok na bisita. may pagtatakang bakit pa kailangang disiplinahin ang dakot ng gagamba, gayong pasulpot-sulpot lang din naman ang sirit ng sapot hanggang sa magkabit-kabit na naman sila nang walang tigil, parang hindi tinuruang nauubos din ang lahat, maski pa ang iba't ibang akala at sinungaling na nagpupumilit bumangon matapos basagin nang paulit-ulit sa lababo.

pipihiting marahan ang gripo, ayaw ng may tumatalsik. natutuyo naman din, kaya lang, siyempre, may pag-iwas pa rin sa kakaunting irita, kahit ngayon man lang. hahagip lang din ng kakaunting sabon, sabay ipapahid sa dumi, hanggang sa lumipat na ang amoy nito sa espongha, manghang-mangha ka.

padadaluyin nang marahan ang banlaw, uubusin lahat ng lagkit at lasa. hahayaan lang na magbagong-anyo't kumintab nang mag-isa, at dapat ay hindi minamadali. ang madulas ay pagkabasag ng sarili habang pinanonood pa ng mga nagpapatuyo na lamang. sa susunod ka na lang bibili ng panibagong espongha.