September 28, 2012

Negation



Sa simula ng lektura ni Sir Zubiri, binanggit niya ang apat na katangian  ng negation o pagtanggi. Nariyan daw ang essential kung saan kailangan nga naman ng tao ang pagtanggi, ang universal kung saan lahat ng wika ay may paraan kung papaanong tatanggi, marked, na nagsasabing alam sa isang wika kung ang isang pagtanggi ay naganap dahil sa nakitang salitang ginamit para rito o narinig na terminong makapagpapalinaw sa pagtanggi, at diverse dahil daw sa maraming pagkakaiba ang pagiging marked ng isang negation. Sa pagkakapaliwanag niya tungkol sa pagiging essential ng pagtanggi ay dahil sa kailangan nga namang tumanggi. Alam na natin ito. Ang akala ko naman, ipapaliwanag niya kahit sandali lang kung bakit nga kailangang magnegate. Obvious nga naman para sa amin ang ilang mga dahilan kung bakit kailangang tumanggi ng isang tao pero ang tanging explanation niya lang sa pagiging essential ng negation ay dahil sa kailangan daw ito. Natanggihan ako.

Tapos e dumako na siya sa bahagi kung saan naiiba ang struktura ng pagtanggi sa wikang Bashiic kung saan post-verbal ang negation. Interesanteng tingnan ang nakita niyang walang ibang dahilan kundi sariling sikap lamang ang ganitong pagbuo ng struktura sa wikang Bashiic sapagkat sa pinagmulan nitong wika ay pre-verbal ang pagnegate pati na rin sa mga kapamilya nitong wika. Pinalakas din ito ng pahayag na ang mga kalapit lalawigan ng pinaggagamitan ng wikang Bashiic ay pre-verbal din magnegate. Gusto ko lang din sana ng iba pang dahilan maliban doon sa tatlo. Oo, malaking tsansa na ang magmukhang sariling sikap nga lang ng mga speaker ng wikang Bashiic ang ganitong structure ng negation pero hindi ba maaaring magkaroon ng iba pang dahilan? O yung tatlong dahilan na lang ba talagang iyon ang pinakanangyayari sa lahat ng mga wika sa mundo kaya hindi na sila nadagdagan? Kung ganun din lang, edi sige, tama na si Sir Zubiri. Wala rin naman ako sa posisyong magmungkahi pa ng ibang teorya hinggil sa kung paanong naaacquire ng isang wika ang ganoong structure dahil sa kakaunti lang talaga ang nabasa ko tungkol sa linguistics at undergrad lang ako.

Papayag na lang ako sa, oo nga, mayroon pa ring kanya-kanyang structure ang bawat wika. Kung magkakaroon lang din naman ng pattern sa mga bagay-bagay, may pagkakamukha nga naman talaga o pagkakahawig sa pagkakabuo katulad na lamang ng nangyari sa mga wikang Bashiic. Hindi naman ibig sabihin na may ganitong pattern ang mga karatig lalawigan ng lugar kung saan ginagamit ang isang wika e kailangang magkakahawig na agad ang kani-kanilang mga wika. Maaaring oo, sa mga termino, magkakaroon sila ng pagkakapare-pareho ngunit hindi pa rin maisasantabi ang struktura. Mahirap na ring mag-generalize sa mga wika kung hindi inoobserbahang mabuti ang mga maliliit na bahagi ng isang wika tulad ng negation.


No comments: