Sa simula pa lamang,
hindi na maitatanggi magkapareho ang paglalarawan o pagtingin nina Propp at
Campbell sa isang bayani: aalis ang bayani mula sa kanyang tahanan. Ganito
madalas naipakikilala ang bayani. Parang kinakailangan niya talagang umalis
para may magawa siya para sa kanilang lugar. Parang may bumubulong sa kanyang
gawin ang isang bagay, o humanap ng isang bagay na gagawin para sa ikadadakila
ng kanyang pangalan at ikagiginhawa naman ng kanyang lugar. Pareho ring
mapapansin, mula sa konsepto nina Propp at Campbell ng simula ng paglalakbay ng
isang bayani, na mayroong kalaban agad ang bayani. Pero isang kaibahan, para
kay Campbell, na maaaring unang makalaban ng bayani ang kanyang sarili. Sa
pahayag na ito ni Campbell, sinasabi niyang kinakalaban niya ang kanyang sarili
kung nanaisin niya bang umalis para magawa niya ang kanyang dapat gawin o
hihimlay na muna. Para naman kay Propp, pagsuway ito ng bayani kung
ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-alis. Isa ring malaking kaibahan ang hindi
pagtukoy ni Propp sa kapanganakan ng isang bayani na makikita sa pagsusuri ni
Campbell at sa iba pang mga teyorista. Tinitingnan ni Campbell ang
pagkapanganak dahil sa, hindi lang sa kakaiba o kagilagilalas ito ngunit
maipasok na rin ang konsepto ng ina. Nakapokus masyado ang pagsusuri ni Propp
sa bayani at sa kanyang kalaban samantalang si Campbell ay pinagtutuunan ang
bayani, ang kanyang sariling pag-iisip, pati na rin ang kanyang mga magulang. Kung
ayon kay Propp ay may kailangang suwayin ang bayani, may kailangan namang
tumawag para sa paglalakbay ng bayani ni Campbell. Ang pagtawag na ito, tulad
ng nabanggit kanina, ay maaaring hindi sundin ng bayani. Tungkol naman sa mga
mahihiwagang bagay na gagamitin ng bayani sa paglalakbay, ang bayani ni Propp
ay makatatanggap lamang nito sa kalagitnaan, kung saan nakalaban na o nakilala
na niya nang makailang beses ang kanyang kalaban, samantalang ang bayani ni
Campbell ay makatatanggap na ng tinatawag niyang supernatural aid sa malapit sa
simula pa lamang ng kanyang paglalakbay. Saka naman papasok ang konsepto ng
“iba” ng mga bayani. Para kay Propp, ang “iba” na ito ay maaaring pumatungo sa
ibang tao, na maaari ring potensyal na kalaban ng bayani. Ang kalabang ito ay
nambibiktima, nanloloko, pilit na hinahanap ang siya ring hinahanap ng bayani. Sa
bayani naman ni Campbell, ang “iba” naman ay ang ibang lugar kung saan
susubukang pasukin ng bayani. Ang ibang lugar na ito ang siya mismong susubok
muli sa sariling pag-iisip ng bayani, at siya ring magbubukas sa dalawang
magkasabay na pinto ng loob at labas. Ayon kay Campbell, binibigyan nito ng
kapangyarihang makapaglabas-masok ang bayani mula sa kanyang “alam” na mundo at
“iba” na mundo. Pumapaimbabaw talaga ang pagkuha ng pagkabisa ng bayani sa
kanyang sarili at ang pagkilala niya sa iba pang mundo liban sa kinagisnan
niya. Sa pagtingin sa konsepto ng baya nina Propp at Cambell, pareho naman
nilang pinansin ang mga pagsubok na kinakaharap ng bayani. Ngunit ang pagsubok
para kay Propp ay ang kalaban ng bayani, ang kalaban na tao rin tulad ng
bayani, na siyang nagpapabagal, o siyang kailangang talunin ng bayani para
makilala sa kanyang lugar, ang pagkilala at paggapi sa kanyang kalaban. Ang mga
pagsubok naman na ito, para sa bayani ni Campbell, ay ang pagkilala at
palaisipang pagtuklas sa kanyang sarili, sa kanyang pamilya, ang pagtanggap nga
ba sa kanyang mundo o sa ibang mundo, at ang kamatayan. Ang kamatayang
tinutukoy rito ay hindi lamang pisikal ngunit maaari ring basahin bilang
pagkawala sa sarili o muling pagbalik marahil sa isang malalim na pagtulog ng
bayani kung saan sa kanyang muling pagbabalik ay may nararapat na naman siyang
gawing pumili kung itutuloy niya ang kanyang paglalakbay o hindi. Pareho ring
pinagtuunan nina Propp at Campbell ang pagkilala at pagdakila sa mga bayani
dahil sa kanilang mga nagawa. Pareho rin nilang nakita ang kahalagahan ng
pagbabalik ng bayani. Diniinan pa ito ni Campbell, dagdag sa nabanggit kanina,
bilang pagdaig sa dalawang daigdig na kaya na ng bayaning balik-balikan. Hindi
tulad ng kay Propp kung saan liban sa ibang tauhan tulad ng kanyang mortal na
kaaway at isang miyembro ng pamilyang mawawalan ng isang bagay na kailangan
niyang hanapin, kinikilala nga ni Campbell ang diyosang makasasalubong ng
bayani na maaaring pakasalan niya na magpapaunawa sa kanyang siya at ang
kanyang ama ay iisa (kung saan pumapasok na rin ang pakilala at pagpansin sa
kanyang ama). And diyosang ito ay maaaring kanyang kapatid na babae, ina o
unibersal na inang nag-aalay at naghahatid ng sinapupunan at libingan (womb to
tomb). Sa pagkilalang ito ng bayani bilang kanyang ama, ayon pa rin kay
Campbell, ay masisira dahil sa makikilalang muli ng bayani ang kanyang sarili
bilang naloko at naakit lamang ng kanyang ina. Mula rito, muling isisilang ang
bayani at makikipag-isa ulit sa kanyang ama. Ayon kina Propp at Campbell, mayroong
bahagi sa paglalakbay ng bayani kung saan siya’y mamarkahan at babansagan
bilang isang “bayani” na makapangyarhian o isa nang superhuman. Ang paglagpas
na ng bayani, para kay Campbell, sa kanyang mga pagsubok ang magpapaabot sa
kanya ng kakayahang maging panginoon ng dalawang mundong kanyang nagalawan. Ang
pag-unawang ito ng bayani ay maipapasa sa mga nakatira sa kanyang komunidad na
nag-eeduka sa kanila na ang isang buhay ay umuusad at tumitigil. Dito tinatapos
ni Campbell ang paglalakbay ng isang bayani, sa kanyang pakikiisang muli sa
kanyang komunidad para sa tunay na pagkilala sa dalawang mundo. Para naman kay
Propp, mukhang kailangan talagang matalo ng bayani ang kanyang kalabang maaari
niya pang habulin kung makatatakas. Tila kailangan pang matupad ito para lamang
makabalik muli sa kanyang komunidad o makapagpakasal pa na mag-aangat pa lalo
sa kanyang bansag at kapangyarihan. Mapakikinabangan ang ganitong mga uri ng
pagsusuri at pagtingin sa konsepto ng mga bayani para lubos na makita ang
kanilang tunay na layuning maipakilala sa kinukuwentuhang komunidad. Ang
ganitong mga pagbasa sa isang bayani ay makatutulong lubos na pag-unawa ng
akademya sa pakay ng pagbuo ng mga epiko. Ang pagtingin sa isang bayani, bilang
isang sentral na tauhan ng isang epiko ay malaki nang hakbang para lubos na
maintindihan at pag-aralan ang mga komunidad na namuhay sa panitikang oral,
lalung-lalo na ng mga epiko. Maaaring makita sa mga paglalarawan ng isang
bayani ang mga nais maabot ng isang komunidad, ang mga gusto nilang maipakita
sa kanilang kabataan, ang mga nais nilang maipakilalang ugali. Puwede ring
mahapyawan mula sa mga bayaning ito ang mga dapat na iniaasal ng mga tao sa
kanilang komunidad para sa ikapapanatili ng kanilang kultura at paniniwala. Katulad
na lamang ng bayaning si Sandayo, maaaring sabihin nito sa mga nakatira sa
komunidad na kinabibilangan na kailangan nilang magbigay ng malalaking tulong
na nagpapakita ng kanilang pagpapahalaga sa kanilang mga paniniwala sa buhay at
pag-iiwan ng mabubuting mensahe sa mga nakatira roon, na kailangan nilang iangat
ang kanilang mga sarili, hindi lang para maging tanyag sa buong komunidad,
kundi para magpakita ng isang halimbawa na kailangang gayahin ng kanilang mga
kalugar.
No comments:
Post a Comment