Ang panitikan ay
sinasabing nakabase sa karanasan ng isang tao na ipinahahayag sa isang masining
na paraan. Ang panitikang oral, para sa akin naman, ay ang paghahayag ng
karanasan ng isang tao, kathang-isip man o hindi, tadtad man ng kasiningan o
simple lang ngunit nagsisimula sa isang pasalita o pabigkas na pagsasalaysay.
Ang
oral na panitikan, lalung-lalo na sa Pilipinas, ay taal na, simula’t sapul pa
lamang, kahit wala pa ang mga mananakop o dayo sa ating bansa. Nilalaman ng
pantikang ito ang mga tradisyon, kultura, ugali kasama na ang mga kuwento,
tula, at iba pa na kung pagsasama-samahin e mapatutungo sa kabuuan ng isang
pinahahalagahang karanasan ng grupo ng mga taong magkakabuklod sa buhay.
Tulad
ng sinabi ko kanina, ang panitikang oral ay hindi nagsimula sa sulat, ito
nagsimula sa pagbigkas. Nauna naman kasing magsalita ang mga tao kaysa sa
magsulat. Ang ganitong mga uri ng panitikan ay ipinapasa lamang sa mga kasunod
na henerasyon para mapanatili ang mga taal sa pinanggagalingang mga kultura at
karanasan.
Ang panitikang oral ay madalas nakikita bilang komyunal o sa ibang
salita e pinagmamay-arian ng lahat ng nakatira sa lipunan o kultural na grupong
kinabibilangan. Walang iisang tao ang nais na umako ng responsibilidad o kislap
ng pagkamay-ari. Kung mangyayari lang din lang iyon, mabubura na ang silbi ng
ganitong panitikan kung iisang indibidwal lamang ang kayang makaranas ng
kanyang mga ibinabahagi. Wala na rin itong gamit para sa pagpapakalat ng ugali,
tradisyon at ng mga kaugnay na bagay kung hindi rin naman pala para sa kanila
ang mga ito.
Ang panitikang oral ay naililipat sa pamamagitan ng mga kumbensyon
o yung mga panahon nagtitipon ang lahat ng mga tao sa iisang oras para
makapag-usap – makausap ng mga matatanda ang mga bata, para sa ikapapanatili ng
kanilang kultura. Isa pang bagay tungkol sa panitikan ay lahat ng panitikan
noon ay nasa oral na pagpapahayag lamang. Kung komyunal din man lang ang panitikang
oral, hindi na maikakailang walang naa-out of place sa komunidad na pinaiiral
ito. Ibig sabihin, lahat ng mga tao, nagkakasundo, pantay-pantay sa mga
karanasan at walang hindi nadadamay at hindi nakaaalam ng mga bagay-bagay sa
kanilang lugar.
Tulad din naman ng panitikang oral, ang panitikang popular ay
nakabase sa karanasan ng tao. Ang popular na panitikan din naman ay masining na
ipinahahayag at para rin naman sa maraming tao. Ngunit, maaari itong lumabas ng
pinanggalingang lugar at makakaugnay pa rin ang mga taong makababasa nito.
Ang
panitikang popular ay nakasulat na at hindi madalas ginagawa para mailahad at
mapanatili ang isang tradisyon kundi binubuo para lamang sa masa, para sa mga
mas malalaki at ibang pang mambabasa o kapulungan ng nangakikinig.
Ang popular
na panitikan, di tulad ng oral na panitikan ay hindi ganoong nagkakapantay sa
masining na kagandahan at hindi ipinapatungkol para magtagal. Madalas itong
makitang umaakibat sa nangakikinig at mambabasang umaayon sa kontemporaryong
panahon. May iba ring tumitingin sa panitikang popular bilang mga produktong
pangkomersyal, mas pumapasok sa media at mabentang sa masa.
May ibang tao rin
ang sumasang-ayon sa pagkabit ng popular na panitikan sa kung ano ang
mainstream, samanatalang ang panitikang oral ay kailangang makilala hindi para
bumenta kundi para maipakilala sa maraming Pilipino kung gaano na tayo kayaman
noon sa panitikan, kahit na wala pa ang mga mananakop.
No comments:
Post a Comment