Ayon nga naman kay Dr.
Hornedo sa kanyang sanaysay na “The Persona in Philippine Folk Literature,” ang
persona ng Philippine folk literature ay ang boses ng kapangyarihan na
sinusubukang ilegitimize ang kanyang sarili. Kung sisimulan ko itong hanapin
mula sa ating mga kuwentong bayan, makikita ko na ito agad-agad mula sa mga
trickster tales pa lamang. Ngunit bago ko na sila lubos na suriin, nais ko
munang pagtuunan ng pansin ang pariralang “boses ng kapangyarihan.” Kung
mapapansin mula sanaysay na nabanggit sa itaas, maaari itong basahin sa
dalawang kaparaanan: (1) boses ng kapangyarihan, ng taong may kapangyarihan, ng
namumuno sa isang lugar at (2) boses na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga
tinatanggalan ng kapangyarihan, na dumadaig o sumisira sa “totoong”
kapangyarihang ipinamamalas sa mga nasa ibaba. Kung titingnang mabuti ang trickster
tales na mga kuwentong bayan, ang pangunahing tauhan ay mayroong
“kapangyarihan” laban sa mga “may kapangyarihan.” Napatutunayan nito, halimbawa
ni Pilandok kung saan madalas niyang nauutakan ang haring namumuno. Ang boses
ng kapangyarihang ito ni Pilandok, na pumupersona sa taumbayang nasa ibaba, ang
nais na iangat at mapansin ng hari na “makapangyarihan.” Nagkakaroon ng
pagtutunggali sa pagitan ng dalawang kapangyarihan ngunit nananaig pa rin ang
madalas na balewalaing kapangyarihan. Umaangat ang kapangyarihan ng boses ni
Pilandok, ng mga nasa ibaba para magapi ang kapangya-kapangyarihan ng mga nasa
itaas. Para naman sa mga mito, kung saan pinangalan nila ni Dr. Hornedo bilang
mga acts ng diyos at diyosa, para sa aki’y boses ng personang may kinikilalang
kapangyarihan. Ang persona sa ganitong mga uri ng panitikang oral, sa mga mito,
ay hindi kailangang sumira sa isang makapangyarihan (di tulad ng sa mga
kuwentong bayan) ngunit tumitingala sa isang entity na mas makapangyarihan sa
kanya at kailangan niya itong igalang at pahalagahan. Kailangan ng personang
pahalagahan ang ganitong boses ng kapangyarihan, dahil sa nabanggit nga ni Dr.
Hornedo sa kanyang sanaysay, dahil sa ang malalaking entity na ito ang nagpapaliwanag
sa kanilang existence sa mundo at ng lahat ng nangyayari sa kanilang kaligiran.
Ang ganitong paggalang sa matataas at invisible na entities ay nasisira kung
aakuhin nila ang boses ng kapangyarihan. Ang boses ng kapangyarihan ay
nanggagaling nang taal sa mga diyos at diyosa na kanilang sinasamaba, sinusunod
at pinaniniwalaan. Halimbawa na lamang ng mga mito ng paglikha (creation myths)
kung saan inilalahad sa komunidad na kinagagalingan ang sinimulan ng kanilang
mga diyos o diyosa para humantong sila sa kanilang tinitirhang pook. Iginagalang
nila ito at pinaniniwalaan, bilang pagdakila sa boses ng kapangyarihan, sa
kapangyarihan ng invisible world. Ang boses ng kapangyarihan naman sa mga
alamat ay ang pagpapatuloy sa kung ano ang meron. Ibig sabihin, ayon na rin kay
Dr. Hornedo, patuloy na binibigyang kapangyarihan ng persona ang may
kapangyarihan at patuloy na pinahihina ang mga mahihina na talaga. Katulad ng
sa usapin ng kapangyarihan ng mga mito sa Pilipinas, itinataas ng persona ang
nasa itaas na. Ngunit ang mga nasa ibaba, di tulad ng sa mga kuwentong bayan, hindi
na nakikita pa ng persona pang lalaban ang walang kapangyarihan. Nariyan ang
mga santo’t santa na nakikita ng persona bilang mga makapagyarihan, binibigyan
niyang boses para maunawaan at pahalagahan ng kanyang komunidad. Tulad na
persona sa mito, hindi niya na minimithi pang ipantay ang kanyang sarili sa
“ibang” boses ng kapangyarihan. Ang boses ng kapangyarihan ng persona sa mga
alamat ang siyang nagpapanatili sa kanyang sarili, nagmimintina sa kanyang
posisyon upang huwag malaglag o magbago pa ang kanyang layunin sa mundong kanya
mismong ginagalawan kasamay ng mga “di kapantay” na entity. Ang sabay na
pag-eexist o pamamalagi ng persona at ng kanyang “iba” na nakikita ay patuloy
lamang at hindi dapat maputol. Naipapaliwanag pa ito ng boses ng kapangyarihan
ng persona para sa ikalilinaw ng mga dapat balakin ng kanyang mga kapwa.
No comments:
Post a Comment