Kahit na mahalaga ang
pagkakaroon ng iisang pagtingin ng bawat bansa sa iisa nga namang mundo, hindi
pa rin maikakailang kailangang pahalagahan ang mga sariling atin, mga sariling
atin na maaaring tingnan bilang mga simulain ng ating unang pagtingin sa
mundong ating nasilayan. Singhalaga ng kasaysayan, maaari nating gamitin ang
pag-aaral sa mga sariling atin na ito, tulad na lamang ng mga epiko, para makilalang
lubos ang ating mga ugat, ang ating mga pinagmulan at para makita natin kung
paano nga ba tayong humantong sa ganito, kung ano nga ba talaga ang meron tayo,
at kung may maipoproject ba tayong mukha na kaiba sa ipinoproject ng ibang
bansa sa atin. Kailangan ba talaga nating makilala? Bakit kailangan nating
maiba? Maigi bang alam natin kung anong meron sa kontemporaryong panahon nang
hindi nalalaman kung ano ang meron noon? Hindi na ba dapat pahalagahan kung ano
ang taal sa atin? Kung magsusuri ako ng dalawang etnoepiko ng Pilipinas, maaari
ko bang sabihing nakapaloob sa mga ito ang ilang mga bagay na sa atin lang
talaga nagmula at hindi na talaga makikita pa sa ibang anyo ng panitikang oral
sa ibang bansa? Kung gayon, nais ko sanang simulan ang epiko tungkol kay
Sandayo. Sa simula ng kuwento ni Sandayo, sa kanyang pagkapanganak pa lamang ay
makikita na ang pagiging kakaiba nito. Sinasabi lamang marahil nito na mahalaga
sa mga Pilipino ang panibagong buhay. Mahalaga at iniingatan sa ating bansa ang
mga bata at buntis hindi lang dahil sa kanila nakatakda ang hinaharap ng bayan
kundi ang panibagong buhay ang nagsisilbing panibagong mga bagay na magaganap
sa patuloy na kurso ng mundo. Makikita sa maraming mga epiko, na ang mga bayani
ang nagsisimula ng mga bagay-bagay, o nagpapatakbo ng mga pagbabago sa bawat
lugar na kanyang komunidad. Maaari kong sabihing isa siyang instrumento ng pag-usad
ng mga komunidad at mga pangyayari. Ang ganitong pagpapahalaga sa mga
panibagong buhay ay pagpapahalaga sa inaantabayanang pagdaragdag sa pag-unlad
ng mundong kanyang sisilangan. Si Sandayo ay binigyan ng kanyang ina ng
mahihiwagang bagay. Dalawa ang maaari kong tukuyin mula sa bahaging ito ng
epiko: (1) ang lubos na pagkalinga ng ina sa kanyang anak at (2) hindi nag-iisa
ang bayani. Ang mga pamilya nga naman Pilipinas ay sinasabing extendedly tied. Kumbaga,
matindi ang pagkakakapit ng mga anak sa kanyang mga magulang. Mahirap
makipaghiwalay, di tulad sa ibang bansa, maaari nang magsarili ang mga anak
kapag naabot na silang isang certain na edad. Dito sa Pilipinas, hindi. May mga
anak na may pamilya na’t lahat ngunit nakatira pa rin sa bahay ng kanilang
magulang. Ang mga matatanda sa ibang bansa, kadalasang ipinadadala na sa mga
home for the aged samantalang ditto sa atin, naaabutan pa ng mga lolo’t lola
ang kani-kanilang mga apo. Ang ganitong matinding pagpapahalaga at pagkilala sa
mga miyembro ng pamilya ay nalalayo sa paningin at kontekstong Pilipino. Para
naman sa hindi nag-iisa ang bayani, hindi na alien sa ating mga Pilipino ang
pagkakaroon ng paniniwala. Ayon sa isang kong prof na hindi ko na babanggitin
ang pangalan, ang pagkakaroon ng paniniwala ng isang tao ang siyang
magpapatakbo sa pag-unlad at pagkilos niya sa kanyang mundo. Mahihirapan ang
isang indibidwal na mamuha kung wala siyang pinaniniwalaan sa buhay na siyang
magpapagaan sa kanyang loob at tutulong
sa kanayang tumindig sa araw-araw niyang paggising sa umaga. Wala pang mga
mananakop, meron nang diyos at diyosang mga sinasamba ang mga sinaunang
Pilipino. Pagdating nga mga Espanyol, dahil sa likas na paniniwala na merong
mas makapangyarihan sa atin, niyakap ng karamihan ang Kristiyanismo. Mahirap
tanggapin para sa isang Pilipino na walang gumagabay sa kanya na hindi niya
nakikita. Madalas, kung kanyang iisipin, aatakihin siya ng konsensya sa bawat
galaw niya sa mundo, na para bang may nanonood sa kanya. May mga sinaluhan ding
feast at kasal si Sandayo, patunay lamang ng pagpapahalaga ng mga Pilipino sa
mga okasyon. Lahat na lang ng okasyon, may pakain. Parating kailangan may
okasyon sa mga nangyayari sa buhay natin. Kasal man, piyesta ng Sto. NiƱo o
nakapasa sa board exam, dapat na magcelebrate ang mga Pilipino. Ang ganitong
kasiyahan ay kalat naman na, lalung-lalo na pag Pasko. Ang pagpapahalaga sa mga
kasiyahan at pagkakaroon ng pagdiriwang ay hindi lamang sa pagkain kundi
pagkakaroon ng mga sayawan at kantahan – pagkahilig sa musika, sa panitikang
oral, na uso pa rin sa mga Pilipino. Nagkaroon din ng pagkakataong namatay si
Sandayo ngunit muling binuhay ni Bolak Sonday dahil sa binawi niya ang espiritu
nito. Wala pa man ang 3 day resurrection ni Hesus ay naniniwala na ang mga
sinaunang Pilipino sa muling pagkabuhay, sa konsepto ng espiritu at kaluluwa,
sa life after death. Hindi ba’t naituro na sa atin ang isinasalaysay na
konsepto sa banga kung saan merong nagsusundo sa kaluluwa at maghahatid sa
kanya sa kabialng buhay lunad ng isang bangka? Sa ngayon, maraming nangyayari
kapag may namamatay na kamag-anak sa Pilipinas. Nagmumukha mang pagdiriwang
dahil sa dami ng mga nagsusugal at kumakanta ng videoke tuwing may lamay,
mahabang pangyayari ito na maraming pumupunta at nagpapahalaga. Sa Hudhud
naman, napahahalagahan ang dangal at kagitingan ng mga bayani. Ang kagitingang
ipagtanggol ang kanilang lugar para maitaguyod ang pansariling dangal na walang
hanggang itataguyod ang pahahalagahan ng kanilang mga kasama. Kaya nga mahalaga
sa ating mga Pilipino ang Inang Bayang Pilipinas, kaya nga’t makailang ulit na
binabawi natin ang ating bansa, kaya nga’t may kailangan tayong patunayan sa
ibang bansa, dapat nating unawaing likas na sa mga Pilipino ang makilala ng
ibang bansa. Hindi ba’t noong isang taon lang, sumikat ang meme sa internet
pati na rin sa iba pang anyo ng media ang slogan na “It’s more fun in the
Philippines?” Ang pagiging hospitable natin sa ibang mga tao ay gusto nating
ginagawa para magkaroon sila ng maiging pagtingin sa kung ano ang meron tayo,
ano ang kaya nating gawin, kung sino mismo tayo. Ang ganitong patagong
pagpapakilala sa ibang tao ay dapat na hindi kinakalimutan kaya’t hindi dapat
binabalewala ang pag-aaral sa mga epiko ng Pilipinas. Ang mga epikong nabanggit
ay inaawit ng isang chanter na kadalasan ay isang babae. Maaari ko bang idikit
ito sa pagiging mahiligin nating mga Pilipino sa musika? Makabuluhan pa rin ang
mga epiko sapagkat hindi lamang nila ipinakikilala ang ating mga sarili sa
ibang bansa bagkus ipinakikila rin ng mga ito sa atin kung sino nga ba talaga
tayo. Kapag sinabi kong ganito, hindi ko sinasabing kunwari lang o kathang-isip
lamang ang binuo nating mga sarili natin. Sinasabi ko ang mga ito bilang mga ugali
at tradisyong taal sa atin at halos lahat ng mga Pilipino nama’y makarerelate. Kung
hindi nadiskubre ang mga ganitong bagay, ano na lamang ang gagamitin nating mga
batayan sa mga nauna nating pagtingin sa mundo? Makikilala na lamang ba natin
ang ating mga sarili dahil sa mga lenteng isinusuot sa atin ng ibang bansa? Ang
kultura nga ay salamin ng ating kultura pero tayo nga ba ang may control sa
salamin? At tanong pa ng isa kong prof, "Tayo nga ba ang may hawak sa salamin?"
No comments:
Post a Comment