January 5, 2026

this should be the last

bakas ng iba't ibang kamatayan ang iniwan sa 'yo. napasinghap ka't kinalikot nang mabuti ang mga singit-singit ng pag-aalala para masubukang maisalaysay nang wari lamang ang lumalabo nang mga puntod.

tabi-tabi at kabi-kabila ang mga senyales ng bagamat ubod ng kipot ay mayroon pa rin namang mga madaraanan. hindi nga naman natatapos sa iilang mga palatandaan ang maaaring tahakin. hindi bawal umakyat at manapak, sumabit, magpakaldag sa yero at bagong-pintura na semento. kakakaripas lang ng mga nag-eensayo pang dumiskarte ng isperma para makabuo ng malamundong pampalipas-oras, pero hindi ka nag-iisa.

tinitigan mo nang maigi ang sanga-sangang lilim, na para bang may manggugulat sa 'yo na boses at pambihirang lisik. minabuti mong buuin ang iyong loob dahil ayaw na ayaw mong nagugulantang. ang mapayapang pagpirmi, maski pa na kunwari lang, ay mas mabuti na kaysa sa aligagang pag-aagap. inuunahan mo na dapat ang mga dapat na maunahan. lahat ay puwede at palaging sumablay. parati kang nakainom at walang kasiguraduhan kung araw-araw ay maihahatid. iniangat mo na ang iyong kamay.