January 6, 2026

everyone's invited

dito ka lang naman din uuwi sa lahat ng mga kailan. lahat ng pag-uulit ay magtatapos pa rin, at kahit papaano ay nakikilala mo na nang maigi ang kahihinatnan kung saan ay sinanay mo na rin naman ang iyong sarili. walang kahit na anong puwersa ang makakapigil dito maski sino pang diyos. ang pagpaparaya ang natatanging paraan maging gaano pa man kaganap ang timpla mo sa 'yong mga paboritong bulalas.

kilala mo na ang paglilipat ng mga tapal muna bago ilagak ang huling tahan, sa huling tahanan. magiging tahimik lahat habang hinihintay ang pagsalubong sa buhos ng ulan. walang magagawa ang payong ni kapote o sumbrero sa raragasang agos. bawat pinto ng bawat bahay ay walang takas kasabay ng mga masisingitang bintana at pasilyo.

naghahanda ka lang sa wala, at malay na malay ka rito. ewan mo ba pero para bang tanggap mo na lang pala na wala namang kuwenta ang kahit na anong sakali. maski pa ang mga nauna nang marami, kamukha lang din ng mga bugbog-saradong lamat ang papalarin, at para bang mahihiya ka pa ba kung nagsisuko na ang lahat?