March 25, 2012

Ay, Fuck

Nakipagpustahan akong hindi niya mumultuhin ang lahat ng makababasa nito.

Ah, ang paghihiganti, masakit man sa puso, marami mang nagsasabing mali, e kay sarap-sarap gawin. Ang hirap-hirap kontrolin ng sarili kapag gusto mo na talagang sumabog. Wala nang pami-pamilya, wala nang moral na pagtingin sa kapwa, galit-galit na lahat, nagkakalimutan na ang lahat basta lang mapatay natin sa isipan kung sinuman yung tarantadong hinubaran tayo sa harapan ng madla. Ang sarap-sarap patayin sa isipin natin yung taong mang-aagaw – mang-aagaw ng lakas, mang-aagaw ng kapangyarihan, mang-aagaw ng trip, mang-aagaw ng sarili, mang-aagaw ng moment. Nakasisira ng moment. Ang pagkakait sa iyo ng moment na masaya, sa harapan ng marami, mula sa taong hindi mo pa ineexpect, tapos tatawanan ka pa nila. Gusto mo nang mamatay, pumatay, pero tatawa ka o iiyak, tatanggapin mo na lang na inagawan ka na ng ticket. Tatanggapin mo na lang na may manggagago talaga sa buhay mo, sa hindi mo pinaka-inaasahang paraan. Nariyan lang sila parati, malapit sa atin, yung mga gago, kasi mayroon din naman sa amin, sa bahay, sa bahay ng nanay ko.


Simula noong naikasal na lahat kaming magkakapatid, isa-isa na naming iniwan ang aming nanay sa aming lumang, kinalakhang bahay. Tipikal na kuwentong Pinoy na maagang namatayan ng ama dahil sa malubhang sakit kuno at matiyagang pinalaki ng nag-iisang magulang. Tatlong babae lang naman kami, at si Nanay ay may puwesto sa palengke. Basta’t may kita, nakakaraos, at nakaraos naman. Para icelebrate naman kuno ang tagumpay na naabot ni Nanay bilang ina, napag-usapan na naming magkakapatid na taun-taon kaming magrereunion sa bahay namin dati, kasama ang aming kanya-kanyang pamilya.


Taun-taon, tuwing Pasko, maglalaan kami ng isang araw upang magsama-samang muli at mag-establish na rin ng connection sa pagitan ng magpipinsan, magtitita at maglola. Masaya na rin naman, yung mga reunion namin, maraming pagkain, maraming babies, maraming dapat icongratulate.
May anak nga pala ako, si Meg. Magf-1st year high school sa pasukan. Excited na excited parati pumunta sa bahay ng lola niya kasi masarap nga namang magluto si Nanay. Ewan ko ba kung bakit sa aming tatlo e ako lang yung hindi naturuan magluto. Parati raw kasing babad sa mga libro at TV noong bata, noong nagkolehiyo na e lalong hindi na nakakausap sa bahay. Ngayon, e sablay man kami ng aking asawa sa pagpapatikim ng sarap ng lutong bahay, bawing-bawi naman si Meg sa isang araw na pananatili sa bahay ni Nanay. Naihanda na niya ang sarili niya sa masasarap na putahe.

Bagong-bago ang video cam na binili ng aking asawa, aralin ko na raw para magamit sa nalalapit na pagpunta namin sa bahay ni Nanay. Maganda na rin yung pagrerekord ng mga alaala sa ngayon. Kung dati, parang itsinitsismis lang ang mga karanasan, oral na paghahatid ng mensahe at kolektibong pagpapasa ng mga imahen nang pasalita, pakuwento. Kasabay na rin nito ang pagsusulat ng mga tinatamad magsalita o mahina magsalita at mas mabilis pa ang takbo ng utak at lundag ng daliri kaysa sa paggulong padapa ng sariling dila. Hanggang sa naimbento na ang camera para mas madaling pasok ng mga imahen at karanasang alaala na pilit sumasabog sa utak, nakapagpapangiti, nakapagpapaiyak at kung minsa’y nakapagpapahiya ng panloob na karakter at naising magpuslit ng kutsilyo sa kusina para maglaslas nang panandalian. Marami kang maaaring sabihin sa C4 ng iisang larawan lamang, saka ka raratratin ng iba pang mga kasama nito sa kanilang album. Maya-maya tatawa ka, maya-maya, mahihiya ka. Tapos ito nga, itong hawak kong video cam. Gumagalaw na mga imahen. Video. Cam. Video Cam. Puwedeng-puwede kasi hindi mo na kailangang mag-imagine ng kunwaring audio na ginagawa mo lamang sa diary nang may diary, sa talsik ng laway ng matanda at sa litrato nang may litrato.


Handa na ang lahat. Papunta na kami sa bahay ni Nanay, sa bahay namin dati. Nagpapasabog na naman ng uluhati pagkakita ko pa lamang sa gate namin. Sa punong manggang itinanim ni Nanay at namumunga ng matatamis na mga mangga kapag summer na. Ayaw ko nga lang ng malalambot at matatamis. Mas gusto kong mangga e yung manibalang – malutong at bagay na bagay sa bagoong. Mas gusto ko rin yung puting hilaw na hilaw pa na mangga kaysa sa dun sa matamis na matamis na hinog. Ayaw ko ng hindi babagay sa bagoong ko. Hihintayin ko iyong malaglag noong bata pa ako kasi kahit gamitin ko yung panungkit e hindi ko pa rin naman maaabot. Kapag nalaglag ang hilaw, puwede pang kainin kasi hindi ito sasabog, di tulad ng hinog e nagkakalat lamang ng laman kapag nalaglag na sa kahit lupang tinamnan.


Tapos yung libingan ng aso naming si Spot. Pinangalanan namin siyang Spot kasi may black eye siya sa kanyang kanang mata. Hindi namin siya binubugbog no pero pagkapanganak pa lang sa kanya e kitang-kita na agad ang itim na bilog na pumapalibot sa mga inosente niyang mata. Mabait na aso iyang si Spot kaso nga lang e askal. Pero di naman tulad ng ibang may alagang imported na aso, hindi namin itinatali si Spot. Malaya lamang siyang magkakakalat ng mga tae kahit saang parte ng tapat ng aming bahay. Kami na rin ang bahalang humarang sa kanya kapag may gusto siyang sakmaling bisita. E kung nagwawalang aso lang din naman, tinapay o kahit na anong mabangong pagkain lang naman ang solusyon kay Spot. Hindi rin siya nagkaroon ng kulungan. Hindi naman sa katatamaran naming panatilihing malinis ang kulungang araw-araw rin namang babaho, pero kasi mas gusto naming nakikita ang aming aso bilang aming kaibigan, hindi lamang bilang security guard. Parang ang pangit naman kasing tingnan, kapag pinapakain mo, makikipaglaro kang sandali, tapos ikukulong mo. Okay na sa aming nakapaggagala siya kahit sa palibot lamang ng aming bahay.


Saka ko lang namataan si Nanay, nagwawalis. Gawain naman na niya yan. Gustung-gusto niyang malilinis ang aming mga kuwarto, ang buong bahay, ang tapat ng bahay, ang tapat ng tapat ng aming bahay, ang aming kapitbahay, ang aming mga bag, ang aming mga damit, ang aming mga katawan, katawan ni Spot, mga tae ni Spot. Binati ko ng good morning si Nanay, naggood morning din naman siyang pabalik sa akin, nakangiti. Itinabi na ang walis pagkamano ko, saka kami dinala papasok ng bahay. Nagmano na rin si Meg. Habang kami’y papasok ng aming bahay e nauna na ako sa kusina saka si Meg ay naiwan sa kanyang lolang nakikipagkuwentuhan kasama ang iba niya pang mga pinsan.


Kuwentuhan na lamang muna. Nandoon na rin yung mga kapatid ko, naghahandan ng maihahain para sa hapunan, para sa Christmas Eve. Kuwentuhan sa kasal ng mga tao, kuwentuhan sa mga sakit, kuwento sa concert ni Gary V, ni Lady Gaga, kuwento tungkol sa baby ni ganyan, baby ni ganito, kuwento tungkol sa damit, sa sapatos, kuwentuhan sa nangyayari kay Kris Aquino, kay Lea Salonga, kay Bong Revilla, mga kuwento nina Jessica Soho, Korina Sanchez, Marc Logan, kuwento sa mga pelikula, sa mga series, sa bago niyang laptop, sa bago niyang asawa, sa bago kong video camera. Ay oo nga pala! May dala nga pala kaming camera. Tinawag ko na si Meg para magsimula nang irecord ang aming reunion. Kaway sa camera. Ngiti, dapat parating walang problema. Walang hiya-hiya, nagtatago ng hiya, nahihiya. Hindi na dapat pang makita ng ibang tao kung sino kami, kung sino sila, kung sino kayo. Sa unang pagkakataon, may mangyayari na rin ba? Sa unang pagkakataong nagrerecord kami ng aming reunion, masaya, walang problema, dapat.


Tapos gabi na. Hapunan na. Masarap din naman yung pagkaing niluto naming magkakapatid, kaso e mas gustung-gusto ng mga bata yung luto ni Nanay. Hindi naman kami nagseselos o naiinggit e sa nahulog din naman na kami sa luto ni Nanay. Nang matapos nang kumain ang lahat, dumeretso na lahat sa sala, para magkuwentuhan na naman. Kuwento ni Lola naman, fiction naman daw. Fiction na kuwentuhan. Ang daming sinasabi ni Lola, marahil e siya lamang ang naiiwan dito talaga sa bahay at tuwing Pasko nga lang kami umuuwi, baka wala siyang nakakausap. Kahit na sa tuwing Paskong pagpunta namin ay niyayaya namin siyang sumama na sa amin, ayaw niya. Madikit na talaga siya sa bahay na ito, sa bahay namin, sa bahay niya, sa bahay na siya ang nagtaguyod. Marahil ay kung gusto niyang malagutan ng hininga e dito na lang siguro mas maganda. “Meg!” sigaw bigla ni Nanay sa anak ko. Pangiti namang ibinigay sa akin ng aking anak ang camera para siya naman raw ang makikita. “Meg, gusto mo bang makipagpustahan?” Malabo. Hindi naman sa hindi ko papayagan ang aking anak na mabulag sa saya at lungkot na dulot ng mga pustahan pero ang malabo sa akin e bakit ganito na lamang ang wika ni Nanay? Pustahan? Hindi ko maintindihan. Bakit pustahan? Anong meron kay Nanay at nakikipagpustahan na siya? Sa bata pa? Pero naisip-isip ko lang naman iyon, todo record pa rin ako sa kakaibang pangitaing pakiramdam ko lang naman e nakakagulat, pero hindi. “At dahil nagdadalaga ka na, pusta ko e hindi ka pa rin tutubuan ng tagihawat sa baba.” Malabo pa rin. Malabo. Hindi ko na talaga maintindihan. Wala na talagang sense. Kung sa bagay e kung nagkakatuwaan na lang naman, bakit ko pa hahanapan ng sense. Kasama pa yata ako sa sumigaw na GAME! GAMMME O!! Papayag na yan! Pumayag naman ang anak ko. Edi game.


Maya-maya e hinila ni Nanay papaakyat ng hagdanan si Meg. Hindi naman na nagtanong si Meg, nakangiti lang. Ako rin, nakangiti, kami-kami, habang nirerecord ko pa rin ang mga nangyayari. Dahan-dahan na siyang hila-hila ng kanyang Lola. Ipinatong ang kanang kamay at braso sa ulunan ng kanyang apo saka hinawakan ng kanyang kaliwa ang baba ni Meg. Itinulak niyang pabigla sa metal na hagdanan habang pilit na idinidikit ang baba rito. Tulak, higpit, sigaw. Bahala ka! Lahat kami e tawa nang tawa. Si Nanay talaga makapagbiro o! Sige, tawa pa, habang si Meg e nakangiti lang din. Malabo na ulit. Lampas isang minuto na siyang itinutulak. Mukhang ayaw na ni Meg. Pawis na pawis na si Nanay. Humihigpit ang kapit sa mukha ni Meg, saka niya iniuntog na sa bakal. Paulit-ulit niyang iniuntog ang ulo ni Meg sa bakal na kapitan. Dumadagundong na, jingle bells, jingle bells, jingle all the way. Hindi ko naman matanggal ang record. Malabo talaga. Minsan lang ako makakita ng ganito, kahit na sa anak ko, mukhang kailangan kong mairecord, para marahil sa kuwentuhan, ulit. Nang tiningnan kong mabuti e sinisipa lang naman pala ni Nanay yung hagdanan. Wala namang nasaktan, nabukol, hindi naman pala bumabangga si Meg. Nang pakawalan ni Nanay si Meg e tawa naman kami nang tawa habang ang anak ko e iyak nang iyak sa hiya habang umaakyat. Nawala na siya sa sakop ng videocam na hawak ko. Si Nanay naman e hinihingal, nagpupunas ng pawis, kaway at ngiti rin sa camerang hawak ko. “Wirdo mo Nanay talaga! Hahaha!” Tawa habang naghahabol ng hininga naman ang ibinalik na lang sa akin ni Nanay. Maya-maya e tumatakbong pababa si Meg, “BULAGA!” habang pabiglang pumatong sa balikat ng kanyang Lola. Kitang-kita sa camera ang nagulat na mukha ni Nanay. Mabilis na tumingin papaitaas ang kanyang mga mata hanggang sa nag-itim ang mga ito habang nakabukang gulat na gulat ang kanyang bibig. Papahigop na huling boses ang aming narinig mula sa kanya, hanggang sa ang tawa ni Meg e napalitan na ng pagkagulat. Itim na mga mata, bukambibig, mukhang nakaharap sa camera, hindi na humihinga si Nanay.


Kung akala ko e makapagkukuwento lang ako tungkol sa power trip ng nanay ko sa aking anak, nakapagpasok pa ako ng nagulat na bangkay sa aking videocam. Kung bakit itim na lamang ang kanyang mga matang hindi maisara, hindi ko na masabi. Habang kinakausap kita ngayon e paulit-ulit ko pa ring inirereplay ang eksena simula noong tumatakbong pababa si Meg hanggang sa mamatay ang lola niya nang nakanganga. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Ulit. ULIT. ISA PA? IKAW NAMAN DAW.

March 24, 2012

Sama Ti Era

Tayo nga namang mga Pilipino ay mahihilig sa musika. Malimit na kumakanta, may tonong mga boses at naghahanap ng aliw sa bawat tugtog, himig at sarap sa pakiramdam na dulot ng ating mga musika. Isa sa mga bandang Pinoy, tatak OPM nga naman na humugot ng napakaraming fans dahil sa kanilang mga panulat, at mapaiindak at kaaya-ayang tunog sa tenga, ang Eraserheads ang isa sa mga grupong nanghikayat sa maraming Pilipino na hindi masasayang ang pagtangkilik sa sarilin atin. Kung pag-ibig lang din naman ang madalas na makikita sa musika, hindi mawawalan ang Eraserheads ng mga kantang magpapaalala sa sakit, saya, hilo at sarap ng pakiramdam ng umiibig. Ngunit gusto ko sanang pagdiinan sa papel kong ito ang isa pang mukha sa napakaraming paksang maaaring pag-usapan at gawing materyal ng mga banda, ng musika Pinoy, ng Eraserheads partikular, kung saan nagpasikat din lalo ito sa kanila nang hindi nababawasan ang kalidad ng paghatak ng mas marami pa nilang mga tagapakinig dahil sa ganda, talento at “Oo nga, Oo nga no!” na mga maisasagot sa tuwing napakikinggan sila ng mga Pilipino, nang hindi man lamang naghahanap sa pag-ibig.

Kung pagtakas din man lang sa hirap ng mundo, nariyan ang musika para sa atin. Sa mga lirikong ipinababatid sa atin ng Eraserheads, tila alam na alam na ng mga sumulat ang mga sikreto sa mundo, o nakahanap na sila ng mga lunas sa sikreto ng mundo. Kung maghahanap din man lamang ng makapagpapagaan sa mundong puno ng problema at sakit sa ulo, kung mapakikinggan ang ilan sa mga kanta ng Eraserheads, na tumulong din ang nagbigay tatak sa kanila, makikita at maririnig ang mga titik na maaaring tumulong at makapagpagaan sa pakiramdam na habang sinasabayan ang indak ng gitara at drums ng tugtog e mapipilitan nang tanggapin ang katotohanang mahirap at masakit na sasabayan at iindakan na lang din na namumulat at nakukumbinsi ng musika ng nabanggit na OPM band.


Sa unang bahagi ng kantang Alapaap, binabanggit na darating ang araw na magtatapos ang mundo, o maaaring sabihing nagtatapos o bumibigay na sa buhay ang kinakausap ng persona. Darating ang mga araw sa isang tao na tila gusto na niyang magpakamatay o tapusin na ang lahat ng paghihirap at problema sa pamamagitan ng paglimot, pag-iwan na lamang at hindi na pagpansin dito. May mga taong gusto na talagang mamatay dahil sa hirap ng buhay. Minsan, hindi rin naman maitatangging may mga taong naisip na lamang lagutan ng hininga ang kani-kanilang mga sarili dahil sa pakiramdam nila ay hindi na nila kaya at wala na marahil silang nagagawang tama at kaaya-aya sa paningin ng kanilang mga kaibigan at pamilya. Iyon ang sinigurado ng persona sa unang bahagi ng akda, na malamang sa malamang ay aabot din ang mga tao sa ganitong punto sa buhay. Sa pagpasok ng chorus e makikitang wala namang kinikilalang problema ang persona. Gusto niyang ipakita sa kanyang kinakausap na wala lang iyang mga problema na iyan at siya ay nagpapakasarap lamang sa alapaap. Sa ganitong panghihikayat na iparamdam sa kinakausap ng persona na hindi niya dinadala ang sakit at hirap ng buhay, maaaring kinukumbinsi niya ang kanyang kinakausap na sumama sa kanya dahil sa gusto niyang iparamdam din sa iba ang sarap na nararamdaman niya sa ngayon. Ang persona ay yung tipo ng kaibigan na nagdadala ng ligaya sa iyo sa mga panahon ng iyong paghihirap at pagmamaktol sa buhay. Handa ang persona na dalhin ka sa sarap na dulot habang ika’y nasa alapaap upang makalimutan ang problema at huwag nang iwanan ang mundo sa pamamagitan ng pag-iwan sa mundo. Sa sumunod na verse, tinatanggal niya ang hiya ng kanyang kinakausap. Maaari ring sabihin nito na kahit sino, kahit pa man hindi pa ganoon kadikit sa kanyang kinakausap o sa unang pagkakataon pa lamang nakasama ng persona ang kanyang kinakausap e kahit sino na lamang ay maaaring sumama sa kanya. Walang pinipiling edad, kasarian o kung anupaman ang paghihirap na dinadala ng mundo kaya nandiyan lang din naman ang persona para sa kahit na kaninong gustong magpakasaya, wala rin siyang pinipili. Sa ikatlong verse, kitang-kita na marahil ay kilala na ng persona ang mundo. Iminumulat niya ang kanyang kinakausap sa dami ng sumasakal sa mga tao sa mundo e kailangan daw nating buksan ang ating puso’t isipan habang pinalilipad ang kamalayan, na hindi dapat magpakulong sa hirap at pandidikta ng buhay. Maaaring sinasabi ng persona na tayo ang may kontrol sa ating mga buhay kung titingnan nating mabuti at magsasariling kusa tayong hanapin ang ating mga nais na makamit at gawin nang hindi nagpapahawak at nagpapailalim sa mga ipinipilit na pagtulad sa atin ng buhay, na ang ating buhay ay para sa atin, ay atin at hindi ng mundo mismo, hindi sa kanila, hindi sa iba. Sa dulo ng kanta ay paulit-ulit na tinatanong ng persona ang mga taong nakapakinig na sa kanyang mga naisin at ginagawang pagtapak sa kanyang mga problema. Tinitingnan ng persona kung nakumbinsi niya na nga ba talaga ang kanyang kinakausap. Kung paulit-ulit niyang tinatanong ang kanyang kinakausap kung nais ba nitong sumama e dahil sa maaaring nakikita niyang nag-aalinlangan pa ito sa simula ngunit parang gusto niyang sumama sa persona. Nakikita ng persona ang malamang na pagdadalawang-isip ng kanyang kinakausap, sa kung iiwan niya ba ang mundo o mananatili rito. Dahil sa ganito na lamang ang ginagawang pagpilit at hindi pag-iwan sa taong sa tingin ng persona ay namomroblema sa buhay, ayaw niyang ipagdamot o gawing pansarili na lamang ang sayang kanyang nararanasan sa tuwing lumalayo at lumalabas sa mundo.


Sa chorus, kung saan nagsimula ang kantang Maskara, isa na namang paraan ng pag-iwan sa mundo ang matutunghayan. Pinapasuot ng persona ng maskara ang kanyang kinakausap sa tuwing magkakaroon siya ng problema. Gusto niyang ipakita ang ibang pagtingin mundo. Ano nga ba ang nagagawa ng isang maskara? Itinatago nito malamang ang mukha ng kung sinumang susuot nito? Bakit kailangang magtago sa mundo? Kinkumbinsi ng persona na itago ang sarili mula sa mundo upang tigilan na muna siya nito sa paghabol, sa panggigitgit ng hamon ng buhay. Sa pagpasok ng unang verse ng kanta, ikinukuwento ng persona na sa tuwing siya ay nangangamba sa buhay, iniisip niyang siya ay isang superhero, ibang tao, ibang sarili. Kung naghahanap man ng makapagpapagaan sa sarili, iniiwan ng persona ay kanyang tunay na sarili at naghahanap ng ibang identidad na ihaharap sa mundong kinakalaban. Maaaring napili ng persona na maging superhero dahil alam naman ng lahat na ang mga superhero e malalakas at nagtataglay ng mga superpowers na gustung-gustong taglayin ng karamihan. Para bang ang sagot na lamang sa mga problema e ang pagkakaroon na lang ng napakalakas na mga kapangyarihan at hindi ang mga natutunang abilidad at talento sa pagdaan ng mga panahon. Sinabi sa may dulo ng unang verse na hindi nasasaktan ang superhero. Ayaw na nasasaktan ng persona, ayaw niyang naghihirap. Kung gugustuhin man niyang pagtaguan ang mundo, pipiliin niyang huwag masaktan, hindi kakabahan at hindi mag-aalinlangan o magsisisi sa kanyang gagawing pagtalikod. Ang pagkakaroon ng ganito kalakas na puwersa sa pagtalikod sa mga hamon ng buhay ay pilit na hinahanap ng maraming tao kahit na alam nilang wala naman talagang superpowers. Ang pagharap sa mundo nang may ibang mukha at may ibang mga abilidad at kapangyarihan na malayo sa hawak ng reyalidad, ay madalas na pinapangarap ng mga tao. Nais man lamang nilang kalimutan ang kanilang mga pasakit sa buhay ay dadagdagan pa nila ito ng pagbibigay ng malakas na kapangyarihang tutulong umano sa kanila sa paglaban kahit na pagtalikod sa laban ang ninanais din nila. Sa mga pagkakataong pumapangarap na maging ibang tao, gustong iwanan ng persona ang kanyang sarili na maaaring magsabing ayaw niya sa sarili niya at itinatakwil niya ang kanyang sarili pagkatao. Ang pagtingin sa mga superhero, sa mga hindi totoong taong hindi kumikilala ng problema dahil sa suwerteng kanilang natanggap ay hindi naman nagiging reyalistiko sa paghahanap ng sarili ng persona. Maaaring tingnan mali din naman ang ganitong prinsipyo sa buhay ng persona dahil sa kung titingnan ding mabuti ang mga superhero, sila ay naghihirap din at madalas ay mas malalaki ang kanilang mga responsibilidad sa oras na malaman ng madla ang kanilang taglay na kapangyarihan. With great power comes with great responsibility ikanga ni Uncle Ben ng comics na Spiderman. E bakit ninanais ng persona na maging superhero kung gusto nga niyang lumayo sa mga responsibilidad ng mundo? Siya ba ay malay sa hirap ng kanyang ninanais na ibang identidad? O simpleng natingnan niya lamang ang gandang dulot ng pagkakaroon ng superpowers at hindi na niya inisip pa ang mga susunod na pangyayari? Marahil ay mas matinding pagharap pa sa mundo ang kahaharapin ng ginagawang pagtalikod ng persona. O maaari ring sabihing hindi siya sikat sa kanyang panahon kaya naghahanap siya ng bagay na maaaring magbigay pansin sa iba upang tanghalin naman siya kahit papano ng kanyang pamilya at mga kaibigan. May mga tao rin namang naghahanap ng atensyon dahil sa kulang marahil ang kanilang mga nagagawang paghihirap kaya hindi sila madalas napapansin. Kung gusto mang mapansin ng persona, papangarapin niya na lamang na maging superhero para mapansin naman siya. Maaaring pahiwatigang ayaw niyang naghihirap kaya gagamitan niya ng malakas na kapangyarihan ang kanyang mga problema nang hindi nasasaktan at namamatay habang napapansin ng mga nakakakilala sa kanya na may kaya rin siyang gawin at ayaw niyang pahuhuli sa mundo, sa kanila.


Ang Superproxy ng Eraserheads ay tungkol sa isang kaibigang iniaalay ang kanyang sarili para malimutan ng kanyang kaibigan ang mga problema niya at siya na mismo, bilang superproxy ng kaibigan ang papalit sa kanya sa buhay. Sa kantang ito naman ng Eraserheads, iminumungkahi ng persona na ilipat ang kanyang mga problema sa ibang tao para saluhin at paghirapan. May mga tao ring iginugugol ang kani-kanilang mga oras sa mga kailangang gawin sa buhay nila nang hindi nabibigyan ng oras ang pagpapahinga at pagbibigay-kasiyahan sa sarili. Sa simulang bahagi ng kanta, tinatanong ng persona ang mga problema ng kanyang kinakausap at kung masasagot ng Oo ng kanyang kinakausap ang lahat ng kanyang mga tanong e ibibigay niya ang kanyang sarili para pumalit sa nangangailangan ng kanyang tulong. Ang persona ay tipo ng mga kaibigan na handang ibigay ang kanilang mga sarili para sa kanilang mga kaibigan. Kinakalimutan nila ang kanilang mga sarili para sa sarili ng iba. Kung bibigyan man nila ng pagkakataong makapagpahinga ang kanilang mga kaibigan, sila na muna ang papalit sa mga problema nitong kasalukuyang kinakaharap. Pero sa dulo ng pag-iwan at paglimot nang panandalian sa mga problema, hindi pa rin apektado sa hirap at pasakit ang persona. Bakit? Proxy lamang siya. Maaari ngang malayo sa problema ang tinutulungan ng persona ngunit hindi pa rin naman problema iyong ng proxy dahil babalik at babalik din ang may tunay na nagmamay-ari ng problema. Kung may gagawin man ang kanyang proxy, maaaring pa ngang magkamali ito at puwedeng magdalawang-isip pa ang kanyang kaibigang tumawag at naising may pumalit man lamang sa kanya. Ang super sa superproxy ay hindi sa pagiging mapagkakatiwalaang mahusay ng proxy na magagawa niyang garantisadong tama at walang mali ang lahat ng pinagagawa sa kanya ng kanyang kaibigan kundi ang pagiging super niyang proxy e dahil sa pati ang mga bagay tulad ng pagyakap sa asawa at pagbiyahe na lamang papuntang trabaho e kailangan pang may pumalit sa kanya. Kumbaga, ang superproxy na mismo ang magiging kapalit sa lahat ng problema ng kanyang gustong tulungan. Kung bakit ba kasi kailangang pang may magcommute para sa’yo, sa mga pinakasisimpleng bagay e humihingi pa rin ng tulong ang isang tao at sige pa rin ang superproxy. Kung hindi man lang din magagarantisahang magiging maayos ang mga tinalikurang gawain, na ang garantisado lamang e ang pahinga, maaaring hindi na lamang kumuha ng superproxy ang isang taong pinag-aalayan na masyado siyang nahihigop sa nararapat na mahusay at tamang pagkakagawa ng kanyang mga tungkulin. Pero kung magiging maluwag naman sa buhay ang pagbibigyan ng tulong ng superproxy at gusto lang talaga niyang magpahinga, maaaring ipaubaya na lamang niya ang kanyang trabaho para lang din makalimot sa hirap ng mundo at pagbigyan naman ang sarili.


Nakapagpapagaan din naman ang Easy Ka Lang. Sa simula pa lamang ng kanta e pinapakita na ng persona na lahat din ng mga tao ay nahihirapan sa mundo. May mga tao kasing akala nila, sila lamang ang may problema at wala nang iba pang makapapantay pa sa kanilang mga dinadala. Ipinararating ng kanta na hindi nag-iisa ang taong may problema, na lahat naman e dumadaan sa mga paghihirap at pagpapakasakit ng totoong buhay. Kung wala man lang ding mahanap na solusyon ang namromroblema, kailangan niya na lamang isiping kapareha lang naman din siya ng marami pang tao sa mundo at kung minsan pa ay may nakararanas pa ng mas mabibigat na problema kaysa sa kinakaharap niya ngayon. Pamagat pa lang, makikita na na ang kinakausap ng persona ay nag-iinit ang ulo. Maaaring ipinahihiwatig lamang ng persona na hindi naman nadadaan sa init ng ulo ang mga problema. Ikanga ni Aang sa Avatar: The Last Airbender, “Harsh words won’t solve problems. Action will.” Kung puro dada at pagmamaktol na lang ang mga gagawin ng isang namromroblemang tao, wala naman itong magiging tulong o kontribusyon sa pagbabawas at pagpapagaan ng problemang pinapasan. Kung mabigat na nga ang problema e bakit pa lalong pabibigatin ang nararamdaman, bakit pa ba magagalit? Bakit pa magagalit kung hindi ka naman nag-iisang taong may problema? Ipinapayo ng persona na hindi dapat magpadala sa mga pandidikta ng buhay dahil tayo rin naman mismo ang may pagkontrol at hindi ang ating mga problema. Kung pagagaanin natin ang ating mga isip, mas madali naman sigurong masasagot natin ang ating mga problema. Mas mabilis tayong makapag-iisip kung ikakalma lamang natin ang ating mga bumbunan saka tuluy-tuloy na mapapawi ang pagpapakasakit sa buhay. Lalo pang sinuportahan ng linyang “Ang kakasermon mo sa akin//Sawang-sawa na 'ko niyan//Sa bahay namin” ang pagsasabi ng hindi naman talaga nag-iisa ang kanyang nagwawalang kausap sa mundo ng mga problema. Kung nagsasawa na ang persona sa mga sermon e marahil ay araw-araw na siyang namomroblema sa kanilang bahay kaya kung kaya niya namang idaan sa ngiti at pagiging kalmado sa buhay e bakit hindi subukan ng kanyang kinakausap. Wala rin namang mapapalang maganda at baka mas lalo pa ngang lumala ang kumukulong sitwasyon kung pakukuluin din mismo ang iyong damdamin sa mga problemang ibinabato sa iyo. Binanggit din ng persona sa kanta na “Easy ka lang//At baka ka mahibang//Magmumukha kang timang”. May mga taong nadadala nga naman sa kanilang mga problema at hindi na nagagawa nang tama ang mga dapat na gawin kung magpapaagos lang din sa hirap ng dinadala. Payong kaibigan ikanga naman ng persona na huwag idaan sa init ng bumbunan at baka ika’y mabaliw sa kaiisip ng kung anu-ano at madiretso ito sa paglala pa ng sitwasyon o pagkawala sa sarili na nahahantong din sa pagpapakamatay. Tinuturo ng kanta na hindi lamang ngitian ang mga problema kundi palakasin ang loob at huwag magpapatalo. Hindi dapat dinadala ng matatagal ang mga problema dahil masasayang lamang ang buhay kung puro paghihirap na lamang ang aatupagin sa buhay.


Kung gusto lang din naman ng Eraserheads na huwag nang magalit, sa kanilang kantang With A Smile na all-time favorite ng mga Pilipino e dagdagan pa ang paglimot sa galit at palitan ito ng ngiti. Kung gusto lang din naman ng panandaliang pagsagot sa problema o kahit kakaunting bigay ng lakas ng loob sa mga hamon ng buhay e ang pagngiti na malamang ang pinakasimpleng paraan para rito. Binabanggit sa kanta na wala namang madaling daan para sa tagumpay kaya naman hindi natin kailangang magmadali at mainggit sa nangyayari sa iba. Kung pare-pareho lang din naman tayo ng mga dinaraanan, at mapagtatanto nating parte nga naman ng buhay ang problema, edi ngitian na lamang ang mga ito at sabihin sa sariling normal lamang ang nangyayari sa ‘yo. Abnormal nga naman ang isang taong walang problema. Kaya kung ngingitian lamang natin ang ating mga problema, alam natin sa mga sarili nating ang mga akala nating maling nangyayari sa atin ay hindi naman talaga mali. Hindi naman na kailangan daw magpatalo sa mundo, na pumayag na palungkutin tayo ng mundo, kundi ngitian na lamang ang ating mga problema at tanggapin silang naging malaking bahagi sila ng ating mga tagumpay.


Kung maghahanap din man lang ng makapagpapalimot nang panandalian sa hirap ng mga problema, nariyan ang mga kanta ng Eraserheads para magpaalalang kung nalalapit ka nang bumagsak sa iyon buhay, maaari itong malimutan sa pamamagitan ng pagpapanggap, paghahanap ng panandaliang ligaya, paghingi ng tulong sa kaibigan, pag-alis ng galit sa puso at pagpalit dito ng ngiti. Madali na marahil nakita ng Eraserheads ang sagot sa mga pagpapakasakit sa buhay. Kung kaya lang din naman nilang maisip na sirain at wasakin ang pandidikta ng buhay sa kanila, at susundan pa nila ito ng karampatang solusyon sa kani-kanilang mga problema, maigi at mahusay nilang ipinamamahagi sa pamamagitan ng kanilang masayang musika ang kanilang mga tulong sa mahirap na buhay sa Pilipinas. Sikat din naman sa mga Pinoy ang pagngiti na lamang sa problema. Kung may nakaiintindi lang din naman sa mga taong namromroblema tulad ng Eraserheads ay marahil nangyari na rin ang mga ito sa kanila, na nagdaan din naman sila sa mga mahihirap na pagsubok ng buhay. At sagot lang nila, nasa kanilang mga musika, sa kanilang musikang patuloy ng aandar sa kokote ng mga Pilipinong nakikinig sa kanila, bilang mga tulong sa patuloy pang pagsabay sa agos ng buhay na punung-puno ng mga problema. Ang pagtingin sa problema bilang parte lamang talaga ng buhay, ang paglimot dito, ang pagngiti lamang sa tila nangungutyang mga problema, lahat ng ito’y nakitaan ng sagot ng Eraserheads. Sinisira nila ang pinakanatural ng takbuhin sa mundo na sa kung pandidiktahan man tayo ng ating mga problema at pansariling mga presyon, kaya nating kumawala at may kapangyarihan tayong kontrolin ang mga akala nati’y kumokontrol sa atin.

Mabuhay ang Eraserheads!

February 4, 2012

Ins

Bulaklak! Sige! Puta itapon mo! Hindi ko naman talaga ginustong bigyan ka. Tang ina. Tang inang buhay 'to. Tang ina mo. Wo? Oo. Talaga. Nasisira na ulo ko. Iniisip ko kung ano ba talagang gusto mo. Iniisip ko kung ano bang makapagpapaligaya sa'yo, kung papaano kitang pangingitiin. Akala ko naman gusto ng mga babae ng bulaklak. Tang inang yan. Bakit ganun na lang parati yung reaksyon mo? Bakit ba parang wala na akong binigay na natuwa ka? Bakit ba sa tuwing nagreregalo ako e okay, salamat, ngiti lang ang natatanggap ko? Putang ina. Putang ina talaga. Ano ba talagang gusto mong mangyari? Tang ina, kaya kong kumanta, tumugtog, umasang tumula, sumayaw, tumambling, magpasabog ng kahoy, umarte, at magpalit-palit ng katauhan sa harapan mo pero huwag na huwag mo na akong pahulain, please. Please. Ayoko nang manghula. Sumasakit na ulo ko. Hindi naman sa literal na masakit na ulo ko (pero baka mamaya, pag hindi na talaga nakapagpigil ang utak ko sa'yo nang kamumura at kaiisip kung paano kitang mapapakiusapan at titigilan), pero hindi ko na talaga alam kung anong iisipin ko. Tinatamad na akong mag-isip. Sa katunayan, ayoko nang isipin pa kung ano nang susunod na pagkakaiyakan nina Rizal at Aguinaldo, nina Roxas o Escoda, ni Aquino. Putang ina talaga. Ayoko nang mag-isip. Ano ba talagang gusto mo? Hindi ko na maintindihan kung bakit ganyan ka, kung pinagtritripan mo na lang ba ako o nahihirapan ka lang ipakita ang nararamdaman mo.

Pero hindi. Hindi naman ako teacher mo na nakakatakot, nangangagat at naghahanap lang ng fans at darts. Aanhin ba kita? Nahihiya ka pa rin ba sa akin? Nasisira na ulo ko sa'yo nahihiya ka pa rin? Kung anu-ano nang nakuha mo, ayaw mo pa ring kumibo? Puke ng ina naman. Tang ina. Tang ina talaga. Ayoko na. Ayoko na talagang mag-isip, mag-alala, magsayang. Classmate mo naman ako. Classmate mo lang naman ako, pero bakit parang ganun pa rin? Bakit ganyan pa rin ang ginagawa mo sa akin? Kasi nga, classmate mo lang ako? Hanggang classmate na lang ba tayo? Aasa pa rin ba ako sa mga sinasabi sa TV na kung may determinasyon ay pagpapalain at magtatagumpay sa gusto niya? O maniniwala rin ako sa sinasabi ng TV na huwag magpakatanga kapag alam mo nang tinatanga ka na? Ano? Ano bang gagawin ko, TV?


Tang ina mong TV ka! Hindi na ako natutuwa sa'yo! Tang ina mo! Bakit? Bakit parang lahat na lang ng pinapalabas mo totoo? Hindi. Parang hindi naman totoo. Bakit parang lahat na lang ng pinapalabas mo e masasaya na lang. Badtrip. Kasinungalingan ang pumalit sa lahat ng maliligayang pag-upo ko sa harapan mo at pag-asang mangyayari rin sa akin lahat ng masasaya at malulupit na pinaggagagawa ng tadhana. Tang inang TV? O tang inang tadhana yan? May tadhana ba talaga? Ayoko nang maniwala sa'yo. Bakit ba kapag nanonood na lang ako ng TV e akala ko masaya na ang buhay? Hindi. Ayoko na. Ayoko nang manood ng TV. Akala ko naman magagawa ko yung mga nasa TV. Mali. Tang ina. Putang ina mong TV ka. Kung bakit ba hindi na lang realismo ang ipakita mo sa akin. Nagpapalinlang na lang ako. Gusto ko lang dati ng masayang buhay. Pero akala ko lang yun. Ngayon nauunawaan ko na. Gusto ko lang dati ang nalilinlang, ang pinagsisinungalingan, ang pinagtitripan, ang niloloko, ang paiikutin, mahihilo, matutulog, bubuhatin tapos biglang magigising nang masaya at parang walang masamang kinabukasan ang hahambalos sa akin kapag sinubukan ko nang bumangon.


Sinubukan ko naman. Hindi lang isang beses. Maraming beses na. Ano 'ko tanga? Bigla na lang akong magwawala rito at pagmumurahin ko kayong dalawa ng TV ko? Huwag niyo na akong bibilugin. Tang ina ninyong dalawa. Pareho lang ninyo akong niloko. Bakit kulay black? Ayoko na kayong makita. Nasasayang lang ang oras ko sa inyong dalawa. Lalo na sa'yo! Oo! Ikaw! Ano nang nangyari sa mga ibinigay ko sa'yo? Huwag na. Huwag ka nang magsalita. Hayaan mo akong sukahan ka nang sukahan at nandidiri na ako. Nandidiri na ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit ko pa iyon ginawa, kung bakit pa ako sumubok, kung bakit ako ngayo'y naghihirap. Hindi ko naman ginusto 'to. Hindi ko alam kung ano ang nakita ko sa'yo, kung bakit pa rin kita sinusundan, kung bakit hindi na totoo ang mga nakikita ko, ang mga naririnig ko, ang mga naisasagot ko sa mga tanong ko. Totoo? Yung totoo. Gusto ko nang maunawaan kung ano ba talagang gusto mo. Sige. Itapon mo. Itapon mo na lang lahat. Kaysa makita ko silang lahat na hindi mo naman ginagamit sa tokador mo, sa lamesa mo.


Okay na sa aking alam kong tapos na, alam kong hindi ko na kailangang gumalaw, mag-isip, mapagod, magsayang nang paulit-ulit. Para alam ko na agad. Hindi yung naghihintay ako rito sa kung anong mangyayari sa akin, sa atin, sa mga susunod pang mga araw. Nakakatamad maghintay no. Hindi lang oras ang nasasayang sa paghihintay. Kung tutuusin, hindi ko naman kailangang gawin ang lahat ng mga ito. Gusto ko lang gumaya sa mga nangyayari sa paligid ko, sa mga nangyayari sa TV, sa internet. Pero dahil naleleche na ako, muli, ayoko. Hindi naman pala ako kailangan. Hindi mo naman ako kailangan. Ang sarap mong dukutan ng mata, hindi mo naman kasi ginagamit nang maayos. Hindi mo na sila kailangan. Akin na rin ang mga tenga mo, uubusin ko na lahat sa'yo.


Gusto kong bawiin lahat ng sinayang ko sa'yo, lahat ng iginugol ko sa'yo. Naiirita na naman ako. Bumabalik lahat ng naubos ko, lahat ng pinag-isipan ko, naglaho lang lahat. Pero balewala na rin. Habambuhay na lang siguro akong mababadtrip. Hindi na rin masama kung kalawangin na ang gagamitin ko no? Mahigpit ba yung tali? Okay lang yan. Mas mahigpit pa rin ang pagkakatali ko sa'yo. Shh... Huwag kang maingay, kahit na alam kong tayong dalawa lang ang nandito. Shh... Tahan na, huwag ka nang lumuha. Hindi naman yan totoo. Hindi ka niyan matutulungan, hindi ka nila matutulungan. Hindi na kita kailangan.

February 1, 2012

Happy Valensayns Day

At dahil February na at malapit na namang magpapansin ang mga tao, mauuna na ako.

Nagsisimula ang kuwento ko sa isang batang mahilig kumain ng chocolate. Gustung-gusto niya ng chocolate. Sarap na sarap siya sa chocolate. Ang saya-saya niya kapag nakakakita at nakakakain siya ng chocolate. Ang sarap ng feeling para sa kanya. Iyon na ang pinakamasasayang araw niya - ang mga araw na kumakain siya ng chocolate.

Nandiyan yung Toblerone, Reeses, Cadbury, Maltesers - basta lahat ng chocolate paborito niya! Feeling niya, buhay na siya sa chocolate. Feeling niya, chocolate ang kumukumpleto sa buhay niya. Masayang-masaya siya kapag may hawak siyang chocolate. Kakaibang saya ang nadarama niya sa tuwing kumakain siya ng chocolate. Sa sobrang saya niya, itinatago niya muna ang kanyang sarili bago niya kainin ang kanyang chocolate. Ayaw niyang may nanghihingi ng kanyang chocolate. Masama ang tingin niya sa mga taong nanghihingi ng kanyang chocolate. Kaya para hindi niya masamaan ng tingin ang mga taong manghihingi ng chocolate, at para na rin hindi mabawasan ang kanyang kaligayahan sa tuwing magbubukas siya ng lalagyan ng chocolate, pupunta na lamang siya sa isang lugar kung saan walang ibang tao kundi siya at ang kanyang chocolate.

Pero alam niyo, kahit ganoon lang siyang kumain ng chocolate, kahit mag-isa lang siya, kahit alam niyang siya lang ang tao roon sa lugar na pinagkakainan niya ng chocolate, masaya pa rin siya para sa sarili niya. Okay lang kahit hindi niya ubusin agad yung chocolate. Hindi niya minamadaling kumain ng chocolate. Ninanamnam niya ang pagkain ng chocolate para masulit niya ang lasa, ang saya, ang kiliting dulot ng bawat dampi ng tamis sa kanyang dila at labi.

Kapag nakahanap na siya ng lugar kung saan siya puwedeng magmukhang lonely, dahan-dahan niyang bubuksan ang lalagyan. Ayaw niyang nababali ang kanyang chocolate. Gusto niya, buo ito habang kanyang kinakain. Naiirita siya kapag bali ang kanyang chocolate. Kakainin niya pa rin ito pero hindi na ganoon kasaya. Pagkatapos niyang buksan nang dahan-dahan ang lalagyan ng chocolate, aamuyin niya ito nang mabilisan sabay pasok sa bibig. Ngunguya, ngunguya, lalasap, lulunok, ngingiti. Kapag papalabas na sa lalagyan ang chocolate, inilalabas niya na ito sa kanyang lalagyan sabay tapon ng plastic. Saka niya uubusin sa isang subo ang natitirang bahagi ng kanyang chocolate. Nguya, lasap, ngiti. Masaya na siya noon. Siyempre, sabay dila sa kanyang mga daliring may natitira pang chocolate. Tatayo na siya, saka magpapakita sa mga tao.

Hindi niya alam, hindi siya nakasisiguro kung alam ng mga tao sa paligid niya kung anong ginawa niya, kung bakit siya masaya. Pero wala na siyang pakialam sa kanila. Hindi naman sila nawalan, hindi naman din siya nawalan. Ayaw niya lang mawalan ni mabawasan ang kanyang chocolate. Ang chocolate na araw-araw niyang inaabangan mula sa magulang niyang nag-crash ang eroplanong sinasakyan pauwi galing ibang bansa.

January 28, 2012

Oo, Putang Ina

Pagsusulatan?


Sa likod ng notebook ko. Ang linis e. Hindi ako makatiis sa mga empty spaces sa notebook ko. Ayaw ko rin ng mga hindi pantay na bagay. Punung-puno yung kaliwang bahagi ng notebok kong malupit tapos yung kanang part e walang laman? Naaatat talaga akong sulatan ang mga blankong papel. Kahit siguro mag-drawing lang ako ng nakatayong taong naggigitara, masaya na ako para sa likod ng notebook ko. Minsan, kapag tinatamad akong kunin yung notebook ko, ita-type ko muna sa notes ng iPod o cellphone ko. Saka ko lang sila isusulat kapag may time na o nasa mood na akong tumae. Sa mga blankong yellow pad, notebook, quiz booklet at ticket sa bus, maraming salamat.



Panulat?



Ballpen. Black. Panda or Pilot masaya na ako. Babaliin ko sa harap mo ang ireregalo mo sa aking G-Tech or whatever sign pen, or sobrang tulis na pen. Naiirita ako sa mga ganung klaseng pen. Kung hindi nabubutas yung papel na sinusulatan ko e nawawalan ng itatae yung ballpen na yan sa akin kasi sobrang diin ko magsulat. Kapag nagsulat ako e bumabakat sa tatlong papel. Tanggap ko na rin ang MS Word para sa pagsusulat. Okay na yung mga daliri ko sa keyboard. Masaya na silang katatalon sa mga titik kaya kahit sobra-sobra ang pagsabog na pinagpuputok ng butsi ko, mas mabilis na nasusundan ng mga daliri ko sa keyboard ang daloy ng aking mensahe kaysa sa pagsulat ng aking kanang kamay sa papel. Masaya rin namang may draft na akong naisulat sa likod ng notebook ko bago ko siya ilipat sa laptop ko.



Eh ano naman?



Wala lang. Naaatat talaga ako. Parang super call of nature. Hindi ako mapakali kapag hindi ako nagsusulat. Hindi ako makagawa nang maayos ng mga gusto kong gawin kapag nananawagan ang mahiwaga kong ballpen at nagdudugong utak. Feeling ng inner side ko, gusto niya talagang ilabas ang gusto niyang sabihin dahil araw-araw niyang isisigaw yung gusto kong isulat hanggang sa bumigay na ako sa paninigaw niya at magsisimula na akong isipan ng malupit na intro yung naisip kong akala ko'y malupit na paksa o kahit isang malupit lang na linyang naisip ko. Mula sa isang maliit na obserbasyon sa masarap pagtripang mga tao o kaya magandang punch line o astig na kumento, marami nang gustong idagdag ang aking naiisip. Hanggang sa nakakabuo na ako ng maraming pangungusap, ideya, paksa, talata, hanggang sa gusto ko na talagang isulat dahil baka makalimutan ko yung iba.



Eh para kanino?



Para sa akin. Masaya akong binabasa ko ang sarili ko. Masaya ako sa mga nagawa ko kasi ang saya sa feeling nang may natapos at binabasa. Para sa mga pinatatamaan, para sa masa, para sa mga mokong, mga papansing katulad ko. Para sa mga Pilipino, para sa kabataan, para sa mga tanga, para sa mga nagtatalinu-talinuhang katulad ko, para sa mga bobo, para sa mga tao. Para makahanap ako ng tamang paraan, para sa kapwa ko, para sa mga kaibigan ko, kasama sa buhay. Para sa kanila, sa inyo. Para sa mga jologs, para sa mga fans ni Justin Bieber, para sa mga mahilig sa musika, sa laro, sa pagkain. Para sa isang taong may masayang pagtingin sa buhay at kakaibang pagtingin sa mga tao.



Kung manunulat ako, gugustuhin kong mabasa ang mga sinusulat ko. Gugustuhin kong makapagmulat ng isipan, makatulong sa panitikan ng Pilipinas at makapagpasaya ng aking mga mambabasa. Kung manunulat ako, layunin kong tumatak sa isipan ng mga Pilipino. Hindi ko hinahangad na sumikat bagkus ay luminaw lamang ang pagtingin ng mga tao sa mundong aking ginagalawan. Gusto ko lamang makita nila ang mundo kagaya ng malabo pa ring pagtingin ko rito. Kung manunulat ako, gusto kong masipa ang damdamin ng mga tao, makiliti sila o kaya'y mapaisip sila sa mga sinasabi ko. Kung manunulat ako, may pakialam ako, magtatanong ako nang magtatanong, pipilitin kong sagutin ang aking mga tanong, maghahanap ako, makakahanap ako at magpapahanap ako.


creds

Urbana at Feliza


Freshie: Ate, kinakabahan po talaga ako. Isang week pa lang, takot na takot na ako. Haha. Patulong naman po. Kahit konting advice lang po. Hehe.


Upper: O ano, kumusta naman ang first week mo sa klase, sa school? Hassle no? Ang daming kailangang ipasa na feeling mo e hindi mo naman magagamit nang buo at nagsasayang ka lang ng pera. Pero, sinasabi ko sa iyo, kailangan mong gawin, ang dami mo ring dapat bilhin, lahat ‘yan ay kailangang matupad sa ayaw at sa ayaw mo kasi ayaw nating lahat na napapagalitan at napapahiya.


At dahil matagal na akong nag-aaral dito, (Huwag mo nang itanong kung ilang years na! Mahirap lahat dito! Mahirap makapasok, mahirap sa loob, mahirap din makalabas!) at alam ko naman na kung anong oras na naman ako matatapos magpo-procrastinate, bibigyan na lang kita ng mga advices na sa tingin ko e makakatulong para maka-survive ka naman kahit papano at heads up na rin sa nakakagulat at nakakaasar na mga pangunahing ipinapatupad sa school, para ngayon pa lang magsisi ka na at makapag-isip nang maaga kung ayaw mo ng ganitong buhay.


Huwag na huwag mong kalilimutang magsuot ng ID, unless kilala ka na ni Papa Guard. Dahil sa dinami-dami nang pumapasok dito para sa mga kung anu-anong bagay, maganda na rin yung hindi ka pinaghihinalaan ng mga tao sa loob ng campus, lalung-lalo na ng mga prof at ng mga papa guards. Hindi naman sigurong nakakatuwa kung haharangin ka na lang maya’t maya ng mga matatanda.


Huwag mong masyadong gawing bonggacious nang bonggang-bongga ang iyong hairstyle. Yung tipong, kulay parrot (huwag ka na lang magpakulay kung hindi naman talaga kinakailangan), sintaas ng mga punk sa internet, sintigas ng buhok na parang sa Statue of Liberty. Una sa lahat, nakaka-distract kang tingnan at ayaw ng mga prof dito na nakaka-distract kang tingnan. Pangalawa, gusto ng council dito na iisa lang ang nakikita nila sa mga estudyante. Ayaw nilang may bigla na lang naiiba. At diyan na rin papasok ang uniform kasi nga gusto nila ng ‘uniform’ na populasyon sa campus. Nako, ngayon pa lang ay magba-bye ka na sa mga alahas mo sa katawan, kahit yang mga baller na yan. Suwerte mo kung walang nakapansin sa mga iyan sa una mong linggo. Kapag nakita yan ng mga matatalas na mga mata, kukunin iyan sa iyo at puputulin sa harap mo. Kapag medyo mahal e baka kumpiskahin na lang nila at ibenta sa magpagkakakitaang presyo – pero teorya ko lang naman yan. Para na naman sa pagtataguyod nila ng iisang paniniwala at iisang pagtingin, huwag mo munang kulayan ang iyong katawan pag nasa campus ka na.


Syempre girl, kapag naka-PE uniform ka na, baka bumakat ang iyong bra. Baka naman may mga hindi ka rin colorful na bra. Bahala ka, baka ipatanggal sa iyo yung bra mo. Joke! Pero please, iwasan na lang natin talaga ang masita nang masita at magkaroon ng rekord sa office. Nako, ayaw natin ng ganyan!


And last, but not the least, para sa ikagaganda na rin ng reputasyon mo, maligo ka bago pumasok ng school. Dapat neat kang tingnan kaya para kahit nakalimutan mo ang ID mo, na sana’y hindi mangyari sa’yo, hindi ka pagsusupetsahan ng mga papa guard at mga taong naghahanap ng mapagtitripan sa campus bilang masamang tao o kung anupamang makapagpapapangit sa image ng school natin.


Napansin mo na siguro ang pagdadasal before and after class. Masanay ka na. Pero siguro naman, nung elem e tinuruan na rin kayo magdasal, before and after. Okay na rin siguro yung feeling na humihingi ka ng guidance from God sa mga makakasalamuha mo pang mga tao dito sa campus. Ipag-pray mo rin na sana hindi maalala ng prof na may quiz kayo that day, na submission niyo na pala ng requirements, may exam pala kayo or recitation, report, at malay mo, malay mo lang talaga, sagutin iyan at malimutan ng prof ang lahat, kasi, sa DAMI talaga ng gagawin mo rito, iwiwish mo talagang ma-delay ang ilan sa mga gawain. Siyempre dun sa prayer after class magpapasalamat ka, pero kapag naalala ng mga prof mo, baka tanungin mo si Lord kung bakit niya ginawa iyon sa iyo, kung bakit ang hirap-hirap ng quiz or exam. Bale makakapag-reflect ka sa sarili mong ang tamad-tamad mo pala at hindi ka talaga nakulangan sa oras. Masaya rin magdasal no? HUWAG na huwag ka ring gagalaw kapag Angelus time at 3 o’clock Prayer time kasi pagagalitan ka rin. Magbigay ka na lang ng paggalang, saka ka magwala sa bahay kapag nakauwi ka na.


Ang pagkuha ng 12 units of Theology ay requirement din kaya dehins ka makakaayaw sa mga subjects na yan. Pero malay mo, makaramdam ka ng ‘calling’ o ‘pagtawag’, para sa pag-aalay mo ng iyong sarili sa ating Panginoon. Huwag sanang ‘calling’ ng magulang mo kasi bagsak ka. Hahaha!


Marami ring fee ang mae-encounter mo rito – Donation Fee, Powerplant Fee, Energy Fee, and so on. Nako, kailangan mo talaga Magtim Fee sa mga fee na yan kasi required din sila. Kailangan bukal sa loob, pero required. Required na DONATION FEE. As in. Magbigay ka na lang kung gusto mong manatili sa school.


Kung may ‘calling’ ka naman sa ibang mga bagay tulad ng pagtataguyod ng iyong sariling Org or whatever council, lahat ng mga iyan ay dadaan sa Admin. Nako, kung ako sa’yo, hindi na ako makikipagkilala o makikipagbanggaan sa Admin. Pero kung gusto mo, sige, BAHALA KA. HUWAG MONG SABIHING HINDI KITA BINALAAN. MAGSISISI KA BAHALA KA.


Ay ito pa pala, may mga camera everywhere sa school. Huwag kayong magkukumpulang magkakaklase dahil oras na naabutan kayong magkakadikit at mukhang nagp-planong team sa basketball, muli’t muli, lagot na naman kayo sa mga papa guard, or council, or prof, or kung sinumang walang mapagtripan. Mag-smile ka na rin kung may time ka sa mga camera na madadaanan mo para magmukha ka namang mabait sa paningin nila. Pero huwag naman araw-araw kasi, kahina-hinala rin naman pag ganon.


Yung mga school supplies mo pala, sa susunod, sa school mo na bibilhin. Sayang lang yung mga pinamili niyo sa National kung ngayon mo lang ito nalaman. Gusto rin siguro ng pamunuan e pare-pareho lang tayo ng ginagamit. Parang wala na tayong pinagkaiba sa mga factory workers, iisa itsura, iisa ang gamit. Pero drama ko na lang yan, chos!


Huwag na huwag ka rin sasalampak o uupo sa mga corridors at hall ways. Pagtitingnan ka ng mga tao, kasi ikaw lang ang gagawa ng ganun, kahit na lahat naman tayo e gustong magpahinga kung saan dadapuan ng pagod. Marami namang benches sa campus e, kaso nasa initan. Ayaw lang nilang magmukha tayong pulubi, kahit na alam nilang hindi naman sila nagpapapasok ng pulubi. Ayaw nilang magmukhang makalat ang hall ways at corridors kahit na alam naman nilang naka-proper attire tayo at may ID at all times.


Kapag may discussion kayo sa loob ng classroom, huwag na huwag mong tatanggihan ang prof. Puwede kang magtanong pero ang tanong mo e dapat may hindi ka lang naintindihan o narinig o may gusto ka lang ipaulit. Hindi mo puwedeng i-engage sa isang debate ang isang prof para lang ma-prove mo na mas tama ang iniisip mo, kahit na feeling mo talaga, tama ka. LAGING tama ang mga prof dito. Sumunod ka na lang sa mga sinasabi ng modules at huwag nang kuwestiyunin ang kanilang mga sinasabi. Magbabasa ka na lang, makikinig at magtatanong ng hindi narinig. Kapag may assignment, sa module o book nilang ini-require ka na lang tumingin. Nandun naman na siguro yun. Huwag ka nang mag-research pa sa internet, dahil kahit na tama at may point ang mga isasagot mo, ang isasagot lamang na TAMA ng prof mo e yung mga itinuro niya at yung mga nakasulat sa module o book na memorize na niya cover to cover.


Huli sa lahat, pag aalis ka na sa school at nakatapos ka (na sana ay matupad naman sa takdang oras. Haha!), ibabalik mo nang bukal sa loob ang mga BINILI mong libro. O diba, ang saya-saya.


Sana manatili ka rito gaya ng mga ginawa ko para maka-survive in an environment like this school. Sinabi ko na ang ilan sa mga bagay na puwede mong magamit at matandaan para makatulong na rin sa iyo.


Freshie: Wow, Ate, thank you po!


Upper: Good luck!

January 25, 2012

Buhat


Em,

Feeling ko, gusto mong magsulat. I mean, hindi mo siya hobby, pero from time to time, siguro, kapag may hindi ka ma-express sa pagdo-drawing, isusulat mo na lang. Katulad ng ginawa mo ngayon, sinulat mo. Ang sarap ng feeling di ba? Ang sarap ng feeling ng may inilalabas ka ng sobrang bigat sa feeling kapag patuloy mo siyang dinadala. Parang utot lang yan e. Sasakit tiyan mo kapag hindi mo ilalabas, mahihiya ka pa, e lahat naman ng tao umuutot. Malakas ang impact ng utot kapag walang tunog – na kadalasang nangyayari kapag matagal mo nang pinigilan o kaya masakit talaga sa tiyan. Tulad ng utot na mabahong iyan, napakalaki ng impact sa akin ng ginawa mong paglalabas ng saloobing ito. Hindi ko man inaasahan mula sa iyo, kasi nga, ayaw mong nagsusulat, hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot. Para sa akin kasi, ikaw, okay pa yung pagsusulat mo, natutuwa pa ako sa mga sinasabi mo. Kapag ako na ang nag-drawing, baka tawanan mo na lang ako. Kunwari, gusto ko talagang ipakita kung gaano ako kasaya sa tuwing kasama kita, sa pagguhit ko gustong ipakita kasi nga sinulatan mo ako, baka mag-drawing na lang ako ng smiley face.

Iba rin kasi yung nakakapag-express ka sa salita, right? Marami kang puwedeng isingit nang isingit, makikita ng kausap mo yung mga gusto mong sabihin. E napakagaling mong visual artist, itinatago mo sa mga pagguhit mo ang iyong mga nais sabihin. Kailangan ko pang magtanong o di kaya ay titigan pa nang mabuti yung drawing mo. Kapag nag-drawing ka kasi, may memories agad yun. Isipin mo, after many years, kapag nakita ko ulit yung drawing mo sa ating dalawa na may hawak akong gitara at yung iyo naman ay drum sticks, marami na tayong maaalalang gunita. Siguro, nandun na yung a picture with a thousand words. Yung iyo, maraming kulay, mas masayang tingnan. Kapag ako nagsulat, black and white lang malamang, tapos babasahin mo pa bago ka makaalala. E ang drawing, isang tingin mo lang, BOOM! Sasabog agad lahat sa utak mo. Masuwerte akong nakilala kita, kasi magaling ka mag-drawing. Kapag may natuwa sa’yo em, ibig sabihin nun, magaling ka, at may igagaling ka pa.

Sa mga iniisip mo sa buhay, pareho lang naman tayo e. Gaya-gaya ka na naman. Pero dahil nagmamahalan tayo, siguro sasabihin ko na lang na mutual ang pag-iisip natin, o pareho, magkatuwang parati yung iniisip natin. Masaya sa pakiramdam yung nagkakasabay tayo ng sinasabi paminsan-minsan, tapos ngingiti tayo, tapos kiss na. Pero sa susunod na panahon na yung kiss. Pag-usapan natin yung nagkakasabay tayo magsalita, ng parehong pangungusap, ng parehong tono, ng bilis. Yung epic moment na ganyan, ang saya alalahanin, kasi ang dating sa akin, pareho tayo mag-isip, hindi mahirap kuwestiyunin kung para nga tayo sa isa’t isa.

Maaalala ko lang, noong una kitang nakita, noong grade school, sinabi ko agad sa sarili kong crush na kita. Maliit pa lang tayo non. Tapos ngayon medyo maliit na lang. Pero ang tagal-tagal na non em, many, many years ago. Ipapasok mo pa yung fact na 4 years tayong hindi nagkakausap noong high school. Simpleng chat lang. Simpleng text lang. Simpleng paglalakad lang sa Festival. Pero kung susumahin, halos hindi talaga tayo nagkakilala. Pero last sem, nung nakita kita, iniisip ko, bakit gusto kitang kausapin? Bakit gusto kitang makatabi? Bakit gusto pa rin kitang makasama kahit na alam kong anim na taon tayong halos hindi nakapag-uusap? At sa tinagal-tagal nating panahong hindi man lamang nagkakilalahan ng bawat isa, sa anim na taong paggawa at pagpapakita ng wala sa isa’t isa, bakit may gusto pa rin ako sa’yo?

Gusto ko na sanang magbago. Gusto ko na sanang makakausap ng babae initially nang harapan. Ayoko nang magkamali sa chat, sa Facebook, sa text. Ayoko na ring magkamaling tumingin sa iba. Ayoko na ring mang-iwan, manakit, madapa, hindi mamansin. Noong nakita kita, hindi lang iyong simpleng pagtingin lang kung okay ka ba maging girlfriend. Hindi. Inuulit ko, gusto kong magbago. Gusto ko nang gawin yung hindi ko nagawa sa iyo noong grade school, yung mga dapat na ginawa ko na agad, yung mga bagay na hindi ko dapat gawin sa mga panahong nasa high school na tayo. Noong nakita kita ulit sa Geog room natin last sem, inisip kong gusto ko nang magbago. Ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong magbago. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng kakaibang mundo mo. Ikaw ang nagpakilala sa akin ng pagbalik, muling pagkilala sa sarili, muling paglasap sa sarap ng pag-ibig at yung feeling na may kaisa-isang nakaaalala sa’yo na kaedad mo.

Alam mo, mabilis din kitang ma-miss. Yung tipong alas diyes na, ay, time na. Kahit na naririnig mo akong ‘Hoy, alas eight na. Malapit na ang curfew mo.’ Hindi ako nagmamadaling umuwi. Kung puwede nga e, iuuwi kita. Haha. Pero many years from now pa iyan. Let’s not break the trust our parents have given us. Kaya kapag naaatat na akong umuwi ka na, e para rin sa ikabubuti natin. Para rin sa mga tao sa boarding house mo, na umuuwi ka naman before 10. Ayoko lang na magsumbong yung mga tao riyan sa boarding house mo sa mommy mo. Kapag nangyari yun, mas malala. Ayokong pagbawalan tayo. Ayokong paghiwalayin tayo. Ayokong mailayo ka sa akin. Ayokong pigilan nila ako para sa’yo, kasi ikaw na talaga yung gusto ko. Ikaw na yung gusto kong makasama. Ikaw yung gusto kong pakasalan. Ikaw na yung magiging purpose ko sa buhay paglaki ko. Ikaw yung gusto kong makasama sa mga karanasan pang dadapo sa akin. Ikaw na talaga. Ikaw na nga. Ikaw na.

Sana alam mo rin na magaling kang tao. Kaya parang ayaw kong sumagot kapag sinasabi mong hindi ka magaling, minsan kapag dina-down mo sarili mo, ngingiti na lang ako, kasi alam ko namang hindi totoo. Napapangiti rin ako kasi, kapag dina-down ko sarili ko, ayaw mo, tapos biglang ida-down mo sarili mo. Baliw ka ba em? Haha. Uulitin ko, kapag naelibs ako sa gawa mo, magaling kang tao. E ako nga na hindi visual artist, elibs na elibs na sa’yo, paano pa kaya yung mga naeelibs na mga ka-course mo sa’yo? E di hamak namang mas magaling silang mag-drawing sa akin, natatapakan nila yung mga comments at reactions ko sa mga gawa mo. Maging masaya ka na dahil magaling kang gumuhit. Ako ang kaya ko lang i-drawing e... ay... wala pala.

Naging malaking bagay ang pagkakakilala ko sa iyo. Ikaw yung nagbigay sa akin ng bagong pagtingin sa mundo. Naging iba ang tingin ko sa mga walang buhay na stuffed toy. Natatawa pa rin ako, sa tuwing binubuhay mo ang mga walang buhay na bagay. Ikaw ang nagpakita sa akin na hindi lang tayo ang maaaring mabuhay sa ating mundo. Maaari tayong magbigay-buhay sa iba. Ikaw ang nagpakita sa akin nun. Ikaw ang nagpakita sa akin na may mata ang mga kotse, na tamad ang mga pusa at aso. Noon, ang tingin ko lang sa paligid ko, background. Hindi ko na tinitingnan. Yung mga bagay na wala akong pakialam, bahagi na sila agad ng background sa akin. Ngayon, dahil sa mga simpleng pagturo mo lang sa mga bagay-bagay dahil sa nakyutan ka, dahil sa mga simpleng pagbibigay-boses sa mga stuffed toy mo, nag-iba ang pagtingin ko sa mundo. Lalong naging maliwanag sa akin, mas makulay, mas masayang tingnan. Masaya ka parati. Masaya ka kasama. Parati kang masaya. Nagdadala ka madalas ng kasiyahan sa mga taong kasama mo. Ikaw ang nagbigay sa akin ng bagong mata sa pagtingin sa, akala ko, boring na mundo natin.

Hindi mo na kailangang subukang maging karapat-dapat para sa akin. Kahit na anong gawin mong aksyon, magiging okay sa akin. Tanggap na kita. Hindi na tayo nagkakahiyaan, wala nang ilangang nangyayari sa pagitan nating dalawa. Wala na ring bilangan. Sana tanggap mo na rin ako. Alam kong hindi ko kaya ang isang araw nang hindi kita nakikita, or nakakausap. Kumpleto ang isang araw ko dahil lang sa iyo. Sana, magawa ko yung mga gusto mo. Sana, hindi kita masaktan. Sisikapin kong pasayahin ka, higit pa sa pagpapasayang ibinibigay mo sa akin sa tuwing magkasama tayo. Gusto ko, parati tayong masaya, nagbibigayan, nagtutulungan, nagkakaunawaan. Sa’yo ko na lahat gustong gawin lahat ng gusto kong pagpapasaya. Sisikapin ko ring alagaan ka, pasayahin ka, tulungan ka sa abot ng aking makakaya at tawag ng oras. At dahil ikaw lang ang best friend, girlfriend, friend ko rito sa UP, sa Mandarin, at sa kahit saan pa mang sulok ng universe, iingatan kita. Nag-iisa ka lang para sa akin. Alam kong hindi na ako makakahanap, AT HINDING-HINDI AKO MAGHAHANAP NG IBA, at NEVER DIN AKONG TITINGIN SA IBA, dahil masaya na ako sa’yo. Alam kong mahalaga ka sa akin. Alam kong kailangan kita. Alam kong isa kang malaking bahagi ng aking buhay. Iingatan kita hanggang sa makakaya ko – ay, iingatan na lang kita hanggang sa maubusan ako ng lakas – ay, iingatan kita kahit ubos na ang aking lakas. Handa kong ipaglaban yung nararamdaman natin sa isa’t isa. Hindi ako nagsisisi at sinubukan kitang yayaing manood ng Transformers 3.

Hindi pointless yung mga sinabi mo. Tulad ng sinabi ko kanina, matindi ang impact nito sa akin, dahil ang dami mo palang gustong sabihin, at marami rin akong gustong sabihin. Nagalak ako nang labis sa mga sinabi mo sa iyong sulat. Ang daming ngiti ang inihatid sa akin ng bawat pangungusap na pinagsilbi mong bahagi ng iyong mga nais sabihin sa akin. Masaya ako dahil masaya ka rin sa piling ko. Masaya ako dahil ako ang gusto mong makasama, dahil ikaw rin ang gusto kong makasama habambuhay. Masaya ako dahil masaya ka rin.

Ayoko na rin ng ‘sana’. Sabay nating ipaglaban ang pag-ibig na nararamdaman natin. Ang korni mang pakinggan ng pangungusap bago ito, seryoso ako. Sana, matutunan nating posible kung gusto natin. Ayokong magkahiwalay pa tayo.

Sorry kung inaasar kitang maliit ka. Ang cute mo kasi e. Iniisip ko, wala namang cute na matangkad. Kaya bagay yung height mo sa’yo kasi napaka-cute mo talaga. Lagi mong napapatalon yung puso ko sa tuwing nagpapakyut ka, sa tuwing sinasabi mong iyo lang ako, sa tuwing niyayakap mo ako, sa tuwing hinahalikan mo ako, sa tuwing napapaligaya mo ako.
Mahal na mahal kita.

Yung tipong inuna ko pa 'tong sulat na'to kaysa sa mga kailangan kong isalin pa sa Tagalog at kakaibang mga payo ng isang upperclass man sa isang freshie sa bagong pasok na Catholic private school na scripted. Wala na. Tinamad na ako mag-acads ulit. Ang sarap magsulat ng hindi required.

December 19, 2011

Pasko Na!

Tawad!!

Dagdagan natin, para dumami naman at magmukhang hindi ako walang kuwenta at gustung-gusto ang Pasko. Susubukan ko na ring magsulat for 8 minutes bago umalis at pumuntang Canada. Sorry. Hindi ko alam kung bakit ang hilig kong magsalita sa mga pangungusap na nagsisimula sa 'Hindi ko alam'. Hindi ko talaga alam. Kailangan ko lang talagang magsulat nang tuluy-tuloy, kung anong lumalabas sa utak ko, todo ratrat ang ipinagtatatambol ng mga daliri ko sa pagta-type. Naaalala ko, noong elementary kami, may subject na kami noon na Computer. Masaya kami, kasi, alam naming pupunta kami sa aircon at magdididikit lang kami ng kung anu-anong Word Art at Clip Art sa MS Powerpoint. Masaya na ako sa ganoon kahit na feeling ko noon, ang galing-galing ko na magkompyuter. Pero hindi yan yung talagang gusto kong pagbigyan ng punto. Gusto ko sanang alalahanin yung pinag-print kami dati ng keyboard para magpraktis daw kami mag-type o ituturo sa amin yung tamang placing ng fingers sa keyboard. Matatandaan naman siguro ng nakararami sa atin ang mga letters na A, S, D, F at J, K, L, pati character na ';'. Yan yung turo sa atin. Nandiyan dapat yung apat mong daliring maliliit tapos yung thumbs e nakapuwesto sa spacebar. Leche. Hindi naman ako nakapag-type nang mabilis dahil sa ganoon. Alam naman nating lahat na mas nakakapag-type tayo nang mabilis sa kung paanong pagta-type ang itinuro natin sa ating mga sarili.

Kagaya na rin sa lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin. Sa mga karanasan natin tayo natututo, hindi sa mga walang kuwentang mensahe sa mga korning pages sa Facebook o yung mga pagpapapansin lamang na GMs sa text sa cellphone. Masayang matuto sa kung anong napapala mo. Maganda na rin yung tayo mismo ang nagtuturo sa ating mga sarili. Sabi nung isa kong prof, kahit na korni na ngayon yung nagko-quote mula sa mga prof, kapag may hindi ka alam, hindi lang ikinakamot ng ulo yon, hinahanap yon. Dapat palatanong ka. Mahirap na rin yung maging tanga kasi magkakalat ka ng katangahan kapag nakisalamuha ka na sa mga mas bata sa iyo. Huwag mong ipagpilitang isuksok sa kokote mo ang lahat ng nababasa mong akala mo e totoo kahit na maraming nag-like. Maging mapanuri at higit sa lahat huwag masyadong seryosohin ang mundo. Ayaw kong mamatay nang depressed. Ayaw kong lumingon sa buhay ko sa kahapon, kung ang makikita ko lang e ang sarili kong nagmumukmok at hindi sinusulit ang bawat segundong ibinibigay sa akin sa araw-araw. Maganda na rin yung nakaipon ako, at yung masasaya lang yung naipon at naaalala ko, kaysa mamatay ako nang malungkot at walang narating.

December 10, 2011

Ikaw 'Yan?


Unang araw sa kolehiyo. Dapat poging-pogi. Dapat mukhang matalino. Hindi dapat pahuhuli, hindi dapat magmukhang gago. Nahanap ko na ang room ko sa building na bagung-bago sa paningin ko. Bagong feeling, bagong uniform, bagong mga tao. Naghanap na ako ng upuan, default na sa unang araw ang pumunta sa pinakalikod na mga upuan, baka sakali kasing terror ang prof at ayaw lahat nang natatawag at walang gustong napahihiya sa klase. Minabuti ko nang sundan ang ginagawa ng nakararami kahit na magmumukha talagang paharap na mapupuno ang mga upuan sa silid.

Hindi ko alam kung masasabik ako sa prof at subject na pinasukan ko kapag natatakot ako sa mga posibleng mangyari, kaya pinasabik ko na lamang ang sarili ko sa mga makatatabi ko o mga posibleng kaibigan. Unti-unti nang napupuno ang silid, papalapit na kasi ang oras, malaki na rin ang tsansang magkaroon ako ng katabi. Tingin sa dingding, tingin ulit sa pisara, pinto, desk, dingding. Ayos ng buhok, ilong, pisngi, kilay, tingin sa mga kaklase. May papalapit na magandang babae sa puwesto ko, mukhang mas matanda sa akin, mukha namang mabait at madaling kausapin. Di hamak na tumabi siya sa akin. Feeling ko naman ang pogi-pogi ko dahil sa iba pang bakanteng upuan, harap na lang ang tigang sa estudyante. Wala na akong pakialam.

"Freshie ka po?" tanong sa akin ng babae. Hayop. Bumilis ang takbo ng puso ko. Perotekawait, nag-'po' siya sa akin? Alam kong medyo masungit ang dating at unang impresyon sa akin ng mga tao pero hindi naman talaga ako mas mukhang matanda sa kanya. Alam kong alam niya iyon dahil inisip niyang freshman nga ako at di hamak ngang malaki ang posibilidad na mas matanda siya sa akin. Bakit? Bakit siya nag-'po'? Kailangan bang gumalang nang ganyan kapag hindi mo pa kilala ang isang tao? Iniisip ba niyang isipin kong mabuti siyang tao kahit na alam ko sa sarili kong pamamlastik lang ang paggamit ng 'po' sa mga mas bata o kaedad niya?

Kahit na anong sabihin ng mga taong gumagalang nang ganito sa akin, isa na agad ang pumapasok sa isipan ko: Hindi ka ganyan magsalita, alam ko. Walang kabataan ngayon ang nagsasalita nang may nakaiiritang ‘po’ para gumalang talaga. Hindi nila ako ginagalang, binibilog lamang nila ako na tingnan silang magalang, mabait at pakyut kunwari. Kunwari tunog mas bata sila sa akin kahit na hindi naman talaga sila ganoon makipag-usap sa mga matatagal na nilang kaibigan. Kung kakausapin ako ng babaeng ito para makipagkaibigan, para lang may makakausap siya nang matino kapag nakikipagdiskusyon na ang prof namin sa blackboard, bakit hindi niya lantarang ipakilala ang kanyang sarili sa mga unang salitang matatanggap ko mula sa kanya? Hindi ba’t mas maiging makipag-usap nang natural para mas madali kang makilala ng hindi mo pa kilala? Bakit kailangang may makita munang magandang side na hindi totoo? Banal ba ako para igalang nila ako nang ganoon? Gusto ba nilang magustuhan ko sila dahil feeling nila mabait sila sa paningin ko?

Ayaw nating napapahiya, ayaw nating nakikita tayong tanga, pero mas okay bang unang makita tayo ng mga tao sa paligid natin bilang isang nagpapakyut lamang na bata? Okay bang maging plastik? Bakit? Bakit nila ito ginagawa? Bakit ganito sila magsalita?

Hindi ako nauuto sa ganyan. Kahit anong subok, may pahapyaw ka nang pagkilala sa isang tao kung paano ka niyang kakausapin. Kung gusto ka ba niya o hindi, kung nagpapapansin lang ba siya o ginagalang ka niya talaga, lalo na kung kaedad o kahenerasyon mo lang siya.

Gumising na kabataan! Ipakilala nang maayos ang sarili. Huwag iisipin ang sasabihin ng iba sa’yo kung sakaling ayaw nila ang trip mo. Kanya-kanyang trip lang yan. Malamang sa malamang, may mga makaka-vibes tayo at sila ang mga taong hinding-hindi natin makalilimutan. Huwag intindihin ang iba, intindihin ang gusto, ang sariling pagkatao nang walang bahid ng pagpapakyut lamang at kunwaring paggalang.

“Oo.”

December 9, 2011

Tuldok

Matagal na akong tinataranta
Sa tuwing titingin na lang ako
Ng tula
Tutukuyin nang tusung-tuso
Ang mga tagong temang di makita
Ang katuturan
Titigil na talaga ako
Sa pagtula
Tae

Ayoko na
Ayoko nang tumula
Itatapon ko na ballpen ko
Wala naman akong ma-gets
Wala na
Akong
Ma-gets
Kailan ba ako naka-gets?
Ayokong intindihin
Ayokong maghanap ng wala
Ayoko mag-imbento

Ayoko na
Ayoko nang tumula
Wala na akong makamot sa ulo
Wala na akong maramdaman
Hindi ko sila
Mapakiramdaman
Babae ba lahat ng makata?
Utak ko hindi makata?
Katha
Katha
Katha
Ayoko nang tumae
Wala akong maramdaman

Ayoko nang tumula
Itatapon ko na papel ko
Ayoko nang magpapansin
Hindi naman ako natuto
Hindi na ako natuto
Bobo!
Ayoko na.
Putang ina
Bakit?
O bakit ganyan?
Puro kulay lang ang nakikita
Umiikot
Itim
Buwisit

Perfect
Gusto nila ng perfect
Lilipad na lang ako
Putang ina, wala akong ticket
Madamot ba sila?
Tinatamad lang ako.
Mascot
Akin na ang mascot ni Jollibee

November 26, 2011

Pakiusog Pa Banda Rito. 'Yan! Thanks!

Kapapagupit ko pa lang, hindi dahil sa kagustuhan ko kundi dahil sa kagustuhan ng nanay ko. Ayaw kong nagpapagupit. Ang lambot kasi ng buhok ko kapag malago. Kapag nagpapagupit ako, tusok-tusok ang nakakapa ko kapag hinihimas ko ang tuktok ng ulo ko. Ayaw na ayaw ng nanay kong nakikitang malago na ang buhok ko. Oo, malago ang ginamit kong paglalarawan sa aking buhok. Hindi ko naman kasi ito nakikitang humahaba pababa. Pataas ang paglago ng aking buhok. Kulot ako.

Kung madalas kong makita sa mga tao ang kanilang mga mata at tiyan, buhok ang unang napapansin sa akin ng mga tao, kapag malago na ito. Sinabayan pa ng kutis kong hindi maputi ngunit hindi naman sobrang itim, hindi matangos na ilong na nasa hindi katangkarang katawan. Siguro, kung hindi ako kulot, hindi ako magmumukhang katutubo. Noong maliit ako e inaasar na ako sa elementarya na malapad ang aking noo. Sa itim ko ba namang ito, kumikintab ang aking noo sa tindi ng liwanag ng araw. Natutuwa ang mga kaklase ko sa kaaasar sa akin habang nilalasap nila ang aking pagtahimik at pag-intindi sa kanilang mga pang-aasar. Alam nilang nababadtrip ako kaya tuloy pa rin sila sa pang-aasar. Kapag sinabayan pa ng pansin nila sa aking buhok, tiyak at panigurado, ita naman o negrito ang mga susunod na banat sa akin.

Gumradweyt naman kami ng aking mga kaklase sa elementarya nang walang sama sa loob. Hindi na rin naman ako nasasaktan kapag tinatawag akong ita. Kaya noong high school, nakikitawa na rin ako kapag sinasabihan nila ako ng ita, negrito, kulot at maitim. Tinanggap ko nang pangit ako sa paningin nila. Ganito man ang mga tawag nila sa akin, tinatanggap ko pa rin sila bilang mga kaibigan. Okey na sa akin yung nakikipagbiruan nang ganoon, hindi ko naman na dinaramdam. Minsan na rin nagkaroon ako ng kaaway at tinawag niya akong ita, kulot at pandak (ito yata yun). Tinanong niya na rin kung saang tribo ako nanggaling. Minabuti ko nang i-print screen ang aming pag-uusap at i-post sa aking blog ang nangyari. Natawa naman ang mga kaibigan ko, hindi sa akin, kundi dahil sa kababawan ng mga ibinabatong pang-aasar sa akin, sa kababawang ng pang-aasar na minsan ginagamit din nila sa akin. Silang mga kaibigan kong kapag nakikita ako e hinihimas nila ang malambot na carpet sa ibabaw ng aking malapad na noo.

Nakalaya na ako sa mataas na paaralan, nakalayo na ako mula sa pagkadami-daming patakaran. Puwede na akong magpalago ng buhok hanggang sa gusto ko - pero akala ko lang pala iyon. Gusto ng aking mga kapatid na pa-afrohin ang aking buhok, gusto ko rin. Ang kaso lang, ayaw talaga ng nanay kong lumalago ang aking buhok, pangit daw. Siya lang naman yung nagsasabi ng pangit. Kung lahat ng mga nanay sa mundo e pogi at maganda ang itinuturing nila sa kanilang mga anak, yung nanay ko e napapangitan sa akin sa tuwing malago na ang buhok ko, na hindi naman napapansin sa akin ng aking mga kaibigang mali. Gusto kong magmukhang African o buhok man lang ng African o ita paminsan-minsan.

Madalas akong pagupitan ng aking nanay. Madalas niya ring pinipilit na suklayin ang kulot kong buhok. Magulo raw. Natural, magulo, kasi nga kulot. Kailan pa naging tuwid at hindi nakamamanghang tingnan ang kulot? May mga anggulo pa ring magulo. Ang pangit daw ng hitsura ko kapag hindi ako nagsusuklay. Hindi naman ako nilalayuan ng aking mga kaibigan at mga kaklase sa paaralan. Panay himas naman sila sa buhok ko. Hindi naman sila nandidiri sa akin. Nanay ko pa ang nandiri sa akin. Kung kailan naman tanggap ko na sa sarili kong katutubo ang unang nakikita sa akin ng mga tao, pilit namang sinusuklay ng aking nanay ang aking buhok. Minsan, muntik pa kaming mag-away dahil sa hindi ako nagsuklay bago matulog. Bago na iyon matulog, magugulo na talaga ang buhok kong magulo, pinapaayos niya pa.

Masaya akong naging kulot ako. Unang-una sa lahat, hindi ko na kailangan pang magsuklay pa. Kapag nahuhuli ako sa klase, kahit hindi na ako maligo, pakiramdam ko maayos na ang buhok ko. Hindi ako nagtatagal sa harap ng salamin tuwing pagkatapos kong maligo. Hindi ko na kailangang i-check nang paulit-ulit ang aking repleksyon sa bawat salaming aking dinaraanan. Hindi nauubos ang oras ko sa paglalagay ng kung anu-ano sa buhok para ito'y tumayo, tumigas, kumaway at kumintab. Hindi ko na kailangang hawakan ang aking buhok, pahawi-hawi bawat minuto, paayos-ayos bawat hanging malakas na iihip habang nasa expressway ang sinasakyan kong jeep. Hindi ko na kailangang atupagin. Bahala na kung maamoy ako ng mga tao, maayos naman ang hitsura ko.

Alam kong halos kakulay ko naman ang tunay na Pilipino. May mga kulot, pango at maiitim din naman tayong naging ninuno. Masaya na akong Pilipino ang mukha at pangangatawan ko. Natutuwa ako kapag malago ang buhok ko. Tanggap kong kulot ako at gusto ko ito. Nami-miss ko nang himasin ang malambot ng tuktok ng aking ulo.

November 25, 2011

Tree-Chop

Game. Kaunting kabanuan naman.

Ano ang konsepto ng buhay na tao? Paano mong masasabing buhay ang isang tao? Kung gumagalaw ba ito at nag-iisip, buhay na agad ito? Ang buhay na bagay ba, kailangan ng pagkain para mapanatili ang kanyang sarili na mabuhay? Masasabi bang buhay ang isang tao kung hindi natin siya kilala ni hindi natin alam kung anu-ano ang kanyang mga nais, ang kanyang mga saloobin? Buhay ba ang taong hindi maisaad ang kanyang mga kaisipan tungkol sa buhay? Patay ka ba kung hindi ka nag-iisip? Pagkain lang ba ang nagbibigay-buhay?


Ang panitikan ang sumasalamin sa bawat karanasan ng tao. Dito makikita ang kanyang mga saloobin, mga kaisipan, mga ideolohiya, mga paniniwala at mga pagpapahalaga. Kung may ganitong kahulugan ng panitikan, masasabing ang panitikan ay nilikha ng tao, ang panitikan ay galing sa tao. Mula rito, masasabi nating ang tao, kung aalalahanin niya ang kanyang mga karanasan, kung babalikan niya ang mga nabuo niyang ideolohiya, kung nauunawaan niya ang kanyang mga saloobin, siya ay nag-iisip. Ang buhay, nag-iisip. Buhay ang kanyang diwa, may ibig sabihin ang bawat kilos na kanyang mga binibitawan at naiintindihan ng kanyang kapwa ang kanyang mga sinasabi at ginagawa. Nakadepende halos lahat ng kanyang mga ipinararating sa kanyang mga karanasan, sa kanyang mga kaalaman. Sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang mga naiisip. Isang ebidensya ang panitikan na buhay ang mga mamamayan ng isang lipunan.


Sinabi na kaninang sa panitikan naipahahayag ng isang tao ang kanyang sarili. Kasama rito siyempre ang emosyon ng isang nilalang. Ang buhay na tao, may emosyon. Nagagamit ng tao ang panitikan sa paghahayag ng iba't ibang emosyong ito, nabibigyan ng kulay ang buhay ng isang tao. Hindi lang naman masaya kapag makulay. Ang makulay, nakararamdam ng maraming emosyon. Hindi ko sinasabing kailangang sabay-sabay silang mararamdaman ngunit mahalaga na ring maramdaman ang bawat isa ng isang taong nabubuhay. Buhay ang isang bagay kung nagbabagu-bago ito. Ang nananatili lamang sa iisang lugar o puwesto ay patay. Sa pamamagitan ng panitikan, nakikita ng lahat ang pagbabagu-bago ng isip ng tao, ang paglilipat-lipat niya ng kanyang mga pinipili sa buhay, ang pag-iiba-iba niya ng kanyang mga saloobin. Buhay ang panitikan sapagkat buhay ang tao. Buhay ang tao sapagkat buhay ang panitikan. Nasasabi ng panitikan ang bawat pagbabagong ito na ikinikilos, ipinapakita at ipinararamdam ng isang buhay na tao. Kung hindi dahil sa panitikan, walang pagkakaunawaan, walang magtutulungan, walang buhay ang isang lipunan. Mahirap mamuhay nang nag-iisa lamang at nagsisimula ang pagkakaibigan at pakikipagkapwa-tao sa paghahayag ng sari-sariling damdamin sa iba.


Kilala na ba natin ang mga sarili natin? Mauugat sa panitikan ang pinagmulan ng isang lahi. Ang panitikan ang maaaring magsabi kung saan nanggaling ang isang lipunan at kung anong mayroon sa kanilang nakaraan. Kung inuukit sa panitikan ang bawat karanasan ng isang lipunan, masasabi nating malalaman ng mga susunod na henerasyon ang kanilang pinagmulan. Hindi kumpleto ang iyong pagkatao kung hindi mo nalalaman ang iyong pinagmulan. Ang buhay, kilala ang sarili. Sa panitikan nakasalalay kung paano mong titingnan ang iyong sarili, kung paano kang makikibagay sa iba o kung makikibagay ka, o kung kani-kanino ka lamang makikibagay. Mahalagang makilala mo ang iyong sarili nang hindi ka mapahamak at mapunta sa hindi mo naman gusto. Ang panitikan ang nagpapakilala sa iyo ng iyong sarili, ng lipunang iyong ginagalawan, ng kalinangang iyong kinagisnan ngunit hindi pa lubos na nauunawaan. Buo ka, kumpleto ka, kung kilala mo ang iyong sarili.


Nabubuhay ang tao sa panitikan. Ang panitikan ang ebidensya na buhay ang tao.


ipinasang sanaysay sa "Wala mang praktikal na gamit, bakit mas mahalaga ang panitikan sa pang-araw-araw na kinakain ng isang tao?

Naman

Para lang sa mga hindi ko masabi na gusto kong sabihin, magsasalita na muna ako nang walang sense. Susubukan kong hindi maintindihan ng ibang tao ang sarili ko habang may nakauunawa pa rin. Susubukan kong may magalit at may matuwa rin at the same time. Hindi naman para sa mga taong walang kuwenta at nagpapapansin lang kundi may dating at parating nagpapatakbo ng diwa at damdamin ko. Siya lang naman yata yun. Siya lang sa ngayon. Siya na sana parati. Siya na.

Si Em. Kilala mo naman na siguro siya. Mahal na mahal ko siya pero hindi ko alam kung paano ko palulupitin 'tong post ko tungkol sa kanya. Baka nga maikli lang ang mailagay ko rito. May mga bagay ba naman kasi na hindi ko nasasabi sa kanya nang harapan? Nasabi ko naman na siguro yung mga gusto kong sabihin. Pero sana, sana ngayon, ngayong may pagkakataon na ulit ako sa simula, sana hindi na ako magkamali. Ayoko na talagang magkamali sa ganito. Ayoko nang niloloko ang sarili ko. Ayoko na siyang pahirapan. Hindi ko pa naman yata siya pinapahirapan kung hindi niya ika-count yung makailang beses ko nang pangingiliti sa nakaaakit niyang katawan. Masaya na rin naman siguro kung hindi niya titingnang pang-iinsulto ang pagtingin ko sa maliit ngunit cute niyang height. Aaminin ko, mas gusto ko yung mas maliit sa akin. Mabilis akong makyutan sa mga cute na bagay. Mabilis akong makyutan sa kanya.


Kung anu-ano na lang ba sinasabi ko? Hindi ko na rin mapigilan yung mga sinasabi ko. Gustung-gusto ko siya. Mabilis ko siyang ma-miss. Kapag nag-text siya sa akin bago matulog, parang gusto ko na ulit siyang makita. Kahit ilang oras na kaming magkasamang nakaupo at naghihintay sa improvement ng players sa track oval, hinding-hindi ako nagsasawang makasama siya. Madalas naming hilinging tumigil sana ang oras para lang magkasama pa kami nang matagal. Kapag nakayakap na siya sa akin, ayoko nang tumakbo pa ang oras, ang pesteng realidad. Ayoko nang bumalik sa realidad. Masaya na ako sa ganoon. Masaya na kami. Kapag gumigising ako sa umaga, siya yung hinahanap ko. Kapag nagising ako sa umaga at siya yung napanaginipan ko, gusto kong magwala. Para akong inagawan ng kung ano. Badtrip, ang aga-aga.


Galit siya sa mga tao. Galit ako sa mga tao. Galit siya sa peoplettes. Ayaw niya sa kanila. Maingay kasi sila, tapos nakapaligid pa sila sa amin. Gusto niya, kaming dalawa lang ang magkasama. Makulit siya. Ayaw niyang tumigil sa pangungulit sa akin na hindi ko rin naman pinipigilan. Masaya ako, kaya kahit na anong gawin niya sa akin, okay lang. Kahit sampal-sampalin niya ako, itulak, sabunutan, magpalibre, utusan, tapakan, magpabuhat, lahat, okay lang, basta kasama ko siya. Masaya naman na ako kapag kasama ko siya. Gusto ko siyang kasama parati. Lahat puwede sa akin, huwag niya lang akong sasaktan. Alam niya na siguro kung anong klaseng sakit yun. Alam na namin yun.


Alam naman na namin yun kasi nag-usap na kami dati. Sana maalala niya yung nagkuwentuhan kami, habang magkayakap, nang sobrang tagal sa hindi ko maalalang street. Doon sa street ng Main Lib at malapit yata sa Yakal. Alam niya na yun. Ang tagal namin dun. Kahit sa sobrang sakit na ng mga binti namin, ayaw pa rin naman paawat. Ang tagal naming nagkuwentuhan nang nakatayo, magkayakap. Ayaw na naming maulit ang mga nangyari sa amin noon. Sisikapin naming maging tama lahat ng gagawin namin, nagkasundo sa maraming bagay na mga korning tao lang ang gumagawa at naparami ng tawa, yakap, sandal, halik, kuwento, ngiti. Pero kapag tinuloy ko pa ang pag-alala sa mga ganyang bagay, lalo ko lang siyang mami-miss. Obvious naman kasing hindi ko siya kasama ngayon. Hindi ko rin siguro 'to maita-type kung katabi ko siya, o kung may katabi ako. Hindi rin naman siya makagagawa nang seryoso kapag may nanonood.


Wala siyang pakialam sa mundo. Kapag kasama niya ako, hindi siya nahihiya sa mga tao sa paligid. Gusto ko rin yung part niyang iyon. Malikot masyado, pero masaya. Kahit saan, kahit kailan, keri lang siya sa pagyakap at paghalik sa akin. Hindi man maipakita ng lubhang seryoso kong mukha parati, kinikilig ako. Hindi man karaniwan para sa akin, na para sa lalaki ang magsabi na kinikilig siya, kinikilig din kaming mga lalaki no. Kapag napangiti niya ako, alam niya na yun. Hanggat hindi ako sumisimangot, okay lang sa akin. Hindi niya ako kinakahiya. Mahal na mahal niya ako. Mahal na mahal ko rin siya.


Hindi ko na talaga alam ang daloy ng mga pinagsasasabi ko rito. Madalas niyang ipaalala sa akin na sa kanya lang ako. "Hoy, akin ka lang ah!" Araw-araw ko yata yan naririnig mula sa kanya. Ayaw niyang mawala ako sa kanya. Ayaw ko ring mawala siya sa akin. Masakit kapag may crush siya, kahit normal lang iyon sa lahat ng tao. Exaggerated ba kapag nagselos ako sa crush niya kahit na alam kong hindi niya ako kayang iwan? Siguro. Masakit naman talaga kasi, kahit sabihin nating crush lang. Masakit talaga. Subukan mong magkaroon ng girlfriend at may crush siya na iba. Masakit nga.


Galit siya sa mga tao. Sinabi ko na kanina. Wala siyang pakialam kahit saan kami. Wala siyang pakialam sa paligid niya, sa mga taong nasa paligid namin. Para sa kanya, nawawala lahat sila, lahat ng nakapalibot sa amin, kapag kasama niya na ako. Wala na siyang ibang nakikita kundi ako. Hindi ko alam kung nagfi-feeling ako. Pero kapag ganoon na siya kumilos, na parang wala nang bukas, wala nang pakialam sa mga tao, ganoon ang nararamdaman ko. Ako lang ang nakikita niya, ako lang. Masaya na ako sa ganoong feeling. Masaya na akong kasama ko siya. Nakaaalis siya ng mga problema. Hindi ko kayang magalit kapag kasama ko siya. Araw-araw akong nakukyutan, natutuwa, naiinlab sa kanya.


Para kay Em. Para sa best friend ko.

Paglalapi - Filipino

Putang ina. NANDITO AKO PARA MAGPALIWANAG KAYA BASAHIN NIYO 'TO, PLEASE.

Oo. Alam ko sa sarili kong marami pa akong dapat na malaman. Aaminin ko ring marami akong inimbento pero hindi ko naman inisip na gagayahin na naman ninyong lahat. Nako. HAY NAKO. NAIIRITA NA AKO SA INYO. Pero wait. Sa akin na lang ako maiirita. Kung hindi dahil sa nagpauso na naman ako ng bago, susunod yung iba, hanggang sa ma-exaggerate na ng lahat ng tao. Katatanga niyong lahat. Hindi ko alam kung bakit kailangan niyong dagdagan kaming mga tanga sa mundo e ang tatalino niyo na. Kung lahat ng tao sa mundo matatalino, sino na lang ang magbibigay sa'yo ng in-order mong chicken fillet?


Ganito kasi yan:


Kapag sa G o NG nagtapos ang unlapi na ginamit mo sa pandiwang trip mo, tapos patinig yung kasunod, saka ka lang gagamit ng gitling. Halimbawa na lang,


mag-ayos

nag-away
nang-away

Pero kapag katinig yung kasunod na titik sa unlapi mong nagtapos sa G o NG, hindi mo na kailangan ng katinig. Huwag kayong eengot-engot.


maglaba

nagluto

Kapag sa UM at IN nag-umpisa ang ginamit na pandiwa, hindi na kailangan ng gitling,

umalis
inaway


Kapag nagdodoble ka na ng pantig, kunwari para sa pangkasalukuyan, the same rules apply, hiwalay parati ang unang taal na pantig ng pandiwang nasa payak na anyo,


nag-aayos

nang-aaway

naglalaba

iniiwan
umaalis

Kapag nagdodoble ng unang pantig, hindi na kailangan pang gamitan ng gitling sa pagitan ng unang "first syllable" at pangalawang "first syllable" mula sa payak na pandiwa,
magtratrabaho
nang-iiwan

Kapag sa patinig nagtatapos ang unlapi, please, oh please, hindi na kailangan ng gitling,

nakaalis
nakadamit

Puwede yan sa lahat, hindi lang sa pandiwa.


GETS NIYO NA? Ngayong nakita niyo na ang katangahan niyo, kagaguhan ko naman ang ilalantad ko. Hindi dahil sa kailangan ko na namang magpauso, kinailangan ko lang talagang maintindihan kaagad ang mga sinusulat ko kaya naman gumagamit AKO ng hyphen kapag Foreign na salita ang kasunod sa mga ginagamit KONG panlapi,


nag-Playstation

nag-MRT
nag-enjoy
nag-swimming

nagpe-Playstation
nag-e-MRT
nag-e-enjoy
nagsu-swimming


Yan, yan yung naisip ko dati pa para lang sa akin. Para lang hindi ako malito (dahil sa sobrang katangahan ko) kung Filipino o Foreign yung nilalapian kong salita.


PLEASE. Huwag niyo na kaming dagdagan.