January 28, 2012

Oo, Putang Ina

Pagsusulatan?


Sa likod ng notebook ko. Ang linis e. Hindi ako makatiis sa mga empty spaces sa notebook ko. Ayaw ko rin ng mga hindi pantay na bagay. Punung-puno yung kaliwang bahagi ng notebok kong malupit tapos yung kanang part e walang laman? Naaatat talaga akong sulatan ang mga blankong papel. Kahit siguro mag-drawing lang ako ng nakatayong taong naggigitara, masaya na ako para sa likod ng notebook ko. Minsan, kapag tinatamad akong kunin yung notebook ko, ita-type ko muna sa notes ng iPod o cellphone ko. Saka ko lang sila isusulat kapag may time na o nasa mood na akong tumae. Sa mga blankong yellow pad, notebook, quiz booklet at ticket sa bus, maraming salamat.



Panulat?



Ballpen. Black. Panda or Pilot masaya na ako. Babaliin ko sa harap mo ang ireregalo mo sa aking G-Tech or whatever sign pen, or sobrang tulis na pen. Naiirita ako sa mga ganung klaseng pen. Kung hindi nabubutas yung papel na sinusulatan ko e nawawalan ng itatae yung ballpen na yan sa akin kasi sobrang diin ko magsulat. Kapag nagsulat ako e bumabakat sa tatlong papel. Tanggap ko na rin ang MS Word para sa pagsusulat. Okay na yung mga daliri ko sa keyboard. Masaya na silang katatalon sa mga titik kaya kahit sobra-sobra ang pagsabog na pinagpuputok ng butsi ko, mas mabilis na nasusundan ng mga daliri ko sa keyboard ang daloy ng aking mensahe kaysa sa pagsulat ng aking kanang kamay sa papel. Masaya rin namang may draft na akong naisulat sa likod ng notebook ko bago ko siya ilipat sa laptop ko.



Eh ano naman?



Wala lang. Naaatat talaga ako. Parang super call of nature. Hindi ako mapakali kapag hindi ako nagsusulat. Hindi ako makagawa nang maayos ng mga gusto kong gawin kapag nananawagan ang mahiwaga kong ballpen at nagdudugong utak. Feeling ng inner side ko, gusto niya talagang ilabas ang gusto niyang sabihin dahil araw-araw niyang isisigaw yung gusto kong isulat hanggang sa bumigay na ako sa paninigaw niya at magsisimula na akong isipan ng malupit na intro yung naisip kong akala ko'y malupit na paksa o kahit isang malupit lang na linyang naisip ko. Mula sa isang maliit na obserbasyon sa masarap pagtripang mga tao o kaya magandang punch line o astig na kumento, marami nang gustong idagdag ang aking naiisip. Hanggang sa nakakabuo na ako ng maraming pangungusap, ideya, paksa, talata, hanggang sa gusto ko na talagang isulat dahil baka makalimutan ko yung iba.



Eh para kanino?



Para sa akin. Masaya akong binabasa ko ang sarili ko. Masaya ako sa mga nagawa ko kasi ang saya sa feeling nang may natapos at binabasa. Para sa mga pinatatamaan, para sa masa, para sa mga mokong, mga papansing katulad ko. Para sa mga Pilipino, para sa kabataan, para sa mga tanga, para sa mga nagtatalinu-talinuhang katulad ko, para sa mga bobo, para sa mga tao. Para makahanap ako ng tamang paraan, para sa kapwa ko, para sa mga kaibigan ko, kasama sa buhay. Para sa kanila, sa inyo. Para sa mga jologs, para sa mga fans ni Justin Bieber, para sa mga mahilig sa musika, sa laro, sa pagkain. Para sa isang taong may masayang pagtingin sa buhay at kakaibang pagtingin sa mga tao.



Kung manunulat ako, gugustuhin kong mabasa ang mga sinusulat ko. Gugustuhin kong makapagmulat ng isipan, makatulong sa panitikan ng Pilipinas at makapagpasaya ng aking mga mambabasa. Kung manunulat ako, layunin kong tumatak sa isipan ng mga Pilipino. Hindi ko hinahangad na sumikat bagkus ay luminaw lamang ang pagtingin ng mga tao sa mundong aking ginagalawan. Gusto ko lamang makita nila ang mundo kagaya ng malabo pa ring pagtingin ko rito. Kung manunulat ako, gusto kong masipa ang damdamin ng mga tao, makiliti sila o kaya'y mapaisip sila sa mga sinasabi ko. Kung manunulat ako, may pakialam ako, magtatanong ako nang magtatanong, pipilitin kong sagutin ang aking mga tanong, maghahanap ako, makakahanap ako at magpapahanap ako.


creds

No comments: