August 13, 2024

XIII

Minsang nanggaling naman ako sa school, pauwi na ako at kabababa ko lang ng bus, naglalakad papuntang terminal ng mga jeep. Medyo nagugutom na ako ngunit mukhang hindi ito ang araw na magmemeryenda muna ako bago kumain ng tunay na pagkain sa bahay, kahit na ang lakas minsan ng hatak sa akin ng street food. Mas mukhang madumi, mas masarap.

Bago pa ako makarating sa terminal ng jeep, samot-saring patibong ng mga pagkain ang papatid sa akin. Merong dos-tres, kalamares, ihaw-ihaw, proben, mangga, siomai, mani, fish crackers, Cobra, Sting, Mountain Dew, C2, buko juice, gulaman. Mainit kadalasan ang commute pauwi (kahit pa gabi) kaya iba rin ang anyaya ng inuming nasa malaking lalagyan na pinaliguan ng yelo. Lumunok na lamang ako ng laway. Mamaya na lang sa bahay, sabay, pero ano ba naman yung bente pesos para sa isang Mountain Dew, 'di ba? Magtitingin kung may nakapila o ibang tao, mukhang wala naman, sabay, ano ba naman yung kalahating oras na titiisin ko hanggang sa makarating sa bahay, 'di ba?

Magdadalawang-isip pa ako nang tatlong beses (bale anim?) bago bumigay sa Mountain Dew at siomai tsaka proben at kalamares. Syempre bumili rin ako ng fish crackers para kakainin ko mamaya sa bahay, ano 'ko, magugutom? Feeling satisfied sa aking decision making, pabalik na ako sa original ko na ruta papunta sa mga jeep. Dinig na sa may entrance pa lang (sa likod) ang mga barker-dispatcher na kanya-kanyang sigaw ng signboard ng kanilang mga sisingilan.

Hindi nagmamadali't nakasakay na rin ako sa wakas. Bago pa man umandar e papasok na rin ang maniningil. Pagdating sa akin, binanggit kong estudyante ako. And guess fucking what. Tinanong niya 'ko kung meron ba akong ID. I was like ??? Pero nakasuot naman ako ng uniform? Anong kabobohan ito?

Ngayong katandaan ko lang naman din medyo naunawaan na baka sumusunod lang naman talaga sila sa protocols ng terminal pero matindi pa noon yung teenage angst ko at feeling ko minsan talaga e sentro ako lagi ng mundo, iniisip ko madalas na ako lang lagi ang basehan ng bawat tao. Kaya kung hindi ko maintindihan ang isang bagay, dapat maintindihan nilang hindi ko naiintindihan kung bakit hindi obvious para sa dispatcher na estudyante ako kung nakasuot naman ako ng uniform.

Sinong malupit na commuter ba ang may time para magpalit pa ng damit pampaaralan para lang makakuha ng discount? Siguradong hindi ako 'yon. At siguradong ipagpipilitan pa rin ng tagasingil na ilabas ko yung ID ko kahit ipinamumukha ko na sa kanya yung mukha kong takang-taka kaya inilabas ko na lang din at ipinakita sa kanya (habang nakatitig sa kanya) ang pruwebang hinahanap niya.

Hindi rin naman siya makatitig (pabalik) sa akin. Ngayon ko lang din napagtantong baka matagal na rin siyang sanay sa mga ganito kamapagmataas na pasahero, sa mga unnecessary interaction na puwede naman talagang maiwasan kung sa usapin lang din naman ng common sense. Ibinalik ko na ang ID ko sa aking bag kahit hindi naman din tiningnan ng dispatcher. Pinakiramdaman niya na lang din siguro, at inasahang bad trip din ako sa panghihinging maya't maya niyang isinusugal ang kanyang dignidad. Wala e. Patakaran. Wala kaming magagawang dalawa sa sistemang hindi naman kami ang nagpapatupad.

Simula noon ay palagi ko nang isinusuot ang ID ko sa tuwing sasakay ng jeep pauwi hanggang sa makapagtapos ako ng high school.

August 12, 2024

XII

Madaling araw noon, at malayo pa ang pinapasukan kong high school. Nasa probinsiya pa kami nakatira, at kinakailangan kong sumakay nang dalawa (minsan ay tatlo pa!) na beses bago pa makarating sa Maynila. Dahil napakaaga ng flag ceremony, dapat ay nakasakay na ako nang alas-kuwatro nang madaling araw mula sa aming subdivision.

Nasanay na rin akong gumising nang may alarm clock (sa cellphone). Hindi na ako nakaranas noon na gumamit ng sarili kong tunay na alarm clock pero naabutan ko pa dati yung sariling alarm clock ng nanay ko. Square ang hugis noon tapos glow-in-the-dark ang minute at hour hands. Nawawala naman din after some point sa dilim yung liwanag so hindi mo rin makikita yung oras 'pag nagising ka na sa madaling araw. Regardless, naririnig ko ito minsan dati kapag gumigising ang nanay ko para sa opisina sa Makati. Galing lang din siya sa aming bahay at araw-araw bumibiyahe.

Kaya, nasanay lang kaming magkakapatid na gumising nang madaling araw kung ayaw naming mahuli sa aming pupuntahan, lalo na kung araw ito mismo ng pagpasok. Hassle lang din kung sakaling hindi ako makaabot sa flag ceremony dahil kukumpiskahin ang ID ko ng kung sinong department head ang malakas ang saltik sa ulo that day. At dahil teenager, mas pipiliin pang madalas na huwag mapahiya kaysa tanggaping masaklap lang talaga minsan ang kalagayan ng bawat paggising ng araw.

Pagkasara ng maingay naming gate, maglalakad lang ako nang kaunti pababa (nasa mabundok na bahagi ng probinsiya ang kinatatayuan ng aming subdivision, maraming taas-baba ngunit sementado naman na halos lahat ng mga kalsada) tungo sa isang matayog na streetlight sa street na daraanan ng jeep na nag-iikot at nagsusundo. Maghihintay lang nang mangilang minuto, minsan ay may kasabay ring naghihintay na kapuwa papasok nang antok na antok din dahil sa madaling araw na alarm.

Sa 'di kalayua'y maririnig na ang maulit-ulit na pagbubusina ng driver. Pababa ito sa aming hintayan (galing sa mataas na bahagi ng street) ngunit hindi naman nagmamadali. Sa katunaya'y sobrang dahan-dahan lang talaga ang pagpapatakbo nito para siguro kung sakaling may gustong humabol (kung marinig man nila ang busina habang sila'y kumakain o nagbibihis o nag-aayos ng gamit) habang aligagang lalabas ng bahay.

Humikab ako sa ikalimang pagkakataon, pagkasakay ng jeep, puyat nang hindi dahil sa assignments o review para sa quiz, long test, exam, o recitation. Tipikal na high school night na walang ibang inatupag kundi talunin ang kung sino mang matatag na online pa rin, mapatunayan lamang sa batchmates na kaya kong magpuyat o hindi matulog, mga weak shit. Tapos magrereklamo dahil masakit ang ulo sa klase o 'di kaya'y magtataka kasi walang matutu-tutunan sa guro. Ibabaling ang sisi ng problema sa sistema ng paaralan at hindi sa tipikal na high school nights.

Patumba-tumba na ang aking ulo dahil sa sobrang antok ngunit ramdam ko pa rin ang presensya ng ibang mga pasahero. Ramdam ko pa rin ang aking bag. Ang pag-alog ng sasakyan sa malubak na daan. Ang ginaw ng madaling araw. Ang kiskisan ng mga kuliglig. Ang paglagapak ng palad sa balat nang makapatay ng lamok. Mga nagbabayad na pasahero. Dilim lamang ang kaibigan ko sa aking mahimbing na pagpikit at bigla na lamang akong nagising.

Malapit nang lumampas ang jeep sa bababaan ko at malayo pa ang susunod na puwedeng babaan. Aligaga akong sumigaw ng para at tumigil naman nang agaran ang jeep with kaunting inertia to bulabog the other passengers. Pagbaba ko, bigla na lamang sumigaw ang driver na hindi pa raw ako nagbabayad. Takang-taka ako dahil ang alam ko, palagi akong nagbabayad tuwing pagkasakay na pagkasakay ko at panatag akong hindi ako pumapalya, kaya sumigaw ako sa kanya pabalik na nagbayad ako.

Sumigaw lang ulit siya na hindi pa ako nagbabayad. Tiningnan ko ang mga pasaherong nakatingin sa akin. Lahat kami, ayaw mahuli sa pupuntahan. Kasabay ng pagkunot ko ng kilay, madali akong kumuha ng singkwenta pesos sa aking wallet at iniabot sa pasaherong nakaupo sa dulong babaan. Hindi na ako muling sumigaw pa pagkaabot ng "ikalawa" kong bayad. Tanggap ko na ring hindi ako sigurado kasi baka sinalimuot lang din ako ng sobrang antok, kahit na maya't maya ring nakikipagsabayan ang kabilang nagbayad naman talaga ako, putang ina, ulyaning driver!

Tumalikod na ako agad-agad sa jeep dahil baka maiwanan na ako ng bus na sunod kong sasakyan. Huli kong narinig na sigaw mula sa jeepney driver na mayroon pa akong sukli. Hindi na ako muling lumingon pa.

August 11, 2024

XI

Nakakakaba ang pinakaunang beses mong commute sa Pilipinas. Kasunod nang hakbang ito mula sa unang beses na ipinaabot sa 'yo ng magulang mo ang bayad sa driver, o 'di kaya'y sumalo ng pamasahe ng katabi, mas exciting pa sa unang beses kang makaupo nang hindi na nakakandong, o yung miminsang mapagdiskitahang paupuin sa harapan o sa dulong labasan ng jeep, dahil lahat ng mga ito'y nakasakay ka nang may kasama.

Mayroon pang kumakausap sa 'yo, o sadyang katabing kilala ka, para alalayan, bantayan, siguraduhing hindi ka mapapahamak o gagawa nang labas sa nakasanayan. Mga may pinagkatandaang magpapaalala sa 'yo ng karamihang tama at mali nang hindi ka mapadpad sa hindi naman kinakailangan, maiwasan ang gulo sa isip, pagkataranta, o pagtinginan ng ibang pasahero at bigla na lamang mabansagang 'di karaniwan nang hindi oras.

Naaalala ko noon, galing din akong unang sakay ng bus galing Maynila, tuluy-tuloy pa rin ang kaba sa aking dibdib kahit na alam na alam ko kung ano ang mga susunod kong gagawin. May parang hiwaga pa rin na kailangang mahakbangan ang mga bagay na hindi mo pa nagagawa mag-isa. Nauubos ang lahat ng imahinasyon sa pag-iisip ng mga mangyayaring mali, habang hinahayaang manaig sa puso ang paghila sa sarili tungo sa tamang landasin.

Naaalala kong tanong pa rin ako nang tanong sa ibang mga pasahero kung saan ako dadaan, o saan ang suotan, kahit na sigurado na ako. Hindi ko maipaliwanag sa aking sarili na natatandaan ko pa rin naman lahat ng dapat kong gawin pero hindi pa rin talaga nawawala ang paranoia na may mga bigla na lang talagang mangyayaring hindi maganda.

Naaalala ko ang unang beses kong nagbayad sa dispatcher ng pamasaheng nanggaling mismo sa wallet ko. Ang unang pagkakataong umupo ako sa jeep nang wala akong kapamilya na kasama. Unang beses kong paghinga nang maluwag nang makaupo na. Unang beses na tinakot nang bahagya ang sarili ng aking mapag-alburotong isipan kung siguro ba ako sa jeep na pinilahan ko. Unang beses na kainin ng kaba at silipin ang ilang mga pasahero kung may kakilala ba ako, at unang beses na tumayo't lumabas para sa tamang triple check lang ng signboard sa harap ng jeep habang hindi pa ito napupuno.

Doon ko lang din unang beses na napagtantong walang pakialam ang ibang mga pasahero sa ibang mga pasahero hangga't wala namang gulo o namemeligro. Unang beses na huminga nang maluwag mula sa pagbunot ng tinik na sinadya kong lunukin, hanggang sa unang beses na ibinulong sa sarili na nasisira na yata ang ulo ko. At sa unang beses na namalayang hindi naman din nababasa ng mga katabi ko ang nasa isip ko, doon ko rin unang beses na tinanggap na hindi ako ang sentro ng mundo.

August 10, 2024

X

Alam na lang agad minsan ng mga pasahero ang gagawin sa tuwing maaabutan ng ulan habang nasa loob ng jeep. Tipong madalas pa sa pagkakataon na hindi na kailangan pang pumarada ng driver sa gilid, maglabas ng megaphone, at ipangalandakan ang instructions na tutupdin kapag palaki na nang palaki ang butil na pumapasok sa loob ng sasakyan.

Mayroong mauunang isa o dalawang pasahero na kagyat na tatanggalin sa pagkakasabit at rolyo ang plastic cover na pananggalang sa pagkabasa. Papasok ka man o pauwi, pagod o inaantok, hindi maikakailang aasahan kang makitulong sa pagpapabilis ng muling pagsabit nito nang mabawasan ang pagkaabala niyong mga pasahero mula sa ulan.

Hindi naman ito requirement na matutunan, at sa katunaya'y hindi ka rin naman panlilisikan ng matatanda kung maliit ka pa lamang at naging first time mo dati, tulad ko, habang pinagmamasdan ang isa sa mga anyo ng bayanihang nangyayari sa kultura ng jeep. Sa unang pagkakataon lang di'y walang magtuturo sa 'yo kung anong nangyayari pero maski papa'no, malinaw para sa 'yo kung para saan ang pagtutulung-tulong. Malamang din ay sa susunod, alam mo na ang dapat mong tungkulin sa panahong pumatak bigla ang malakas na ulan at kailangan nang takluban muli ang mga pasahero.

Wala namang nag-udyok sa 'yo na ibang pasahero para tumulong, 'di ba? Noong una mong pagkakataon? Pihado, nagkusa ka lang ding tumulong sa pagtanggal ng rolyo at muling pagsabit ng plastic cover, hindi ba? Katulad din ng pag-usog ng malalaking bagahe sa gitna patungong dulong driver, o sa pag-alalay ng matatanda at bata sa paghahanap ng bakanteng upuan, may mga pagmamalasakit na pala ang naituro sa atin nang hindi natin namamalayan.

August 9, 2024

IX

Marami-rami ring ipinagbawal o iniiwas sa akin noong maliit pa lamang akong pasahero ng jeep. At sa tuwing may mga ipinagbabawal e siyempre, lalong hindi ito mawawala sa aking isip, mas kapana-panabik abangan sa paglaki, at may kung anong halong takot sa kabila ng pagtataka't pagkainip.

Bawal ako umupo sa labasang dulo ng mahabang upuan. Baka sakaling may dumaang limang segundo na makatulog o mawalan ng pakialam o malingat ang nagbabantay sa akin e malalaglag na lang talaga 'ko sa expressway kahit na medyo malay naman akong hindi ako dapat bumaba habang umaandar pa ang sinasakyan. Ano itong kakaibang hiwaga na bigla na lamang tutulak sa akin, literally o figuratively, tungo sa aking kamatayan? Si Kamatayan ba? Kalmahan mo nga. Madali rin lang itong lumabas na bogus sa akin (pero hindi ko na rin pinilit pa, dahil paranoid din naman ako) dahil may mga pagkakataong napupuno na ang mga upuan at wala nang gustong umusog pa paharap. May namataan na 'kong batang mas bata pa sa 'kin ngunit sa dulo pinayagang pumuwesto. Tumingin agad ako no'n sa kasama kong matanda at tinanguan niya lamang din ako nang hindi nagsasalita bilang pagsang-ayon sa aking pagkabahala.

Bawal ako sumabit sa likod, ni sumakay sa ibabaw ng bubong, bilang din naman baka mahirapan ako sa pagkapit. Maski pang maingat ang nagmamaneho, nakakatakot pa rin ang tulin ng isang jeep lalo pa kung sasabay ito sa pagkulentong at kalembang ng makina at iba pang mga bakal na parte. Sa bawat pag-alog e tila unti-unting natatanggal sa wastong adjustment ang buong jeep. Lego pieces. Kinukumpuni. Winawasak. At nawawasak. Hindi rin nakatulong ang maliliit kong kamay bilang dagdag sa kumpyansa.

Bawal ako tumabi sa driver. Uso yata ang kidnapping dati? Madalas itong panakot sa mga batang tulad ko noon na mayroong mga nangunguha ng mga paslit kung saang konteksto ka man kinakailangang takutin ng kasama mong matanda. Sa kaligiran ng jeep, maliban sa madali kang madudukot ng masamang-loob sa dulong labasan, medyo delikado rin ang pinakaharap na upuan. Hindi rin kasi uso ang seatbelt kapag sumasakay ng jeep. Ano ka, weak shit? Hindi ko alam kung bakit hindi na lang sinabi sa aking delikado sa harap kasi mas madali akong mauuntog sa puwestong iyon, at mas pinili na lang akong takutin sa pamamagitan ng isang overused urban legend.

Optional na lamang ang mga natitirang bawal kumain, mag-ingay, maglambitin, o magbasa ng libro sa loob habang umaandar na ang sasakyan. Minsan, puwede. Minsan, bawal. Kadalasan, nauunahan na ng ibang bata at magulang na walang pakialam ang pagbabawal bago pa man makapag-imbento ng panakot science ang nagbabantay sa akin. Gayunpaman, dala man ito ng kawalan ng kuntentong tiwala sa kabulastugang kayang ipamalas ng mga musmos, minsanan na ring ipinalagay na pagbibigay-halaga at pangangalaga ang ganitong mga uri ng pananakot.

August 8, 2024

VIII

Noong hindi pa ginigiba ang Starmall sa Alabang, mayroong malaking terminal ng mga jeep sa ilalim nito. Sa tuwing natatapos ang nanay ko sa grocery ay automatic na doon na rin lang agad ang diretso namin dahil mayroong lagusang nagkakabit sa dalawang puntahan.

Pagkagaling sa malamig at mabangong grocery, tatambad sa aming pag-uwi ang mainit, mausuk-usok, at mabaho na terminal. Maski pa, mayroon pa ring mga nakabukas na kainan at tindahan ng pagkain dito. Terminal nga naman kasi. Hindi terminal ang isang terminal kung walang mabibilhan ng pagkain sa loob. Yun nga lang, kung kaya naman din sikmurain ng sikmura mo yung amoy at lansa ng sari-saring likido at usok na nangangapit hanggang sa mapaanong sulok, wala rin namang makakapigil sa 'yo.

Bitbit ang aming parte pagkagaling mamili, pupunta na kami sa isa sa mga pila ng jeep. Mayroon pang malalaking signboard noon na nakasabit lang sa kisame. Apat din sa mga pilang ito ay dadaan sa iba't ibang lupalop ng aming probinsya. Punuan ang sistemang ipinamamalakad dito sa tuwing hindi pa madaling araw hanggang maaga-agang umaga. Fixed rate din ang pamasahe kahit pa magkakaiba kayo ng layo ng bababaan. Basta kung sa anong pila ng jeep ang pinasok mo, yun lang ang babayaran mo.

May ilang pila ng jeep ang mas mabilis mapuno kaysa iba kung kaya naiisipan din lumipat ng ibang pasahero ng pila kung sakaling nagmamadali. Kaya lang, hindi ka maaaring makipag-argumento na mas malapit naman ang bababaan mo at mas mura ang binabayaran mo sa kabilang pila. E 'di sa kabilang pila ka pumila, hindi ba dapat?

Matapos mapuno ng jeep na sinasakyan, aakyat na ang dispatcher na maniningil ng pamasahe ng lahat ng pasahero. Mangyaring miminsan e kulang na lamang ng isa at pagkatagal nang naghihintay ng lahat, mayroong magmamabuting kapuwa na babayaran na lamang ang kulang na bakanteng upuan nang makauwi na ang lahat. Fixed din ang kinikita ng mga driver kung sakaling mapadpad sila sa usual hours na normal ang dami ng mga dumadating na pasahero.

Marami ring ipinagmamadali ang pera, pero kung magkukulang ang lahat, nakaranas na rin ako dati na walang umaamin sa lupon ng mga nakasakay kung sino sa kanila ang hindi pa nakakapagbayad. Maanong bakit hindi na lang kasi sinunud-sunod ng dispatcher ang paniningil gayong nakadalawang hilera lang naman ang mga pasahero? Ang sarap din pari-paringgan ng natitirang hindi pa nagbabayad nang makauwi na. Matatag din kung susubukan mong huwag magbayad e mayroon ngang naniningil bago umalis, kaiba ng mga namamasadang jeep sa labas na nasa mga kalsada at nagsasakay. Kamalian na lang kaya talaga ito ng dispatcher dahil sa hindi pagiging organisado at mapagmatyag?

Sakali namang kumpleto na maging ang mga sukli, wala naman nang ibang aberya pa ang susunod. Ang ruta ng jeep palabas ng terminal ay serye ng mga pagliko't pag-ikot, na para bagang may one last tour ka pa ng ilalim bago pang makauwi talaga. Sa mangilang pag-ikot at likong ito'y madaraanan ang iba't ibang amoy, ibang mga pila ng jeep, kainan, mangilang humps, ibang exits ng mall, hanggang sa bibilis ang arangkada lalo dahil paakyat ang labasan patungong kalsada.

Kakaldag lamang nang dalawang beses hanggang sa umahon. Natutuwa pa ako minsan sa sarili ko dahil malalaman ko pa rin agad na nakalabas na ang jeep namin kahit pa nakapikit ako at naghihintay dalawin ng antok. Tipong umulit-ulit na kaming uwi sa ganitong ruta at hindi nagbabago, na unti-unti na ring napapako sa aking mga alaala. Kada kurba ay umuukit na pala, bawat bitaw, dumidiin, at sa huling hirit, pauwi na naman pala kami.

August 7, 2024

VII

Inisip ko nung bata ako, nung minsang mapadungaw sa labasan ng jeep habang umaandar sa expressway, kung paano kaya nilang pininturahan ng mga marka ang kalsada gayong ambibilis ng andar ng mga sasakyan dito? Alam ko, alam ko. Ang tanga, 'di ba?

Idinagdag ko pa sa pagtataka na baka ginagawa nila ang pagmamarkang ito habang nakasakay rin sa umaandar na sasakyan (kasi nga tuluy-tuloy lamang madalas ang trapiko sa expressway), at mayroong nakatakdang mga segundo 'pag ibababa na nila ang brush, maging sa pag-angat nito. Ang pagbaba-angat na mekanismo ay sobrang calculated ng mga nagmamarka, na hindi ko rin inisip na baka computer o robot lang dapat ang makakagawa nito.

Laking tiwala ko lang dati madalas na kayang gawin lahat ng tao, dahil halos lahat naman ng nakikita ko, saan man mapadpad ang paningin ko, ay gawa rin lang ng tao. Mula roon ay nung ipinagpatuloy ko pa ang aking wild guessing sa kahiwagaan ng mga marka sa expressway, hindi maaaring walang magpapatuyo sa mga ito dahil syempre, alam ko rin namang basa ang bagong-lagay na pintura, 'no! Ano 'ko, tanga?

Kakailanganin na ng pangalawang set ng sasakyan. Sila naman yung mga tagapagpatuyo ng pintura, at nakasunod lamang sila lagi sa tagamarka ng pintura. Sa tuwing may magagawang bagong kalsada, o kaya'y mga naaagnas nang marka, sila ang tinatawagan ng gobyerno. Hindi sila pinagtatrabaho nang gabi (kasi madilim) at sa tuwing tag-ulan (well, kasi obvious naman!). Normal din naman ang pahinga nilang mga araw tuwing weekends, at hindi na rin sumagi sa isip ko kung mauubusan ba sila ng trabaho kasi palagi namang mayroong pinapagawang mga kalsada ang kung sinong namamahala na walang mapagkagastusan nung mga araw na 'yon.

Lahat ng mga inisip ko'y lalong nagkandagulu-gulo nang makita ko na ang mga sumunod na marka: mga buo nang salita, na hindi na lamang basta mga linya ng dilaw, itim, at puti. Mas magagaling pang trabahador ang kakailanganin nila rito? Lalo ko na lang tinibayan ang kumpyansa ko sa mga tao na baka naman tinuro din sa kanila yun sa school. O baka naman mayroong mga makina na kayang pumukol agad ng "stamp" ng isang bloke ng mga salita, kagaya ng ipinangmamarka sa aking kamay kapag nakakakuha ako ng star sa school. At kagaya rin ng nauna kong teorya, syempre meron din dapat itong kasunod na tagapagpatuyong pangkat.

Sa may bandang dulo't pila ng toll gates, nagmabagal na ang sinasakyang jeep. Sa may 'di kalayuan ay dumarami na ang orange cones na nadaraanan. Nakaharang ang mga ito na nagsasabing bawal dumaan ang mga sasakyan sa partikular na espasyong ito. Doon ko lang napagtanto kung paano ako nagsayang ng ilang minutong pagkamangha't pagtataka para sa katanungang masasagot din naman pala sa dulo ng aming biyahe.

August 6, 2024

VI

Tinuruan siguro ako ng jeep maging mahinahon. Maliban sa pagsakay ng tricycle papuntang school na hindi naman kalayuan noong elementary, sa pagkatutong magbisikleta na kontrolado ko mismo ang bawat bilis at liko, sa minsanang pagsakay sa kotse ng mga kaibigan ng aking mga magulang, kung saan din una siguro akong nakalanghap ng aircon sa loob ng sasakyan, iba ang tibay ng lumaki sa pagsakay ng jeep.

Mauubos at mauubos din ang lahat. Walang matitira sa 'yo kung hindi laway, pawis, at isip. Hindi malayong nakapagmuni-muni ka na rin sa jeep nang mahigit pa sa isang beses. Bawat pangitain sa labas ay nagmimitsa ng kabit-kabit na mga tanong sa sarili, mga tanong labas sa sarili, ngunit tungong dulo pa rin sa sarili. Maraming napapansing hindi naman nakikita dati.

Mga billboard na kitang-kita ang pagkakatupi. Nakakatakot kaya sa itaas ng mga 'yan? Paano kung mahulog sila? Meron naman siguro silang helmet at mga lubid. Matagal siguro nilang kinakabit 'yan. Ilang tao kaya ang kailangan? Matagal na rin pala akong hindi nakakakain ng friend chicken. Hamburger. French fries. Spaghetti. Ayaw ko minsan ng chocolate cake. Masarap kaya sa restaurant na yun? Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang lasa ng dinuguan sa kanila. Totoo kaya siyang chef? Nagugutom na ako.

Nasaan na ba kami? May pagkain pa kaya sa bahay? Sana may chocolate pa sa ref. Wala naman kaming dalang pasalubong. Wala naman ding sasalubungin. Mayroon lang, mga tira-tirang buto para sa aso. Tatakbo agad yun pagkalangitngit ng maingay naming gate. Ang sakit na ng puwet ko. Kanina pa ako pumipikit pero hindi naman ako makatulog. Mamaya niyan aantukin ako 'pag malapit na kami sa simbahan. Mapapagalitan na naman ako. E hindi ko naman sinasadya. Napapapikit din naman sila minsan, pero ang galing kasi, nagigising pa rin sila sa pinakasaktong oras.

Sana kaya ko na rin yun. Sana hindi na ako antukin. Sana makapagluto agad ng ulam. Sana hindi na ako pagalitan kahit kailan. Sana maging crush din ako ng crush ko. Sana walang pasok bukas kasi uulan na lang bigla nang malakas. Magtatalukbong ulit ako ng kumot 'pag ginising ako para matulog ulit. Sana Pasko na ulit. Sana birthday ko na ulit. Gusto ko na ulit magbukas ng mga regalo. Gusto ko na ulit kumain ng mga pagkain na tuwing Pasko lang meron. Anong buwan na ba? Gusto ko nang makauwi nang makahiga agad sa kama. Ang sakit-sakit na ng puwet ko. Kaso, magbibihis pala muna pagdating sa bahay. Lagot na naman ako 'pag nagmadali akong humiga. Magbibihis agad ako pagdating sa bahay. Kailangan kong bilisan pero dapat hindi mukhang nagmamadali. Baka sitahin na naman ako. Sana hindi na rin ako utusan mamaya. Tatambay lang ako sa kuwarto hanggang sa 'pag kakain na kami ulit. Magpapakita lang ako nang isang beses. Ayaw kong napapagalitan.

Nasaan na nga ba kami? Malayo pa siguro. Nakapikit naman sila ngayon, pipikit na lang din ako.

August 5, 2024

V

Wala pang mga cellphone noon, 'di tulad ngayon na makapagmadali nga ng bayad nang agad na makapagbukas ng tsismis, video, meme, o mobile game. Hindi rin naman kita masisisi kung talagang maghahanap ka rin ng pahingang saglit sa kalagitnaan ng masalimuot na commute sa Pilipinas. Bawat itsa ng ngiti at tawa ay nakakabawas din maski papa'no ng pag-alala ng mga gagawin pag-uwi sa bahay o 'di kaya'y mga ipinagpabukas nang gawain pagpasok.

Wala rin akong iPod dati o Walkman bilang pantawid lamang din sa bagot ng biyahe. Masuwerte na 'ko kung interesante ang pinag-uusapan ng mga matatanda kasabay ng hindi maingay na makina ng jeep. Okay na rin minsan kung nakabukas ang radyo ng driver, balita man o musika.

Pero paano kung wala ang mga ito? Paano kung hindi rin ako inaantok? Paano kung malakas ang ulan at kakailanganing tapalan ang mga bintana nang hindi pumasok ang tubig? Kung gabi na at malabo na ang lahat sa labas? Kung tulog na lahat ng pasahero, at arangkada't preno na lamang ng jeep ang abot ng aking tenga? Na sasabayan pa ng mangilan-ngilang lamok at langaw ('wag na 'wag lang ipis!) na gigising sa pasimot ko na ring kaantukan?

Kaming dalawa na lang ng driver ang gising kaso inaantok na rin yata siya. Hindi siya puwedeng makatulog pero hindi rin naman ako puwedeng biglang magsalita na lamang at kausapin siya. Paulit-ulit ang hagip ng matatayog na ilaw sa kalsada. Iyon at mangilan-ngilang pagsimoy ng hangin sa kahalamanan. Matitigil lang nang saglit ang pasada sa bawat pag-imbot ng kalsada. Titingnan kong muli ang mga paborito kong pasahero kung may gising ba ang kahit isa sa kanila. Pero malamang sa malamang ay pipikit lamang din silang muli kung magising man, at kung hindi'y hindi rin nila naman ako kakausapin o makakausap.

Susubukan kong pumikit ulit. Tanging mapapakiramdaman na lang ang pag-alog ng lahat sa sasakyan. Halos kabisado ang bawat kinalalagyan, at tanging natitira sa kadiliman ang maputlang liwanag na nanggagaling sa driver. Bubuntong-hiningang malumanay. Makakauwi rin kami.

August 4, 2024

IV

Bago ka pa umabot sa high level na pag-abot ng pamasahe sa driver e kinakailangan mo munang malampasan ang pagkakakandong. Halos lahat ng batang pinalaki sa commute sa Pilipinas, dinaanan ang kandong level. Minsan, makakatsamba kang madaanan din ng mga pamasahe at sukli, pero iba pa rin talaga kung pinayagan ka na ng magulang mo na maupo sa sarili mong kalalagyan.

Kapara nung bagong tungtong ka sa baitang noong elementary kung kailan maaari ka nang gumamit ng ball pen. Parang nung pinayagan kang bumili at umubos ng isang buong tsitsirya plus soft drink na sa 'yo lang. At katulad ng unang beses na pinagamit sa 'yo ang remote ng telebisyon sa bahay, may kung anong pakiramdam ng kaganapan kung payagan ka nang tumabi sa kapuwa mo pasahero.

Kapuwa mo na siya. Kung baga, may bawas na sa agwat ang inyong mga antas. Mas mapapadali na ang inaabangan mo parating pagdungaw sa bintana (huwag lang malipad-hampas ng hindi nakataling buhok!), pupuwede ka na ring makiusyoso sa tsismis ng matatanda habang hindi pa umaandar ang jeep. May sarili ka nang mundo na maaaring panghimasukan ng iba.

Mayroon kasing invisible barrier ang mga nakakandong na nagpapahintulot sa kanilang 'wag silang matatablan ng kahit na anong unspoken rule sa loob. Hindi mo kailangang magbayad ng pamasahe, at hindi rin magtatampo sa 'yo ang katabi mo kung sakaling hindi mo siya pakisuyuan. Sa katunayan, matutuwa pa nga ang matatanda kapag ikaw mismo ang mag-aabot ng kanilang pera. Mas mahalaga ka sa kahit na anong bagahe ng kahit na sinong pasahero, at kung sakaling biglang mamreno ang driver at titilapon paharap ang mga nakasakay (kasabay ng isa o dalawang pagtili ng ilang ale), ikaw ang isa sa mga unang pagbubuntungan ng atensyon ng mga tao kung okay ka lang ba.

Lahat ng pribilehiyong ito ay unti-unting nababawasan sa laki ng espasyong kinakain mo sa 'yong pagtanda. Yun nga lang din, unti-unti rin itong babalik sa unti-unting pagsulpot ng iyong puting mga buhok at pagtamlay ng iyong mga buto. Tatanda kang pasulong at paurong bilang pasahero ng jeep. Babalik din tayong lahat sa pagiging pinakamahalagang pasahero sa pagkahabang upuan. Hindi lahat ng dinanas natin dati'y mananatili lamang na mga alaala. Matapos magtagal, kakandungin din tayong muli ng ating kapuwa pasahero, na katulad natin, ay gugustuhin na lang ding maging bata muli.

August 3, 2024

III

Katulad mo, excited din akong tumanda dati. Hindi ko pa gets ang konsepto ng pera noon pero gusto ko lang din maranasang mag-abot ng bayad sa jeep. Parang unspoken initiation rite ito para maging ganap ka nang isang tunay na Pinoy commuter. Maiintindihan siguro ito ng mga turistang foreigner kung mangyari nang masipat nila muli ang unang pagkakataong nag-abot sila ng pamasahe. Nagkaroon din ako ng kaklase dati na pinilit niyang siya ang magbibigay ng aming pamasahe sa driver dahil first time niya raw gagawin ito. Nakakasabik naman talaga lagi kapag first time.

Ngunit sa kabila ng kapayakan ng mga first time, hindi natatali sa iisang pinasimpleng karanasan ang pag-aabot ng bayad sa jeep. Magkakaiba ang dagdag-bawas sa pamasahe, depende kung saan sasakay at kung saan bababa. Kung saan man manggagaling o kung ano mang discount ang mayroon ka. Kaakibat nito, mapamalayo man o malapit, estudyante man o senior, lahat ay inaasahang mag-abot ng bayad patungo sa driver, kahit na lahat ng pasahero sa loob ay hindi magkakakilala. Kasama na rin dito ang pag-abot din ng sukli pabalik sa nagpaabot ng bayad.

Hindi sinasadya at sapilitan tayong pinagbubuklod ng espasyo ng jeep. Sa maliliit na ugnayan ay masisilayan ang mga mumunting malasakit sa kapuwa. Sa sobrang karaniwan ng senaryong ito'y kadalasan nang hindi na kailangang makiusap pa sa katabi para lamang maiabot ang iyong pamasahe. Hindi na rin kailangan pang magpasalamat sa tuwina kung tuwi-tuwina rin naman ang mga palitang nangyayari. Kaya lang, maski pang kahit gaano pa kanormal ang abutin ng isang parte ng araw-araw na buhay ng isang commuter e hindi pa rin naman talaga mawawala minsan ang mga abnormal na bahagi naman ng karanasan.

Nandiyan, at totoo, yung mga pasaherong ayaw mag-abot ng pamasahe. Ikaw na lang din mismo ang manghuhula ng kanilang palusot na kung kesyo ayaw nilang madumihan ang kanilang kamay, o madali silang magkakasakit. Like, hello? Siksikan ang loob ng jeep in the first place, tapos aartehan mo kami ng ganyan? May nakasabay na rin ako one time na lola na pinagalitan ang isang estudyante dahil hindi nagpasalamat sa kanya yung bata nung iniabot niya ang sukli. Tipong naghintay siguro siya saglit para bigyan ng sapat na timing ang bata para magpasalamat pero hindi niya ito natanggap. Kung kaya, instant sermon ang inabot ng kinawawa na dinig din ng iba pang kapuwa nilang pasahero.

At meron ding katulad ko, na ayaw ring nag-aabot ng pamasahe, pero hindi naman actually nandidiri sa tuwing may magpapaabot (tinatamad lang!), pero kung mapagbibigyan naman ng pagkakataon ay uupo sa sweet spot sa mahabang upuan ng jeep na hindi ganoon kadalas madadaanan ng responsibilidad. Ewan ko sa ibang commuters diyan, 'no, pero ito yung second seat mula sa exit ng jeep. Isang katabi mo lang ang required kang paunlakan ang pakisuyo ng pamasahe, at siya lang din ang aabutan mo ng sukli. Wala ka rin sa semi-dangerous zone na dulong seat lalo na kung walang pinto ang labasan.

One way or another, hindi sapat na malay ka lang sa responsibilidad ng katabi mo na mag-aabot ng iyong pamasahe sa loob ng jeep, dahil kailangan mo itong makita mula sa iyong sarili: Kung gusto kong iabot ng katabi ko ang pamasahe at sukli ko, ganun din dapat ang malasakit ko sa kanya.

August 2, 2024

II

Dati, mayroon pang umiikot na jeep sa loob ng subdivision na tinitirhan namin. Mag-uumpisang pumasok ang unang jeep ng umaga nang madaling araw. Matapos ay every after 15-30 minutes or so, mayroon na muling papasok at mag-iikot na isa. Ganito lang mangongolekta sa amin ng pasahero ang mga jeep na nakadestino papuntang Alabang.

Para sa mga pumapasok na lumalabas ng aming probinsya, nasa Alabang na siguro ang pinakamalapit na makapagpapalayo sa amin. Marami nang terminal ng kung anu-ano rito para sa mga susunod pang destinasyon. Nasanay na lang akong sumakay nang ilang beses sa makailang sasakyan bago ako nakakarating sa gusto kong mga puntahan. Patid din sa mga pagbiyaheng ganito ang palagiang paggising nang maaga o kaya'y pagtantyang dapat na aabutin ng tatlo o apat na oras palagi ang idyadyahe dahil lamang din sa pagkonsiderang maiipit ka palagi sa traffic, no matter what. Inaasahan ko na lang madalas na mayroong mangyayaring hindi ko inaasahan.

Para naman sa mga jeepney driver na pumapasok sa amin, ang pagsalok pa ng mga pasahero para sa akin ay kakaibang gastos sa gasolina kumpara sa kung dumiretso na lang sa terminal ng mga jeep (oo, meron ding terminal ng jeep, isang sakay lamang ng tricycle mula sa amin). Bad trip din para sa mga tricycle driver na sanang naghahatid at dagdag-kita pa.

Ang ikinaganda lamang siguro ng paglibot na ito e yung pagkakataon ng mga naunang nasundo na maikot at makalikom sa maliit naming subdivision. Pagkakataon para makita nila ang bahay ng mga kakilala nila, mga kantong kinagisnan, mga puno at halamang miminsan na ring naging kaligiran sa paggala, mga tinubuang tambayan, mga asong kilabot, sari-saring sari-sari, mangilan-ngilang ilangan, nawawala nang mga alaala.

Sa pagpasok ng jeep ay saka ito maya't mayang bubusina sa bawat lilikuang street. Nasa may main road at daanang kanto lang din malapit nakatayo ang aming bahay kaya dinig ang peryodikong beep-beep na ito. Tinamaan lang yata talaga ako ng magaling dati dahil may isang araw na naisipan kong kawayan sa malayo pa lamang ang driver bilang senyas na maghintay siya dahil sa kunwaring may sasakay mula sa amin.

Tumakbo agad ako pabalik sa aming gate, tuwang-tuwa sa kabulastugan ng aking prank. Tiyak, maghihintay yun si manong, hahaha! (Oo, tumatawa rin ako sa aking isip.) Bumalik lang din ako sa kung ano pang mapagdiskitahan ko sa bahay dahil wala naman akong pasok. Makalipas siguro ang ilang minuto'y tinamaan naman ako ng konsensya at inisip kung naghintay nga bang talaga si manong? Tumakbo akong pabalik, palabas ng aming gate dala ng kaunting panic at dismaya sa sarili.

Paglabas ko'y nakatengga nga ang jeep sa may kanto! Naghihintay sa wala. Ngayon ay hindi naman ako puwedeng umamin sa kanya na tinarantado ko lang siya, 'no? Bagkus, sumenyas ako ng wala at sumigaw ng, "Hindi na po pala! Hindi na raw po!" sa driver, habang umiiling-iling pa. Kinunutan lamang ako ng kilay ng driver saka padabog na kinaldag ang kanyang kambyo, na para bang may kasalanan ako sa kanya. Kasalanan dapat 'yon ng gawa-gawa kong multo, 'di ba? Pero bakit sa akin siya nagalit? Bakit inasahan kong mapapangiti lamang siya kasi hindi na kinaya ng pagmamadali ang hinihintay niya? May saltik nga bang talaga 'ko sa utak?

Umarangkada na ang jeep at nagpatuloy nang muli sa pagbusina, umaasang mas makatsamba pa ng tunay na pasahero. Hinding-hindi naman talaga tayo makukuntento sa mga imbento.

August 1, 2024

I

Isa sa mga pinakamaagang alaala ko sa jeep e yung nauulit-ulit, kahit 'di naman kadalasan, na gigisingin ako ng aking mga magulang dahil malapit na kaming bumaba. Wala pa masyadong muwang at hindi ko pa noon kayang labanan ang antok kung kaya't mauulit ang paggising sa akin. Hindi naman sa madaling magalit ang aking nanay pero may sapat lang na babala ng gimbal para hindi na muling pumikit pa sa ikatlong pagkakataon.

Takot akong napapagalitan noon, magpahanggang siguro naman din sa ngayon. Hindi ako kumportableng nakikisalamuha sa mga nagagalit sa akin. Kahit sino rin naman siguro, ano? Pero hindi ko rin lubos na tantyado sa miminsan kung bakit mayroong mga anak na kinakayang pasanin ang mabigat na pakiramdam na galit ng kanilang mga magulang na sila mismo ang may-sala, sa tuwing halimbawa na lamang na sisiklab silang magwala 'pag hindi nila nakukuha ang kanilang gusto.

Hindi ko rin naman ginusto ito, at hindi ko rin halos mapipigilan. Ngayun-ngayon ko lang din napagtatanto nung tumanda na ako na isa siguro sa mga toxic trait ng mga Pinoy na magulang ang ipaubos sa kanilang mga anak ang inihaing pagkain sa kanila, kahit na umaayaw na ang mga ito sa mga nalalabing pagsubo, hindi rin naman kadalasan dahil sa hindi masarap ang pagkain kung hindi dahil sa, well, busog na.

Ano itong bagay na hindi nila minsan mapaniwalaang nabubusog din ang kanilang mga anak? Nabubusog din naman ako? Pasok din ba ito sa isa pang toxic trait nating mga Pinoy na uumpisahan ng mga magulang ang guilt trip na huwag sayangin ang biyaya, na hindi pinupulot ang pera? Sino bang nagdesisyon na kumain sa fast food in the first place? At magkasinlaki ba tayo ng appetite?

Nakahalos limang pilit na lunok din ako kanina lang para hindi ako mapagalitan sa restaurant. Ngayon ay nakakalimang halos lunok na rin ako ng laway 'wag lang ako masuka. May nakahanda naman nang plastic labo na ipinabulsa sa amin bago kami umalis ng bahay. Yun nga lang, ayaw ko pa ring mapagalitan, kahit na 'di ko naman dapat kasalanan.

Susubukan kong tumingin sa malayo, sa mga nalalampasan nang mga bahay. Bawat hump na matatalbugan ng jeep ay nagmamarka sa aking kalamnan kung kaya ko pa ba. Kaya ko pa. Titingin ako sa ibang malayo. Titingnan ko ang aking tatay. Titingnan ko yung bunso kong kapatid. Nasusuka rin kaya siya? Si Kuya malaki na kaya 'di na siya nasusuka. Sana lumaki na rin ako. Titingnan ko ang aking nanay, tapos ibang mga pasahero. Tapos tingin ulit sa malayo. Humps. Tingin sa kapatid. Sa bahay sa malayo. Kay Nanay.

"O, nasusuka ka? Asan na yung plastic mo?"

Mapipigilan ng mga labi ko ang paglobo ng suka sa loob ng aking mga pisngi. Lulunukin ko itong muli. Bubuklatin na ng nanay ko sa aking harapan ang plastic. Nakatingin na sa akin ang aking mga kapatid. Si Tatay ay tahimik lang at nag-iisip na ng paliwanag sa mga bagay, as per usual. Hindi ko na tiningnan pa kung nakatingin ang ibang mga pasahero.

Sa wakas at sumuko na rin ang lalamunan at tiyan ko.

Napuno ang plastic labo ng halu-halong kulay ng orange, dilaw, at kaning hindi natunaw. May humapyaw na pitik ng amoy ng suka na nagpaduwal sa ilang nakiusyoso. Nakahinga na ako nang maluwag. Tapos na ang kalbaryo.

Bumaba na kami sa tapat ng waiting shed. Dala-dala ng nanay ko ang pasalubong, itinapon sa basurahang malapit. Sayang lang yung pagkain.

"Sayang lang yung pagkain."

July 5, 2024

maybe next time

nagwawalis ako bago magsulat.
ganun ka rin ba? may kung ano
na hindi makapagpigil sa aking
pumipigil sa akin, pigilan man.

uumpisahan ko 'yan, mula pa
sa kaliwa patungong kanan,
habang paisa-isa ring namumulot
ng mga hindi nasasalo ng tambo.
hindi naman sa pagtatampo pero
ganun lang talaga siguro sa 'pag
inasahang pagkaisang dakot ko,
dapat ay matapos na, may ilang
din kasi ako sa ilang paulit-ulit
na pagbalik pa. kung babalik na,
'wag sanang babalik pa, kahit
kung baliktarin ko pa, tadtad
sa 'king may asar sa bakit hindi
pa rin tsumamba,

'pagkat kung sa bilog ng pagbalik,
may libog na nauulit, sambuwang
makapagpigil ang sambuwang 'di
makapagpigil sa bilugang pag-ibig,

at kung ibig pa na manumbalik,
ibig ko ring walang sabit, kung
sa pagbalik ko sa pagsulat, 'pag
bumalik ay sambit na wala nang
pagsabit. isang bitaw sa walis,
at sa isang buwan na mag-uulit.

July 4, 2024

eepy

this coffee smells like popcorn,
a setup reminding me of home.
i could just express less, not
as logical, but kinda, too. I can
never escape, not too eternity,
though, 'cause i eager too fast,
which won't ever last still, still,
i'd rather say something poetic,
than say something unreal. we
should all just be honest, untake
glamours of past deals. pretend
nothing is utterly wasted, no-
thing is entirely sealed.

this coffee might smell like pop-
corn, or rather a taste somewhere
special. i've never, ever wasted
such, for every infinite's sake,
and until the end of forever, i
shall make all my mind breaks.

June 30, 2024

unreleased

we're not really having this
conversation, these thoughts.
everything is just merely
floating through territorial
space as letters, as symbols,
as sounds never truly having
meant anything. it is still
a wonder how violence and
chaos can actually feel calm,
normal, and at their very best
state, underwhelming.

preparing for something big
isn't anything we've all
hoped for. every day doesn't
have to be always at stake.
coffee burns your tongue
while making uneven pale
pancakes for trying to wake
your sorry-ass self up, on
every sunset, making up
the tiniest excuses to not
recognize important any
longer, 'cause there simply
is not. nothing. at all.

once acceptance of lazy
is as needed as it does not
matter whether milk or water
gets set up by chance,

we're not really having this
conversation, try to wake up
your sorry ass.

June 29, 2024

chesterfield

magmamadaling araw na't
malapit nang matapos
ang siya na pagsasadula
ng paboritong pelikula.
hindi naman talaga sinadya,
kahit may pasundut-sundot
ng subtitles na maaaring
iwanang screenshot kapag
nagkataon, ipinapalusot
na lamang na nagkapareho
lang naman talaga ng inibig.

magsasabay ang iba, sabay
rin sa isa. ang padilim ay
pagkikita-kita, mula pang
hapon hanggang sa umaga.

hindi naman problema
sakali ang pagpapahiram
ng mga amoy. mahalaga'y
'di nag-uulit, papayagan
lamang ang mga umano'y
nagbibigkis sa ating lahat,

pagsasayang pagsasayang,
unti-unti nang bumabakat.

June 28, 2024

go ahead

sino ba ang nagdikta na ang paghilig
ay iisa laban sa nag-iisa, na kung 
bakit ipinupursigi pang nanganga-
ilangan munang mayroong mahinto't
magmura mula pa sa kaibuturan niya,
na kung hindi niya pa maipagtanggol
ang lahat ng kanyang kinabisa, mag-
mimistula siyang tanga, napag-isip-
isip niya. napag-isip-isip mo ba?

na ang tunay na halimuyak ay hihigit
pa sa isang heated na hidwaan, heavy
machine guns, helly sharingans, hail
mary, forgive us, for we still do not
understand we can always understand,

na ang pait ay rekadong panlinamnam
nga naman sa danas, pero 'wag naman
sanang sigurado na natatangi lamang
ang 'yong wild ass 'cause the truth 
of letting everyone enjoy as much as
how painful one can over-bear, may
matitira pa ring nagpapayong every-
thing else shall fail,

never na siyang makikitapak ng base.

June 27, 2024

do not wake me up

sobrang sinadya yatang tagalan
na mag-adjust para lang masabi
talaga na gising na gising. may
umagaw na naman siguro, kahit
hindi naman sinadya, ng tuma-
takbong pampalipas-oras, ubod
ng kupad sa umpisa kaya't

madali ring nalilimot kung sa'n
pa nga bang nanggaling, sunod
sa paroonan. bakit lagi na lang
balot ng kaba at pigilan ng
mga babawal kung saan punung-
puno ng mga pupuwede, pero
depende pa rin pala

kung sanay mailagi sa tahimik.

pipiliin bang hayaan na lang
ang may mamili, o hahayaang
'di mamilit, piliting muli na
managinip?

June 26, 2024

paumanhing panauhin

mayroong pangunang pagkapang
walang makakaalam maski ang
bagong-gising. sa pangalawa'y
may pagdududa na't kukurot,
pipigaan, maghahanap na ng
tubig, kape, milo, at ipanghahalo
na sachet sa mainit na tubig.

hindi nawa makakamit ang langit
nang hindi nakaibabaw ang isa
sa mga kalbong pinagpatungan
ng tugtugan kinagabihan, sa pag-
pang-abot ng mga hindi kinilalang
mga magulang, bakit kami yung
magkukulang? hindi naman kami
yung nagpalaki sa amin? tsaka,
isa pa, bakit sa isang tuldok na
pangnakalipas, iyon at iyon lang
ang tanging sambit at siwalat, 

na para bang kahit makauwi nang
muli sa tahanan, sa naiwang bakas
ng pagpaalam, ilang ulit man na
magkunwaring hindi hibang,
sa pagkamata'y iba na lang, kung
magsisimula, pasensya na lang,
at walang pasensyang pakialam.

June 25, 2024

tsaa

pauso'y nag-aabang, tila bunsong
kasisilang lang. wala nang natitira
pang kakilala, iisa lang. walang 'ya,
puro tapon, puro sermong hindi
naipapasok, at paulit-ulit na gabi-
gabing paglabas-masok hanggang
sa, at some point, mapapatanong
na lang talaga agad-agaran sa sarili,

isa pa ba? bakit umisa pa kasi?
mabilis lang, mabilis lang, mag-
ooras na pati malapit nang may
kumulo't kumidlat, kumulog sa
badyang pagkaiglap ng binubuo
na palang mga alaala. hindi pala
dapat na nakapagtataka.

umisa pa. umisa na. umisa pa kasi.

June 24, 2024

taympers

biglang hindi ko na pala
alam ang nangyayari. bakit
nga ba pa kasi ako ulit naan-
dirito? 'tang inang 'yan.
putang ina kasi. fucking shit.

wala na, wala na naman.
sobrang bilis lang pala no'n?

ano ba dapat ang una ko
nang gagawin? e, nandun na
ang lahat ng mga una kong
gagawin. ngayon lang ako
nagkaganito na naubusan
ng gagawin, at sino ba sila?

nakikilala raw ng isa. alam
niya kaya ang gagawin? sa'n
ka pupunta? dapat ba akong
sumunod? masunod? never
mind. wala na rin pala akong
nakabisado. bobo talaga.

kailangan ko na lang muna
sigurong tumanggap ng talo,
alam ko, alam ko. kabisado
ko na pala 'to. isang buntong-
hininga ko lang, pipikit, isang
saglit, iiwanan ang mundo.

June 23, 2024

do your job

kahit pa sa dulo maipuwesto,
yari 'yang tanong mong
sinadya lang namang pag-
isipan pa kagabi, or kanina,
or baka ilang taon mo nang
ginagamit, nagagamit, dahil
hindi nauunawaang umiikot
naman talaga ang mundo,
at hindi sa 'yo, kahit ano pa
ang sabihin nila, sa iba't iba
na mga kuwento nila, sino
ba sila sa sino ka rin ba?

yari 'yang galit mong
walang pinagbabasehan
kung hindi kawalan lang
ng totoong pagtigil at paki-
kinig — lahat ng malabo'y
hindi dapat ismid at patabi
ang panunghay. e, kaya nga't

kahit pa sa dulo maipuwesto,
yari ang hinahanap ng lahat.

June 22, 2024

storm

sige, paalam. salamat, salamat.
walang anuman, haha. 'la 'yon,
sus. 'wag mo nang isipin 'yon.
ako na, sige. sige, sige, sige.

oh, yeah, right. i should do that.
i'll work on it later. i will, yes.
i'm already working on it right
now. ako bahala. mamaya na.

gutom na 'ko. anong masarap?
jollibee? two-piece chickenjoy.
malutong na balat, yung medyo
nagmamantika pa. ganun din
miminsan sa ministop, sa uncle
john's. sa dixie's, may tofu sisig.
wala na yung chef na maraming
maglagay ng mayonnaise. saan
na kaya siya? saan na kaya siya
nagluluto?

gusto ko nang mag-aral magluto.
kaso parang nakakatamad lang
din pala. tsaka baka mas mahal?
baka hindi na naman ako maka-
ipon. may mga gusto pa akong
bilhin, at pagkagastusan. kung 
nabibili lang din sana ang oras.
ilang oras na ba ang nakalipas?

ilang minuto, ilang segundo,
ilang araw ko bang kakayanin
na manatili pa rito? palagi ko
palang hinahanap na ang mga
minsan. kailan ba silang muli
na dadalas? anong oras na, at
anong oras na naman ako
maaalimpungatan mamaya?

magkukumot na lang ako,
tapos pagpapawisan na naman.
nakatutok naman sa akin lagi
ang electric fan. bukas na ako
magwawalis. mamaya na,
mga, siguro, ten thirty, para
sakto maski papa'no. merong
bubuksan, isasara. bubuksan
ulit, magsasara. bubukas,
makakalimot, magtataka,
matatakot, mabubugnot,
magbubukas, magsasara,
bubuksan ulit, magbubukas
ulit, may bubuksan pa, ipag-
papabukas ko na. bukas na.
may bukas pa. may bukas
pa naman. may bukas pa
naman 'di ba? bukas niya
pa naman kailangan, 'di ba?

10:39.

mamayang 10:45, pramis.

June 21, 2024

blue tiles

nakaupo lamang, namamawis,
at naghihintay dapuang muli
ng langis, kaunting hangin,

tulad ng inaalagaang gapang
bago tapak-tapakan at nang
mabudburang hindi gaano
ng asin, parehong balak din,

na bago pang mag-umpisa
ang lahat, mangungunang
muna ang panimulang pabati
ng pighati, kahit lubayan
na ng pagkunwari, maski pa
na manahimik, hinding-
hindi na mayayari,

'pagkat makukumpleto na
ang siyang pagkakayari,
hinding-hindi na kailanman
kikiling sa umaastang hari.

matutuloy ang pangyayari,
wala nang makapipigil pa
sa pag-uunahan, pakapalitan,
hayaan lang mabasa ang
daanan, punasan, basahan,
hinding-hindi na iiwasan.

June 20, 2024

sit yo ass down

the artist will always
do the same thing
over and over again,
thinking it is the only
best worst thing they
could have ever done,
every single time.

pointing out details
incorrect is often far
different from what
the artist senses.

everything will be,
in no doubt, lessons
of no significance
if it is not, hopefully,
the artist's intended
shot.

how could one ever
weed, on the artist's
own goddamn plot?

the artist won't
ever listen, won't
even beg pardon,
won't show care,
nor shame, 'cause
it's never that easy

entering unseeingly
in the artist's realm.

June 19, 2024

over

sa araw ding yaong
walang makapagsasabi
na ang pagkasadlak,
pagkaramdam, isasahuli
nang maisabuhay, isang
minimithi, iisang kulay.

magsasanib-sanib na
ang lahat nang mapatotoo
sa buong santinakpan
na walang magi-maginoo
sa lulustay ng kinabang
galing pa sa babasaging
bangang hindi na napuno
ng bigas pa.

sumama ka, doon sa labas,
hindi na muli pang aatras.
para sa kahig na kinaibigan,
ngayo'y mimitsang iwanan. 

June 18, 2024

salong guhit

mapaglaro rin kung susubukang
sabayan pero hindi makikisalo.
magkakalat pa 'yan, liliparin
din naman, nakagagaan,

katulad ng mga sandaling
sa langit na lamang talagang
napagmamasdan. kasingkulit
ng mga ulap, sintipid ng pag-
ambon, sing-ihip ng pangarap
na naglahong naglaon. kasabay
ng hindi paglingon ang naiwang
bubuksan na naman,

at pipitik, agad-agad na pipihit,
mapawi lamang ang saglit
na siyang dulot din ng guhit.