January 9, 2026

avoiding air

ito ang matagal mo nang inaasam-asam. walang may ibang alam nito kung hindi ikaw lamang. hindi naman sa ikinakahiya mo ito pero bilang na lamang sa mga daliri ang mga natitira mong lihim na iniwan sa lupa. at ngayon, sa lupa ka nang muling isinilang.

hindi ka kaagad na pinangalanan ng nawawala mong mga magulang. hindi man mahalaga, may mga daloy na minsang hinahanapan ng pagkakakilanlan at sinisimangutan ang misteryo. hindi ka naman na rin nagmamadali sa ngayon. hindi mo na hinahabol ang iyong sarili. maaari mo nang paghiwalayin ang mga matagal mo nang pinadudulas para sa mas malinaw na pagmamapa ng iyong pagdausdos sa kabaliwan.

nakakaantala man ang papatsi-patsing kalabuan, unti-unti mo nang natutuklasang muli ang iyong pinsala laban sa pagkabagot at pagsisisi. may mga pagdulas pang paisa-isa ngunit bawat pagkakamali ay nagsisilbing banta sa iyong panggapos na sentimyento pagdating ng pag-aalburotong hinding-hindi maiiwasan. ang minsanang pagsalo paitaas ay nakakawala rin ng gana, at hindi mo na dapat pang bigyan ito masyado ng kaukulang pansin. iba na ngayon ang iyong pinagtutuunan.