January 8, 2026

some shelves are separated

hindi mo na mapakiramdaman lahat ng kasiguraduhan. paagnas na ring kinukuko ang natitirang makasasagip sa 'yo. wala nang iba pang makarinig sa 'yo kundi mga naliligaw na ring paisa-isang napapahinto sa tuwing bigla ka na lamang tatambad sa kanilang nilalanguyan.

ang mga alon at bula ang nagpapakahirap na kumustahin ang napipinto mong kapalaran sa hanay ng mga hanggang kalimot-limot na lamang. ang maidikit sa kanila'y kasiyahan mo nang itinuring. hindi na nila ito mababawi mula sa 'yo. wala na ring magtatangkang sagipin ka maski pang humupa ang kanilang mga pilit na pagpipigil na pumalaot sa mga mahinahong umpisa.

wala nang natirang tugtog. tapos na rin ang lahat ng nakikipawi ng pagod. sabay-sabay nagsiuwian ang mga tumikim lang naman ng tamis. halos hindi nabawasan ang itinimplang mga palamig at dalawang pitsel ng matapang na kape. nasayang lang ang mga pinagbibiling gatas sa labas, magkakaibang uri pa naman. wala man lamang may gustong magsupot ng pabubulukin lang sa amag at langaw. sunod-sunod na mabibitak ang mga hindi na ipinanganak kayakap ang salo-salong kagyat na natuluyan.