January 20, 2026

or better yet

akala mo ba, ginagawa ko ito nang magkaroon naman ng silbi ang pamamalagi ko sa daigdig mo? hindi ikaw ang sentro ng aking pagsisilbi sa aking sarili at hindi ka kailan man naging bahagi ng daigdig na binubuo ko na para lamang sa aking sarili. akala mo siguro, kahit pareho tayo ng ginagawa, pareho na rin tayo ng intensiyon sa sarili.

ang kaso, magkaiba tayong lubos ng ginagawa. ni ang pagkahawig ay agad na dapat na itinitiwalag sa iyong isipan. magkaiba tayo ng mga balak. magkaiba tayo ng mga motibo. ibang-iba ang mga gusto mong linangin, at hindi ko rin naman sinusubok na kilalanin ang iyong mga sinusubukang kausapin. lampas ka na, sa lahat ng pakiramdam mong pagsubok, at ako nama'y pinipiling manatili lamang sa madilim na kuwebang ang tanging umaalingawngaw ay ang aking boses.

dalawa ang lagusan at walang kailangang humila sa akin. bakit sumusubok kang tumulong sa hindi naman humihingi ng saklolo? dahil sa mga agnas mo nang mga papuri? mga pagsasawang galit? mga hindi mo kagaya kaya awtomatiko nang mali? ituro mo man at payakan ang wika nang harapan, walang gugustuhing maging ikaw kahit na kailan.

No comments: