at kung may isa ka pang nais na masubukan, iyon ay ang bumigkas ng kahit anong salita. hinintay mo munang matapos kayong tumawa sa sobrang pagkamangha. at nang oras na para subukang lumikha ng iba pang tunog maliban sa singhap at hagikgik, ibinabad niyo muna nang ilang segundo sa katahimikan ng mga nililipad na maliliit na papel at yabag ng mga naglalakad ang sandali... hanggang sa buga ng kahit na ano.
walang ibang lumabas sa inyong mga bibig kundi kalahating hininga't kapiranggot lamang na patinig. sabay na muling kumunot ang inyong mga noo at kapuwa kayong nagkatinginan. hindi niyo kailangang puwersahin ang bawat singhap, hagikgik, tawa, ingit, igik, daing, at ungol ngunit wala ni isang salita ang kaya ninyong likhain. sabay na lamang din kayong napabuntong-hininga.