14 May 2026

fragment 32

nakakapagtakang hindi ka man lang dinapuan ng kahit na anong anyo ng kaba nang marinig mo itong boses na tumawag sa iyong ngalan na matagal mo nang hindi naririnig at saka mo lamang din naalala nang mga sandaling iyon. itinuloy mo lamang ang iyong paglalakad.

maya-maya'y binanggit ng boses sa iyo na maya-maya lamang din ay may matatagpuan kang upuan sa pagbagtas na iyong tinatahak. ilang saglit lamang ang lumipas at iyon nga, natagpuan mo rin ang isang puting upuan. pagkalapit mo rito'y unti-unting namumuo sa harapan ang tila isang napakalaking mapa.

umupo ka na habang pinagmamasdang mabuo ang dambuhalang impormasyong tikwas lamang ng iyong mga daliri. nang mukha nang tapos masulit ng mapa ang kaniyang pagkalalang, pinindot ng iyong kating-kati na hintuturo ang isa sa mga bahagi nito. bigla na lamang nitong inilapit ang pangitain sa iyong harapan. ipinakita nito ang isang lugar na may mga poste, mga tinatangay na maliit na papel, at mga taong nakapila — ito ang mapa ng iyong pinanggalingan.

No comments: