01 September 2026

Nauuhaw ako. Kanina pa ako lumulunok ng laway. Napansin kong hindi naman ako pinagpapawisan ngunit may kung anong simoy na sumasangit sa aking leeg at mga braso na maya't mayang napapawi ng paihip-ihip na hangin. Pasikat pa lamang ang araw, tanaw ng mga matang bakas ang kalituhan sa kakulangan ng mga nasasalubong at sumasalubong.

Saan nga ba ako nanggaling?

Lumingon ako't sukdol din sa lawak ang kaya lamang maabot ng aking paningin. Huminga ako nang malalim. Tumingala sa langit. Pumikit. Huminga ng isa pa. Hindi ako hinintay kailanman ng araw, at patuloy lamang siya sa napipinto niyang paglibot sa aking kamangmangan. Hindi ko rin naman siya masisisi. Kailangan ko rin matutunang huwag manahan sa mga lugar na hindi naman kailangang bantayan. Kung labas siya sa aking kakayahan, ano pa ang magiging silbi kundi magiging aksaya lamang? Mabuti pa ang manghuhula dahil may laya siyang lumipad nang walang kinakapitan. Ito lamang ako't ipit sa hakbang ng aking mga paa. Tiningnan ko ang aking mga tsinelas, at nabigla ako sa buhanging tinatapakan ko pala.