Masagwa, saliwa, walang-wala
Akala, totoo
Ang tamang ginagawa
Isa pa, ulit pa, itodo mo
Malamang, itatawa nang malakas!
At walang-wala sa tono
Kakanan, kakaliwa
Babala'y 'di napapansin
Bahala'y ikinikimkim
Bathala'y kinikitil
Marangya, malamya, walang-wala
Akala, totoo
Ang tamang ginagawa
Tapos na, tapos na, ubos na
Laspag na, simot pa,
Lasug-lasog pa
Maling himig
Sawing ibig
Wala talagang tono
13 December 2013
11 December 2013
Experiment 2 - Forms and Perspectives
Hatred, Jealousy and Labels
Naubos na ang barya sa kakayosi at kakabasa ng magazine mong nakahilata diyan sa sala. Maggagabi na pala. 'Di ba't sabi mo, ala una? Mabuti na lang mabagal akong magbasa. Dumating ka na sana. Bakit 'di ka man lang nagbilin na may balak ka palang biglang mag-ice skating. Kung 'di ka pa tinawagan, maiisip mo kaya na ako'y... 'Di bale na. Nakakasawa din pala kapag paulit-ulit ang buhos ng galit. Parang ayoko na yata. Nakakapagod din pala ang iyong mukha. At kung may balak ka pang ulitin sa 'kin 'yon, may ibubulong ako sa 'yo, "Putang ina mo." Bakit nagtiyatiyaga sa 'yo? Ang dami-dami kong reklamo. Parang ayoko nang magsalita. Parang ayoko na yata. Ang daming dapat sabihin. Alam ko na kung pa'no gagawin. Akala mo siguro na hindi ko kaya. At nang ika'y dumating mula sa 'yong pag-a-ice skating, wala akong nasabi kundi, "Napagod ka ba? Kumain ka muna," 'pagkat 'di ko kayang magalit. 'Pag nakita na kita, tumatamis ang pait. Laging pinipilit na magsungit ngunit 'di bale na. Napapatawad na kita. Hindi na magagalit, 'wag lang mauulit. At nung tayo'y kakain na, biglang sinabi mong may lakad kang iba. At kahit gusto sana kitang awayin na, sinabi ko, "Bahala ka, basta mag-ingat ka." Bakit nagtiyatiyaga sa 'yo? Ang dami-dami kong reklamo. Parang ayoko nang magsalita. Parang ayoko na yata. Parang ayoko na yata ngunit wala naman akong magagawa. Marahil sobrang alam mong 'di ko kayang mawala ka. Suwerte ka't mahal kita. Malas talaga.
- Parokya ni Edgar, 2003, Parang Ayoko Na Yata (Track 06)
---
Ayoko nang malaman pa kung sino siya at kung saan ka nagpunta. Hindi na lang tatanungin para hindi mo na kailanganin pang umamin. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Mas kayang masaktan paminsan-minsan 'wag ka lamang mawala nang tuluyan. Maniniwala na lang ako sa lahat ng sasabihin mo. 'Di na kita kukulitin para 'di na kailangan pang magsinungaling. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Mas kayang masaktan paminsan-minsan 'wag ka lamang mawalan nang tuluyan. Hindi ko kakayanin, mawala ka sa akin, kahit na magmukha akong tanga sa mukha ng iba. Okay lang ako. Okay lang ako. Lahat ay aking gagawin, pikit-matang tatanggapin. Kung mayro'ng magtanong tungkol sa akin, sabihin mo, okay lang ako. Okay lang ako.
- Parokya ni Edgar, 2010, OK Lang Ako (Track 15)
---
lyrics
09 December 2013
Kinakasal pa rin ang Tikbalang
Nakatira
kami sa bahay-kubo. Maganda ang bahay namin. Malamig ang simoy ng hangin kapag
gabi, medyo mainit naman kapag umaga. Dito ako pinalaki ni Nanay at ni Tatay.
Marami silang tinuro sa’kin. Batang-bata pa lang ako, marami na akong alam
tungkol sa bahay namin. Tinuruan nila akong magtanim ng mga prutas at gulay.
Punung-puno ng prutas at gulay ang harapan at likuran ng bahay-kubo namin. Tinuruan
din nila akong mag-alaga ng mga hayop. Mayroon kaming mga manok, baka, baboy,
itik, pabo at kalabaw. Marunong din ako ng maraming gawaing bahay dahil kina
Nanay at Tatay. Simple lang ang buhay ko noon, hanggang sa kinailangan ko na
raw pumasok sa eskuwelahan.
Mahilig
si Nanay umawit. Naalala kong umaawit siyang parati sa tuwing nakahiga na kami
sa pagtulog. Ang kanyang himig na tila sumasabay sa simoy ng maginaw na hangin.
Hindi nakababagot, malinamnam sa pandinig, umaakma ang daloy ng kanyang boses
sa bawat haplos ng hangit sa aking buhok, sa aking balat. Ang buong katawan
ko’y parang binabalot dahan-dahan ng parehong awitin at kalikasan. Paggising sa
umaga’y umaawit sa aming munting taniman. “Singkamas, at talong, sigarilyas at
mani. Sitaw, bataw, patani,” malinis na boses pang-awit pambungad ni Nanay sa
aking mga dinig, sa bawat maaliwalas na sikat ng araw. Awit maging sa
paglilinis ng aming tahanan, aawit din sa paglalaba ng aming damit. Aawit dito,
aawit doon. Nalalamang masigla madalas ang pakiramdam ng aking ina, na
nagpapasigla sa buong tahanan.
Hindi
naman magpapahuli si Tatay. Hindi lamang mga kuwento mula sa trabaho ang
kanyang iniuuwi maliban sa kanyang kita sa sakahan. Bago ang pampatulog na himig
ng aking ina’y may pampaganang mga kuwento ang aking ama. Iba-iba! Lumaki akong
nakikinig nang nakararamdam ng sari-saring emosyon. Nakatutuwa, nakatatawa,
nakatatakot! Mga kuwentong nakapagpapaliwanag ng mga bagay sa akin, tulad ng
kung bakit nasa labas ang buto ng kasoy, o kung bakit may puso rin ang saging.
May mga kuwento ring nag-iiwan ng mga pagtataka sa aking isip, nagtuturo sa
aking umiwas sa ilang mga lugar, sa madidilim, at paggalang mismo sa kalikasan,
mga kuwentong nagbibigay-aral sa akin.
Lumaki
akong masigla ang aking isipan tungkol sa kalikasang pumapalibot sa akin. Bawat
hayop, halaman, pook, oras, aking napahahalagahan, nabibigyang-pansin, dahil sa
aking mga magulang.
...
Isang araw sa aking paglalakad sa labas,
naging matinag ang bali-balitang may mga dumating na babaeng nakasuot ng
mahahabang damit na iba sa damit ng mga tao sa aming bayan. Ang kanilang mga
damit ay mas mapuputi, mas mahahaba, at mas makikinis. Bumaba sila galing sa
isang napakalaking barkong T. Bago sila, mayroong mga sundalong dumating ilang
buwan lang din ang dumaan. Ang mga sundalong Mapuputi na naman at mas mukhang
mababait kaysa sa mga nauna. Wala kasi silang suot sa ulo, wala rin dalang mga
baril. Aklat ang kanilang mga dala. Nakatali naman ang kanilang mga buhok na
hindi rin itim ang kulay tulad ng sa amin. Kahit na mapuputi ang kanilang mga
balat, tulad ng sa mga nauna, alam kong naiiba sila dahil sa ibang-iba ang
paraan ng kanilang pagsasalita. Iba ang tono, iba ang mga salita. Bagong mga
salita na naman.
Kumalat din ang
mga kuwentong madaragdagan ang mga eskuwelahan. Gusto na tuloy ni Tatay na
papasukin na ako. Binilhan agad ako ni Nanay ng mga papel at lapis na inilagay
niya sa isang malaking supot. Dumaan ang mga araw na tinatanong ko ang aking
sarili kung ano nga ba ang ginagawa sa loob ng eskuwelahan. Nasasabik ako nang
may halong pagtataka. Sa mabilis nga namang pagdaan ng mga araw kaiisip ay
nabigla ako sa tanong ng aking nanay.
“Handa
ka na ba para bukas, Jose?” usisa sa akin ni Nanay habang abalang-abala sa paghahalo
ng toyo at suka sa isang malaking hambawan. Nilagyan niya na rin ng paminta at
asin.
Bukas
na pala iyon. Lalong tumindi ang sabik at kaba sa aking loob. “Opo, Nay,” sagot
ko sa kaniya habang hinihiwa naman ang mga parte ng hilaw na karne ng manok.
“Ano pong gagawin ko do’n, Nay? Bakit po ako papapasukin sa eskuwelahan? Paano
ko na kayong matutulungan ni Tay araw-araw?”
“Kakayanin
naman namin ng Tatay mo, anak. Sabi ng Tatay mo, kailangan mo raw pumasok sa
eskuwelahan para kapag nakatapos ka ng pag-aaral... Tapos ko nang timplahin
ito. Tapos na ba yang hinihiwa mo?”
“Hindi
pa po tapos. Ilalagay ko na lamang ang mga nahiwa na.” Hinagis ko nang mahina ang
mga nahiwa ko nang parte ng manok. Hinalo naman nang hinalo ni Nanay ang
magiging sarsa sa karne gamit ang kaniyang dalawang kamay. “Ikaw, Nay, nag-aral
ka ba nung bata ka?”
Ngumiti
si Nanay habang patuloy pa rin sa pagpahid ng ginawang sarsa ng adobo. “Naku,
anak, wala kaming pera noon. Napakasuwerte mo nga’t libre ang pag-aaral mo ngayon.
Tsaka sino namang maiiwan dito sa ating bahay? Alam mo namang maraming
kailangang asikasuhin: ang mga tanim, ang mga alaga natin, pati na rin ang
paglilinis ng buong lugar. Hayaan mo na lang kami rito, anak.”
Inihagis
ko na ang huling hiwa. Nilagay ko na sa lababo ang mga dapat hugasan. Inilipat
na rin ni Nanay ang laman mula sa hambawan pakaldero. Isinalang niya na ito sa
baga at tinakpan. “Pagbutihin mo anak, ha? Gusto ng Tatay mo, makapagtapos ka. Galingan
mo! Dapat makinig at sumunod ka sa mga sasabihin at ituturo ng iyong mga guro.”
Iniwan
na namin ang niluluto. Mas mabilis daw kasing maluto kapag hindi hinihintay. Pumunta
na si Nanay sa harapan para diligan ang mga tanim. Kinuha ko na ang walis at
basahan nang para maglinis ng kusina.
Dumaan
ang kalahating araw, hanggang sa naging oras na lamang, minuto, segundo. Hindi
ako makatulog. Ano kayang mangyayari bukas? Madilim na sa labas. Nakahiga pa
rin ako. Pagtingala ko sa kisame, sa malabong pagharang ng kulambo sa aking
nakikita, inisip ko nang inisip kung anong mangyayari pag nakatapos na ako sa
pag-aaral, gaya ng sinasabi ni Nanay. Inisip ko rin ang tawag niya sa akin
noong sukatin ko ang bagong bili niyang damit para sa akin. “Estudiyante ka na
bukas, Jose.”
“Gising
na, Jose!” pagbati sa akin ni Nanay. “Bumangon ka na’t mag-aalmusal ka pa.
Kailangan mong dumating nang maaga sa eskuwelahan. Baka may makaligtaan ka pa,
naku!” Hinila na niya ang aking kumot at unan. Iminulat ko na ang aking mga
mata at nakita ko nang tinatanggal na niya ang kulambo. “Naku, bangon na!”
Matapos
kong makapag-almusal at maligo ay bumalik nang muli sa kuwarto. Nakita kong
inihahanda na ni Nanay ang aking susuotin pagpasok sa eskuwelahan.
“Naku,
gagalingan mo anak, ha?” pagpapaalala sa akin ni Nanay. Siya na ang nagsuot sa
akin ng pantaas habang inaabot ko na ang aking pambaba. Habang sinusuot ko na
ang aking bagong shorts ay sinusuklayan niya na ang aking buhok. “Huwag kang
masyadong magpapapawis, anak, ha? Alam mo namang mahirap ang magkasakit. O, ito
na ang baon mo.” Nilagyan niya na ng lampin ang aking likod at iniabot na sa
akin ang malaking supot ng mga papel at lapis. “Alam mo na ang papunta, ‘di ba?
May kasabay ka ba? Mag-iingat ka pauwi ha?”
“Wala
po akong kasabay, Nay. Pero alam ko naman po ang papunta.” Sinuot ko na ang
aking mga tsinelas at bumaba na sa harapan ng aming bahay. “Paalam, Nay!” huli
kong sambit sa kaniya. Sa aking paglingon ay kumakaway pa rin si Nanay,
nakangiti.
“Mag-iingat
ka papunta do’n, ha! Paalam, anak!”
Hindi
naman kalayuan ang aking nilakad. Dalawampung minuto kong nilakad ang
eskuwelahan mula sa amin. May mga nadaanan pa akong sundalong nakikipaglaro sa
ibang mga bata. Bakit kaya sila, hindi papunta sa pupuntahan ko? May ilan
namang mga babaeng kasing-edad ng mga sundalo na nakatali ang mga buhok.
Makikinis ang kanilang mga buhok. Mayroon mga nakasalamin at marami sa kanila
ay mayroong dalang mga libro. Papunta rin sila sa direksyon ng eskuwelahan. Maya-maya’y
nakarating na ako. Maraming sundalong nakaabang sa gate na kapwa naman nakangiti.
May mga babaeng kamukha ng mga nadaanan ko kanina na nag-uusap. Maraming bata
ring kaedad ko ang kasabay kong papasok sa loob. Pinapila na kami ng mga
sundalo at saka pinapasok sa isang silid.
Marami kaming
dinaanang silid bago pa man kami makarating sa amin. Tahimik ang lahat ng aking
kasamang bata habang hinihintay namin ang susunod na mangyayari. Medyo madilim,
mainit at marumi ang silid kung saan kami pinaupo ng mga sundalo. Mula sa aking
upua’y malinaw ang apat na mapuputing dingding na tumatantsa sa bawat sulok ng
silid. Matataas at parang nakayuko lamang sa akin apat na kantong nakakabit sa
kisame. Nagmamatyag sa aking bawat kilos. Ang mga lamesa’y gawa pa rin sa kahoy
katulad ng sa bahay namin. Kinulayan ng pinturang kulay dahon ng kalamansi. Apat
din ang sulok, papailalim muling bawat kanto sa mga kamay kong nakapatog. Tila
papaloob lahat ang kilos ng bawat makita ko sa silid, papaloob pasentrong tungo
sa akin. Maya-maya pa’y may pumasok nang isang babaeng tuwid na tuwid ang lakad.
“Good
morning, children!” panimula niya sa amin. Tahimik ang lahat. Walang kumikibo.
Lahat kami ay nakatingin lamang sa kanya.
“I
SAID, GOOD MORNING, CHILDREN!” sabay lagabag sa malapit na lamesa sa harapan.
Ibinagsak niya na doon lahat ng kanyang gamit at libro. Halos lahat kami gulat
na gulat. Bakit niya kami sinisigawan?
“GOOD
MORNING!” muli niyang sigaw. “GOOD. MORNING.”
“Gud.
Molnin,” kinakabahang paggaya naman sa kanya.
“GOOD.
MORNING. MA’AM.” Mayroon nang dagdag. Sinubukan kong gayahin muli.
“Gud.
Molnin. Mam,” sabay-sabay namin banggit. Hindi na siya sumisigaw ngunit mukhang
galit pa rin siya.
“I will be your
teacher for now. But before we start our lesson, let me introduce myself
first.” Hindi ko alam kung alam niyang hindi namin siya naiintindihan. Tiningnan
ko ang ibang mga bata sa loob ng silid. Mukhang nagtataka rin sila tulad ko
kung ano ang sinusulat ng babae sa harap gamit ang puting panulat. Hindi naman
ito mukhang lapis. Matapos niyang isulat ang L-I-N-D-A ay muli siyang humarap
sa amin. “My name is Teacher Linda. Leen-dduhh,” kaniyang bigkas nang may
halong pagpapahaba. “El, ay, en, dee, ey – Linda,” habang iniisa-isa ang bawat
simbolong kaniyang isinulat sa harap. “Starting today, we will be learning the
English alphabet. We are going to learn these letters,” muli niyang turo sa
limang simbolo.
Kinakabahan
na ako. Ganito ba dapat sa eskuwelahan? Inilabas ko ang aking papel at lapis.
May mga gumaya naman sa akin. Sinubukan kong gayahin ang mga simbolong
nakasulat. Hindi ko pa rin maintindihan. Nagsasalita pa rin ang babae sa
harapan. Hindi ko pa rin siya maintindihan. Mukhang nakikinig na ang ibang
bata. Nahihiya akong lumabas. Baka kung ano pa ang isipin nila sa akin. O baka
pareho kami ng iniisip? Pare-pareho lang naman kami ng pinanggalingan. Susubukan
ko na sanang magtanong nang may inilabas ang babae sa harapan.
“Okay,
class, I am going to use flash cards first. For the following days, I will
teach you how to write letters. Lee-tehrrs,” muli niyang pagpapahaba sa bawat
sinasabi. Muli siyang nagsulat. Ginaya kong muli: L E T T E R S. Ibinulong ko
sa hangin ang sinabi ng babae sa harapan, “Leehhtehhrss.” Baka lehhtehhrs ang
basa rito. Baka tuturuan niya na kaming magbasa.
“This
is the letter A. EEY. Come on, children. EEY,” kaniyang ibinanat ang dalawang
braso niya nang nakabukas ang isang palad. “EEY!” Nagulat kaming lahat sa
kaniyang sigaw. Mukhang galit na galit na siya! “EEEEY! Come on, children!”
Nasa kabilang kamay naman niya ang isang larawan ng isang mukhang prutas na
hindi ko naman nakikita sa aming bakuran ni sa aming harapan.
“EEY!” gaya ng
mga batang kasama ko. Takot na takot na kami. “Ey,” sambit ko sa aking sarili.
“At
last!” buntong hininga ng babae. “This is the letter A! It produces the sound
‘A’! Say it again, children! ‘A!’ ‘AAAAHHH!’”, paulit-ulit na namang bigkas
nang pasigaw ng babae sa harapan. “’AAAHH’! Like this one on the picture!
‘Apple’! Come on, children! ‘AHHH’! ‘AAAPPUHL’!”
Wala
na naman kaming imik. Kumuha ng isang maliit na patpat na kulay itim ang babae
mula sa kaniyang lalagyan. “Could you KINDLY PLACE YOUR HANDS ON THE TABLE:
LIKE THIS!” Ipinatong niya ang kaniyang dalawang kamay sa isang lamesa ng bata
nang nasa ilalim ang palad. Ginaya ito ng bata hanggang sa ginaya na ng
kaniyang katabi. Maya-maya’y lahat na kami’y nakapatong na ang lahat ng mga
kamay sa lamesa.
“Very
good! Now, say, Apple. AHH-PUHL.”
Wala
pa ring imik. Lumapit ang babae sa isa sa mga bata at hinampas ang kaniyang
kamay. “I SAAAID, APPLE!.” Hindi umiyak ang bata ngunit bakas ang taka at takot.
“APPLE!”
“Ahh-pol,”
sagot ng mga kasama ko.
“Very
good! Again! Apple!”
“A-POL,”
isinagot na naming lahat.
Ginaya
kong muli ang letter na nakasulat sa hawak ng babae. Baka kasi hampasin niya
rin ako kapag hindi ko siya maintindihan. A. Letter A. AHH. Letter A.
Paulit-ulit na ring bulong ko sa aking sarili. ‘AHH’ ang basa rito. Parang sa
‘aso’. Parang sa ‘atis’. Parang sa ‘ayaw’. Parang ayaw ko na. Natatakot na ako.
Hindi ko na naman maintindihan ang lahat ng kaniyang sinasabi. Sumunod na ang
ibang mga letter. At lalo akong nagtaka sa bawat larawang ipinakita niya. May
ilang mga larawan tulad ng talong, mangga, pusa at aso ang aking nakilala.
Halos lahat ng mga ipinakitang larawan, hindi ko pa nakikita doon sa aming
lugar. May mga kakaibang prutas. Hindi ko rin masabi kung ito ba ay gulay o
prutas. May mga hayop ding hindi ko alam kung totoo. Marami ring bagong tunog
ng salita ang aking napakinggan. Iba kaya ang lugar namin sa lugar nila?
Maraming bagong bagay. Maraming ibang bagay. Ibang-iba sila sa amin.
Matapos
ni Titser Linda, pumalit na ang kaparehong-kapareho niya ng damit. “Old
McDonald had a farm. E-I-E-I-O!” nakangiting umaawit na pambungad niya sa amin.
Umaawit din ang isang ‘to, sabi ko sa aking sarili. Sa kanilang mga salita,
mayroon silang mga awitin.
“Again! Old
McDonald,” muli niyang awit.
“Ol makdonal,”
“Had a farm,”
“Hadapar,”
“E-I-E-I-O!”
nakangiti pa rin.
“Iya-iya-yo!”
ngiting awit-pabalik namin bilang sagot.
Nakahinga kami
nang maluwag-luwag sa kanya. Mas gusto ko siya kaysa sa nauna. Pabalik-balik
din ang mga awitin sa akin ni Nanay
kahit na alam kong ibang-iba ang himig ng babae sa harapan. Paulit-ulit
at mas madaling masundan. Kaya ko lamang alalahanin ang malambing na boses ni
Nanay ngunit nahihirapan akong gayahin siya. Sa panibagong babae sa aming
harapan, tila mas nadadalian ko ang pag-ulit at pagsunod sa kanya.
Sumunod
na ang iba pang mga katulad ng babae na maputi at tuwid ang mga pananamit.
Mukang hindi rin nagagalaw o nadudumihan ang kanilang mga suot. Ganito rin sa
mga buhok nila. Iba-iba ang kanilang mga sinusulat sa harapan gamit ang puting
panulat ngunit wala akong maintindihan sa kanila. Alam kong pare-pareho ang
kanilang mga ginagamit na salita kahit na iba-iba ang kanilang mga boses. May
mga naglabas ng malalaking larawan. Mayroong mga nagdala ng iba’t ibang
kagamitang hindi ko naman nakikita sa amin.
Naglakad
akong pauwi nang umaawit. Nakangiti akong sinalubong ng aking mga magulang, “O,
mukhang naging masaya ang araw mo ngayon a.”
“Opo.
Kaya nga lang, may ilang mga titser ang hindi ko nagustuhan.”
“Bakit
naman, Jose?” pagtataka ni Tatay.
“Yung
isa po kasi, mabilis magalit. Baka kasi iniisip niya, madali lang. E ibang
salita ang kanyang ginagamit. Nahihirapan akong unawain siya.”
“Galingan
mo na lang bukas, anak!” hikayat sa akin ni Nanay habang nakangiti. “O halika
na’t maghapunan na tayo’t maaga kang makapagpahinga para bukas.”
Sumunod
ang panibagong araw. Hindi ko pa rin lubos na maintindihan ang aming mga guro.
Kinakabahan na talaga ako’t nasasayang lamang ang aking oras sa mga salitang
lumalabas lamang sa aking tenga. Ang tanging naiiwan lamang sa aking pag-uwi sa
bahay ay ang himig ng mga awit ni Titser Anne at mga salitang wala sa
kasiguraduhan ang pagbigkas.
Paglakad
kong pauwi sa aming bahay isang hapon, natanaw ko ang aking nanay at tatay sa
may harapan. Parang nagtataka sila noong nakita nila ako. “May problema ba,
Jose, anak?” Oo nga pala. May problema nga pala ako.
“Wala
akong maintindihan, Tay. Wala talaga. Ibang salita ang ginagamit nila e. Gusto
ko sanang malaman yung mga bagong hayop at halaman na ipinakita ni Titser Linda
kanina kaso, hindi talaga kami magkaintindihan. Tapos, hinahampas pa niya ang
mga kamay ng mga batang hindi sumusunod sa kaniya. E hindi naman talaga kami
makakasunod agad, hindi nga kasi naman siya maintindihan. Tapos, sunud-sunod pa
yung mga pumasok na titser at hindi na letter ang tinuturo sa amin,” paliwanag
ng aking nagtataka pa ring mukha. Pagod na pagod na ako noon. Magdamag ba naman
kasing nakaupo at ginagaya ang mga sinasabi ni Titser Linda at iba pang mga
titser. Sa bawat banat ng ng kanilang mga braso habang tinatakot ng kanilang
maliit na patpat na itim. “Ayoko nang pumasok sa eskuwelahan bukas, Tay.”
“Ano
ka ba, Jose? Papaano ka na lamang makakatulong sa amin paglaki mo?” galit na
sagot sa akin ni Tatay.
“Edi
tutulong na lang po ako sa mga gawaing bahay,” sagot ko sa kaniya. Iyon lang
naman yata ang hinihingi ni Tatay sa akin. “Tsaka tutulong na lang po ako sa
pagtratrabaho niyo sa bukid. Iyon po e baka mas madali ko pang maintindihan dahil
pareho naman po tayo ng mga salita, ‘di ba?”
“Mabuti
pa. Huwag mo nang sayangin ang oras mo riyan sa pagpasok mo sa eskuwelahan. Mas
makatutulong ka pa nga talaga sa amin sa bukid at dito sa bahay kaysa sa mga
nagtuturo riyan,” tulong na sagot sa akin ni Nanay.
“Aba,
Josefina. Baka nakakalimutan mo ang mga gastusin natin? Kailangan natin ng mas
malaking kita para lamang makatapos ng ilan pang utang natin sa ibang tao,”
kontra naman ni Tatay.
“Kaya
nga, Mario. Tumutulong na lang dapat iyang anak mo sa bukid para mas mapabilis
ang trabaho, mas mabilis ang kita.”
“Aba’t
anong malaking tulong ang isang dagdag
na trabahador? Isang batang trabahador? Bata pa si Jose, Josefina. Tatanggapin
ba siya?”
“Susubukan
kong makipag-usap. Pero kapag pinayagan, o hindi ba’t magandang bagay iyon?”
“Papa’no
kung mapa’no ‘yan? May pang-ospital ka ba? Tuluy-tuloy ang trabaho namin, ‘di
ba? May pambili ka ba ng gamot kapag nagkasakit ‘yan? Masusubaybayan mo ba siya
sa bawat galaw niya?”
“Oo
naman! Anong tingin mo sa’kin? Inaalala ko rin naman ang aking anak. Hindi mo
ba narinig na hinahampas sila ng kanilang guro kapag ‘di nakaintindi? Alam ko
ang responsibilidad ko sa aking anak.”
“At
alam ko rin ang responsibilidad ko kay Jose. Anong pinagkaiba ng parusang iyon
kapag tayo naman ang gumawa? Magandang bagay naman iyon para mas mabilis silang
matuto! Kaya HINDI! Hindi siya sasama sa akin. Mas maganda kung nakapag-aral
siya at makapunta sa ibang bansa. Sa bansa ng mga Amerikanong iyan. Nakita mo
ba iyong pananamit nila? Ayaw mo bang makapagtrabaho sa ibang bansa at kumita
ng mas malaki ang anak mo? Para sa atin? Para sa pamilya natin?”
Pumunta
na ako sa aking silid. Mukhang hindi na naman nila ako nakikita. Mag-aaway na
naman sila magdamag. Paghiga ko sa aking kama, iniisip ko naman ang tungkol sa
mga Amerikano. Ahh. Iyon pala ang tawag kay Titser Linda. Ibang-iba kasi sila
kaya iba sila sa amin. Iba ang tawag kaysa sa amin. At sa ibang lugar sila
nakatira na malayo sa amin? Kaya siguro sila nakasakay sa malaking barkong T na
iyon. Malayo pa pala ang pinanggalingan ni Titser Linda. Totoo kaya ang sinabi
ni Tatay na mas maganda ang buhay doon? Hindi ba maganda ang buhay namin dito?
Humiga na lamang ako. Mukhang nakalimutan na nilang hindi pa kami naghahapunan
sa tindi na naman ng kanilang pag-aaway. “Tingkel tingkel litel istar...”
paulit-ulit ko na lamang na awit.
...
Sumunod na ang mga araw, mga linggo.
Pinagpursigihan ko na ang pag-aaral sa Letters na paulit-ulit na itinuturo ni
Titser Linda. Nasusundan ko na rin ang mga awit, na nadaragdagan bawat araw na
itinuturong masigla ni Titser Anne. Sa bawat bagong letter na itinuturo sa
amin, bagong salita ang aking natututunan. Patuloy lamang na nakapagtatakang
hindi ko pa rin nakikita ang mga bagay na ito sa aming bakuran, ni sa aming
lugar.
May
mga larawan nang ipinapakita sa amin si Titser Linda na may iba’t ibang mga
bagay, maraming mga bagay. Hindi katulad nung mga naunang larawang tig-iisa
lamang bawat salita. Nag-iiba-iba na ang kanyang boses, tila siya’y
nagkukuwento. Mayroon siyang larawan ng isang unggoy, at isang pagong. Mga
hayop sa larawan na mayroong malalaking mata at bumubuka ang mga bibig!
Nagsimula ang kuwento nang nag-uusap ang dalawa, sa galing ng pag-iiba ng boses
ni Titser Linda, ako’y naengganyo na rin sa pagdinig at sinubukang umunawa. Itinuro
ng dalawang hayop ang kani-kanilang bahay.
“Teka...
Naikuwento na ito sa akin ni Tatay!” bulong ko sa aking sarili. “Mananalo ang
pagong dito panigurado!”
Natapos
ang pagkukuwento ni Titser Linda nang umaayon sa aking mga hula.
Sumunod
ang mga araw na inaabangan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda.
“Okay,
kids, today, we are going to read about Jack and the Beanstalk.”
Nagsimula
sa unang larawang may batang lalaking nabentahan ng butong pananim ng isang
lalaking nakatago ang mukha. Hanggang sa pag-uwi ng batang lalaki’y siya’y
nadapa at nahulog sa basang lupa ang mga buto. Kinabukasa’y nagkaroon ng
napakalaking punong malalaki ang dahon at mahahaba ang tangkay na lumalampas sa
langit!
“Nandoon
kaya si Hesus?” bulong ko sa aking sarili habang ipinagpapatuloy ang kuwento.
Umakyat
na ang batang lalaki sa napakatayog na puno at lumampas na sa kaulapan. Wala si
Hesus ngunit may isang napakalaking tao at isang bibeng nangingitlog ng gintong
itlog! Natapos ang kuwento sa pagsira ng batang lalaki sa malaking puno at
pagkamatay ng malaking tao sa tindi ng kanyang pagbagsak mula sa mga ulap.
Bagong
araw, bagong mga kuwento. Nakahiligan ko na ang mga kuwento ni Titser Linda.
Unti-unti ko na ring naaalala ang mga simpleng letter at salita na kanyang
itinuturo. Ang pagbati sa araw-araw ay memoryado ko na, memoryado na naming
lahat. Naengganyo na nang naengganyo ang aking isipan sa pakikinig sa mga guro.
Marami na silang itinuturo sa amin, hindi na lamang mga salita at awitin. Mga
aralin tungkol sa araw, sa mga bituin, sa buwan, sa mga halaman, maging sa mga
hayop at sariling katawan. Bagong araw, bagong aralin, bagong isipan. Nagbabago
nang muli ang aking pagtingin sa aking paligid. Panibagong mga lenteng nasusuot
sa aking mga mata sa bawat buwan at taon na aking nakatatagpo ang mga guro sa
eskuwelahan.
...
“Bata
ka! Sinabi nang huwag tapakan ang nuno sa punso! Naku!” sigaw sa akin ni Nanay
sa aking pagdaang pauwi sa aming kubo.
“Nanay,
mga langgam po ang nakatira riyan. Naiipon ang mga lupang kanilang dinadala
para sa kanilang sariling bahay,” nakangiting pagpapaliwanag ko naman sa kanya.
“Naku!
Iyan ba ang natututunan mo sa Titser Linda mo na ‘yan?! Umalis ka riyan! Huwag
na huwag mong tatapakan ‘yan! Hindi mo ba nabalitaan yung kaklase mong si Opet?
Ayun! Nilalagnat at masakit ang tiyan! Nagtatakbo’t naglaro kasi sa may
kasukalan ng gubat noong isang araw! Gusto mo bang magaya sa kanya?” matinding
pamimilit ni Nanay.
“Bakit,
Nay? Bakit yung mga kalaro niya, hindi naman sumakit ang tiyan, bakit siya
lang?”
“Aba,
sumasagot ka pa!”
“Nakakita
ka na ba talaga ng nuno? Anong itsura? Marami ba?”
Walang
imik.
“Nasaan
ang tiktik? Nasaan ang aswang kapag maliwanag ang buwan?”
Walang
imik.
“Nasaan
ang kapre, Nay? Nasaan ang mga duwende? Sa dinami-daming beses kong tinapakan
‘tong nuno na ‘to, ni hindi ako nagkasakit nang malubha! Lupa lang ‘to, Nay!
Lupa!”
Wala
pa rin.
“Kailan
ba may naagawang buntis dito sa atin? Kailan ba nagkaroon ng tiyanak ng mga buntis
na iyon? Nasaan na yung mga kinukuwento niyo sa akin?” Wala pa ring imik.
Nagdabog na akong papalapit sa aming bahay at pumasok sa silid. Humiga na ako.
Nagising akong
may inis pa rin at dumiretso na sa eskuwelahan. Hindi ko na kinuha ang aking
baon sa labis na pagkukuwestiyon sa mga tanong ng aking ina na tila wala talaga
sa lugar.
...
Tila may kakaiba sa aming silid-aralan
ngayon. Bukod pa sa lalong dumilim, sumikip at dumumi, nagkaroon ang mga
dingding ng tigdadalawang tuldok ng liwanag na nasa gitnang bahagi ng itaas. Lalo
lamang luminaw ang pagtingin nila sa akin. Bakit nakatingin pa rin sila sa
akin? Sobrang lagkit na rin ng lamesang pinagpapatungan ng aking mga kamay. Nahihirapan
na akong tanggalin paminsan sa sobrang pagkakadikit ng mga ito. Bakit malagkit
na ang lamesa ko? Sinubukan kong tanggalin ang lagkit, at patong muli sa lamesa
– babalik ang lagkit. Palagkit nang palagkit. Napagod na ako katatanggal ng
lagkit ngunit hindi ko na matanggal ang aking mga kamay nang ipatong kong muli
sa lamesa. Tiningnan ko ang aking katabi para humingi ng tulong - wala pala
akong katabi! Sinubukan kong sumigaw ng, “Titser Linda!” ngunit walang lumabas
na boses. Nakatingin lamang sa akin si Titser at galit na galit. Sumisigaw
habang papalapit sa akin, hawak-hawak na naman ang kanyang pamalo. Naku!
Kailangan ko nang matanggal ang aking mga kamay! Hindi ko na sila mahila!
Tumayo na ako’t humila nang buong-lakas ngunit wala pa ring nangyayari. Ako’y lumingon
para humingi muli ng tulong. Unti-unting kumilos papalapit sa akin ang dingding
sa likuran. Nang tumingin ako sa magkabilang gilid ay nagsisunuran di’t
dahan-dahang lumapit sa akin. Papalapit na nang papalapit ang galit na titser
habang unti-unti na akong iniipit ng mga sulok. Sige pa rin ako sa kakahila nang
buong-lakas sa aking dalawang braso. Sumigaw ako nang sumigaw kahit na wala pa
rin akong boses na naririnig. Humagulgol na ako na parang pipe sa lubos na
takot at dami ng tanong sa sarili. Huli na ang lahat.
Nalipat ako ng
lugar sa isang kisapmata. Nakaharap ako sa malaking salamin, kaharap ko ang
aking sarili. Nakangiti sa akin. Maputi na ang aking balata, maputi na ako.
Matangos na ang ilong, dilaw na ang buhok. Hinawakan ko ang aking buong katawan
habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin. Manghang-mangha sa nakikita.
Napansin kong hindi pala ako nakangiti. Bakit nakangiti ako sa akin? Tumawa
nang malakas ang aking repleksyon.
“HA-HA-HA!”
Tawa nang tawa.
Pilit kong kinisikis ang aking balat ngunit ayaw bumalik ng aking kulay.
Tinatawanan na lamang ako ng aking repleksyon. Tinakpan ko ang aking mukha’t
umakmang magtatanggal ng maskara. Ayaw matanggal! Lumakas nang lumakas ang
tinig sa aking harapan. Tawa nang tawa nang tawa. Ayaw tumigil at palakas nang
palakas. Pilit kong binubunot ang aking buhok at kinukurot ang aking mga bisig.
Hindi ko na mapalitan. Sumigaw akong muli nang walang tunog. Kailangan ko na ng
tulong. Kailangan ko nang makabalik. Kinurot kong muli nang ubod na ng lakas
ang aking katawan sabay sigaw,
“NANAY!”
“Jose,
bangon na!” bati na naman sa’kin ni Nanay.
“Tik-tila-ok!”
“Baka
mahuli ka pa sa eskuwelahan.”
“Ito
na ang baon mo,” sabay abot ng nilagang saging sa akin. Iniabot niya na rin ang
supot ng aking lapis at papel. “Pagbutihin mo na ngayong araw,” huling paalala
niya sa akin. “Saka ka na kumain pag-uwi dahil hindi pa tapos ang aking
sinaing.”
Dilat
na dilat ang aking mga mata. Sinilip ko ang aking mga palad. Pawing-pawi ang
aking antok at takot. Sa isang banda, nakahinga na ako nang maluwag mula sa
aking pagkakabangon. Sa kabilang banda, sana kinain na lang ako ng apat na dingding
para ‘di na ako bumalik pa ngayon sa pagiging ibang tao.
Napansin
kong umuulan ang mga ulap sa taas ng sikat ng araw. Lumapit muli sa akin si
Nanay.
“O
heto, payong,” kanyang abot sa akin.
Ibinaba
ko ang payong pabalik bilang pagtanggi.
“May
kinakasal na tikbalang.”
06 December 2013
Punk Kapunk
Ano ba ang
kasaysayan ng Pilipinas? Ang kasaysayan ay ang mga pinagdaanan ng mga nangyari
sa Pilipinas sa bawat panahon. E ang panitikan ng Pilipinas? Ang panitikan
naman ang mga karanasan ng mga Pilipino o ng mga katutubo ng Pilipinas na maaaring
naisulat o naipapasa nang pasalita. Ito ay ang kolektibong mga karanasan ng mga
Pilipino sa paglipas ng panahon na nagsasabi ng ating kultura, kinagisnang
kalinangan, mga kaugalian at iba pa. Samakatuwid, ang panitikan ang
makapagsasabi o makapagpapakilala kung sino tayo, kung ano ang papel natin sa
bansa. Kung mayroong kasaysayan at panitikan ang Pilipinas, hindi malabong may
kasaysayan ang panitikan ng Pilipinas. Nais sanang pagdiinan ng papel na ito na
ang kasaysayan ng panitikan sa Pilipinas ay hindi kumpleto, o sa madaling sabi
e kulang-kulang, na maaaring magpahiwatig na ang pagkaltas sa sana’y maaaring
makapagpakilala sa ating mga Pilipino ay sinadya, o maaari ring hindi pa rin
nagiging malalim ang paghuhukay sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang pag-aakala
nating kumpleto na tayo kasi may kasaysayan tayong naisulat e kulang pa rin
pala. Sa dami ng akala nating bumubuo sa atin e kakaunti pa rin pala ang
pagkakakilala natin sa ating pagka-Pilipino. Sa dami ng mga nakolektang
impormasyon tungkol sa lahi ng matatapang at malilikhain sa Pilipinas e yung
iba pala ay hindi totoo, inedit at hindi para sa lahat ng Pilipino kundi
maaaring para lamang sa isang lahi, sa isang tao, at hindi para sa Pilipinas.
Ano ang literary history ng Pilipinas? Ito
ay ang mga pinagdaanan ng literature ng Pilipinas sa bawat panahon. Ito ang mga
pagbabago, pagbabawas at pagdadagdag sa literature. Nakapasok na rin dito kung
paanong umunlad, pumasok, nagsimula, hinaluan at nabagu-bago ang buong panulat
ng mga Pilipino tungkol sa mga karanasang paglaban, pasining at natural na
bugso ng damdamin.
Pero
ano nga ba talaga ang literary history? Ito ba ang History ng Literature? O Literature ng History? May malaki nga bang
pagkakaiba sa dalawang nabanggit para sa ibig sabihin ng kasaysayan ng
panitikan ng Pilipinas? Iba ang pagkukuwento ng talagang nangyari sa
kasaysayan, sa paraang masining man o direktang pagsasalaysay ng mga aktuwal na
nangyari. Ang Literature ng History ay maaaring patago, nakatago o naitago. May
mga panulat na itinatago ang kanilang mga nais sabihin para hindi mahuli ang
mga manunulat na nais magmulat sa mga taong kanilang nais maimulat sa
katotohanan. Pumapasok na rito ang usapin ng censorship na ginagamit ng
karamihan ng mga manunulat na bumabatikos sa mga nakatataas. Dahil nga naman sa
ayaw ng mga nasa itaas na malaman ng kanilang mga nilalapastangan at
pinagsasamantalahan na nakapandaraya na sila sa kanilang mga nasasakop,
idinadaan ng mga manunulat sa pagpapahiwatig ang mga nangyayari sa mga hindi pa
nakakikita. Nakikita ng mga manunulat ang mga nakikita na rin ng mga
nilalapastangan. Nakikita nga ng mga pinagsasamantalahan ngunit hindi rin naman
nila nakikita. Nagiging daan ang mga manunulat sa paglilinaw ng mga malalabong
nakikita ng mga inaabusong Pilipino.
O
ito ang History ng Literature? Iba rin naman ang pagkukuwento tungkol sa mga
lumitaw na kuwento, tula, dula at awit na isinulat, isinalin o ipinasa nang
pasalita o paawit sa simula pa lamang ng kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring
nagsimula na ang kasaysayan ng Pilipinas ngunit hindi pa nagsisimula ang
panitikan dito. Iba ang pagsasalaysay ng pinagdaanan ng mga panulat ng Pilipino
sa panulat tungkol sa pinagdaanan ng mga Pilipino. Ano ba talaga ang Literary
History?
Ang
Literature ng History ay maaaring fiction at non-fiction. Nabanggit na kanina
na ang pagsusulat sa Pilipinas ay maaaring tungkol sa Pilipinas, tungkol sa mga
kasaysayan dito at maipapasok na rin ang sining sa panulat at pag-awit ng mga
Pilipino tungkol sa kanilang mga karanasan, tungkol sa kanilang kasaysayan. Ang
literature ng history ay ang pagkukuwento ng kasaysayan. Ang pag-aaral ng
literature ng history ay ang pag-aaral ng nilalaman at istilo ng panulat ng mga
Pilipino simula noon hanggang sa ngayon, na madalas nakabatay sa mga piling
panahon.
Samantalang
ang pag-aaral ng History ng Literature ay ang pagbibigay-diin sa pag-aaral ng
istilo at pagkakita sa pag-unlad at pagbabagong nangyari sa literature sa lahat
ng panahon. Kung ang Literature ng History ay ang pagtingin sa kasaysayan ng
mga tao, ang History ng Literature, sa pinakamadaling sabi ay ang pagtingin sa
kasaysayan ng panulat ng mga tao. Maaaring sabihing bahagi ng history ng
literature ang literature ng history. Mula rito, maipagpapalagay na mas malaki
ang sakop ng history ng literature dahil pasok dito ang pagkakapanganak ng
literature hanggang sa mga kasalukuyang panulat. Sapagkat kasama sa kuwento
tungkol sa mga Pilipino ang kuwento tungkol sa simula at pag-unlad ng kanilang
mga panulat at pag-awit, ang history ng literature ay bahagi lamang ng literature
ng history.
Ang
literature ng history ay may pinipili lamang na panahong nais na ipakita sa
mambabasa. Nakapasok sa mga imahen ng bawat panulat ang mga nangyayari na kung
pagsusumahin at kokolektahin ang lahat ng panulat ay maikakahon sila sa bawat
panahong kanilang ikinukuwento o maaari ring pagpangkat-pangkatin sa grupo kung
saan ay sinasabi kung kailan sila isinulat.
Kapag
binasa ko ang libro, madaragdagan lamang ang kaalaman ko sa bawat panahong alam
ko tungkol sa history at maaaring maliit na kontribusyon lamang sa alam kong
history ng literature. Mula rito, kakarampot lamang na bahagi ng alam kong
history ng literature ang napasukan. Habang nadaragdagan ang mga kuwento sa
isip ko tungkol sa mga tumira at nanatili sa Pilipinas, malaki ang naitutulong
nila para sa kung ano ang masasabi ko sa kasaysayan nating mga Pilipino, ngunit
kakaunting pagdidikit lamang ng mga katangian, nilalaman at karanasan ng mga
panulat ng mga Pilipino ang maipapasok ko para sa alam kong kasaysayan ng ating
mga nakasulat na karanasan. Kailangan ko pang magbasa ng mas marami kung
pagtutuunan ko ng pansin ang history ng literature. Hindi na ako kailangang
kabahan pa para sa mga alam ko sa kasaysayan ng ating bansa kung sa pag-aaral
ng pa lamang nang pautal-utal sa history ng literature ay marami na akong
nahihigop tungkol sa literature ng history.
Kung
ang panulat ay tungkol sa karanasan ng mga tao, at ang kasaysayan ang mga
kuwento tungkol sa karanasan ng mga tao, maaari ko bang sabihing ang history ay
literature at ang literature ay history? Mismo? Kung ang history ay nakasulat,
o maaaring isulat, maaari naman itong ikategorya sa literature. Kasama na ito
sa mga umusbong na sumulat dahil nabanggit naman kaninang ang literature ay
maaaring fiction at non-fiction, at kung susuriing mabilis lamang ay ang
history ay non-fiction literature. Ang history ay literature. Kung ang
literature ay ang pagkukuwento ng mga karanasan, totoo man o hindi, pasok pa
rin ito sa mga kuwento ng tao, kuwento ng karanasan ng mga tao, kasaysayan ng
mga tao, kasaysayan ng Pilipinas. Maaaring makapagsabi o makapagpahiwatig ng
mga bagay-bagay na nangyari simula noon hanggang ngayon ang mga sinasabi at
isinasalaysay ng mga manunulat kaya’t maaari nang isumang ang literature ay
bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas. Hindi ko sinasabing bahagi ng bawat
sibilisasyon ang pagkakaroon at pagkakapanganak ng kanilang mga manunulat kundi
bahagi ng kani-kanilang mga kasaysayan ang mga ipinanganak ng kani-kanilang mga
manunulat. Ang literature ay history.
Kailangang
aralin ang literature tungkol sa history. Hindi lamang nito masasabi kung ano
ang nangyari noon kundi sinasabi rin nito ang nangyari sa ating panulat, kung
paano itong nagsimula, nabago at maaari ring nawala o napalitan, nag-evolve sa
mas maganda pang klase o istilo ng paghahayag ng karanasan at damdamin. Kailangan
ding aralin ang literature na hindi tungkol sa history. Ito yung mga panulat na
hindi pa nangyayari o maaaring patungkol pa sa ibang fiction na may posibilidad
pang mangyari sa pag-usbong lalo ng teknolohiya. Ito yung mga sinasabi nilang
may kahalong magic, o super advanced technology na maaaring feasible at
maaaring hindi. May mga panulat kasing hindi patungkol sa kasaysayan o
karanasan ng kanyang manunulat. Maaaring ang panulat ay magsasabi ng kasaysayang
nais mangyari o hindi pa nangyayari ngunit gusto o maaaring mangyari ayon sa
kanyang manunulat. Mula rito, pumapasok na ang problema sa isang literature tungkol
sa isang Panahong hindi naman ginawa sa Panahong inilapat sa akda. Ito ay ang
problema tungkol sa kung saan dapat ikahon ang iprinisentang halimbawang akda:
sa Panahong nakapaloob dito o sa Panahong kinapapalooban niya?
Kung
magsusulat ako ng literary history ng Pilipinas, kailangang nahahati ito sa mga
panahon. Maraming sinasabing panahong tungkol sa mga kasaysayang ating nababasa
pero may tatlo pa ring lumalabas na pangunahing mga panahon sa akademya: ang
panahong wala pang mananakop, panahon ng mga mananakop at ang panahong wala na
yung mga mananakop. Medyo problematiko pa rin ang unang panahon dahil sa hindi
naman halos nahahati pa ang panahong ito batay sa mga panulat ng bawat isa,
hindi tulad ng sa pangalawang sobrang sikat dahil sa mga Espanyol, Amerikano at
mga Hapon, at sa ikatlo kung saan may mga nilabanang administrasyon sa Pilipinas.
Oo nga, may panahon ng bato, metal, tanso at kung anu-ano pa ngunit sa mga
antolohiya ng panitikan ng Pilipinas ay hindi nahahati ang pre-colonial na
bahagi. Hindi ba makikita ang panahong kanilang pinapasukan para sa mga mas
maliliit pang bahagi ng nabanggit na naunang panahon sa Pilipinas? O ang
konsepto ng panitikan ng Pilipino ay mas kinikilala lamang kung kailan lamang
kinilala ang salitang Pilipino at Pilipinas? Hindi pa ba mga Pilipino ang
isinasama sa pre-colonial na bahagi panitikan ng Pilipinas? Hindi na ba
kailangang mahati sa panahon ang bahaging ito? O kulang pa ang mga nakalap na
panitikang nanggaling sa panahong ito? Isa pa ay ang pagtawag sa mga bahagi ng
ikalawang panahon ng ‘ng kolonisador.’ Panahon ng Amerikano, panahon ng
Espanyol, panahon ng Hapon. Panahon ba nila iyon? E bakit nakasulat sa
kasaysayan at panitikan natin e sa kanila naman pala iyon? Kaya ba sinasabing
sa kanila ang Hapon ay dahil nasa ilalim tayo ng kapangyarihan nila noong mga
panahong iyon? O hanggang ngayon e kolonyal pa rin ang ating utak kaya panahon
nga nila iyon? Hindi ba dapat e Panahon ng mga Pilipino? Panahon ng Pilipino sa
ilalim ng Espanyol, Amerikano at Hapon? Sa atin ang panahon at hindi sa kanila.
Hindi naman sila nakatira rito. Nakitira lamang sila sa Pilipinas. Hindi sa
kanila ang mga panahon ng Pilipinas kung hindi sa atin. Atin ang ating mga
panahon.
May
mga literature din na post-modernistic at futuristic. Tulad ng nabanggit
kanina, ito yung mga panulat tungkol sa mga imposibleng mangyari at hindi pa
nangyayari ngunit posibleng mangyari. Ito yung mga panulat na feasible
scientifically o hindi, o sa madaling salita ay science fiction, na maaaring
patunayan o hindi na, o hinahanapan pa ng patunay, pero nakasulat. Ibig
sabihin, sila ay bahagi pa rin ng literature, at maaari na rin, ng history. Pero
saan natin sila ikakahon? Wala naman silang puwesto sa tatlong unang nabanggit
na panahon. Hindi naman puwede sa post-colonial kasi may bahagi pa rin sa mga
ito ang hindi na nga talaga mangyayari. Kapag nangyari na ba ang context ng
sinasabi ng isang literature, ililipat na ba ito ng kahon o saka lamang ba ito
maikakahon? Maaari bang nasa dalawang kahon ang isang literature? Kailangan
bang baguhin ang mga kahon o kailangan silang dagdagan?
Kapag
magkakahon ng isang bahagi ng literature papaloob sa isang period, pipiliin ang
panahon kung kailan ito isinulat o isinilang. Ang mga naisulat nang literature
sa panahon ng mga Espanyol ay nakapaloob sa panahon ng Espanyol ng mga naisulat
nang bahagi ng history ng literature. Maaaring sabihing may literature noong
panahon ng Hapon at maaari ring sabihing may literature tungkol sa panahon ng
Hapon. Paano ikakahon ang mga ito? Saan nga ba sila ikakahon? Ikakahon ko ba
ang mga ito sa panahon lamang ng Hapon?
Ano
nga rin ba ang panitikan na ng Pilipinas? Ito ba yung panitikang isinulat sa
Pilipinas? Paano kung dayuhan ang nagsulat tungkol sa Pilipinas, bahagi pa rin
ba ito ng panitikan ng Pilipinas? Panitikan na nila ito dahil sila ang sumulat.
Ito ang pagtingin nila sa Pilipinas o ang mga karanasan nila Pilipinas ngunit
hindi naman sila mga Pilipino. Maaaring sabihing problematiko rin ang terminong
panitikan ng Pilipinas. Baka naman sabihin na lang nating panitikan ng mga
nakatira sa Pilipinas. Ito ang panitikan ng mga Pilipino. Kaya kahit nasa ibang
bansa man ang isang Pilipinong manunulat at sumusulat siya tungkol sa bansang
iyon, panitikan pa rin iyon ng Pilipinas, ng mga Pilipino. E paano naman kung
Pilipino ka ngunit sa ibang bansa ka lumaki? Apektado ang iyong imahinasyon at
istilo ng panulat ng dayuhang kultura at kalinangan. Pilipino ka pa rin ba?
Panitikan pa rin ba ng Pilipinas ang iyong pinahahalagahan o panitikan na ng
bansang iyong kinalakhan at kulturang kinagisnan? Kailangan bang may umangking
bayan sa lahat ng mga panulat na inilalabas ng mga manunulat? O ang panitikan
ay para sa lahat naman ng mambabasa at hindi para sa kani-kanilang mga
manunulat?
Bakit
kailangang magkahon? Kailangan nating maikahon ang ating mga panitikan para
maging maayos at sunud-sunod ang pagtingin sa pag-unlad ng panulat ng mga
Pilipino sa Pilipinas. Ipinapangkat nang maayos ang bawat panitikan sa
Pilipinas para makita ang unti-unting pagbabago sa bawat panahon. Inaaral ang
pag-unlad ng panitikan ng Pilipinas para malaman ang pinagmulan ng panulat
nating mga Pilipino, kung paano tayong mag-isip, kung paano nating inilalabas
ang ating mga naiisip at nararamdaman, kung paano tayo nagiging iba at
natatangi sa iba pang mga lahi sa mundo. Tinitingnang mabuti ang panitikan ng
Pilipinas sa bawat panahon para makita ang daloy ng ating mga nais sa bawat
panahon, kung anu-ano nga ba ang mga lumilitaw na espisipikong hinahanap-hanap
natin sa bawat panahon para maikumpara ang hangarin ng bawat Pilipino, kung may
pagkakaiba man o pagkakapareho. Sa pagkakapareho, madaling masasabi kung sino
talaga ang Pilipino, kung paano siyang nakikibagay sa mundo, at para sa
pagkakaiba, lumalabas ang iba’t ibang naranasan ng mga Pilipino na maaaring
tumulong sa pag-abot o pagdating natin sa ating pagkakapareho.
Paano
magkakahon? Kailangang maikahon ang isang literature sa panahon kung kailan ito
isinulat. Maaaring sabihing apektado ng wika ang pagsusulat ng isang manunulat
tungkol sa literature na kanyang nililikha, ano pa mang panahon ang nakapaloob
at ang kanyang gustong isalaysay o ilahad. Hindi na iisipin ang nilalaman ng
isang literature kung nais magkahon. Iisipin na lamang kung kailan ito
isinulat. Ang wika ng manunulat ay nakapako sa panahong kanyang ginagalawan.
Apektado ng kapaligiran ng panahon ang wika ng isang manunulat. At kung
apektado ng wika ng manunulat ang kanyang literature na kanyang isinusulat, nakapako
ang kanyang nililikha sa kung kailan niya ito isinulat. Kaya kung may ikakahon
mang literature, ibabase ito sa wikang ginamit ng manunulat, sa wika ng kanyang
panahon, sa panahong isinulat ng manunulat ang kanyang literature.
Kung
may magbabasa man nito, madali itong mababasa dahil nga sa wika ng kanyang
panahon ang ginamit. Mas madaling magkakaintindihan kung magkapanahon ang
manunulat at ang kanyang mambabasa. Kung nais na madaling maunawaan ng target
na mambabasa, maaaring makibagay ang kasalukuyang manunulat at ibabase niya ang
kanyang tono sa tono ng kinaliligiran niyang mga tao o mas paliliitin niya pa
ito sa alam na wika ng kanyang target talaga na mambabasa. Maaaring ang target
na mambabasa ng isang manunulat ay naaayon sa panahon ngunit ang wika ng
panahon ay maaari pa ring pagpangkat-pangkatin. Naikakahon din sa marami pang
mga wika ang isang wika ng isang panahon. Sa madaling sabi, ang pagkakahon ay
maaari pa palang ipasok sa mas pailalim na spesipikong wika ng isang panahon,
mula sa mas karaniwan o pinaghugutang wika ng kinapapaloobang panahon.
Sa
akademya, mas mabilis na nauunawaan ng mga estudyante ang wikang mas gusto
nilang binabasa, lalung-lalo na kung nasa wika nila itinuturo ang paksa o nasa
wika ng kanilang panahon ang kanilang mga pinag-aaralan at sinusuri. Bilang
isang manunulat, kung magsusulat ako ng literature ng history para sa mga taong
labas sa akademya, isusulat ko ito sa wikang madali nilang mauunawaan. Hindi
lang naman para sa mga taga-akademya ang literature at ang history. Noong
panahon ng mga Amerikano, sikat ang mga sosyalistikong panulat sa mga taong
labas sa akademya, partikular na sa mga manggagawang Pilipino. Ang mga panulat
na ito ang nagmulat sa kanila tungkol sa mga nangyayari sa kanilang paligid.
Ang isang papel ng manunulat ay magpakita ng kanilang mga karanasan para na rin
sa mga taong nakararanas ng kanilang mga nararanasan ngunit bulag sa kanilang
talagang nararanasan. Ang pagsusulat sa wikang nakapaloob sa panahong
kinapapalooban ay pagsusulat sa panahon ng mga taong pumapaloob dito. Para saan
pa ang malalim na pagsusulat kung gusto kong gisingin ang mga natutulog na
hindi pa marunong sumisid?
May
literature noong panahon ng kolonyalismo na nakatago ang mga ibig sabihin para
hindi mahuli agad. Katulad ng nabanggit pa kanina, ang mga ito ay censored,
censored sa mga dayuhan ngunit hindi censored sa kamalayang Pilipino. May
paraang mas mabilis nating makikilala ang ating mga sarili nang hindi tayo
nakikilala ng mga taga-labas. Ang pagtatago ng mga pahiwatig ay magtatago nang
walang hanggan mula sa mga dayuhan dahil sa iba ang takbo ng kanilang isip sa
takbo ng isip ng mas madaling makaiintindi ng mga simbolismo at imaheng nakapaloob
sa isang literature. Itinatago nila ang kanilang mga identidad para hindi sila
mapahamak dahil ayaw ng mga nakatataas na binabatikos sila dahil sa kapag
namulat na ang kanilang mga pinagsasamantalahan, maaaring maalis sila sa puwesto
nang walang kalaban-laban, kaya maaga na nilang inaalisan ng kapangyarihan ang
sinumang mahuli nila.
Pero
may mga literature din na direktang bumabatikos at madaling mahuhuli ng isang
kalaban. Minsan, mas maganda na rin kung ang atake e madaling makapagpapaunawa
sa isang kalaban. Matatapang ang mga ganitong panulat sapagkat ang bomba ay
inilalaglag mismo sa upuan ng mga nakaupo, hindi lamang sa mga nakatayo. Sinusubukan
nilang kumbinsihin ang mga nakataas na walang pakialam na magkaroon naman sila
ng pakialam sa kanilang mga pinagtitripan. Kung may kakayahan silang hubugin
ang mga naghihirap, iniaangat nila ang kanilang mga kakayahan bilang mga
manunulat para hubugin naman ang mas matataas.
May
mga literature din ng Pilipinas na nakasulat sa mga banyagang wika. Dahil sa
kalat na ang pambansang wikang Filipino sa buong Pilipinas dahil sa pagkakalat
ng media at pagtuturo sa edukasyon nito bilang isang asignatura, kailangang
maisalin sa Filipino o sa iba pang mga wika ng Pilipinas ang mga wala sa wikang
Filipino. Naisulat man ito sa ibang wika, kung Pilipino pa rin ang sumulat nito
ay hindi naman siguro ito mailalayo sa kulturang Pilipino, sa wika ng isang
Pilipino. Baka naman mas madali pa itong mauunawaan at mas marami pang
maipapasok, masasabi at maidaragdag tungkol sa isinaling panulat mula sa
banyaga tungo sa isang wikang mas mabilis na mauunawaan ng isang Pilipino, kung
ang isinulat nga ay para sa Pilipino.
Makikita
sa Revolutionary Routes ang naging tulong ng literature at wika sa
pagsasalaysay ng mga nangyari sa history. Magkatuwang pa rin ang dalawa, ang
literature at ang history, sa pagpapublish ng mga kuwentong nais ipabatid. Hindi
maaaring paghiwalayin ang literature at history. Ang literature ay ginagamit
upang maipakilala ang history at ang history ay ipinapakilala ang literature. Ang
pagkukuwento ay hindi lamang nakatutulong sa pagdadagdag sa karanasan ng mga
tao kundi pati na rin sa karanasan ng ating panitikan.
May
nakapaloob pa ring kultura at ideology sa wikang ginagamit ng isang manunulat sa
kanyang paggawa ng literature. Kung nagsasalin, hindi rin naman agad-agad na
nakikita o naipararamdam ang nais na iparamdam ng manunulat sa kanyang target
na mambabasa. Sa kaso ng Revolutionary Routes, ang proseso ng pagsasalin ay
mula Espanyol hanggang Ingles at mula first-person hanggang third person. Kung
magkakaroon ng mas malalim pang pagbabasa ang isang mananaliksik, hahanapin
niya ang orihinal na akda para ikumpara sa naipublish at mas mapicture out ang
mga pangyayari, lalung-lalo na’t siya’y magbabasa sa first person point of
view. Mas magiging kumpleto ang karanasang kanyang iniimagine, mas buo dahil sa
mas detalyado at purong mga ideya sa orihinal na wikang ginamit.
Ang
papel ng literature upang maipasa ang kasaysayan, para sa mga mambabasang hindi
nakadanas ng nangyari sa nakaraan. Ang panitikan ang nagbabalik sa kanyang
mambabasa sa mga nangyari noon, sa mga panahong hindi niya kinabibilangan. Ang
panitikan ay naisusulat para maipakilala nga ang history. Sa unang wikang
ginamit para maisalaysay ang mga nangyari sa kanilang buhay, ang unang draft ng
Revolutionary Routes, maipakikilala ang uri ng literature sa panahong tumatakbo
sa isipan ng kanyang unang manunulat. Nabibigyang-diin ng history ang
literature na kanyang nasasakop.
Sa
Revolutionary Routes, may binanggit din tungkol sa Secret History. Bakit nga ba
may mga itinatagong history? Pili pa rin ba kaya ang mga itinuturo sa
elementarya? May kinakampihan ba ang mga historyador ng bansa? Kapag naisulat
ay dapat nababasa dahil kaya nga naisusulat ang isang literature ay dahil may
gusto itong patunguhan, may gustong mambabasa. Hindi dapat itinatago ang
kasaysayan at panitikan dahil isinulat ang mga ito para mabasa, malaman at
maunawaan at hindi para lamang maipon, maidisplay o mabulok sa baul. Hindi
dapat kinokontrol ang history. Hindi na ba mahalagang literature ang mga hindi
sikat? Kaya lamang ba sumisikat ang literature ay mahalaga sila? O pinipili
lamang ang mga pinahahalagahan? Hindi na dapat pahalagahan ang lahat ng
panulat? O implikasyon lamang ng Secret Histories na ito na kulang pa ang ating
history? Kapag hindi pa ba naisusulat ay hindi na bahagi ng ating panitikan?
Sa
parte na Tomas, the Lawyer ng Revolutionary Routes, makikita ang pagsilence sa
kapwa Pilipino para sa reputasyon ng isang sikat na Pilipino. Hindi lamang pala
ang mga kolonisador ang nagpatahimik sa mga nais sabihin nating mga Pilipino
ngunit mga kapwa din nilang Pinoy ang umagaw sa kanilang karapatang mag-ingay
na maaaring magpaalis sa isang tao at maaaring makapagpabago ng buong history,
ng nakaraan, ng kasalukuyan, at ng hinaharap. Kontrolado ang history ng
Pilipinas, hindi lang ng mga dayuhan, kundi ng mga Pilipino mismo. Hindi lahat
ng naisusulat sa libro e nangyari nang natural, sa madaling sabi e scripted.
Naisulat na agad ang history bago pa man ito naisulat.
Pansin
naman sa kuwento ng Crisostomo, the Guerilla ng Revolutionary Routes ang
pagtulong ng mga Hapon sa mga Pilipino laban sa mga mapagsamantalang Hapon. Madalas,
kapag sinabing mananakop, kalaban at masama agad na maituturing. Bawas na bawas
na talaga ang ating kasaysayan. Nagkukulang ang ating kasaysayan at panitikan,
hindi lamang dahil sa kulang pa ang mga nahuhukay ng mga historyador ngunit
pinipili pa rin mula sa mga kaunting nahuhukay ang mga nais lang ipabasa. Kakarampot
na nga, binabawasan pa. Makikita ang dalawang pagtalikod – ng Hapon sa Hapon,
at ng Pilipino sa Pilipino. Ang isa’y para sa kapakanan ng isa. Ang kabaitan ng
isang tao ay wala sa kanyang pinanggalingang bansa, hindi sa kinikilalang
natural o kumon mula sa kanyang bansa, kundi sa pagyakap sa tradisyon ng
kanilang bansa, sa tamang kultura at tradisyon ng kanilang bansang kinalakhan,
sa gusto ng kanilang bayan at hindi sa gusto ng kanilang mga tao. Naghihiwalay
ang pagiging makabayan at pagiging makasarili sa mga pagkakataong ito dahil
nakikita ang tunay na natututunan ng isang tao sa kanyang bayan o kung natututo
ang isang tao sa kanyang bayan. Nabubura ang pagtingin sa bandila at
kapangyarihan at bumababa sa mas madaling konsepto ng pagiging tao, malayo sa
isang lahi, malayo sa sarili, malayo sa usaping makasarili at pasok sa usaping
makabayan. Ang punto ng pagtataksil ay hindi laban sa kapwang kapareho ng
pinanggagalingan kundi laban sa mga itinuturo ng pinanggagalingan.
Mula
sa Cracks in the Parchment Curtain, pinalalabo ng dokumento ng mga Espanyol ang
maaari sanang malinaw na larawan ng nang dinatnan nila sa unang pagkakataon ang
mga katutubong Pilipino nang mapadpad sila sa mga isla ng Pilipinas. Sila nga
ay nakarating dito sa Pilipinas ngunit hindi sa punto de bista ng isang
Pilipino ang kanilang mga panulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga para
sa Pilipinas ang kanilang pagsusulat kaya hindi naman nila pinahahalagahan ang
pagsusulat tungkol sa Pilipinas. Hindi naman talaga sila nagsusulat para sa mga
Pilipino ng Pilipinas ngunit nagsusulat sila tungkol sa kanilang mga
ekspedisyon at tungkol sa kanila, hindi tungkol sa atin. Ngunit mula sa kanilang
mga panulat na ito ay maaaring pagkuhanan ng kasaysayan natin kahit hind sila
para sa atin. Basta ba’t may nakapaloob na Pilipinas e maaari nating magamit
upang maipakilala ang sinaunang mga nangyayari sa bansa. Hindi man ito
panitikan ng Pilipinas, ang panitikan sa Pilipinas ay maaaring basahan tungkol
sa Pilipinas upang makilala din natin ang mga sinaunang Pilipino.
Binanggit
sa Cracks in the Parchment Curtain ang pagsilence sa mga hindi naman ganoong
kaimportante sa kasaysayan ng mga dayuhan. Tinanggal nila ito dahil hindi naman
mahalaga tungkol sa pagpapakilala ng kanilang pagiging mahusay pero mahalaga
para maipakilala tayo. E sa para sa mga tao nila, para sa kabuuang istorya ng
kanilang ekspedisyon ang kasaysayang kanilang isinusulat kaya hindi nila isinama
ang kasaysayang makatutulong sa mga hindi nila kalahi. Ang pagsulat ng kasaysayan
ay may pinipili lamang na mambabasa, mambabasa ng panitikan, panitikan ng
sariling lahi. Hindi naisusulat nang kumpleto ang kasaysayan dahil sa iba’t
ibang pagpapahalagang pinagtutuunan ng pansin na kanyang manunulat.
Ang
pagsulat ng panitikan ay hindi lamang ginagawa para may maisalba sa kasaysayan
kundi binabawasan ito base sa importansya nito sa manunulat. Kung hindi naman
magagamit ng kanilang lahi e hindi na nila kailangan pang pagbutihin ang
pagsulat tungkol dito. Hindi kinokonsidera ang kasaysayan ng ibang lahi kung
magsusulat ng tungkol sa lahing kinabibilangan. Isa rin itong halimbawa ng mga
dahilan kung bakit kulang o bawas ang panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.
Alam na agad ng manunulat ang kanyang magiging mambabasa.
Ang
manunulat ay mahalaga sa kasaysayan at panitikan ng kanyang bansa. Siya ang
nagdaragdag, nagpapaunlad at pangunahing tumutulong sa pag-usbong ng panitikan
at nagpapakulay sa kasaysayan. Kung walang manunulat, walang panitikan,
magkukulang ang kasaysayan. Kung walang manunulat, walang makaaalam ng
kasaysayan. Ang manunulat ang may kapangyarihang magpasimula ng mainstream at
mayroon din silang kapangyarihang sirain ang mainstream. May kapangyarihan
silang ipakilala na ang mga may kapangyarihan ay wala naman palang kapangyarihan.
May kapangyarihan ang isang manunulat na bigyang ng kapangyarihan ang mga
walang kapangyarihan o ipaalam sa isang indibidwal na mayroon pala siyang
kapangyarihan. May kapangyarihan ang manunulat na tuluyang makilala ng isang
nilalang ang kanyang pagkatao at kaya rin ng isang manunulat na tapakan ang
pakatao ng isang indibidwal at masira nito ang unang kinikilala niyang akala
niya ay kanyang tunay na pagkatao. May kapangyarihan ang isang manunulat na
ipakilala sa kanyang mga mambabasa ang kapaligirang kanilang ginagalawan,
magsiwalat ng mga sikreto at magbunyag ng mga hindi pa nakikita sa mga hindi pa
nakababasa sa kanila o sa mga hindi mapanuring matang di natutulad sa mga mata
ng isang manunulat. May kapangyarihan din silang itago ang mga nalaman nila
ngunit kahit kailangan nilang isiwalat ang katotohanang kanilang mga nakita,
maaari rin silang pigilan ng mga nagkukunwaring mas makapagyarihan pa kaysa sa
kanila.
Mula
sa dalawang Sarilaysay, hindi naman agad na nagiging mahusay na manunulat ang
isang manunulat. Karaniwan sa mga manunulat noong bata pa e, nakahihiligan na
nilang magsulat. Ang pagsisimula nang ganito mula pa lamang sa murang isipan ng
isang tao ay maaaring makatulong upang maaga nang mahasa ang angking galing at
pagnanais na magsulat para sa panitikan at kasaysayan ng Pilipinas. Pero hindi
pa sila agad naghahangad ng makilala ng kapwa nila ang kanilang mga sarili.
Nagsisimula sila sa pagkilala ng kanilang sarili. Nababanggit sa dalawang aklat
na nagsusulat pa lamang sila noong mga bata sila dahil sa iyon ang gusto nila.
Gusto lang talaga nilang magsulat. Ginagamit nila ang kanilang panulat para
mailabas ang hindi nila masabi, upang mailabas ang kanilang mga nararamdaman. Hanggang
sa magsimula na silang magbasa nang magbasa, dumadami at mas namumulat ang
kanilang mga murang isipan, mas lumalalim ang kanilang mga panulat hanggang sa
hindi na lamang sila nagsusulat para sa kanilang mga sarili kundi nagsusulat na
sila para sa iba, para sa kanilang mga mambabasa.
Kapag
nakilala na nila ang kanilang sarili at handa na silang pasukin ang mundo ng
isang manunulat, ang mundo ng pagpapakilala ng sarili ng iba, ang mundo ng
pagmumulat sa iba, may mga daan pa rin silang dapat lampasan upang lubos na
maipagpatuloy ang napiling destinasyon. Maliban sa patuloy pang pagbabasa ng
napakarami at pagsusulat nang patuloy, maraming manunulat din ang sumasali sa
mga contest, sumasali sa mga writing organization at sumasali sa mga workshop
kasama ang kapwa nila manunulat o yung mga manunulat na sa tingin nila agad e
mas magagaling sa kanila. Doon nila mas nakikilala ang kaibahan nila sa kapwa
nilang manunulat at nakatutulong din ang mga kapwa nila sa pag-unlad pa lalo ng
kanilang mga panulat. Mahalagang mapaunlad nang maayos ng isang manunulat ang
kanyang pagsulat dahil sa kailangang maging consistent o iisa ang kanyang
istilo sa pagsulat. Kailangan niyang makilala o mabuo ang kanyang sariling
istilo sa pagsulat. Kung makabubuo siya agad ng isang istilong para sa kanya, ang
kanyang mga susunod pang maisusulat para sa panitikan at kasaysayan ay madali
na siyang makikilala para sa mas madaling malaman ng mga mambabasa ang mga
nagmulat sa kanila. Magiging bahagi ng mas maayos na kasaysayan ng panitikan
ang isang manunulat dahil sa kanyang tanyag na istilo at magiging nilalaman ng
kanyang mga panulat.
Kailangan
din nilang malampasan ang problema nila sa magulang dahil sa pipiliin nilang
career sa buhay. Ayon sa mga kinapanayam, may magulang din kasing ayaw sa
pagiging manunulat ng kanilang mga anak dahil sa kakaunti ang perang papasok sa
bulsa. Mas pinahahalagahan ng mga magulang ang gusto nila para sa kanilang mga
anak at hindi ang gusto ng kanilang anak para sa kanyang sarili. Pinag-aaral
lamang nila ang kanilang anak para makapagtrabaho at kumita, umunlad bilang
isang robot, at hindi ipinapasok ang kanilang anak sa unibersidad para makilala
nito ang kanyang gusto at umunlad bilang isang tao.
Sa
may unang bahagi ng Etsa-Puwera, nakita ang pagtingin ng tao sa hayop at ng
maaaring pagtingin ng mga hayop sa tao. Malaki ang pinagkaiba ng mga hayop sa
tao dahil nairerekord natin ang ating kasaysayan at naiipon natin ang ating mga
panitikang maaaring makapagpabuo o makasira sa ating mga sarili, sa ating mga
pagkatao. Tao na rin mismo ang nagsusulat tungkol sa mga hayop, sa kanilang mga
kuwento at gawi.
Maaga
na ring nabanggit sa Etsa-Puwera ang pagkukuwento ng Sion sa nagkukuwento ng
nasabing akda – ang oral na tradisyon. Nasusulat sa mga antolohiyang ang
pre-colonial na panahon ay may panitikan ngunit madalas ay naipapasa sa paraang
pasalita o paawit. Sa panahon natin ngayon, may mga nagkukuwento pa ring
matatanda. Nasa pagnanais na ng nakarinig kung isusulat niya ang kanyang mga
narinig para sa mas marami pang makababasa o kung wala siyang kumpyansa sa
kanyang pinagsasabihan na hindi naman nila ikakalat ang kanilang mga narinig
mula sa kanya.
Sa
pagtapak ng unang Espanyol sa lugar ng pangunahing tauhang pinakilala ng
nagsasalaysay sa nobela, nagulat sila sa kakaibang kulay ng dayuhan. Ang
pagtingin nating mga Pilipino sa taong may ibang kulay ay maganda, madalas.
Pumapaloob na rin dito ang pagtingala sa mga ginagawa ng dayuhan. Ang pagpasok
ng dayuhang sistema sa sistema ng ating panitikan ay nagpabago at humubog sa
anyo ng panulat ng Pilipinas. Ang kanilang anyo ng panulat ang nasunod na bigla
dahil sa tiningala nga ang mga dayuhan. Ginaya na natin sila. Ang pagbabago ng
anyo ng ating pagsulat, ang pagkabawas at masyadong pag-unlad ng ating naunang
sariling anyo ng pagsulat at pagsasabi ng ating mga kuwento, ng ating kasaysayan.
Mas lalong naipayabong ang dayuhang paraan ng panitikan kaysa sa naging taal sa
kasaysayan ng mga katutubong Pilipino. Kung hindi sana tayo napasok ng mga
dayuhan at naipakilala nila ang kanilang kultura, panulat at paniniwala,
nakabuo sana tayo ng mas orihinal na konsepto, mas Pilipinong panulat at mas
maipagyayabang na sariling ating istilo ng panulat.
Sila
ang nagdikta sa atin kung ano raw ang tama. Matagal na ipinagbawal sa atin ang
mga nakasanayan ngunit may mga hindi rin naman sumunod o hindi naabutan ng
kulturang dayuhan. Ang panitikan ng Pilipinas ay pinaghalu-halong dayuhang
panitikan, taal na Pilipinong panitikan at hybrid ng dayuhan at Pilipinong
panitikan – panulat ng mga sumunod sa diktadurya hinggil sa kung ano raw talaga
ang tama, panulat ng mga nagpanatili ng orihinal na panulat ng mga katutubong
Pilipino, at mga panulat na may bahid pareho ng kontekstong Pilipino na may
kaunting porma’t anyo ng mga dayuhan.
Maganda
ang imaheng ipinakita sa bahaging Ang Pamumukadkad ni Rosa ng Etsa-Puwera.
Nakapaloob sa bahaging ito ang pagde-virginize kay Rosa ng isang paring
dayuhan. De-virginized na pero bata pa rin. Nakaramdam lamang ng pagnanasa, ng
sarap ngunit hindi nakasisiguro kung tama. Ang pagtanggap lamang nang
pagtanggap ay natural sa isang batang walang malay, walang alam. Hindi siya
nakasisiguro dahil wala naman sa ugali niya ang paniniguro. Madalas, kung anong
nakikitang ginagawa ng matatanda, malupit agad, magaling, masayang gayahin, at
sa kontekstong Pilipino, kung anuman ang gawin ng dayuhang may kakaibang kutis
ng balat. Ang pagkantot ng dayuhan sa batang panitikan, kultura at kasaysayan
ng Pilipinas ay napakasama dahil pilit nilang binura kung anuman ang ating
nasimulan. Madalas nila tayong pasunurin, lokohin, sa pag-aakalang magulang natin
sila, kasi pakiramdam nila, bata pa tayo.
Sinundot
ng pari ang inosenteng nagdadalaga ngunit hindi rin niya siya buong napasunod.
Tinatawanan lamang siya nito kahit na kanyang pinangangaralan. Ganito ang
naging sagot ng mga nakakita ng kamalian ng dayuhan, ng mga dakilang manunulat.
Tatawanan nila sila at gagawin ang nais, ang tama para sa kanila. Pero katulad
ni Oysang na kalahating usa at kalahating tao, kakaunti lamang ang mga ganitong
tao. Mga taong namulat at mabilis na nakapick up ng balak ng mga dayuhan sa
Pilipinas. Ang mga nagsulat tungkol sa pagwasak sa sistema. Nagsimulang kaunti
ang mga tulad ni Oysang kaya matagal tayong nabihag, nadiktahan. Ang ginawa ni
Oysang ay pinasarap niya ang kanyang sarili ngunit hindi siya nagpabihag sa iba
pang pakay ng pari. Malinaw sa kanya na kung ano ang gusto niya ang masusunod,
hindi ang kagustuhan ng dayuhan. Ganito rin ang ginawa ng mga manunulat na
ginamit ang porma’t anyong ipinakilala sa atin ng mga dayuhan. Ginamit nila ang
mga ito sa pagsulat ng ating panitikan na maaari namang nagpaunlad din sa
panitikan ng Pilipinas. Kinukuha lamang nila ang magagamit nila nang mabuti
mula sa mga dayuhan ngunit hindi sila nagpagamit sa kasamaan ng mga dayuhan.
Lahat
ng kultura ay tama. Walang kaisipan ng moralidad, yaman at etiketa sa usapin ng
pagtingin sa pagitan ng dalawang magkaibang kultura. Maling pagkumparahin mula
sa dalawang magkaibang kultura kung alin ang mas tama, alin ang mas makatao,
kung alin ang mas maganda. Ang mali sa mga mananakop, akala nila e kung hindi
sa kanila e mali. Ito namang ibang Pilipino, gumaya at hinangad na maging
dayuhan sa sariling kultura. Yung mga magagaling na panulat, iniangkop nang
maayos ang katangiang ipinakilala sa ating panitikan saka gumawa ng hybrid
ngunit maituturing pa ring pansarili at tatak Pilipino.
Naging
bahagi pala ng kasaysayan ng Pilipinas ang mga Intsik, ngayon ko lang nalaman. Habang
nagbabasa ng Etsa-Puwera, nagkaroon ng mas malinaw na larawan ang naging buhay ng
mga Intsik dito sa Pilipinas. Sa mga kasaysayang nakasulat at ipinababasa sa
akin madalas sa paaralan, madaling makikita at paulit-ulit ang kuwento tungkol
sa mga kalaban. Ang kauna-unahang kasaysayan ng Pilipinas tungkol sa mga
dayuhan e tungkol na lang parati sa mga kalaban. Bakit hindi magsulat ng kasaysayang
tungkol sa magaganda namang naidulot ng dayuhan? Itinatanghal ang mga
Pilipinong tumulong sa Pilipinas at hindi ang mga dayuhang nagpaunlad sa
Pilipinas o yung mga taong maaaring magpayaman pa sa kasaysayan ng bansa?
Sa
bahaging Ang Paghahanap sa Wala naman ay bahagyang inilarawan ang batang Sion.
Sinabi roon na parang wala siyang matandaang magandang kuwento tungkol sa
sarili. Dagdag pa ng nagsasalaysay na sa tingin niya ay ipinanganak na siyang
matanda na agad. Malinaw rin naman itong pangitaing ito noong panahon pa talaga
ng pananakop sa Pilipinas. Ito yung mga panahong bata pa lamang yung mga
Pilipino e bawas na ang kasiyahan nila bilang bata, na magiging masaya na
lamang kapag naging maayos ang katayuan sa buhay, na mahirap maging masaya kapag
mahirap. Wala nang pakialam sa nakaraan, ang inaalala na lamang ay ang
hinaharap. Papasok na sa kokote ng mga bata na kailangang mag-aral at magkaroon
na lamang ng trabaho para magkapera. Tulad nga ng sinabi ng isa kong prof,
nagtatrabaho na lamang para kumita, hindi para maenjoy ang pagiging tao sa
mundong kanyang ginagalawan. Apektado ng kolonyalismo ang mga naisin ng mga
Pilipino sa buhay. Mula sa pagiging payak lamang ngunit masaya at nakabubuo ng
pagkatao e naging kumplikado, mahirap at nakawawalang gana na at
nakapagpapabagong-tingin sa sarili bilang isang anak ng bayan.
Lutang
naman ito sa panitikan ng Pilipinas, oo. Kaya nga may mga akdang sosyalista,
halimbawa, na bumabatikos noon sa pagtingin na lamang sa sarili ng isang
Pilipino bilang makina ng mga dayuhan. Ang mga panulat ay ginamit upang imulat
ang mga manggagawa na hindi na lamang sila hanggang doon sa kinauupuan nila
kundi marami pang posibilidad sa buhay at nararapat lamang na maenjoy nila ang
mga specializations na napili nilang pagkadalubsahaan at hindi lamang para sa
mga dayuhan, para sa pera, na ang kani-kanilang mga talento ay para sa
kani-kanilang mga sarili, sa bayan at hindi para sa iba.
Sa
kabanata naman na Ang Maliit na Tao na May Pinakamalaking Ari sa Bayan,
natigilan ang bumigwas kay Bong nang malaman nitong kay Sion at Ruben ang
kanyang kaharap. Sinundan pa ito ng pagpunta ni Golyat upang magdiskargo sa
nagawa ng kanyang tauhan kay Bong. Ibig sabihin, kilala ang lahi ni Sion. Ibig
sabihin, sikat sa kanila ang lahi ni Sion. Ang pagsulat ng kasaysayan ay
ipinapasa at isinusulat din para maiangat nga ang pangalan tulad ng sa
nabanggit pang kabanata bago ito. Naisusulat para maipagmalaki, para may
maipagmalaki. Naisusulat ang kasaysayan hindi lamang para maipakilala ang
sarili kundi para maitangi nang malinaw ang sarili, para maipagmalaki ang
sarili.
Sa
bahagi ulit na nabanggit kanina (Ang Paghahanap sa Wala), ay nadiskubre naman
ni Sion ang isang gusi, isang earthenware jar, pinaglumaan ng panahon, maraming
nakabaong sikreto. Nang buksan niya ito, lumakas ang kanyang loob at
handang-handa na siyang humarap sa mga ibabato ng hinaharap at kasalukuyan.
Ganito rin ang magiging tulong ng panitikan at kasaysayan kapag sinipag na
halukayin. Kailangang mahanap ang pinagmulan ng sarili para mahanap ang
pupuntahan ng sarili.
Sa
kabanata ring ito isinalaysay ang piniling pagtahimik ni Johnny para maisalba
ang sarili at ang kanyang mga magulang, ang pagpili ng mga taong nararapat
lamang na makarinig ng kanyang kasaysayan. Maaaring sabihing nagkakaroon ng mga
isinisikretong kasaysayan para may mailigtas sa kapahamakan. Puwede ring
basahin ito nang may pinipili lamang na pagsasabihan ng kasaysayan, na hindi
para sa lahat ng tao ang isang kasaysayan. Saka lamang ang mga ito
isinasambulat sa kamadlaan kapag malayo na sa panganib ang mga taong posibleng
mapahamak. Ang panitikan ay may pinipili at hindi para sa lahat. Ang kasaysayan
ay hindi madalas naisusulat agad kaya minsan ay kulang-kulang o nakalilimutan
na. May mga panitikan at kasaysayan ding maaaring hindi na talaga inilabas
dahil sa pansariling takot at kaligtasan. May mga panitikang hindi naisusulat
ngunit nakapako at nakalihim sa isipan ng nagmamay-ari nito.
Sa
kabanatang Ang Mundo Namin Sang-ayon kay Misis Meyor ay nagpagawa ng family
tree na hindi isasama ang makapagpapasama sa reputasyon ng kanilang angkan. Ang
pagpapatahimik ay iniuutos ng mga nagpapagawa ng kasaysayan. Ang nakasulat na
kasaysayan ay edited, maraming nakatago, tinanggal, ipinagbawal. Yung mga hindi
naisusulat, maaaring manatili sa pinagpasahan at nakaaalam pero maaaring ipasa
nang paoral.
Kulang
ang ating kasaysayan. Hindi lahat ng nasa panitikan ay totoo. Maraming
nakatago. Maraming nakasulat ang nakatago. Maraming nakatago sa isip ang
nararapat na maisulat. Maraming panitikang kailangang ibalik sa orihinal at
tamang pagkakasulat. Ang iba ay nagsusulat para maisalba ang kanilang mga
sarili. Ang iba naman ay nagsusulat para maisalba ang isang tao, hindi para
maisalba ang kasaysayan ng Pilipinas. Pinipilit na baguhin at isulat ang hindi
dapat na nababago at naisusulat nang agad-agad na kasaysayan. Maraming
panitikan ang muntik nang maisulat na maaari sanang makatulong sa kasaysayan at
panulat ng Pilipinas. Maaari pang maghukay nang mas malalim sa baul ng
kasaysayan at panitikan ng Pilipinas. Kailangan pang maghukay, sumuri nang mas
mabuti at buksan nang mas malawak pa ang kaisipan para sa mga panulat ng
Pilipinas, para sa mas buong pagkilala sa sarili at sa mag maganda at
kumpletong pagtatanghal ng panitikan at kasaysayan ng Pilipinas.
Ang mga Sikreto ng Literary History:
Mga Sikreto ng Kasaysayan,
Kasaysayan ng mga Sikreto
Sanggunian
Reyes, J. C. Etsa-Puwera. University of the Philippines Press. 2000.
Scott, W. H. Great Scott!. New Day Publishers, 11 Lands Street, VASRA, 1128
Quezon City. 2006.
Stuart-Santiago, A. Revolutionary Routes. StuartSantiago Publishing & Pulang Lupa
Foundation. 2011.
Torres-Yu, R. Aguirre, A. C. Sarilaysay: Danas at Dalumat ng Lalaking
Manunulat sa Filipino. The University
of the Philippines Press. E. de los Santos St., UP Campus, Diliman, Quezon City
1101. 2004.
Torres-Yu,
R. Sarilaysay: Tinig ng 20 Babae sa
Sariling Danas Bilang Manunulat. Anvil Pub., Pasig City. 2000.
Subscribe to:
Posts (Atom)