may sinusundan na pala 'ko.
nawawala na lang talaga
sa isip ko. nagpaplano siya
na matagal para makatakas,
parang ako, hindi iniintindi
ang panganib ng hinaharap.
sanay siyang manghula
ngunit ayaw niya namang
magpaputol. minsan, limot
kong may sinusundan na
pala siyang isip, lampas pa
sa isipan ng iniisip ng isip ko.
isipin mo yun? madalas,
hinahayaan ko na lamang
din siya. sino ba ako
para magreklamo? siya
ang nagdulot sa kanya,
at ako naman ay iwan
sa pamimili ng mga ako.
saka lamang siya babalik,
at sakto, kung kailan
nakaikot na rin ako,
handa nang maghagis
ng lambat na kay tagal na
ring hindi pinapalitan.
lumalampas pa talaga ako
minsan. pero natuto na rin
akong magtimpi. pinahihinga
ko rin sila at inaalalang
sa akin naman sila nanggaling.
maaalala rin kaya nila? o hindi
ko na dapat pang isipin? dahil
kung iniisip man nga nila ako,
kusa sana nila akong kalingain,
o kilalanin man lang, o subukang
maipakilala sa iba, kahit yung
mga simpleng ako na lang muna.
wala namang intense na kapalit.
wala namang nagmamadali.
wala ring nagpapadali kundi
walang katapusang palitan,
alitang walang galit, buhay na
sa kalunus-lunos na kagustuhang
makapanggaya. kapuwa na
nagkakayayaan, kapuwa na may
nais na tapusin.
kung may mauna mang pasalubong
ay maghahanap muna ng lilim.
aaralin ang bawat bato't bituin
sa paligid. makikibalita hanggang
sa gutumin. maghahanap
ng makakain. manghuhuli
kung kinakailangan. huwag lang
may maiiwanan. minsan lang ako
may nalilimutan.
No comments:
Post a Comment