August 27, 2024

XXVII

Hindi na lang din nananatili pa sa mga sidewalk o bangketa ang mga pulubi. May isang nagpasimuno lang talagang manlilimos na sumakay ng jeep para doon sila magtuloy ng operations. Hanep. Merong level up. Mas maraming makakasalamuhang lugar, more chances of winning. Isa pa, hindi rin sila hinihingan ng pamasahe ng driver dahil wala naman talaga silang pupuntahan. Suwerte mo na kung maangas yung driver niyo and talagang pinabababa sila bago pa man kayo ulit na umarangkada.

Nakaranas na ako dati ng naglilinis ng sapatos sa Taft. Alam kong hindi na ito kakaiba sa mga panahon ngayon pero itong sumakay sa aming jeep e minsanan nang suminghot ng idudurang sipon-plema (siplema?) nang tanggihan siya ng isang pasahero na bigyan ng tip sa shoe service na ibinigay niya sa amin. (Plempon??) Nang umamba na nang matindi ang pulubi e kalahati sa amin ay napatili at napailag (kahit pa yung mga nasa malayo) dahil sa sobrang pandidiri sa potensyal na mga sitwasyon.

Mabuti na lang at malakas lang talaga yung trip nung pulubi pero paano na lang kaya kung lalong lumakas yung lakas ng trip niya tapos ituloy niya yung akto? May magagawa pa kaya kami? Hindi na rin namin siya sapilitang mapapalabas dahil gusgusin na rin siyang gawa ng grasa at kagaguhan. Nag-iisa lamang siya pero parang hawak niya kaming lahat sa leeg, dahil lang sa kaartehan namin na huwag madumihan. Hindi niya naman piniling sapitin maging ganoon (sino ba naman ang may gusto?) pero hindi rin talaga maiiwasan ang pag-ilag na lang at pagwalang-bahala.

Simula noon, siya na lang yung binibigyan kong pulubi sa jeep ng barya, 'wag niya lang akong maduraan, kahit pa joke lang yung ipalag niya sa akin. Nakakatakot.

Pero yung mga halata namang joke lang na may kamag-anak na pasyenteng may cancer, na may dala-dala pang x-ray documents at valid identification, hindi nakakatakot. Kahit pa sabihin nila sa kanilang introduction na huwag kaming mabahala at hindi sila masamang tao, hindi na pala masama yung manlinlang ng tao?

Nalaman ko lang na bogus ang kanilang operasyon dahil after ilang taon e may nakasalamuha lang din ako nang more than once sa kanila tapos bigla na lamang nag-iba ang sakit ng kanilang kamag-anak. Ano yun? Minsan, kailangan ding maging creative ng mga kriminal? Kahit anong trabaho pala e nagiging boring 'pag nagtagal, ano?

Kaya iyon na lang din minsan ang hilig kong magbigay sa mga nanlilimos na tumutugtog, kumakanta, at minsan e rap pa ang ipinapakitang gilas sa aming mga pasahero. Para bang nagbigay sila ng entertainment na panlaman din sa unti-unting nahuhukay na bagot at pagod. At least, 'di ba, ibang anyo ng creativity sa halos parehong sitwasyon.

Hindi tulad ng iba diyan!

No comments: