07 August 2011

Press It For Glory

Nakatitig lang ako. Nakaharap sa pisara. Hindi ko alam kung bakit nakaupo ako sa pinakaharap. Ang tanga. Talagang pinakaharap na row yung pinili ko. Bakit? Hindi ko talaga alam. Siguro kasi feeling ko babagsak ako kapag nasa likod ako umupo. Feeling ko wala akong matututunan kapag nasa gitna ako umupo. Baka kasi lumipad na naman yung utak ko. Kahit nga nasa harap ako lumilipad pa rin yung utak ko. Nasa harap na nga ako, kung anu-ano pa rin ang iniisip ko. Nasa harap na nga ako, naririnig ko na nga yung malinaw at dahan-dahang pagsasalita ng aking prof e wala pa rin akong naiintindihan. Mabuti na lang talaga at umaga ang oras ng klaseng 'to. Mahirap magklase sa hapon ng boring na klase. Hindi naman siya ganoon ka-boring kaso ang bagal niya talaga magsalita. Buti na lang talaga sa hindi ako malapit sa bintana tumabi, baka kung anu-ano pa rin ang makita ko, lalong lumipad ang diwa ko.

Wala pa rin siyang tigil sa pagsasalita. Suwerte at malayo sa mukha ko ang inis, inis sa kawalang-kuwentahan na ng kanyang mga pinagsasasabi. Hindi rin naman ako sigurado kung alam niyang hindi talaga ako nakikinig. Minsan, madaling makuha yung nararamdaman o iniisip ng isang tao sa mata lang. Ayoko makipagtitigan sa kanya. Hangga't maaari e patingin-tingin lang ako sa mukha niyang patangu-tango. Hindi rin naman tumititig mga prof. Umiikot yung mga mata nila. Totoo kaya yung sinasabi nilang kita nila lahat kapag nasa harap sila? Kapag nagre-report kasi ako, hindi ko makita lahat. Mas nakikita ko nga kapag nakatuon lang sa isang point yung mga mata ko, ewan ko na lang talaga sa mga guro. Siguro kasi, matangkad sila.


Panay tingin ako ng oras. Mag-iisang oras nang kinakain ng upuan yung puwet ko. Ito mahirap kapag nasa harap - hindi mo alam kung mag-aayos ka ng puwet. Yung tipong pasimpleng paghila lang ng brief na kinakain na rin ng puwet mo. Mahirap. Gusto ko nang mag-stretch. Nagsasawa na ako sa mga sinasabi niya. Isa pang mahirap sa harap e yung tumatalsik yung laway niya. Hindi ko alam kung napapansin niyang naliligo na ako sa laway niya. Kung mapapansin ko lang talaga kasi, halos malalaking patak na talaga yung mga pinipilit kong ilagan. Ayaw ko namang ipakitang umiilag ako sa laway niya. Unang-una sa lahat, itatanong niya kung bakit ako umiilag sa laway niya. Sunod na doon ang pagtawa ng buong klase, kasabay ng pagngiti ko. Sasabihin ko, "E, Sir, laway niyo." Hindi ko lubos na maiisip kung mapapahiya ako dahil tumawa ang buong klase sa sinabi ko sa pagka-obvious ng pagpapaulan ng aking prof o matutuwa ako dahil sa tumawa rin ang aking prof dahil alam niya at nakikita niya mismo sa harap niya na may binabaha na siya ng kalaputan. Hindi ko alam. Baka sumikat pa ako sa buong klase.


Alam ko naman yung feeling kapag kilala na ako ng buong klase. Alam mo naman siguro yung feeling. Alam naman nating lahat kung paano maging kilala sa klase. Dapat lang may nagawa kang malupit. Hindi natin alam kung anong lupit ba. Depende pa rin sa guro yung pagkalupit mo. Maaari natin sabihing gusto-ng-prof malupit o lagot-ka-nainis-yung-prof-kaso-natawa-yung-buong-klase malupit. Pero kahit alin man diyan, dapat malupit. Pinakamadali na yung pagpapatawa ng klase. Isang simpleng punch line lang sa tinatalakay ng guro, puwede na. Isang malupit na joke lang para pampagising ng klase, oks na, sikat ka na. Minsan din, kahit hindi mo alam na nakakatawa talaga yung nagawa mo, ang dami mo nang ngiting matatanggap pagkatapos ng klase. Maraming titingin sa'yo. Lahat pupuntahan ka, tumatawa pa rin dahil sa hindi maka-get over sa pinaggagagawa mo sa klase. Tapos ipaaalala pa nila yung nangyari sa Facebook, Twitter at Google +. Kailangang malaman ng lahat ng grupo ng indibidwal yung kalupitan mo. Pero dahil ibang tao ang nagkuwento ng tungkol sa'yo, sila ang sisikat. Maraming magla-like sa post niya at halos pantay lang siguro kayo ng kasikatan. Hindi mo alam kung matutuwa ka kasi sikat ka na sa mga taong hindi mo pa siguro nakikita, pero sa kabilang banda e maganda yung pagkakasalaysay ng taong nagbanggit sa'yo kaya siya yung kakausapin ng mga tao. Suwerte na lang kapag ikaw mismo yung piniem ng mga tao tapos tatawa pa rin sila. Kaso doon banda na talaga sila nag-uusap.


Puwede ring lumupit ang ihip ng hangin kapag ginalit mo yung teacher. Instant celebrity ka rin kapag pinalabas, sinigawan, pinahiya, pinatawag ang magulang, binato ng eraser o chalk, tinalikuran, binara, tinuro, hindi pinaupo, tinanong ng personal na tanong, pinagbasa ng mga linya, pinatawag sa harap ng teacher mo. Nag-eenjoy talaga ako kapag may mga ganitong eksena sa loob ng klase, lalo kapag hindi ako. Ang sarap talaga nilang panoorin. Yung tipong may bagong nangyayari para sa araw na iyon. Hindi yung ni-replay niyo lang yung ginawa niyo last week.


Kulang na lang talaga sabon pati tuwalya. Solb na solb na yung paligo ko. Kahit next rainy season na lang ulit ako maglinis ng katawan. Ang laput-lapot na ng mukha ko. Ang dami nang butil sa T-shirt ko. Gusto ko nang suntukin 'tong prof na 'to. Gusto ko ng isang malupit na uppercut. Isa lang. Tapos eksenang exit na expected ng excited ng klase sa eksplosibong execution ng eksperto kong pambo-boxing. Hindi ako siguro kung may tatalsik na pustiso o kung ano, basta ang gusto ko lang, masapak yung prof ko. Gusto ko na talaga siyang sapakin. Parang nasasayang na talaga ang oras ko. Hindi na talaga ako nakikinig. Paulit-ulit na lang yung naririnig ko. Nakakatuwa naman yung mga sinasabi niya, pero sa unang pagkakataon lang yun puwede. Kapag first time lang puwede. Suwerte na yung mga banat na nakakatawa pa rin sa second time. Legendary na kapag nakakatawa na siya sa third time to infinity. Pero kadalasan, kapag prof yung nagpatawa, o simpleng nagbigay ng astig na fact, sa unang beses lang siya malupit. Puwede mong ikalat sa ibang tao pero ibang bagay na iyon.


Nahihilo na ako. Sawa na ako sa laway at mga pinagsasasabi niya. Gusto ko nang magwala. Hindi ko na lang siya sasapakin. Ewan ko. Baka batuhin ko na lang siya, o kung ano man. Basta huwag lang ganito. Ayaw ko ng ganito. Gusto ko, kahit paminsan-minsan naman may bago. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil ang lapot ko na talaga. Baka gusto ko siyang sapakin hindi dahil naaasar na ako sa pagmumukha niya. Baka gusto ko siyang sapakin dahil nagsasawa na ako. Baka gusto ko siyang sapakin kasi gusto ko ng bago. Ayaw ko ng normal. Ayaw kong walang nangyayaring malupit sa isang araw. Minsan talaga gusto kong manapak ng prof.


Paminsan-minsan,


gusto kong manigaw ng prof.

gusto kong mang-flip off ng mga tao sa MRT.
gusto kong nadidisgrasya yung mga nagp-perform sa circus.
gusto kong may nadadapa sa AS Steps.
gusto kong nakakikita ng nag-aaway.
gusto kong may nadadapa, natatalisod, natitisod, nasusubsob.
gusto kong mambalibag ng tray na puno ng pagkain sa CASAA.
gusto nating nasu-suspend ang klase kahit mahina ang ulan.
gusto kong mandapa ng joggers sa Acad Oval.
gusto kong sanggain ang mga ninja sa CASAA.
gusto kong may isang araw na walang ninja sa CASAA.
gusto kong maging ninja.
gusto kong may pumapasok na insekto sa loob ng classroom.
gusto kong nawawalan ng kuryente at tubig.
gusto kong yumakap ng di kilalang tao.
gusto kong mayakap ng ibang tao.
gusto kong hindi GM ang tinetext sa akin.
gusto kong nakukuryente.
gusto kong nagkakasabay kami ng tingin ng crush ko.
gusto kong may nababanggang kotse.
gusto kong nagkakamali yung mga aktor at aktres sa dula.
gusto kong pumipiyok yung mga nagsasalita sa harap.
gusto kong nakakalimutan ng guro sa harap yung dapat niyang sabihin.
gusto kong may sumasabay sa akin kumain ng malalaking bula.
gusto kong manipa ng mga nagp-plank.
gusto kong umorder nang galit sa kahit na anong restaurant.
gusto kong umorder ng Chickenjoy sa Mcdo.
gusto kong lumabas sa isang station ng MRT at papasok ulit sa susunod na tren.
gusto kong may nalalaglag na pustiso.
gusto kong makakita ng batang natae sa kanyang shorts.
gusto kong umutot sa elevator.
gusto kong naglalakad sa mga maninipis na kahoy, bakal o kung anuman.
gusto kong ginagawang adventure ang pagtakap sa iba't ibang kulay ng tiles.
gusto kong walang typo yung ginawa kong blog post.
gusto kong nawawalan ng mic ung emcee.
gusto kong may napapahiya.
gusto kong umakyat sa pababang escalator.
gusto kong bumaba sa paakyat na escalator.
gusto kong chine-check talaga ng guwardiya yung bag ko.
gusto kong nagha-hang yung PC, PS 3 o PSP habang naglalaro yung kapatid ko.
gusto kong may nauuntog.
gusto kong may nadudulas.
gusto kong may natatapong juice o kung anuman.
gusto kong may nakalilimutan ako.
gusto kong manapak ng paa.
gusto kong mangalabit ng di kilalang tao.
gusto kong makarinig o makakita ng malupit.

Hindi lang siguro ako yung nagsasawa sa mundong 'to. Hindi lang naman siguro ako yung nakikita yung pagkakapareho ng mga nangyayari sa paligid ko. Hindi lang naman na siguro ako yung nakakapansin ng mga gaya-gaya at lame na mga linya sa lahat ng mga teleserye sa prime time. Hindi lang naman siguro ako yung naiirita sa mga hindi realistic na scripts ng writers at pa-cute lang na pag-arte ng mga artista ngayon. Lalong hindi lang ako yung nakakita na maganda lang ang gusto ng mga manonood, na wala na silang paki sa talentong dapat na hinahanap sa isang totoong artista.

Paulit-ulit na lang naman na yung mga pinagsasasabi niyo. Hindi naman nagbabago mga ginagawa at pag-uugali niyo. Puro lang tayo protesta, pero sarap na sarap naman tayo sa paghiga sa kama habang yung assignment na kanina pa naghihintay e pinagpapabukas na ang paggawa.


Hindi lang ako yung nag-iisip ng ganito. Ayaw ko rin ng flat, ng pure, ng boring.

06 August 2011

Goku

Kailangan ko ng magic beans ngayon.
Gusto kong mag-Super Saiyan mode.
Kailangan ko ng special mode kapag malapit nang matalo.
Gusto ko bigla akong lumalakas kapag malapit na akong mamatay.
Gusto ko nakakapulot ako ng mga bala para sa shotgun ko.
Kahit ngayon lang.

Official Ulit, Medyo Parang Paminsan-minsan

Matutong iappreciate any genre of music. 
Except maybe Ang Bandang Shirley. Eww.

03 August 2011

+3 Perfect Dodge

At dahil nakatambay lang ako sa AS Lobby kanina, nagsulat na lang ako sa likod ng notebook ko. Kung noong maliit ako e puro drawing ng flashbang at HE grenade ang likod ng mga notebook e ngayon puro salita, titik at kabalastugan ng walang hiya kong utak ang naka-vandalize:

Baka kasi kailangan ng kung ano sa likod (ng notebook). Ano ba dapat yung mga nilalagay sa likod (ng notebook)? Madalas, kapag wala ka lang magawa talaga, binababoy mo yung likod ng notebook mo. Nababaliw ka sa pagkapresko, pagkalinis, pagkaputi ng dulong pahina ng iyong kuwaderno. Hindi mo talaga mapipigilan yung kamay mong may ballpen, lalo na't malinaw na malinaw pa ang tinta nito. Sige ka lang sa pagdumi, paglabas ng iyong saloobin, ng iyong mga naiisip, o sadyang malakas lang magpaantok yung gurong nakikipag-usap pa rin sa pisara. Naalala ko, may narinig akong nagsabing nakahahawa raw yung antok. Wala lang, share niya lang, at share ko lang din. Ano bang puwede kong isulat? Kahit ano naman siguro puwede kong isulat. Lahat ng gusto kong isulat, isusulat ko. Minsan mas madaling magprotesta kaysa umunawa, umintindi. May pipigil ba sa akin? Marami kaya ang pipigil sa akin?

A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S
T U V W X Y Z

a b c d e f g h i j k l m n o p q r s
t u v w x y z


Nasa likod nga pala ng notebook ko lahat ng hindi naka-italicize. Wala lang. Ang cute pag naka-italicize lolAt dahil nabanggit ako sa isa sa mga blog entries ni Denielle..

Natutuwa ako. Sobrang natutuwa ako. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na saya. Perfect na naman kasi ang combo na nagagawa ko habang walang pakialam at walang muwang na patuloy na tinatanguan ang mga kaibigan ko kuno na walang kaide-ideya sa mundong aking nililiparan ngayon. Panay ngiti at pag-uusap ang nakikita ko sa kanila habang binibingi na ako ng aking earphones. Malapit nang matapos ang round, malapit nang matapos ang kanta. Handa na namang i-record ng memory stick ang malupit kong high score. Halos ibenta ko na ang mahihiwaga kong daliri at mata. Ramdam ko na ang finish line. Ito na, ito na talaga.

Tapos nag-hang sandali yung PSP - wala nang baterya. Peste. Gusto at halos ibalibag ko na ang aking PSP sa labis-labis na galit. Napansin kong isa-isa nang tumayo ang aking mga kasama at tinatapik na nila ang balikat ko. May mga klase na sila, samantalang ako e isa't kalahating oras pa ang hihintayin. Matapos tumango ulit ng ilan pang beses, itinabi ko na ang pesteng PSP at kinuha na ang aking cellphone. Hindi ko alam kung bakit naghihintay ako ng text message kahit na alam ko sa sarili kong wala naman akong kaaya-ayang matatanggap para sa araw na ito. Isinaksak ko na ang earphones sa cellphone at hinanap na ang Music Player. Pinindot ko na ang play, tapos next, tapos next. Nag-play ang intro ng kanta mula sa mga pinakaastig kong banda. Habang tumatagal ang kanta, sinasabayan ko ito, yung lyrics, yung gitara, yung rhythm. Kunwaring may gitara sa ere, habang ipinapadyak ang kanang paa, sabay headbang konti ng ulo at sigaw pabulong ng lyrics.

Napaluha ako. Napaluha ako hindi dahil walang nagte-text sa akin. Napaluha ako hindi dahil iniwan ako ng mga kasama ko, ni hindi man lamang ako nilibre ng Chicken Steak, habang silang lahat ay kumakain at ako naman ay binabantayan ang aking bag na laman ang pitong pesteng pelikulang aming pinagpuyatan. Napaluha ako hindi dahil hindi sila tumatanaw ng utang na loob. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi ko talagang mga tunay silang kaibigan. Napaluha ako hindi dahil itinatanggi kong mga kaibigan ko sila. Napaluha ako kasi may naalala ako noong 3rd year high school, mga biglang pagsanggi ng mga ala-ala dala ng pinapakinggang kanta. Pasimpleng pinaalala ng pesteng kanta ng malupit kong banda ang kantang paulit-ulit kong pinakinggan dahil may nanakit sa puso ko. Ang korny man ng 'puso ko' e hindi pa rin ako natutuwa sa kantang 'to. Hindi sinadyang mapaluha, nabigla na lamang nang may naramdamang basa malapit sa mata, sa pisngi. Hindi sinadyang maramdaman ang lungkot, maalala ang lecheng nakaraan. Sa susunod, magdadala na ako ng charger ng PSP.

10 July 2011

Christmas Chocolate - Part VI

..assignment sa Pan Pil 17. Sobrang tinamad kasi akong gawin sa kadahilanang magsasalin lang naman ako. Pero okay na rin yung nangyari sa discussion namin sa klase dahil hindi ako tinawag ni Sir U. Pakiramdam ko, medyo idol ko na rin si Sir U kasi ang cool niya lang maging prof. Hindi ko alam kung kinakabahan talaga ako sa kanya pero ang gaan-gaan ng feeling ko simula noong narinig ko kung paano magsalita ang prof namin sa Pan Pil 17. Chill lang ang feeling, hindi masyadong nakakabaliw at nakakasunod naman na lahat ng estudyante. Makikinig naman lahat kasi hindi patapon ang binibitawang mga banat ni Sir U. Akmang-akma sa aking mga tenga yung mga naririnig ko, walang lumilitaw na awkward moments sa tuwing magpapatawa at pinapasigla niya ang aming mga diwa, parating may sense at malulupit ang kanyang mga tanong at parating na lang may back-up na mga tanong, at back-up para sa mga back-up na tanong. Nagpaiwan si Sir ng assignment na gumawa ng isang sariling comic strip. Baka magsulat na lang ako ng kung anong mga stick figure na nasa loob ng bus. Hindi nga pa pala tayo nagkikita o magkikita ngayong araw na ito kasi hindi naman TTh yung sked ng Geog 1 natin. Mabuti na lang at may nag-invite sa'yo at hinugot naman ako ni Ate Hazel sa Life Part ng SOD. Nakapagkita pa ulit tayo kahit na hindi tayo magkatabi sa buong Life Party. Okay na rin siguro iyon kasi matagal naman na akong hindi nakakausap ng mga classmate ko last year. Sobrang kaunti lang ng mga kaibigan ko last year. Hindi ko nga alam kung mami-miss ko talaga sila pero matutuwa ako kung makita nila ako ulit at makita ko sila. Napepeste ako kapag hindi ako pinapansin kapag may binabati ako sa kanila. Pagkatapos ng nasabing event, inilibre tayo ni Ate Abby sa Mcdo. Pagkatapos magkuwentuhan at kumain sa Mcdo ay bumalik na tayo ng UP. Siyempre kahit anong mangyari, gugustuhin ko pa ring maglakad tayo nang sabay papunta sa ating mga boarding house.

Sa wakas at huling araw na naman ng pesteng linggo. Nakakasabik umuwi kasi wala akong last period at sabay tayong uuwi. Nagkita muli tayo sa shed at naglakad papuntang Ilang. Hindi pa nakalalayo ay may namataan na tayong maluwag na jeep pa-MRT. Nahirapan nga lang tayong sumakay at bumaba ng tren dahil sa nakikipagsiksikan na ang mga tayo. Paglabas mo pa nga ng tren e bigla nang tumunog ang alarm, senyas na magsasara ang mga pinto. Buti na lang, sa dami ng mga tao, marami nang nakadikit at pumipigil sa magkabilang pintuan. Nakalabas pa ako matapos makipaggitgitan sa mga taong akala mo'y mamamatay kapag natulog sila nang isang gabi sa Ayala Station. Suwerte dahil nakasakay agad tayo ng bus at maluwag pa! Kaya lang ay inunahan mo akong umupo malapit sa bintana. Sa lakas ng aircon ay nahirapan ka tuloy mag-text at nanlamig ang iyong kamay. Hinawakan ko ang iyong kaliwang kamay hindi lang dahil sa gusto ko lang mahawakan ang iyong kamay kundi para masigurado nga kung totoo ang sinasabing mong malamig nga ang iyong kamay kahit na alam ko sa sarili kong lalamig ang iyong kamay. Nagsimulang mag solemn low five ang ating mga kamay nang paulit-ulit hanggang sa magkahawak-kamay na ulit tayo. Isinandal mo na ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat at natulog na ako. Pagmulat ko ng aking mga mata, napansin kong nakatingin ka pa rin sa bintana. Mukhang hindi ka natulog kahit na buong araw mong sinasabi sa aking inaantok ka na. Nakarating naman tayo sa Metropolis nang maayos at nakakain ka pa ng pakiramdam ko'y hindi masarap na hotdog. Matapos maghintay muli sa iyong kapatid ay sumakay na tayo ng jeep. Sabay tayong naglakad pauwi at nagpaalam pagsapit ng kantong lilikuan ninyo.

09 July 2011

Violet - Part V

..mapa kaya natulog akong muli. Nagising naman ako nang tama sa oras at madaling inihanda ang aking sarili. Nagtungo muna ako sa Coop pero walang mapa ng Pilipinas. Panay mapa ng Asya at mundo ang nakita ko. Matapos maghanap pa kahit na alam ko sa sarili kong tatlong beses ko nang paulit-ulit na sinuri ang mga hawak-hawak kong mapa, dumiretso na ako sa SC. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil nakabili ako ng malaki, makulay at malinaw na mapa. Dahil tinatamad akong ilagay sa aking coin purse ang parteng barya ng aking sukli mula sa pagbili ng lecheng mapa at tinamad akong maglakad papuntang CAL ay sumakay na ako ng Katipunan na jeep. Umabot naman ako sa oras ng klase. Matapos mag-discuss ng kung ano ang aming prof at mag-iwan ng assignment ay pinalabas na kami. Wala na akong pakialam kung ano pa ang mga sumunod na nangyari. Pagkatapos ng aking huling klase ay lumabas na ako malamang ng aming kuwarto ng Arki 1. Unang-una sa lahat, masaya ako paglabas ko ng kuwarto kasi sabi ng aming prof na wala kaming klase sa Biyernes. Makakasabay na naman kita pauwi. Pangalawa, madadapa na naman ako sa aking daan pauwi kasi madilim ang daang tinatahak ko galing sa Arki. Pilit kong dinadaanan yung kahit gabi na kasi paliku-liko yung daan at wala sa kalsada. Bahala nang madapa ako, e umuulan pa noon. Bahala na ring may matapakang palaka at puddles. Dahil tinamad na naman akong maglakad pauwi at hugutin ang aking malupit na payong mula sa malupit kong bag ay sumakay na lang ako ng Ikot. Pangatlo, gusto na kitang makita ulit kahit na alam kong magkatabi tayo sa classroom ng Geog 1 noong mga oras bago sumapit ang aking huling klase. Habang nasa jeep pa lamang ay alam ko nang nasa Infirmary ka. Inisip kong magkikita pa ulit tayo kahit sandali lang. Buti na lang at may bibilhin ka sa Coop kaya doon na tayo nagkita. Hindi kita nakita sa 1st floor kaya malamang nakita kita sa 2nd floor. Matapos mong mabili ang iyong kailangan ay naglakad na tayo pauwi. Muli, hindi ko na naman maalala kung sino ang nagyaya pero ang naalala ko e kumain tayo ng siomai. Pagkaubos ng ating siomai ay umuwi na tayo sa kanya-kanyang mga boarding house.

Hindi ako mapakali. Gusto pa kitang makita pero may kailangan lang akong tapusin. Minadali ko na ang pagsasalin ko para sa Pan Pil 17 at pumorma na ng pang-jog. Naglakad na ako papuntang Acad Oval at pagdating ko sa tapat ng Kalay, nagsimula nang umambon. Hindi na ako nangahas pang ituloy ang aking pagtakbo kaya bumalik na lamang ako ng boarding house at tinext ka kung puwede ba tayong magkita. Hinubad ko na ang aking rubber shoes at lumabas muli ng boarding house. Sinabi kong magkita tayo sa kantong malapit sa track oval pero nakita ko sa iyong mga text na nasa kabilang kanto ka napadpad - ang cute. Nagsimula nang lumakas nang kaunti ang patak ng ambon pero hindi ko na ito inisip. Nahiya lang ako nang kaunti nang makita kitang may dala-dala pang reading para sa iyong major. Inasar na lang kita at sabay na tayong naghanap ng upuan sa track oval. Hindi ako natutuwa sa mga upuang punong-kahoy kasi masakit sa puwet pero iyon na lang pinili ko para sa atin kasi malapit lang sa kanto. Ayaw ko nang palakarin ka pa nang malayo. Umupo na tayo at nag-kuwentuhan. Wala akong makitang bahid ng pag-aalala, galit o hiya sa iyong boses. Pakiramdam ko masaya ka rin at nagkita tayo. Lumakas pa lalo ang buhos ng ulan at binuksan mo ang payong mong hindi ko alam gamitin. Sa patuloy na paglakas ng ulan, unti-unting nagdikit ang ating tagiliran... hanggang sa iniyakap ko na ang aking kaliwang braso sa likod mo... Kinabahan ko kasi baka tanggalin mo agad ang aking braso pero nakahinga naman agad nang maluwag nang nagpatuloy ka pa rin sa pagdaldal sa akin. Papalapit na nang papalapit ang oras ng iyong curfew pero paulit-ulit mong ipinaaalala sa aking ayaw mo pang umuwi kasi ayaw mo pang mag-aral. Hindi ko maintindihan sapagkat may dala kang readings, tapos ayaw mong mag-aral? Lumampas ka ng 30 minutes sa iyong curfew at nagulat ako dahil inabot pa tayo ng isang oras sa track oval nang nag-uusap lang at kinaya ng aking puwit ang parusa ng madaliang pagpili ng mauupuan. Sabay na tayong naglakad pauwi, nagkukuwentuhan pa rin at nagpaalam nang muli sa isa't isa pag-abot sa ating bahay. Nakatanggap ako ng mensahe mula sa'yo paghiga ko sa aking kama - ikaw ay nagpapasalamat sa aking pagyakap. Ang awkward man ng pagkakasabi ko rito, hindi ko maikakailang nasiyahan naman ako at napasaya at napagaan ko ang iyong pakiramdam. Naastigan na naman ako sa mga nangyari para sa araw na ito bago matulog sa napakalupit kong kama.

Paggising ko ng Huwebes ng umaga ay kinakabahan na naman ako para sa aking..

You Betrayed Your Self - Part IV

..CAL. Sa wakas, at malalaman ko kung tama ang mga pinagsususulat ko sa papel ko. Nagtawag ang aming professor kung sinu-sino ang gumawa ng reaksyon para sa dokyu ng El Dorado. Itinanong na rin niya ang mga nagsulat para sa Cultures of Resistance at iba pang mga natirang dokyu, saka sila igrinupo. Doon pa lamang sa pagtatanong ay napagtanto kong mali nga ang aking ginawa dahil sa lahat ng napanood kong dokyu ay nasulatan ko ng reaksyon, pero hindi na rin ganoon kabigat sa pakiramdam sapagkat nang tinanong ni Sir kung sino yung mga masisipag na hindi marunong sumunod sa kanyang mga panuto ay marami naman kaming mga nagsitaas ng kamay. Ngiting-ngiti talaga ako kasi buti na lang hindi kami pinagalitan at ayaw kong mapagalitan sa araw na iyon. Ayaw kong masira ang aking araw dahil sa isang pesteng reaction paper. Ayaw kong masira ang aking araw kasi hindi pa kita nakikita. Matapos ang brainstorming na naganap sa bawat grupo, hiningi na ni Sir ang aming mga papel. Laking gulat ko naman nang tawagin ang akin pangalan, hindi dahil sa sobrang lupit ko magsulat kundi dahil malupit ang ginawa ko kay Sir.

Sir U: Tabilin, sa susunod ah (sabay pakita sa harap ng klase ang aking papel na wala man lang pagkakahati ng mga talata at nasa 9 pt na font sabay react ng mga kaklase kong nakakita). Sa susunod.. ha-


Ako: Sir, hindi niyo po ba nababasa? (Sana sumang-ayon na lang ako sabay ngiti. Bakit ba hindi ko mapigil ang aking sarili sa pagtanggol ng mga bagay na iniharap at alam ko namang mali?) Sir, gusto niyo po bang magpasa ako next meeting ng mas mala-


Sir U: Hindi, hindi. Makinig ka ah. Dapat-


Ako: Sir, lalakihan ko po. Akin na po para maba- (tumahimik na ang klase)


Sir U: Hindi. Makinig ka. Dapat smooth. Smooth ba yung ginawa mo?


Ako: ... (puwede na'kong mamatay sa katahimikang ginawa ng mga kaklase ko na tila pinagtitripan na nila ako) ...


Sir U: Tabilin?


Ako: Hindi po.


Sir U: Sa susunod smooth, ah?


Ako: Opo. Haha. (natawa talaga ako, sabay may ilan ding mga nakitawa)


Naging mapayapa man ang unang pag-uusap namin ng aking prof sa Pan Pil 17, hindi pa rin mawala ang galit ko sa aking sarili. Bakit ba kasi nasanay akong magsulat nang hindi naghahati ng talata? Pesteng blog. Pinalabas na kami ng room pagkatapos i-discuss ang mga napag-usapan ng bawat grupo tungkol sa mga dokyung kinalaglagan nila. Sobrang lakas ng buhos ng ulan noon pagdating ko AS. Buti na lang pagdating ko ng lobby, saka tinodo ng ulan ang kanyang pagbuhos. Tinamad kasi akong magbukas ng payong paglabas ko ng CAL. Matiyaga akong naghintay sa'yo habang nasa lobby. Inabutan ko na nga yung mga bagong isyu ng Kule. Ang tagal ko nang naghihintay, panay tingin na ako sa akin relo, nauubos na naman ang pag-asang makakapanood pa tayo sa oras, dahil sa pesteng curfew ng ibang boarding house. Sa wakas, ikaw ay nag-text na papunta ka na rin ng AS. Tumayo na ako mula sa aking kinauupuan sa may bandang gita ng lobby saka naghintay muli malapit sa harap ng main entrance ng AS. Lahat ng maaaring labasan mo ay inantabayanan ko, palakad-lakad, patingin-tingin sa aking cellphone at relo. Wala akong natatanggap na sumunod pang mga mensahe. Todo bantay pa rin ako sa mga posibleng daang makita kita. Matapos ang siguro'y 15 minutes pa e dumating ka na, sa wakas. Matapos sabihan ka kung gaano ka katagal (nang hindi naman ako galit), pumunta na tayo sa FC Shed. Wala tayong masakyang SM North Trinoma na jeep. Lalong lumubog yung puso ko, sa bawat minutong nasasayang, sa patuloy na pagbuhos ng ulan, sa bawat jeep na dumadaang puno kaya tinanong kita kung may jeep pa-Trinoma kapag bumaba tayo sa Philcoa. Sabi mo naman meron kaya Philcoa na jeep na lang ang sinakyan natin. Pagdating natin ng Philcoa, sumakay tayo ng FX na patungong Trinoma. Sa FX. Sa FX. Mabuti na lang at malawak yung FX na nasakyan natin. Dikit-dikit na ang mga sasakyan, at nasa Philcoa pa rin ang sasakyan natin. Patuloy ka pa rin sa pagsatsat, pero enjoy naman. Iba naman ang paksa kasi sinimulan mo naman ako ng mga design sa mga upuan at gusali. Tapos biglang..


..naiintindihan kong dad mo ang pinag-uusapan natin. Tapos hinawakan mo yung kaliwang kamay ko. Ang lamig ng kamay mo noong mga panahong iyon. Umakmang nag-holding hands ang ating mga kamay, saka mo pinisil-pisil ang aking kamay habang nagsasalita ng kung ano tungkol sa tibok ng puso habang nakatingin sa akin. Hindi ko na maintindihan yung sinasabi mo kaya kawalang kuwentahan na lang ang lumabas sa aking bibig. Naghahalu-halo na yung mga iniisip ko, wala na akong masabing matino, hawak-hawak ko ang kamay mo! Patuloy ka pa rin sa pagpisil at pagsabi ng kung ano tungkol sa puso hanggang sa nakarating na rin tayo sa Trinoma. Madali na tayong umakyat sa patungong sinehan. Mabuti na lamang at may isa pang showing na 10 minutes na lang ay magsisimula na at marami pang mga bakanteng upuan sa gilid na mga parte ng tanghalan. Bumili na tayo ng ticket at pumasok na tayo sa sinehan. Nang magsimula ang palabas, hindi na ako natuwa agad. Naramdaman kong magiging pangit ang istorya pero pinilit ko pa rin ang aking sarili na papanoorin ko nang buo ang Transformers 3. Abala na tayo bigla sa pag-away sa babaeng partner ni Shia. Hindi talaga tayo natutuwa sa kanyang accent at labi. Tapos biglang..


..tumalikod ako sa'yo at hindi ko na maalala kung bakit. Nagpahayag ka ng kaunting lungkot at pagpupumilit, saka mo kinuha ang aking kaliwang braso. Humarap naman akong muli sa screen at kumapit ka naman sa aking braso. Dumaan ang ilang segundo at ibinaba mo ang iyong kanang kamay sa aking kaliwa. Hinawakan mo ito nang mahigpit, saka pinisil-pisil, na naman. Buong pelikula tayong magkahawak-kamay. Sobrang ligaya ang naramdaman ko. Okay lang sa aking makatulog ako doon, kahit hindi na ako pumasok sa klase kinabukasan. Hindi ko sukat akalaing gusto mo rin palang hawakan ang aking kamay. Mabuti na lang may mga taong tulad mong kayang gawin ang mga bagay nang wala nang tanong at paalam, lalo na at natataranta ako kapag malapit ako sa crush ko. Masigla at nakangiti tayong umuwi, walang halong hiya sa ating pag-uusap hanggang sa paglalakad papalapit sa ating street. Nagpaalam na tayo sa isa't isa pagdating natin sa tapat ng iyong boarding house. Nakangiti kong ipinikit ang aking mga mata paghiga sa aking kama.


Nagising ako sa aking alarm kinabukasan. Mas maaga kasi ng isang oras ang aking isinet para sa araw na iyon. Kailangan ko kasing bumili ng mapa para sa Aral Pil 12. Napagtanto kong sandali lang naman ako bibili ng..

Ballpen - Part III

..Pan Pil 17. Matapos makapaghanda ng aking sarili at ibulsa ang aking pitaka at cellphone, pumunta na ako sa FI. Alam kong 9 magsisimula ang palabas pero pagdating ko doon nang mga 8:30 yata e nagulat ako sa sobrang haba ng pila. Mabuti na lang at madali kong nahanap ang pila ng bilihan ng ticket at buti na lang talaga at may ticket pa. Noon ko lang din nalamang napakalaki talaga ng sakop ng FI kasi dati, kaunti lang yung mga taong nakakasabay kong manood sa sinehang nabanggit, kaya maliit at chipipay pa noon ang tingin ko sa FI. Ngunit noong nakita kong ang haba-haba talaga ng pila papasok ng tanghalan, nakita ko ang istraktura bilang isang napakalaking gusali. Pagkabili ko ng aking ticket ay matagal kong hinanap ang dulo ng pila papasok. Sa simula ay akala ko nakita ko na ang dulong aking hinahanap ngunit nalampasan ko na pala at malapit lamang sa lugar na aking napagtanawan ng inakala kong dulo ang puwestong hinahanap kong patuloy pang nadadagdagan sa dami ng mga professor na nagpa-require ding magpapanood ng mga documentary films. Panibagong pila, panibagong oras na naman ang kailangan kong patayin para sa paghihintay. Mabuti na lamang at ka-text kita dahil sa unlimited ako for 5 days sa bagong sim ko na Globe. Mabuti na lang din at, napagtiyatiyagaan at nasasagot mo ang mga reply kong smiley lamang. Kahit na patuloy kitang inaasar at kinukulit ay sinusulit mo ang 80 pesos na ginastos ko para sa pesteng sim na hindi nakakakuha ng signal dito sa Cavite at mas mahal pa kumpara sa 60 pesos na ginagastos ko dati para mag-unli para sa isang linggo sa Smart. Hindi na rin masama.

Matapos lamunin ng napakakumportableng upuan ang aking puwet ay lumabas na ako ng FI, malamang. Halos tingin nang tingin na kasi ako sa aking relo at patuloy na nananalanging matapos na ang huling dokyung aming pinapanood. Balak kong ilagay ang aking reaksyon sa aking mga napanood sa mga susunod kong posts. Pagdating ko ng boarding house ay pagod na pagod talaga ang aking puwit kaya tinamad na akong magpalit agad bago humiga sa aking kama. Pinilit ko ang aking sariling makapagsulat agad ng takdang-aralin sa Pan Pil 17 para humaba-haba ang aking mga nalalabing oras ng Lunes na iyon. Sinimulan ko nang mag-type sa Word at buti na lang preskong-presko pa ang aking mga reaksyon sa mga napanood at nagtuluy-tuloy ang aking mga daliri sa paglikha ng mga walang kuwentang pangungusap. Binigyan kong lahat ng reaksyon ang napanood kong tatlong dokyu. Tinapos ko na ang aking huling pangungusap (isa sa mga parte ng compositions na hirap na hirap talaga ako kung saan nangunguna ang pamagat) saka humigang muli sa aking kama. Sobrang lupit kasi maya-maya lang ay bumuhos ang malakas na ulan: lalamig na naman ang aking kama at kumot. Hindi ko alam kung matutuwa ako kasi paboritong panahon ko para sa pagtulog ang pumalit sa pagod ng aking puwitang pupuwedeng nang magpumiglas sa pesteng upuang pinili ng aking puso o maba-badtrip lang ako dahil kung kailan ako magpa-print ng aking papel ay saka pumatak ang halos kumpol na ulang para sa aki'y nagpapapansin lang upang ipagpaliban ang puntong aking nais ipahayag sa pagnood ng pelikulang pinalabas sa pesteng Film Institute. Binayaan ko na lamang ang ulan at ipinikit ko na ang aking mga mata.


Malapit nang gumabi noon ngunit wala ka pa rin sa iyong boarding house dahil nanggaling ka pa sa bahay ng iyong classmate para, mag-scan. Nakahigang muli ako matapos makapagpa-print ng pesteng reaction paper. Nang sinabi mong papauwi ka na, bumangon na ako at nag-isip ng kakaibang palusot para makita kita para sa araw na iyon. Gusto talaga kitang makita, ewan ko. Okay na yung kahit saglit lang, datdatin mo lang ulit ako ng kung anu-ano. Ayaw ko yung nagtatanong sa akin kung anong nangyari sa akin sa isang araw o pinipilit akong magkuwento tungkol sa kung ano. Mas sanay at gusto ko yung dinudugtungan ko ang mga banat ng aking kausap, mas normal, mas malupit, mas okay. Binuksan ko ang aking filecase at nakita ko ang mga pesteng ballpen na nagpapahirap sa akin. Biruin mo, pagkabago-bagong mga ballpen, ayaw sumulat nang matino. Makakailang strokes pa ako bago pa tuminta sa papel. Nainis lang ako lalo. Kailangan kong bumili ng bagong ballpen. Ang paborito kong ballpen ay Pilot BS Fine, o kung ano man yan. Basta kapag nakakuha ako ng matinong picture siguro ipo-post ko na rin dito. Sobrang diin ko magsulat kaya masaya na ako sa mga mapapayat na mga ballpen. Dumudulas kasi yung kanang kamay ko kapag matabang ballpen yung.. Tsaka sino bang natutuwa sa mga matatabang ballpen? Mga bata lang matutuwa sa mga ganon kaya sa lapis lang dapat ginagamit ang design na nasabi. Tinanong kita kung may kailangan kang bilhin sa SC. Hindi ko na nahintay ang reply mo kaya bumaba na ako ng boarding house at nagsimula nang maglakad. Buti na lang at dinala ko ang aking cellphone at paulit-ulit akong tumitingin kung nag-reply ka na. Sinabi mong hindi ka sigurado kung may bibilhin ka pero sasama ka pa rin sa aking pagbili ng mahiwagang ballpen. Mabuti na lang din dahil kahit sa paglakad ay tamad na tamad ako kaya hindi pa ako umaabot sa SC ni sa kanto ng ating street nang matanggap ko ang iyong sagot. Matiyaga akong naghintay sa'yo. Syempre, natuwa na naman ako noong nakita kita. Sabay na tayong naglakad papuntang bilihan ng ballpen at ayon, bumili ako ng ballpen, ng ballpen na gusto ko. Okay na sa akin yung pauwi na tayo, kahit saglit lang tayong naglakad nang sabay, masaya na ako. Simple lang pero hanggang ngayon medyo naaalala ko pa rin at okay pa para balik-balikan ko. Pinili kong isulat ang mga araw na ito para lang, baka sakali, hindi mo man makita sa mukha kong palabiro at palaasar sa tuwing nagkakasama tayo e mabasa mo sa mga walang kuwentang pangungusap na ito yung sabik at galak na ibinubuhos mo sa mundo kong walang ibang hinangad kundi ang simpleng pamumuhay, pamumuhay na walang nagpipilit sa akin, buhay na walang problema, mga araw na paghanap lamang ng oras na makita ka at hindi pahirap na paghugot sa utak kung ano ang maaaring sabihin ng natataranta kong dila sa tuwing tinitingnan mo ako sa aking mga mata. Malapit na tayong dumating sa ating street pero sinabi mong ayaw mo pang umuwi. Ayos lang sana kung nakamaong na shorts ako e kaso pambahay na shorts lang ang suot ko. Hindi ko alam kung matutuwa akong dalhin ang cellphone, sukli at ballpen na aking mga dala pero sige, sasamahan pa rin kita. Dineretso natin ang Siomai St. hanggang sa kabilang kanto, nag-uusap, nagkukuwentuhan, nagtatawanan. May mga oras na gusto kong hawakan ang iyong kamay kapag nagkakabanggaan ang ating siko o braso. Pero dahil mahina ang aking loob, lalo na sa mga babae ay hindi rin ako nakapag-isip at nakagalaw nang maayos. Naging maayos pa rin naman ang ating paglalakad. Nakarating tayo sa tapat ng pesteng FI, at dineretso ang kantong papunta sa likod ng Eng'g Building, malapit sa School of Statistics. Umabot din tayo sa College of Law at Ilang-ilang saka kumaliwa na sa kanto ng simbahan. Papalapit na tayong muli sa ating street pero nagpumilit ka pang maglakad pa habang napapasma na aking mga kamay sa pagbitbit ng aking bagong ballpen, cellphone at sukli. Pinabulsa ko na ang aking cellphone sa'yo nang umabot sa malapit sa Kalay. Iminungkahi kong mandapa tayo ng joggers sa Acad Oval kaya iyon, imbis na malapit lang ang ating lalakaran e napahaba pa ang oras ng ating pag-uwi. Pagdating natin ng Acad Oval ay nagsimula na tayong maglakad sa sidewalk. Hindi man natuloy ang masamang balak para sa mga nagtatakbuhang mga itik ay masaya pa rin kasi tuloy pa rin ang daldal mo sa akin. Nagsimula tayo malapit sa Eng'g at umikot tayo't dumaan sa Tres Marias ngunit nawalan ng ilaw ang ating mga nais na madaanan kaya itinuloy natin ang pag-ikot hanggang sa makarating tayo ng Quezon Hall at tapat ng Vargas Museum. Niyaya kitang umupo sa isa sa mga benches hindi lang para magpahinga dahil napagtanto kong mahaba pa ang ating lalakarin kung tatapusin natin ang Acad Oval at para mas tahimik at wala akong masyadong taong nakikita kapag tumigil na tayo at nagkatabi. Nagpatuloy ka sa iyong pagkuwento at pagte-text. May mga maiikling mga minuto man tayong namamangmang sa tahimik na paligid, masaya na rin ako kasi katabi kita. Hindi ko man mahawakan ang iyong kaliwang kamay ni mayakap ka noong gabing iyon e masayang-masaya na ako. Umabot ang ating usapan sa mga nakakatakot na bagay kaya nagyaya na akong umuwi. Kasalanan ko man ang pagputol ng masasayang mga kuwento, ginusto ko na ring maitago ang aking ballpen kasi baka mawala pa. Dumaan na tayo sa Freshie Walk patungo sa ating street.


Kinakabahan ako paggising ko kinabukasan kasi hindi ko tiyak kung tama yung ginawa kong reaction paper. Pakiramdam ko talaga may mali akong ginawa sa papel ko sa Pan Pil 17. Hindi naman ganon kabigat ang pasaning nabanggit kaya magaan pa rin ang pagbati ko sa araw na iyon. Martes na naman, makuwelang discussion na naman sa Fil 40, nakakasabik na reporting sa Kom 1 at matinding hintayan na naman sa Pan Pil 17. Oras na ng huli kong klase at pumunta na ako sa ikaapat na palapag ng..

Mungyo - Part II

..si Gela. Si Gela, yung unang aso namin. Matagal ko na kasing gustong maranasang magpaligo ng aso, pero nakakatamad talaga. Buti na lang at nagpagawa ng assignment sa Geog 1 na gumawa ng isang bagay na hindi pa nagagawa at sumulat ng kung ano tungkol dito. OMFG! Ngayon ko lang napagtanto!! Walang sinabi si Ma'am kung paragraph form yung kailangan naming ipasa (o hindi lang ako nakikinig). Pero kung ganito nga, sana tinula ko na lang yung akin kasi sobrang ikli lang nung karanasan, kahit masaya, at naubusan talaga ako ng mga nakatutuwang isulat. Anyway, sinabi ni Ate na hindi pa naman napapaliguan si Gela, kaya lumabas na ako habang tinatali na ang aso. Ibinigay na sa akin ang dog soap, balde at tabo. Ipinantay ko na ang balde sa gripo, binuksan ito, at tumingala sa sikat ng araw matapos ipatong ang sabon sa semento. Nag-unat-unat muna ako ng aking katawan, hindi dahil tamlay na tamlay pa rin ang aking pag-iisip at pagkilos kundi kinakabahan talaga ako. Hindi ko alam kung bakit kailangang kabahan ako sa pagpapaligo ng aso na matagal na akong kilala. Malamang, hindi naman niya ako kakagatin pero kasi, unang pagkakataon, ayaw kong magkamali, may makalimutang gawin, hindi magmukhang pinaliguan si Gela, kahit na walang nanonood sa akin. May halong sabik naman ang nararamdaman kong takot sa magiging resulta ng aking pesteng assignment kaya kinuha ko na ang tabo at sumalok na ng tubig. Natawa ako kasi hindi naman sumubok na kumawala si Gela sa kanyang pagkakatali (parang gusto niya pa ngang mapaliguan e) pero walang tinamaan yung una kong buhos ng tubig. Nabasa lang yung semento kasi umilag lang si Gela. Gusto ko sanang unahin yung ulo niya para basa na yung mukha niya bago ko basain ang kanyang katawan at mga binti. Nasasagwaan ako sa hitsura ng asong basa ang katawan at tuyo ang ulo, eww. Matapos paliguan ang semento ay natamaan ko na rin ang ulo niya. Nung nabasa na ang ulo niya, tumigil na siya sa pag-ilag. Binuhusan ko na rin ang buong katawan niya at nagpatuloy na sa dapat kong tapusin. Matapos kong paliguan ang aming aso, pumasok na ako sa bahay para magpalit ng damit. Hindi ko na maalala ang mga sumunod kong ginawa. Ang naaalala ko lang ay magkikita na tayo nang ala una sa kanto. Matapos ihanda ang aking gamit at sarili, nagpaalam na ako sa aking tahanan at lumabas na ng gate. Nakita kita agad sa kanto at hindi ko na inisip na mabigat ang aking mga dala. Naglakad na tayo patungo sa sakayan ng tricycle, na maghahatid sa atin sa sakayan ng jeep. Hindi pa rin maawat ang pagiging madaldal mo, mabuti na lang at mahilig ako magtanong. Tuwing nagkikita na lang tayo, hindi ka nauubusan ng mga nakakatuwa at nakakaaliw na mga sasabihin. Kapag naubusan ka na ng bala ay magtatanong agad ako para mas mahaba pa ang usapan. Masaya na akong marunong akong makipag-usap. Kahit na wala naman ako masyadong nasasabi at nagmumukha lang akong interviewer. Sumakay na tayo ng jeep, ng bus tapos MRT na. Sinabi mong may bibilhin kang kagamitan para sa iyong course. Hindi ko na maalala kung sino ang nagyaya sa ating dalawa pero gusto kong sumama sa'yo patungong SM North, kapag naibaba na natin ang ating mga pesteng gamit sa boarding house. Hindi ko rin maalala kung sino ang nagyaya pero ang alam ko gusto nating manood ng Transformers 3 noong mga oras na iyon. Pagbaba natin ng ating mga gamit sa kanya-kanyang mga boarding house ay nagkita na tayo sa shed. Sinabi ko na manood na muna tayo ng sine sa Trinoma bago tayo bumili sa SM North ng mga pabigat mo sa bag. Pumayag ka naman. Pagdating natin sa palapag ng sinehan ay bumati sa atin ang pagkahaba-haba at pagkakapal-kapal na mga pila. Kahit na alam nating wala tayong pag-asa pang makabili ng ticket ng Transformers 3, nakipila pa rin tayo. At dahil sa matagal tayong nakatayo sa pila, siyempre magpapatawa na naman ako. Mabuti na lang at mababaw nang kaunti ang iyong kaligayahan kaya ibinabato ko na agad ang aking mga biro at inis, kahit na hindi ko pa iniisip kung masagwa ang magiging dating kasi madalas e tatawa ka na lang sa aking mga sasabihin, kahit na paulit-ulit na lang sila. Pumila tayo nang 15 minutes at saka lang natin napansing talagang tunay at totoong taos na tayong tinatarantado ng mga tumatayong matatatag na tila 'di tanggap ang tadhana kung tutulan sila ng tickets ng Transformers 3. Umalis na tayo sa pila at napagdesisyunan na lang na manood nang Tuesday dahil sabay ang ating uwian. Pumunta na tayo sa National Bookstore para sa isang itim na cartolina at nagtungo na ng SM North para sa iba pang pampabigat mo ng bag. Sa SM North na rin tayo kumain, kahit na wala ako sa mood kumain noong mga panahong iyon. Pero masaya na rin kasi nagkuwento ka tungkol sa iyong kuwelang tatay. Na-miss ko rin tuloy si Tatay. Matapos magpataba sa Burger King e umuwi na tayo sa kanya-kanyang boarding house.

Kinabukasan ay maaga talaga akong gumising, mga 8. May kailangan kasi akong panooring palabas para sa subject na..

08 July 2011

Hello Panda - Part I

Alam kong walang Arkiyoloji 1 class last Friday kaya sumabay ako sa'yo paglabas natin ng classroom ng Geography 1. Sumama ako hanggang sa paghatid natin sa blockmate mong hindi kaya kapag mag-isa. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating dumaan doon sa mahabang ruta na inunahan ng iyong mga kaibigan pero sige, sasabay ako, basta kasama kita. Paghatid natin sa isa sa iyong mga kaibigan ay sumakay na tayo sa Ikot at napakasuwerte nga naman kasi libre ang nasakyan nating jeep. Gusto kong may kasabay pauwi. Hindi ko alam pero halos buong buhay ko noong High School ay wala akong kasabay umuwi. Masaya yung feeling kapag may kausap ako pauwi. Hindi mauubos agad yung battery ng cellphone at PSP ko. Marami akong makukuhang mga balita at may magagawa akong matino kapag may kasama ako pauwi. Hindi ako mababaliw, mahihilo, paghugot ko ng earphones sa aking mga tenga. Magaan sa pakiramdam kapag hindi ko minamadali yung driver sa pagmaneho, mahaba man ang pila ng mga sasakyan o hindi. Hindi ko na alintana ang oras, kung magkakasya man ito pag-uwi ko ng bahay para sa mas marami pang mga walang kabuluhang mga bagay. Hindi ko na maiisip na nag-iisa ako. Minsan masarap pag may kasama ako. Nagkita tayo sa waiting shed na malapit sa ating street. Dala-dala mo ang lalagyan ng iyong camera na may takip na tape sa ibabaw ng kanyang pangalan. Hindi ko alam kung paano mananakaw sa'yo yung lalagyan ng camera mo nang ganun-ganon na lang. Unang-una sa lahat, alam kaya ng mga lecheng magnanakaw na brand ng camera ang pangalan ng dala mong bag? Pangalawa, mukhang lunch box ang lalagyan ng iyong camera. Pangatlo, ang pangit tingnan kapag may tape, swear. Hindi ko na nileche ang buhay mo, ukol sa pagtakip ng pangalan ng lalagyan ng iyong camera, bagkus, sinabi ko na lamang na wala nang dadaang MRT na jeep. Hindi ko na maalala kung sino ang nagmungkahing magsimula na tayong maglakad at sumakay sa Ilang. Habang tayo ay naglalakad patungong Ilang ay may namataan na tayong jeep na maluwag kaya doon na mismo tayo sumakay. Una kong iniabot ang aking bente pesos para magbayad para sa aking sarili lamang. Isinunod mo naman ang iyong bayad na sakto sa pamasahe. Matagal kong hinintay ang aking sukli ngunit hindi na ako nabigyan agad. Inisip kong para kay Manong Drayber na lang yung sukli ko, hehe. Pero bigla mong sinabi na hindi ka nakapagdala ng pera pamasahe dahil inakala mong ililibre kita pauwi. Matapos mag-multiple facepalms ay tinawag ko na ang atensyon ni Manong Drayber para sa aking sukli. Tiningnan lamang ako nang masama ng driver mula sa kanyang salamin at nagpatuloy na sa pagmamaneho. Nagpatuloy ang biyahe hanggang sa umabot na ang sasakyan malapit sa babaan. Muli kong iniangat ang aking boses at hiningi ang aking sukli sa driver. Sinabi ng driver na dalawa raw ang binayaran ko, bakit pa raw ako humihingi ng sukli. Matapos mag-multiple facepalms sa aking isipan ay ipinagtanggol ko ang aking panig at mapayapa namang ibinigay sa akin ni Manong Drayber ang aking sukli. Ngunit hindi naman natigil si Manong Drayber na sumilip-silip at titigan ako, na hindi rin naman ako naawat sa pagtingin sa kanya kung nakatingin pa kaya siya sa akin. Bumaba na tayo sa dulo at naglakad patungong MRT. Na-badtrip lang ako lalo kasi hindi gumagana ang escalator at may lamang bedsheet at punda ang dala kong bag. Wala na akong magawa kundi mag-multiple facepalms sa aking isipan at inakyat na lamang ang walang hiyang Bundok Apo. Pagdating naman natin sa itaas ay hindi na tayo nahirapan sa pagsakay at pagbaba ng tren. Sumunod na ang isa sa mga pinakaayaw ko kapag bumibiyahe ako pauwi: ang paghintay at pagsakay ng bus. Pero dahil sobrang lupit ng tadhana paminsan-minsan para sa atin, nakasakay tayo agad ng bus. Pero na-badtrip lang ulit ako kasi halos puno na ang nasakyan nating bus at magkahiwalay tayo ng upuan. Wala na naman akong kasabay. Isinuot ko na lamang ang aking earphones at hinintay na dumating ang sasakyan sa South Station. Pagdating sa nasabing lugar ay lumipat na ako ng puwesto. Naghanap ako ng upuang may katabing bakanteng upuan, para hopefully, tumabi ka sa akin. Tumabi ka naman. Ang lupit ng feeling, masaya ako kasi, may katabi ako pauwi. Muli kong pinaalala na hindi pa ako kumakain sa araw na iyon at pinakuha ko ang Hello Panda na sinasabi mong magdadala ka. Pagbukas mo ng Hello Panda ay nagtaka ako kasi tinitingnan mo ang mga larawang nakaguhit sa bawat pagdukot na ginagawa mo, bago mo kainin ang panda. Nakakatuwa kasi gawain ko rin iyon noong maliit pa lang ako at nakikita ko pa rin ito hanggang ngayon, at sa'yo pa. Ang cute, promise. Naubos din ang pagkain at dumating na tayo ng Metropolis upang magsimulang maghintay para sa iyong kapatid. Pagdating ng Metropolis ay umakyat tayo sa 7 Eleven kasi nagugutom na talaga ako. Bumili ako ng cup noodles. Tapos siyempre kinain ko. Doon ko lang din nalamang libre sa ibang 7 Eleven ang disposable forks ngunit sa ibang branches ay hindi. Matapos ang siguro'y 20 minutes na paghihintay ay dumating na ang iyong kapatid. Nagtungo na tayo sa terminal at malamang, sumakay na sa jeep pauwi. Ang saya ko ulit kasi upuan sa dulo, malapit sa driver ang nakuha kong puwesto. Ipinatong ko na ang aking kanang braso sa upuan sa harap at iniyuko na ang aking ulo, matapos ilagay ang earphones sa aking tenga. Paggising ko, naramdaman kong nakapatong ang iyong ulo sa aking kaliwang balikat. Hindi ko maipaliwanag nang maayos yung naramdaman ko, pero ang alam ko, hiniling ko na sana'y humaba pa nang matagal ang ating biyahe sa loob ng jeep. Sobrang astig ng feeling, yung tipong maaadik ka, kasi unang pagkakataon. Yung feeling na natuto akong maggitara o mag-Ragnarok tapos paggising ko kinabukasan iyong mga iyon ang inaasam ko. Yung feeling na bagong lagay yung braces sa ngipin ko tapos paggising ko kinabukasan, haharap ako sa salamin at titingnan yung sarili ko kapag ngumiti ako. Nakasasabik ng pakiramdam, nakapagpapatalon ng puso, nakapagpapabilis ng takbo ng isip, nakakaadik. Nakakaadik ka. Pero siyempre, dahil hindi naman totoo ang mga genies ay saka ko na lang namalayang malapit na tayo sa ating bababaan. Pinindot ko ang iyong ulo gamit ang aking daliri at medyo pabigla ka namang nagising. Naglakad lamang tayo pauwi, habang kinakausap mo ang iyong kapatid at ako nama'y nakikisabay na lamang sa inyo. Nagpaalam na ako sa inyong dalawa at dumiretso na sa aking bahay at kuwarto. Wala nang kuwenta yung ginawa ko hanggang sa sumapit ang Sabado. Hindi na masapawan ang galak na naramdaman ko. Natulog na ako ng Sabado ng gabi pagkatapos maglaro.

Maaga akong gumising. Ay, hindi pala ganoon kaaga, mga 9. Tapos natulog ulit ako, kasi ang sarap ng feeling pag matutulog ka ulit pagkagising mo. Luckily, nagising ako nang 10. Bumangon na ako at naghilamos na. Tinanong ko kung napaliguan na..

02 July 2011

Sobrang Pahinga

Promise, tinatamad pa rin talaga akong magsulat,
kahit sobrang grabeng dami ko nang ideya.
Yung ibang ideas nabura na sa malupit kong utak.
Yung iba naman nakalagay sa notes ng cellphone ko.
Yung ibang notes, hindi ko na maalala yung thought.

Hindi ko na maalala.
Pero gusto ko na ulit magsulat.
Kahit na ayaw kong tinatamad.
Pero nakakatamad talaga.

02 June 2011

E Ngayon?

Noong nasa elementary pa lang ako, inisip ko, iniisip ko talaga paglaki ko e yung trabaho ng mga magulang ko yung trabaho ko. Yung tipong nakaupo lang sa swiveling chair, pa-type-type kunwari sa keyboard, pag-click ng kung anu-ano, pag-drag, pagsagot ng telepono at pakikipag-usap sa mga tao. Pag-check ng mail, pagtingin ng cellphone sa bawat oras, pakikinig sa paborito kong mga banda kapag siesta hours, pagtulog kapag wala nang baterya, pagbati sa mga officemates kong hindi ko alam kung pinaplastikan ako o tunay kong mga kaibigan, naghihintay ng mga meetings na pakana ng mga boss, mga engrandeng meetings ng mga boss na minsa'y kailangan pang mag-eroplano para lang makapunta sa destinasyon, maghihintay na lang ng utos sa mga boss, mag-uutos sa nakakababa at mga baguhan, maghihintay na lang dumating ang lunch break, ang oras ng pag-uwi, minsan mago-overtime, darating sa bahay nang minsa'y may dala-dalang pasalubong na Yakult at Smarties, Oreo, tinapay, leche flan, bigay ng officemate, matutulog, maghihintay na lang para ulit pumasok nang maaga kinabukasan, maghihintay na lang ulit, paulit-ulit, naghihintay na lang, kahit parang wala nang bagong mangyayari. Wala na akong pakialam kung paniwalaan man ng marami na gusto kong kunwaring maging dentista sa kadahilanang malupit talaga yung trabaho nila, trabaho talaga ng mga magulang ko yung gusto kong pasukan. Hindi ko alam kung bagay sa akin iyon kasi mabilis lang akong tamarin kapag paulit-ulit na lang yung ginagawa ko. Pero kung iisipin ko rin man lang yung suweldong makukuha ko, edi gagawin ko na rin nang maayos yung trabaho ko. Maraming nagsasabing hindi naman talaga suweldo ang dapat na pinag-uusapan sa buhay, kundi kung gusto mo yung ginagawa mo sa buhay. Sabi nga nung isa kong professor, "Hindi ka talaga nagtratrabaho kapag masaya ka sa ginagawa mo, naglalaro ka lang." Sabihin na nating ganun, sabihin na nating gusto mong naglalaro lang ng MMORPG's at OSG's buong araw, adik ka kasi at lubhang magaling at talentado ka talaga sa larangang nasabi, hindi natin alam na maaari kang kuning Game Master ng mga nasabing laro, o developer, pero nakasisiguro ka ba? Nakasisiguro ka bang magiging maganda ang trabaho mo paglaki mo? Siguro sa para sa mga walangyang napakatalentadong tao oo, e tayo? Tayong mga taong katamtaman lang ang pag-iisip, normal lang ang kayang aralin, sipag at tiyaga lang ang puhunan, mahirap, walang pangalan, nakasisiguro naman kaya tayo sa trabahong mapapasukan natin? Kung makakuha man tayo, masaya naman ba tayo? Siguro iisipin na lang ng marami sa atin, na oo, masaya ako, medyo.

Pero noong nasa elementarya talaga ako, siguradong-sigurado na talaga akong umupo sa harap ng computer para magtrabaho habang kampanteng sinasabi sa aking mga magulang at kaibigan na gusto kong maging dentista o kung ano pa mang astig o malupit na ibigay na trabaho. Tapos biglang dumating ang 3rd Year High School. Noong ikatlong taon namin noong high school, magfi-fill-up kami ng UPCAT Form. Pipili ka na agad ng kurso mo para sa gusto mo sanang makuhang trabaho, gusto mong gagawin at ginagawa sa buhay mo paglaki mo. Kinakabahan talaga ako. As in, what the fuck, paulit-ulit na sumisigaw sa harapan ko yung form na kinabukasan at buhay ko ang nakasalalay sa kung anong course ang papatulan ng malupit kong ballpen. Inisip ko, bano ako sa Math at Science, medyo okay naman ako sa English, pro naman ako mag-memorize pero nakatatamad talaga, pero hindi pumasok sa isipan ko, ni hindi nasulyapan ng mga mata ko yung BA Filipino, kaya BA English Studies ang sinulatan ko. Tapos kailangan pa pala ng second choice, hinugot ko ang tapang at bawat sipag at tiyagang maikakalat ko sa buong katawan ko para lang piliin ang BS Computer Science sa form. Sapilitan man, sobrang nakakaadik ngumiti nung nagkaalaman na ng mga pumasa sa UPCAT, habang si Buhay, nakangiti lang sa ilalim niya, nakatingin sa akin, "Sige, pakasaya ka, pagyabang mo pa! Sige lang, matatanga ka lang talaga pagpasok mo sa UP. Ano ba talagang ibibigay ko sa'yo? Wala ka namang ibang alam kundi magsulat, pwe!"

Hindi ko man narinig at halatang katangahan ko na lang ang nagsasabi sa akin ng mga ganoon, masaya kong sinundan ang curriculum ng EngStud for two whole sems. Noong second sem ko lang naisipan mag-shift sa Filipino.

Ngayong college, okay lang. Ito, walang ginagawa, medyo may mga requirements at parating maraming libreng oras para sa kung anu-anong mga bagay. Pero ang ikinaiinis ko lang, kapag nanonood ako ng kahit na anong palabas, mapa-series man o movie, walang tigil at hindi talaga nagsasawa ang utak kong isiping, "Buti pa yung bida, may magandang trabaho. Ang suwerte naman niya matalino siya, maganda trabaho niya. Ang suwerte naman nito, niligawan lang ng boss niya yung nanay niya, Assistant Manager na agad siya. Wow, maganda, puwede nang model, o artista. Ginagawa nga niya yung gusto niya, natupad mga pangarap niya, ang ganda ng trabaho niya. Ang galing niya sa trabaho niya. Ay, talentado, sure na may trabaho 'to. Walang'ya, e ako, paano na ako?"

28 May 2011

Fucking Repost

Galing sa Multipl

y


ko.

Ito banong-bano pa rin.
3rd year high school artifact.
Ang daming mali nung nire-retype ko.
Pero wala pa rin akong binago.



Nang Dahil sa Kasoy



Lahat tayo sa mundong ito ay dumaan sa pagiging bata. Isang antas ng nilalang na hindi maaaring hindi pinagdadaanan ng isang tao. Isang hakbang sa buhay na maraming karanasan - halos lahat ay makukulay - wala pa kasing problema, bata pa kasi. Hindi natin ito makalilimutan.

Buwan ng Wika noon. Maraming nagsisipaghanda para sa taunang okasyon. Marami ang nasasabik na ipamalas ang kanilang mga pinag-ensayuhang mga sayaw. Marami ang gustong ipagyabang ang kanilang galing sa pagbigkas ng mga tula, dula at balagtasan. Marami ang nais nang ilabas na naman ang kanilang mga nararamdaman at isipan ukol sa bayang Pilipinas at sa kanilang wikang Filipino. Marami ring gustong umuwi at manood na lang sa telebisyon kaysa magpakita sa itaas ng tanghalan sa harap ng maraming tao at hindi alam ang eksaktong gagawin - isa na ako sa kanila.


Nasa unang baitang ako noon. Tinawag ako ng guro ko sa Filipino na pumunta sa harapan. Lumapit naman ako. Iniabot niya sa akin ang isang librong nakabukas. Tiningnan ko. Nagtaka ako. Anong gagawin ko? Nagsalitang muli ang aking guro. Sinabi niyang ako ang napili niyang magbabasa ng kuwento upang may ipanlaban ang aming baitang kinabukasan sa isang paligsahan sa pagbabasa ng isang kuwento. Hindi ko alam kung bakit ako pero ang alam ko mataas ang marka ko sa asignatura niya. Pero hindi niya alam na sobrang dali lang ng mga tinuturo niya at wala akong talento sa pagbabasa!


Alam ko na ngayon iyon ang kanyang sinabi. Pero noong mga panahong sinabi niya sa akin iyon ay hindi ko naintindihan. Basta ang alam ko magbabasa ako.


Dumating ang sumunod na araw. Hindi ako kinakabahan kasi nakalimutan ko na ang mangyayari noong araw na iyon. Bigla akong nilapitan ng guro ko sa Filipino. Tinatanong niya ako kung nakapaghanda ako. Tinanong ko naman siya kung anong mayroon. Sinigawan niya ako, "Ano ka bang bata ka! Hindi ba may sinabi ako sa iyong may babasahin ka?"


Nagulat ako at umakmang papaiyak. Pero hindi ko itinuloy ang paghulog ng aking luha ng kamusmusan. Kinuha ko na lamang ang aking librong punit-punit ang plastik na balot at saka dumeretso sa entablado.


Ang aking mga kalaban ay mula sa ikalawa at ikatlong baitang. Nagtataka ako sa kanila sapagkat wala silang dalang mga libro. Folder lamang ang kanilang mga dala. Hindi lang iyon. Sila ay nakabarong at ako ay nakadamit pang-eskuwelahan lamang. Pero hindi ko na ikinainggit iyon. Hindi ako kinabahan. Lalong hindi ako napanghinaan ng loob. Basta ang alam ko magbabasa ako.


Masaya pa nga ako noon. Lalo ko pang ikinatuwa noong tinawag na ang pangalan ko. Pumunta na ako sa harap. Nais kong ihuling banggitin ang pamagat. Binasa ko ang kuwento nang may ngiti sa aking mga labi. Nababasa ko ang mga salita ngunit hindi ko maintindihan ang aking mga sinasabi. Basta ang alam ko magbabasa ako.


Natapos ang aking pagbabasa sa maikling kuwento. Pumalakpak ang mga manonood. Ibinaba ko ang librong matagal na tumakip sa aking mukha habang ako'y nagpapalabas at saka ibinalik ang kanilang mga palakpak sa pamamagitan ng isang ngiti ng kamusmusan. "Bakit nasa Labas ang Buto ng Kasoy?", ang aking huling sinabi.

Kapag Wala Ka Pa

Naghalungkat ako ng bag at filecase kong malupit.
Matagal ko na 'tong nahalungkat, matagal na akong naghalungkat.
Noong 4th year high school ko pa ito sinulat sa likod ng notebook ko,
mga bandang 4th Quarter.
Pero hindi ko pa alam noon na For Good yung Graduation Song namin, na ga-graduate ako.
Hindi ko na maalala kung anong subject.
Baka Hum kaya sinulatan ko. Haha.
Matagal ko na ring gustong i-publish 'tong isa pang banong draft
Ito yung buo, unedited;

Yung Title Nung Draft E Yung Title Nitong Entry Lol


Matiyaga akong naghintay habang binabasa ko ang aking libro. Makalipas ang limang minuto, naisip kong tapusin na lamang ang pagbabasa ng kuwentong kailangan para sa isang pagsusulit sa English sa bahay bago maglaro. Binuksan ko ang aking cellphone at tiningnan kung may text ka na. Nang mapag-alamang wala, agad kong chineck ang baterya nito. Pumunta ako sa music player at inumpisahang patugtugin ang isa sa mga kinahihiligan kong kanta. Pinatugtog ko na sa background ang kanta saka isinara ang lid ng aking phone. Inilapag ko sa sahig. Tumingin ako sa bintana, madilim pa at dumarami na ang mga kotseng magagara at mga pampasaherong sasakyang dumadaan sa kalsada. Tiningnan ko ang aking relo - 5:50 - sampung minuto na lamang ay darating ka na. Ako ay labis na nananabik sapagkat sabi mo'y maaga kang darating ngayong araw na ito. Napangiti ako ngunit kinabahan nang kaunti sapagkat hindi ko alam kung paano kong sisimulan ang ating usapan. "Bayaan mo na.", ang nasabi ko na lamang sa aking sarili. Iniasa ko na lamang ang lahat ng posibleng mangyari as ating dalawa sa pagiging madaldal at masayahin mo. Ngumiti ulit ako at muling chineck ang aking cellphone - wala ka pa ring message. Inisip ko na lamang na wala ka nang load. Sinabayan ko na lamang ang kantang pinatutugtog at napansin 6:15 na. Unti-unting napalitan ng lungkot at kung anu-anong mga pangit na ideya ang aking kasiyahan, kasiyahan sa tuwing iniisip kita. Binura na lang ng "Na-traffic siguro siya..." ang mga masasamang iniisip ko habang 'di ko namalayang hindi na pala tumutugtog ang aking cellphone. Mabilis ko itong kinuha sa pag-aakalang nakatanggap na ako ng message mula sa'yo pero nagkamali ako, wala na pala akong baterya. Ang saglitang pagkasabik ay muli na namang bumagsak at mas grabe pa sapagkat baka mabaliw na ako dahil wala na akong iba pang puwedeng mapagkaabalahan. Ang pagmamadaling makasama ka ay napalitan na lang ng kagustuhang



Yan. Diyan tumigil yung sinulat ko. Dahil matagal kong hindi itinuloy yung sinusulat ko, hindi ko na maalala yung gusto kong idagdag doon, o kung anong nangyari habang sinusulat ko iyon. Baka dumating ka.

12 March 2011

Intro

Batis ng Diwa

Buhay Masci

uncut, mahaba, pinilit

Intro-


Hindi ko alam ang gagawin ko. Unang-una sa lahat, isusulat ko ito dahil nabitin ako noong pinasulat kami ng mumunting aklat noong ako ay nasa 4th year high school. Pasulatin ba naman kami ng kuwento tungkol sa buhay namin sa Masci sa kakaunting mga pahina lamang. Noong una kong marinig ang nasabing ipagagawa sa amin, na-excite talaga ako nang sobra kasi pangarap ko talagang makasulat ng sarili kong libro. Yung tipo ng librong marami-raming pages, hindi glossy, nasa puting mga pahina, maliit at matutuwa ako sa tuwing binabasa ko. Talagang yung pangarap kong libro umakyat, sumabog sa buong utak ko nang mabigyan ng pagkakataon noong high school. Nang sinimulan ko na ang nasabing proyekto, dumami nang dumami ang aking gustong isulat, natuwa at nahiya sa pag-aalala ng mga karanasang masarap balik-balikan at pakonti nang pakonti ang mga pahinang maaaring masulatan. Nang malamang imposibleng maisulat ang isang napakahabang kuwento sa kakaunting papel, itinuon ko na lamang sa isang ideya, isang bagay, isa sa mga pakiramdam at dahilan kung bakit gumigising pa rin ako ng 3:45 AM noong high school para pumasok - pag-ibig. Pero pipiliting isulat ng aking mahiwagang utak at ballpen ang aking second version ng Buhay Masci (pangalan ng biting proyekto) nang hindi puro tungkol sa pag-ibig. Pangalawa, ang mga isusulat ko rito ay base sa mga nararamdaman, naramdaman ko, nakita ko, naunawaan ko, naranasan ko, mga gusto kong ipahatid, mga trip kong ipagyabang at mga nahawakan, nadikitan at pinisil ko. Wala akong pakialam, at uulitin ko, wala akong pakialam at kung hindi mo pa rin naintindihan o sadyang ayaw mo talaga, wala akong pakialam kung labag sa kalooban ng mambabasa ang kanyang makikita, kung walang katotohanan ang mga sinasabi at kung bakit walang magic at milagro ang nangyayari sa buhay ko. Hindi ko na aanhin ang mga reklamo; isara na lang ito at maglaro na lang ng kung ano. Bagamat mahalaga pa rin para sa akin ang reaksyon ng mambabasa, mas importante pa rin para sa akin yung gusto kong isulat, yung gusto kong binabasa. Okay lang punahin, huwag lang editin o gayahin. Sa huli ay hindi ko masisigurado kung tatapusin mo ito kasi boring ang daloy ng utak ko at wala lang talaga akong magawa sa boarding house matapos mag-Dota, manood ng Chuck at tapusin ang reaction paper sa English 11. Hindi pa talaga ako inaantok.

~


Hindi ko alam ang gagawin ko. Matapos naming bumaba ni Kuya mula sa service na aming sinakyan mula pa sa Cavite ay pumasok na kami ng
#


Pasensya na, nakalimutan kong sabihin. Sa daloy ng aking pagsusulat ay malaki ang posibilidad na makalimutan ko ang mga detalye noong high school at magkahalu-halo ang aking mga sinasabi. Kahit na ganito, pagsisikapan kong maisulat ang buong karanasan nang ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, isusulat ang totoo at babawasan ang mga mali at sablay na pagkakasulat.
~


asul na gate ng Masci. Manila Science pa noon ang tawag ko sa paaralang nagturo sa akin ng kung anu-ano sa high school. Naniniwala akong hindi Masci ang tawag kaagad ng mga first year at kailangan mong paghirapan at pagsikapan ang karapatang tawagin ang Masci ng 'Masci'. Para rin sa akin, hindi ka rin matatawag na Mascian kapag pumasa ka lang ng entrance test at interview. May mga batang Mascians, kalahating Mascians at dugong Mascians. Kaya kong bumuo ng listahan para makita mo kung Mascian ka talaga pero baka mas makita pa kung ikukuwento ko na lang ang buhay ko, sa Masci. Ako? Baka kalahating Mascian lang.

Una kong nasulyapan ang kapwa kong mga freshies paglampas namin ng gate ni Kuya. Nalaman kong mga 1st year lang yung nagkukumpulang mga estudyante, yung nakita ko kasi, lahat sila ay nagsisiksikan para sa isang blackboard ng aming mga schedules para sa isang buong taon. Alam kong kulang pa ang nasabing ebidensya pero nakita ko sa mga mukha nila ang kaba at pagkaatat dahil baka ikamatay nila ang hindi pagkakakopya ng sked. Hindi ko rin alam noon kung matatawa ako o kakabahan sa sumalubong na pangitain sa akin sa aking unang araw noong high school. Sa pag-ipon ng tensyon sa aking ulo, hinanap at nilapitan ko si Kuya. Halatang ayaw niya akong bigyan ng kahit na anong hinula ni manual para sa Masci at gusto niya kong matuto nang walang gabay gaya ng naranasan niya noong una niyang ring itinapak ang bagong pares ng kanyang black leather shoes sa Masci. Sinenyasan niya lamang ako na lumayo ako sa kanya at makihalubilo raw ako sa aking mga kaantas. Noon, nung ginawa niya iyon sa akin ay nainis talaga ako pero nagpapasalamat ako sa kanya sapagkat mas masarap sa pakiramdam kung may nadiskubre kang isang bagay nang walang nagbibigay ng tulong sa'yo. At iyon, naging maingay nga ang unang araw ko, ang aking mga unang sandali sa Masci pero nagtaka ako nung nasa ikalawang taon na ako at sa mga sumunod pang mga taon e hindi na ako nakakita ng mga pesteng freshies na nagkukumpulan para sa sked nila sa pesteng blackboard.

Matapos akong senyasan ni Kuya, kumalat ang kaba sa buong katawan ko; ito na, ito na talaga. Kailangan ko na agad magdesisyon kung makikisalamuha ako o hihintayin kong may kumausap sa akin. Sa mga normal na pagkakataon, alam kong pinakamabisa para sa akin, at tanging mabisang paraan para sa akin upang magkaroon ako ng kausap ay sa pamamagitan ng isang tanong, tsaka kailangan lalaki yung makakausap ko. Wala talaga akong bilib sa sarili ko kaya 'pag tinatanong lang din ako ng babae ay saka ko lang siya nakakausap. Pagkatapos ng ilang linyang pagpa-practice sa isipan, itinulak ko na ang aking sarili upang magtanong sa isang estudyanteng mukhang bano sa Masci katulad ko kung ano ang section niya. Nang papalapit na ako sa aking target, bigla na lamang inannounce na kailangang magtungo ang lahat ng freshies sa auditorium. Hindi ko na naman alam kung matutuwa ako kasi wala kaming first period class at orientation ang naaamoy ko - wait, lahat pala muna ng estudyante ay pinapunta sa Quad A (wait, hindi ko na talaga maalala kung paano kaming napunta sa auditorium at kung hinahalo ko lang yung mga ala-ala ko noong kumuha ako ng entrance test sa Masci) para sa flag ceremony. Pagkatapos kumanta ng mga kantang hindi ko alam kantahin, pinapunta na kami sa auditorium. Pinaupo kami by section, sa Diligence ako. Doon ko unang nakatabi at nakausap ang una kong malupit na kaibigan sa Masci - si Denielle. Hindi ko na maalala kung paano kami nagpalitan ng mga pangalan at wala rin akong ideya noong magkakaroon ako ng malulupit na tawanan kasama si Denielle hanggang 4th year.

Ang naaalala ko lang noong orientation sa auditorium ay yung napakaagang flag ceremony at pagbati namin ng 'Mabuhay, it's nice to see you!'

Flag ceremony. Darating ako sa Masci ng mga 6:30, medyo marami nang estudyante ang nakaupo sa tapat ng Main Building. Doon ko nakuha ang sarili naming lugar habang naghihintay pumila bago pumasok ng Quad A para sa flag ceremony. Bawat grupo ng mga maaagang estudyante ay may sari-sariling mga puwesto sa pila papasok. Binuo o maaari ring sabihing nabuo ang mga nasabing grupo para sa mga nangongopya ng assignment, nagpapakopya ng assignments, nagbabasa ng Libre, nagbabasa ng leakages ng quizzes at long tests, nagbabasa ng libro, notebook, text ng nanay, text ng crush, nagrereview, nagpapapansin, naghahanap ng papansinin, nagpra-practice ng presentation, nagsusulat ng report, nagprapraktis ng report, kulang sa tulog at naghahabol, wala pang almusal, nanliligaw, nagpapaligaw at para sa mga wala pang magawa, para tumambay.

Doon sa mga wala at mayroong assignments, hindi maaaring walang kapalit ang isang sagot. Puwede kang manlibre, magpakopya sa ibang subject, magpakopya sa exam. Kung malas ka at sinalo mo ang mga kamalasang pagkaubos ng allowance at sobrang katamaran sa mga subjects, lalapit ka na talaga sa mga hulog ng langit para makakuha ng sagot sa takda. Mas maigi kung hindi mo close yung hihingian mo ng kopya. Oo, minsan mas maganda talaga 'pag hindi mo kaibigan lahat ng classmates mo pero hindi mo rin naman kaaway. Mahihiya na ngang humingi ng kapalit mula sa'yo, sigurado ka pang tama yung mga sagot mo kasi nagpakopya siya tsaka hulog kasi nga siya ng langit.

Doon naman sa mga nagbabasa at nagpapabasa ng libre, nakukuha yung dyaryo sa LRT at libre yun. Pagdating ng mga estudyanteng may Libre, maaaring nabasa na nila ito o hindi pa. Kapag nabasa na nila, parating mayroong isa pang estudyanteang hihiram noon - ako. Wala na akong pakialam sa balita kasi lahat na lang nagtataas, yumayaman, humihirap at lumalangoy sa dagat ng basura. Tinitingnan ko lang yung pictures tapos dederetso na ako sa comics at jokes. Hindi ko alam kung bakit simula noon hanggang 4th year, nakaugalian ko nang mang-agaw at humiram ng Libre para lang sa pictures, comics at jokes. Siguro kasi kahit lubhang corny talaga yung mga bitaw ng pagpapatawa sa comics at jokes, medyo okay na rin sa akin yung kahit kaunting pagpapangiti, pampasigla para sa bagong araw ng hamon, salakay ng mga guro at init ng mga silid-aralan. Kapag nabilisan naman ako sa aking routine ng paggamit ng Libre, sinusubukan ko i-beat ang aking personal high score sa crossword puzzles na 2 words.

Para sa mga nagbabasa ng libro at notes bago mag-quiz, test o exam, masasabi kong ginabi rin sila ng uwi tulad ko, walang naaabutang balita sa TV, humarap sa computer, nagpanggap na gumawa ng assignment at nag-ym magdamag. Todo aral ang ginagawa ng mga tao, todo basa, todo tanong, todo paturo, parang walang ginawang matino sa bahay. Kung sa bagay, hindi na rin sila masisisi, todo lecture, todo dada at todo bato ng requirements sa lahat ng subjects din naman ang sinasalo ng mga estudyante. Kulang ang weekends para sa pahinga, lampas kalahati ng araw nasa school ka, lampas kalahati ng oras mo sa bahay gagawa ka ng assignments at mag-aaral, lampas kalahat ng pag-aaral na ito at pagbabasa mo sa bahay ay pakiramdam mo naman nagbabasa ka, nababasa mo ang mga salita, isang buong pangungusap. Akala mo pumapasok sa kokote mo pero hindi mo na-gets kasi puro pagod at gagawin kinabukasan ang nasa isip mo. Susubukan mong bumalik mula sa simula pero hindi mo pa rin mage-gets, babalik ka ulit, mage-gets mo na nang kaunti. Hihiga ka na sa kama mo para magbasa pa. Akala mo ulit nag-aaral ka pa pero nagbabasa ka na lang. Basa na lang nang basa. Natutuwa ka kapag nakakatapos ka ng isang pangungusap, isang talata, isang pahina. Masaya ka kasi malapit ka nang matapos. Akala mo talaga nag-aaral ka pero nagbabasa ka lang. Leche, yung unan mo ang lambot, maginaw na sa kuwarto mo, iisipin mo ulit yung pagod mo at gagawin mo kinabukasan, habang nagbabasa. Mapagtatanto mong hindi mo na nage-gets yung binabasa mo pero tinamad ka nang bumalik, kanina mo pa rin naman hindi nage-gets. Tuloy pa rin yung pagbabasa mo, akala mo nag-aaral ka. Pumikit kang sandali, sabi mo talagang sandali lang. Pagkagising mong pabigla, kabadong-kabado ka, chineck mo yung orasan, 5 minutes ka lang umidlip. Pumikit kang muli, tiwalang-tiwala sa sarili, wala ka nang pakialam sa mundo. Bigla mong narinig yung katulong o nanay mo, ginigising ka na. Tiningnan mo yung relo mo, pati orasan. Hindi mo alam kung bakit mo pa ginawa iyon e alam mo namang 'pag ginising ka nang ganoon ay late ka na at kailangan mo nang magmadali. Wala ka nang oras pang sermonan ang sarili pati ang pesteng alarm clock. Darating ka ng school nang walang laman ang tiyan at basa ang buhok, nagmamadali. Makikita mo yung mga ka-batch mong nagbabasa, wala ring nagawa kagabi, sumusubok ulit ma-gets yung lesson. Sasanib ka na sa grupo mo, makikibasa, todo basa, todo paturo, todo tanong, kasi malapit nang mag-flag ceremony. May pakialam ka na ulit sa mundo.

Sa mga malalanding crush at may crush, puwede rin ang oras ng pagpila bago mag-flag ceremony para sa kanilang paglalandian, pagpapakipot, pagpapapansin, paghahanap, pagpapahanap at paghihintay. Sa pagkadami-dami ng mga taong pumapasok sa gate at dumadaan tuwing umaga, hanggang sa pag-upo lamang nang magkatabi ang puwedeng gawin o para sa mga malalan- malalantad na tao, harana, gimik, regalo at pasimpleng yakap at holding hands lamang ang puwedeng makita ng audience. Big deal na para sa kanila ang halik sa pisngi. Para sa mga bagong insulto at bagong tulak pa lamang, obvious nang maririnig ang mga nangangantsaw at mga 'di-maawat-awat na mga tanong mula sa mga taga-hanga o mga madalas na sanhi ng nabuong pares kahit na sa loob nila paminsan-minsan ay selos na selos o inggit na inggit na sila. Kapag sinuwerte naman at nagtagal ang dalawa, lubhang bababa ang dami ng lalapit sa kanila sa pila, mawawalan ng fans at madalas mahiwalay sa kani-kanilang mga grupo.

Tungkol naman sa mga nagpra-practice ng presentations o reports, okay lang kung maliit na grupo lamang ang mag-eensayo sa pila kasi magkakasya pa at para hindi masyadong maingay ngunit kapag buong klase na ang kailangang mag-present, kadalasang dumederetso ang mga mag-aaral sa Quad A o sa stage para sa mas malawak na lugar at para ma-imagine na rin nila ang pakiramdam kapag tinitingnan at pinagmamasdan ng mga matang mapanghusga, tumatawa, humahalakhak, tinatamaan, kinakabahan, nababagot, inaantok, gumagawa ng assignment, bastos at masaya kasi nade-delay ang first period. Hindi naman sa ritwal ang mga nagpre-present pero maraming masaya kapag walang first period kaya madalas gawan ng paraan at nagagawan naman ng paraan ng mga estudyante para humaba ang mga palabas sa stage.

Sa mga nakapila, hindi mawawala ang mga natutulog. Yung tipo ng mga taong pasok gate-laglag gamit-indian sit-bagsak ulo. Kagaya ng nasabi kanina, marami sa mga mag-aaral na ito ang nagpuyat sa pag-aaral, yata. Mayroon ding nagpuyat kalalaro, kapapapansin sa ym, kagagawa ng mga pesteng project at kanonood ng hindi maiwan-iwanang kay sarap balik-balikan at nakaiinis 'pag namimiss na mga teleserye at mga luto-luto sa telebisyon. Kapag wala ka pa ring nadali sa mga halimbawa ng mga taong bagsak-tulog, marahil ay isa ka na sa mga taong kulang pa ang walong oras na tulog at hindi babangon ng dalawang araw mula sa kama kapag hindi pa ginising. Totoong hindi sapat ang oras ng pagpila kaya yung iba, alas sais o kahit alas singko pa lamang ay nasa Masci na para matulog. Yung iba bumabagsak na ang ulo, payuku-yuko, papikit-pikit ang mga mata kapag hapon na at nagdi-discuss lang ang guro. Alam mong nakaupo ka sa classroom at dumadada ang teacher mo sa harap ng blackboard. Alam mo ring katabi mo ang mga classmates mo pero hinihigop na talaga yung utak, diwa at mga mata mo ng antok. Sabi mo sa sarili mo, ibubuka mo na nang bonggang-bongga yung mga mata mo tapos magugulat ka na lang tumalbog na yung ulo mo, para ka lang nasa jeep. Kadalasang mahuhuli mong nakatingin at nakangiti sa'yo yung kaklase mo, hindi mo na inisip kung dino-drawingan ka na sa mukha, pinagtsitsismisan ka na, sinusumbong, tumalbog ka na naman. Sabi mo sa sarili mo last na 'yun at ibubuka mo na talaga nang bonggang-bongga yung mga mata mo tapos bigla kang nagulat sa ingay ng mga armchairs ng nagsisitayuan mong mga kaklase, yun na yung huling talbog mo.

At ang huli, yung wala talagang ginagawa, yung mga nakatambay. Para sa mga taong nakikita lahat ng uri ng taong pumipila, alam nila lahat ng nangyayari at puwede silang manghimasok ng kahit na anong grupo pero aalis din agad. Alam nila sa sarili nilang hindi totoo lahat ng nakikita nilang palabas sa pila, na halos lahat e hindi mo makita ang kanilang mga tunay na kulay dahil sa labis na paggaya at pagkakapareho ng mga tao sa grupo. Alam nilang mas kilala nila yung mga katambay nila kasi hindi lessons or assignments ang inaatupag sa pila, hindi pesteng love life at pakikipaglandian, hindi mga jokes at crosswords sa Libre at lalong hindi mga presentation sa stage kundi mga normal na usapan lamang. Sila yung mga taong kayang lumaya sa pagkakapare-pareho ng ibang tao at grupo, hindi nila maunawaan kung bakit hindi sila makabuo ng pagkatao ng isang tao, mula sa naiibang mga grupo. Mas gusto nila yung nakikipag-usap lang sa pila, mga kuwento tungkol sa buhay, nakatutuwa at nakahihiyang mga karanasan, mga biglaang jokes, simpleng pagbabahagi ng mga gusto sa buhay at mga plano para sa uwian, nakikipagkuwentuhan, nakikisalamuha sa lahat ng uri ng tao, hindi plastik, hindi choosy, masaya, walang pakialam, kuntento sa nangyayari, saka lang mamomroblema kapag lunch at vacant na walang teacher, payapa ang loob, hindi nagpapanggap. Ginagawa nila yung gusto nila, hindi yung gusto ng guro nila, hindi yung gusto ng iba, ng mga taong nakapalibot sa kanila, mamayang lunch na ang pagpapanggap.

Matapos ang siguro'y humigi't kumulang tatlumpung minutong panonood ng palabas sa TV, aayusin na ng Department Heads o kaya ng CAT officers, o ng SSG officers o kaya ni Mr. Bangayan ang mga pila ng hiwalay na lalaki at babae sa magkabilang gilid ng Main Building. Hinahati ang mga naglalandian, pinapatahimik ang mga pagprapraktis at dinadaan sa tingin ang mga nagbabasa. Sa kaunting mga segundo ay tumutuwid ang parehong pila, tapos ang mga palabas, papasok na sa Quad A para sa flag ceremony at makikinig sa mga announcements. Gustung-gusto kong sina Ma'am Parcon o Ma'am Fajardo ang mga nagsasabi ng announcements kasi nakukuha lang sa tingin ang mga estudyante, tumitigil ang mundo, ang oras, instant peace and quiet... quiet..., ang sarap umepal ng sigaw kapag ganoon kapayapa. Kapag gumanda-ganda pa ang umaga mo ay may mga napapahiya pang estudyante sa stage na tinawag ang pangalan at section kasi maingay. Naalala ko, noong 3rd year, kinuha ni Ma'am Fajardo yung ID ko kasi hindi rin ako makaalala kung nasa tenga ko yung earphones ng iPod ko o maingay lang ako. Basta ang alam ko flag ceremony yun. Pagkatapos ng announcements, pinapaakyat na ang mga estudyante, o pinapaalis na para sa kanilang first period classes.

Pagkatapos ng orientation sa auditorium, itinour kami ng upperclassmen sa Masci. Noong elementary kasi ako, maliit lang yung school ko kumpara sa Masci. Kaya noong itinour kami e sumabog yung utak ko kasi baka hindi ko matandaan lahat ng rooms at buildings pero walang'ya, bago matapos ang first quarter ng first year e liit na liit ako sa Masci. Magsasawa kang tumambay sa Bordner, 4th floor ng Main, harap ng Maceda, stage at Quad A pero mamimiss mo. Pinauwi na yata kami pagkatapos ng tour.

Tapos na ang intro, kabadong-kabado na ako pero walang-wala akong ideya na sasabak ako kinabukasan.


First Year.

Im-Im--Im

Bigla na lamang akong nagising. As in biglang paggising, biglaang pagmulat ng mga mata, huminga ako nang napakalalim ngunit hindi ko maisip kung bakit hindi ko sinubukang sumigaw ni magsalita. Hinigop paloob ang diwa ko habang unti-unti akong nagkakaroon ng ideya kung anong mayroon sa aking paligid at nagkakaroon ng malay. Tumingin ako sa kaliwa, madilim, malungkot; sa kanan, walang kuwenta, natatakot na ako. Napansin kong hindi lang ako nasa loob ng isang kuwarto, kundi nasa isang napakalaking kuwarto. Ang bawat pader ay humahaba at lampas pa sa kayang abutin ng aking paningin. Halos kulay semento at itim lamang ang aking nakikitang mga kulay. Nakaramdam ako ng lungkot, ng kawalan ng kaibigan, ng makakausap, ng tao. Hindi ako sanay sa lugar na wala akong nakikitang tao, ni walang bakas ng buhay ng halaman o hayop, sinag ng araw, anino ng malalaking mga puno at ulap, masarap na simoy ng hangin. Mahangin, naririnig kong mahangin sa loob pero hindi ko alam kung saan nanggagaling ang nagdudulot ng maginaw na pakiramdam. Kapapansin ko lamang na ako'y nakahiga kaya sinubukan kong buhatin ang aking sarili. Ginamit ko ang aking kanang braso bilang panulak pataas mula sa sahig na aking kinahimlayan. Bigla akong napasigaw nang malakas ngunit tumagal lamang ng isang segundo at may kung anong pwersa na naman ang humigop papaloob sa akin. Mabilis na nagdilim ang aking paningin.

Bigla akong nagising. Hindi maawat ang pagtulo ng pawis mula sa aking ulo at katawan. Sinubukan kong punasan ang malalamig na pawis ngunit sa aking bawat pahid ay hindi ko maramdaman ang basa, ang tubig ng aking pawis. Napansin kong tuyo naman ako pero pagod na pagod ang aking katawan at matagal kong pinilit na pigilan ang paghahabol ng hininga. Panay kulay semento na ang aking nakikita, isang napakalaking kuwarto, walang mga pintuan at bintana, walang dulo ang mga pader. Lubhang napakalalim ng aking ibinagsak kung sakali mang binitawan ako rito. Sa aking pagbangon ay gumulat sa aking mga paningin ang sandamukal na mga hagdanan. Ang mga hagdanan ay kulay itim, gawa sa metal, mukhang kalawang ngunit malayo sa pagbigay. Hindi ko rin matukoy ang magkabilang dulo ng bawat nakita kong hagdanan. Hindi ko masabi kung may magkakadugtong man sa kanila o wala. Hindi lamang nanatili sa iisang taas ang bawat hagdanan, hindi naging pantay-pantay ang kani-kanilang mga tapakan, nagtaas-baba ang bawat sampu o dalawapung hakbang, saka tataas ulit at baba. May mga nakasingit ding mga paikot na daan. Walang makitang parisan o muwestra sa bawat hakbang, at ang dami-dami nila. Sa gulo at hirap ng disenyo ng mga hagdanang ito'y wala man lang akong nahanap na hawakan sa magkabilang gilid. Wala akong maintindihan. Gusto kong maghanap muli ng tao at ibinuka ko ang aking bibig upang sumigaw. Parang may humila sa aking likod, hindi ko alam kung bakit hindi ako lumaban at hindi ko naisip na magpumiglas, unti-unti akong nawalan ng malay.


Nagising ako sa aking boses. Naghahabol pa rin ako ng hininga at pawis na pawis ako. Sa lamig ng aking katawan ay pinunasan ko nang madali ang aking pawis at tumayo mula sa aking puwesto. Ang sakit-sakit ng ulo ko. Medyo madilim na nga ang nakikita ko, pabigat pa nang pabigat ang ulo ko. Sinubukan kong ipikit ang aking mga mata. Sa aking muling pagdilat, sumambulat ang napakaraming hagdanan. Iba't ibang hugis, haba, at hindi ko malaman ang bawat dulo. Kinamot ko ang magkabila kong mata, hindi ko alam kung bakit ko ginawa iyon pero nakikita ko kasi sa TV kapag nakakakita yung mga tao ng hindi kapani-paniwalang mga bagay. Pagbaba ng aking dalawang kamay, hindi na muli akong makagalaw. Kaya ko namang umatras at umabante ngunit hindi naisip na umurong patagilid. May tao na bigla sa aking harap, mayroon din sa likod. Sinubukan kong tingnan ang aking paligid; napuno ng tao ang mga hagdanan at ni isa sa mga pila ay hindi umuusad, ni walang gumagalaw at nagrereklamo. Nasa isa sa mga hagdanan na rin pala ako. Hindi ko naman maitulak ang taong nasa harapan ko, ni hindi makabuwelo patalikod. Hindi ko malaman ang aking susunod na gagawin. Naisip ko na lamang na tanggalin ang pamatong ko sa aking pantaas at ako'y napasigaw sa sakit paghawak ng aking kaliwang kamay sa aking tatanggaling jacket. Nakita ko ang aking kaliwang hinlalaking bali, nakadugtong pero baling-bali. Panandalian lamang ang sakit, o nagulat lamang ako sa pagkabaling muli ng aking hinlalaki. Tiningnan ko ang aking hinlalaki, ang aking kaliwang hinlalaki, ang pesteng baling-bali na hinlalaki.


Nagliwanag sa aking isipan ang lahat ng nangyari. Tapos bigla na lang na may narinig akong isang napakalalim na boses habang bumabalanse sa pagitan ng dalawang taong naghihintay ng wala, "IKA-TATLONG LIBO'T SIYAM NA RAAN WALUMPU'T APAT NA ARAW."

Bano II

Hindi ko talaga naisip at inasahang mangyayari ito.

Nasa third year high school ako at oo, wala pa akong kahit na anong ideya tungkol sa pag-ibig at sex. Napakainosente pa noon ng aking diwa sa mga kabalastugan at kung anong paghahanap ng kakuntentuhan sa buhay. Sa tingin ko'y masyado akong inilayo ng aking mga magulang sa ganitong mga bagay na hindi namin din mapag-usap-usapan sa loob ng aming bahay. Masyado nila akong pinrotektahan sa mga bagay na inisip nilang makasasama sa aking paglaki, habang ako ay unti-unting lumalakad paharap sa totoong mundo, hindi naman yata nila napapansin kung tama ang kanilang ginagawa o iniisip kung protektado pa rin kaya ako sa mga kinakatakutan nila. Parati nila akong sinusundo galing paaralan, lagi silang pinagtitinginan ng aking mga ka-batch, mga kaklase, dahil sa kanilang napakamapagmasid at matataas na mga pagtingin, lalo na sa mga lalaki. Lagi silang ganoon, simula pa noong bata ako. Noon, hindi ko pa maintindihan at okay pa para sa akin, hanggang sa ngayong nasanay na akong hindi nakikipag-usap sa mga lalaki. Pag may lumapit sa aking lalaki e nagugulat ako at kinakabahan. Hindi ko alam kung paano akong magsasalita, kung paano ko silang kakausapin. Ibang paraan ba, hindi tulad sa mga babaeng kausap ko? Hindi ko masabi. Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung gusto ko. Siguro masasabi ko sa sarili kong malungkot ako sa ibang mga pagkakataon at madalas mabagot dahil sa palagiang pag-iisip kung ano kayang pakiramdam ng normal na pakikipagpalitan ng karanasan sa isang lalaki. Madali na akong mabagot sa walang sawang pakikipagkuwentuhan sa mga katulad kong babae, hanggang sa isang gabi'y may nag-text sa akin na isang estudyante.

Christmas vacation noon; isang gabi, at napakarami ko pang gawain sa paaralan noon na kailangan ko pang tapusin pero naisip ko na lang munang magpahinga mula sa isang magdamagang pagsusulat at pag-aaral, inihiga ko na ang aking ulo sa malambot kong unan. Napansin kong buong araw kong hindi nagamit ang aking cellphone simula nang ako'y gumising kaninang umaga kaya nama'y madali kong kinuha ito at humiga na ulit sa aking kama.

Nasorpresa naman ako at isang message lang ang aking natanggap. Walang kung anu-anong pesteng pakulo ng aking sim. Iisang mensahe na lang iyon kaya madali ko naman itong binuksan. Galing ang mensahe sa isa sa mga kaklase kong lalaki, hindi ko alam kung bakit kinakabahan pa rin ako kahit na tulog ang aking mga magulang at hindi naman nila mababasa iyon kung buburahin ko agad; I love you kasi ang nakalagay. Hindi ko naman alam kung bakit kaba at hindi pagkagulat o galit ang aking naramdaman sa lalaking iyon na nagse-send ng ganoong uri ng mensahe sa kung sinu-sino lamang. Hindi ko rin naisip na sumagot ng Shut Up o GTFO ngunit Talaga? pa ang aking ini-reply. Interesado nga ba ako sa nararamdaman niya, sa nararamdaman ko ngayon?

Ang bilis ng kanyang reply at binuksan ko kaagad ang sumunod niyang mensahe. Nagbibiro kaya siya? Nagkamali lang kaya siya ng pinadalhang tao? Hindi nasagot ng oo ang aking mga tanong nang nabasa na ang kanyang sagot. Sinabi niyang totoo ang kanyang sinasabi pero pagod na talaga ako noong gabing iyon kaya hindi na muli akong sumagot pa at itinulog ko na lang ang nangyari.

Kinabukasan, mayroon siyang I love you sa bawat mensaheng isine-send niya sa akin. Hindi ko naman na inalala ang mga I love you na iyon kasi nalilibang naman ako sa pakikipag-usap sa kanya at sobrang saya ko kasi nakakapagsalita na ako sa isang lalaki nang ganoon katagal. Nagkuwento naman kami nang kaunti tungkol sa aming mga sarili, ibang mga karanasan, nagtanungan bawat oras kung anong ginagawa ng kausap namin, kanyang patuloy na pagsasama ng I love you sa bawat mensahe at sa pagbibilang ko sa kanila. Pakiramdam ko at ng aking wallet na halos kalahati ng aking vacation allowance ay nagamit at naubos sa pagpapaload ko linggu-linggo pero hindi naman ako nagsisi kasi nagkaroon na ako ng karanasan na may isang lalaki.

Papalapit na ang pasukan. Natapos ko na ang lahat ng aking mga pesteng problema sa eskuwelahan at sabik na akong makita siya. Pagpasok ng paaralan, nakita ko siya pero hindi ko masabi kung bakit ako kinakabahan. Akala ko mas madali kaming makakapag-usap at makakapaglapitan dahil sa marami na kaming naibahaging mga karanasan, usapan, biruan sa bawat isa. Akala ko makakalapit na talaga ako pero parang ang hirap niyang lapitan kahit na nahihiya, napapangiti at kinikilig ako sa tuwing naririnig ko ang kanyang boses at nagkakasabayan kami ng tingin. Kahit na hindi rin siya makalapit sa akin, natuwa naman ako sa unti-unting pag-ikli ng distansya sa pagitan naming dalawa sa bawat araw na lumilipas.

Sa aming huling asignatura para sa huling araw ng linggong iyon, narinig kong tinawag niya ang aking pangalan sa loob ng aming kuwarto. Kinilig at nahiya na naman ako at hindi tumigil ang puso ko sa pagtibok nang sobrang lakas, sobrang bilis, parang puputok, parang gustong tumakbo, kumawala, habang siya ay lumalapit sa akin, ako, nakatayo lang, naghihintay, nakangiti. Binigyan niya ako ng libro at sinabi niyang regalo niya raw iyon para sa Pasko at humingi pa siya ng tawad sa pagiging huli ng kanyang aginaldo para sa akin. Natawa naman kaming pareho sa sinabi niyang iyon at unti-unti kaming naglabas ng mga salita, hanggang sa mga pangungusap, hanggang sa nagbabatuhan na kami ng mga kuwento, tawa, ngiti. Naging madalas na ang aming pagkikita sa paaralan nang sumunod na linggo. Siya ang aking unang kaibigang lalaki.

Lalo pang tumindi ang nararamdaman namin sa isa't isa noong araw na gagawa kami ng group project sa bahay ng aming kaklase. Halata na naman siguro ng aming mga kaklase kung anong meron sa pagitan naming dalawa kaya nakapagplano sila ng kung ano. Hindi ko alam kung paano nila kami ini-lock sa loob ng kuwarto ng aking kaklase, habang hinihila ang kabilang hawakan ng pintuan para hindi kami makalabas. Wala na ring silbi ang kanyang pagtulak sa pintuan kaya binitawan niya na lamang ito at dahan-dahang lumapit sa akin. Hinawakan ng kaliwa niya ang aking kanang kamay at kinakabahan niyang tinanong kung okay lang ba kung hawakan niya iyon at kung okay lang din na ako ang kanyang maging date sa darating na prom. Ngumiti ako, kahit kinakabahan din at pumayag sa kanyang alok. Nag-usap na lamang kami, habang magkahawak-kamay hanggang sa magsawa na ang aming mga kaklaseng magguwardiya-guwardiyahan. Inihatid niya ako noon malapit sa pagsusunduan sa akin ng aking magulang. Buong araw akong kinikilig noon hanggang sa pagtulog.

Dumaan ang prom. Masaya kaming dalawa. Masaya ako. Hindi naman pala nakakatakot.

Sa huling araw ng mga klase, nakita ko siyang nakaupo sa isang sulok ng aming kuwarto. Nanginginig ang kanyang buong katawan at namumula ang kanyang mga mata. Parang may itinatago siya sa kanyang mga kamay ngunit hindi ko naman ito masilayan at masigurado. Lumapit ako sa kanya ngunit sumigaw siyang huwag na akong lalapit pa kung ayaw kong mamatay. Tinanong ko kung anong problema niya sabay sabi ng magiging maayos ang lahat. Tumulo na ang luha sa aking mga mata sapagkat hindi ko na maintindihan kung anong mayroon, kung anong nangyayari. Pilit niya akong inilalayo sa puwesto niya, pilit naman ako sa pagsubok ng paglapit sa kanya, sa pag-iyak, sa pagtataka. Sinabi ko ulit sa kanyang magiging maayos ang lahat at humakbang papalapit. Nang marinig niya ulit ang aking pagtapak, sumugod siyang papalapit, isinaksak ang maliit na balisong sa aking dibdib. Sa bawat hakbang ko ng isa pa, itinutulak niya ang isinaksak. Nanginginig sa gitna ng aking dibdib ang kanyang kamay, habang siya'y nakatingin sa akin, mulat ang pulang mga mata, galit na galit. Sa bawat iyak, tulak; bawat hakbang, baon; bawat hawak, bulyaw, baon. Hindi na ako makagawa pa ng kahit na anong ingay, pero alam kong umiiyak pa rin ako. Nanlabo na sa mga mata ko ang aking luha, dahan-dahang naibsan ang sakit sa aking dibdib, pakonti-konting gumaan ang aking pakiramdam, bumigat nang bumigat ang aking diwa, nanlabo na ulit ang aking paningin. Unti-unti niyang ibinaon sa aking puso ang patalim, wala na akong pakialam, ibinibigay ko na ang aking sarili, nanlabo na ang lahat sa akin, paningin, pandinig, paghinga, katotohanan, ni wala akong narinig na I love you bago ako mawalan ng malay.

~

Sa huling araw ng mga klase, nakita ko siyang nakatayo sa gilid ng blackboard, nakangiti sa akin. Kinilig naman ako at ngumiting pabalik. Nagngitian na kami kaya alam kong lalapit na ako sa kanya, lumakad na ako papalapit. Iniunat niya ang kanyang mga braso, akmang papayakap, habang ako'y lumalapit, bumilis ang aking paglakad, gusto ko ring mayakap, yumakap. Pag-abot ko sa kanyang dibdib ay niyakap ko na rin siya, ayaw ko nang matigil ang ganoong mga sandali para sa amin. Ayaw ko nang matapos, hindi ko masabi kung kailan ko gustong tumigil, magbago. Unti-unti kong naramdaman ang pagbaba ng kanyang kanang kamay sa aking likod. Sabi ko sa sarili ko, ayan na naman siya. Pero, pinabayaan ko na, masarap na kasi sa pakiramdam, wala nang pipigil pa sa amin, sa gusto namin. May kinukuha siya sa kanyang bulsa, pero hindi ko na rin tiningnan para kunwari nasorpresa ako. Naramdaman kong inilabas na niya ang kanyang dinudukot kanina sa kanang bulsa, tapos isinaksak niya sa tiyan ko. Nagulat ako, tumingin ako sa kanyang mukha, nakangiti, walang takot, walang pakialam. Pilit niyang ibinaon ang talim sa bawat pilit kong paghugot nito. Hindi ko magamit ni kaunti ang aking boses sapagkat sa bawat subok kong magsalita o sumigaw e pumipilipit sa sakit ang butas sa aking tiyan. Sinubukan kong itulak mula sa kanya ang aking sarili, at hinugot naman niya ang kutsilyo, sabay saksak sa kabila. Hindi ko na alam ang gagawin ko, nanlalabo na ang paningin ko. Naging sunud-sunod na ang pagsaksak niya sa akin, pinabayaan ko na lang siya, hindi na ako lumaban. Hindi ko na siya ulit narinig pa noong araw na iyon, nakita ko naman siyang ngumit at niyakap niya rin naman ako. Hindi na masakit ang pagbagsak ko nang bitawan niya ako pagkatapos tadtarin ng saksak. Pinilit kong buhatin ang aking ulo pero wala na rin akong nakikita. Nasorpresa nga ako.

11 March 2011

Bano I

Ayaw ko talagang gawin 'to, pero gusto ko.

Nagsimula ang lahat, maraming buwan na ang nakalipas, nang itatapon o iiwan ko na ang malalaking mga plastic ng basura sa harap ng aming gate, hindi maaaring hindi ko napansin ang isang napakalaking delivery truck sa tapat ng isang bahay malapit sa amin at bawat lalaki mula rito ay hindi nagtigil sa pagbababa ng mga kasangkapan sa bahay mula sa mga upuan at kama, lamesa, lahat, habang ang isang babae, masasabi ko namang mukhang nanay na ay hindi rin matigil sa pagdadadang ingatan nila ang kanilang mga kinakarga, ingatang huwag magasgasan, todo sermon sa mga tauhan, akala mo nagbubuhat. Habang sumasalo ng laway ang mga naglilipat ng kasangkapan, may isang babaeng lumabas mula sa bahay na nililipatan, lumapit sa kanyang nanay at nagsimulang makipag-usap. Mayroon siyang maikli at maitim na buhok sa ibabaw ng isang magandang Haponesang mukhang may black-framed glasses. Sa tingin ko'y sintangkad ko siya at may kapayatan ngunit katamtaman lamang. Singkit, maputi, nakasalamin, sexy.

Hindi ako sigurado sa huling parte at kung paano kong ginawa ang mabilisang obserbasyong iyon kahit na hindi niya ako napansin at pumasok na lamang sa kanilang bahay matapos makipag-usap sa kanyang ina sa loob ng iilang segundo, pero sigurado ako sa iisang bagay, mahal na mahal ko ang aming mga bagong kapitbahay.

Pagbalik sa aming bahay, sinabi ko sa aking inang may mga bagong kapitbahay na kalilipat lamang sa tapat namin nang umagang iyon. Nagsimulang tumakbo sa utak ko ang unang plano at umasa ako sa susunod na ikikilos ng aking nanay. Lumapit sa akin si Nanay na may dalang isang plato ng spaghetti para ibigay sa mga bagong lipat. Tumakbo na ako sa salamin at pinuri ang aking mga magulang para sa aking mga namana. Matapos magpogi poses sa harap ng salamin, tumungo na ulit ako sa aming gate at lumabas na.

Ang kanilang bahay, tulad ng nasabi ko kanina ay nasa kabila lamang, tapat ng aming bahay. Habang ako ay naglalakad papalapit ng kanilang pintuan, pinraktis ko na ang aking mga sasabihin. Pagdating, tatlong beses akong kumatok at naghintay. Pagbukas ng pintuan, nagulat talaga ako sa aking mga nakita. Ni isa sa mga nakita kong inilalabas mula sa malaking delivery truck kanina lamang ay hindi ko nakita sa kanilang sala at isang dambuhalang lalaking naka-boxer shorts lamang ang bumati sa akin. Napaatras ako nang kaunti, gulantang na gulantang pa rin sa aking mga nakita at bumating pabalik sa malaking lalaki. Iniabot ko na ang plato ng pasta sa higante saka itinuro ang aming bahay habang ipinapaalam sa kanyang malapit lamang kami sa kanila at ikinalulugod namin silang maging aming mga kapitbahay. Napansin niya ang mga tanong na bumabalot sa aking mukha kaya sinabi niyang nasa itaas ang mga kasangkapang dinala para sa madaliang pagbibilang at pagbabago. Hindi ko maisip kung para saan iyon pero hindi na ako nagpakita pa ng pagtataka sa aking mukha at nagpasalamat na sa akin ang lalaki bago niya isara ang pintuan sa harapan ko. Nang papalayo na ako sa tapat ng kanilang bahay ay may narinig akong tawa ng isang babae. Lumingon ako at nakita ko ulit siya sa may bintana sa ikalawang palapag. Nakangiti siya sa akin. Medyo kinilig at nahiya naman ako sa pagtingin at pagngiting iyon pero nakita ko pa rin ang kanyang napakagandang mukha, tapos nakangiti pa. Itim ang kanyang mga mata at matataba ang kanyang mga pisngi.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili sa pag-isip sa kanya. Hindi rin nawala sa isip ko ang unang araw ng klase para sa panibagong taon. Hindi na rin ako makapaghintay para makita na ulit ang aking mga kaibigan at kaklase sa aming school.

Sa sumunod na araw, matapos maghanda para sa paaralan, pumunta na ako sa lugar kung saan tumitigil ang aming service. Mula sa malayo, nakita ko siya roon, naghihintay, at napansin ko sa kanyang unipormeng pareho kami ng eskuwelahang papasukan. Sobrang talon talaga yung puso ko habang naglalakas papalapit sa kanya bago ko siya batiin. Tinanong niya kung bakit ako nakangiti nang ganoon pero binati niya rin ako. Nahiya naman ako at napalingon nang sandali. Nakapag-usap pa kami bago dumating ang aming service. Naaalala kong galing silang Japan at ang kanilang pamilya ay lumipat dahil sa trabaho ng kanyang mga magulang. Hindi ko na masyadong inisip kung anong klaseng trabaho mayroon sila pero nagpasalamat na rin ako sa aking isipan dahil sa klase ng trabaho nila.

Simula noon, hindi na ako makapaghintay sa mga umagang maghihintay kami ng service sa naturang lugar. Sabay nga kaming sumasakay ng service pero hindi naman kami magkaklase. Hindi ko siya madalas makita sa aming paaralan. Iyon lamang ang isang malungkot na parte ng aking buhay kaya kailangan kong magpursigi sa tuwing nagkakausap kami sa hintayan. Nag-usap kami nang nag-usap araw-araw sa hintayan ngunit napansin kong paunti-unting umiikli ang pasensya mula sa kanyang mga mata, hindi ko masabi kung nalulungkot o nababagot, o sabay, o gusto niya akong hampasin, at naramdaman kong ako ang dahilan kung bakit hindi ko na ulit nakita yung dating ganda ng kanyang mga mata. Ang mga araw tulad nito ay umulit na nang umulit sa loob ng maraming linggo na nagtulak sa akin para itigil na ang walang kuwentang pakikipag-usap at gumawa ng ibang paraan para mapasaya ulit siya. Kahit ano para sa masasaya niyang mga mata.

Isang umaga, malakas ang buhos ng ulan ngunit walang sinabing suspended ang klase kaya itinuloy ko pa rin ang plano ko. Nagdala ako ng bulaklak at chocolate, naglakad papuntang hintayan, patuloy na ibinubulong sa aking sariling gagawin ko 'to, gagawin ko 'to, kahit ayaw ko, pero gusto ko. Sa malayo ay nakita ko na siyang naghihintay. Lumapit ako sa kanya at ibinigay ang aking mga regalo habang nakangiti pero pag-iling lamang ang natanggap ko. Itinulak niya ako, nalaglag sa basang daan ang mga pesteng regalo at nagsimula na siyang tumakbo pauwi. Sobrang lungkot ko noon. Napansin kong lalong lumakas ang hangin at todo buhos na ang ulan kaya umuwi na rin akong naglalakad, walang payong, parusa sa aking sarili.

Nang makarating ako ng bahay, matapos akong bigyan ng malaking tuwalya, sinabi sa akin ng aking nanay na wala naman kaming bagong kapitbahay sa tapat at nagpatuloy pa siyang puwede ko naman daw sabihin sa kanya kung gusto ko pa ng mas maraming spaghetting makakain noong araw na may nakita akong delivery truck. Dala ng sobrang pagtataka, tumakbo ako patungo sa kanyang bahay pero nakakandado ang pintuan, hindi ko maitulak, kahit banggain ko pa nang paulit-ulit. Oo, hindi ako kumatok, hindi ko matanggap yung mga narinig ko. Wala akong naririnig na sagot mula sa bahay. Pinagmasdan kong muli ang bahay. Mukhang hindi nagalaw o napasok noong mga panahon iyon, ni kaunting gamit talaga wala sa sala. Bigla na lamang akong gininaw at dahan-dahang tumingin sa bintanang kung saan minsan ko siyang nakitang nakangiti at nakatingin sa akin, walang tao sa bahay.