Nakipagpustahan akong hindi niya mumultuhin ang lahat ng makababasa nito.
Ah, ang paghihiganti, masakit man sa puso, marami mang nagsasabing mali, e kay sarap-sarap gawin. Ang hirap-hirap kontrolin ng sarili kapag gusto mo na talagang sumabog. Wala nang pami-pamilya, wala nang moral na pagtingin sa kapwa, galit-galit na lahat, nagkakalimutan na ang lahat basta lang mapatay natin sa isipan kung sinuman yung tarantadong hinubaran tayo sa harapan ng madla. Ang sarap-sarap patayin sa isipin natin yung taong mang-aagaw – mang-aagaw ng lakas, mang-aagaw ng kapangyarihan, mang-aagaw ng trip, mang-aagaw ng sarili, mang-aagaw ng moment. Nakasisira ng moment. Ang pagkakait sa iyo ng moment na masaya, sa harapan ng marami, mula sa taong hindi mo pa ineexpect, tapos tatawanan ka pa nila. Gusto mo nang mamatay, pumatay, pero tatawa ka o iiyak, tatanggapin mo na lang na inagawan ka na ng ticket. Tatanggapin mo na lang na may manggagago talaga sa buhay mo, sa hindi mo pinaka-inaasahang paraan. Nariyan lang sila parati, malapit sa atin, yung mga gago, kasi mayroon din naman sa amin, sa bahay, sa bahay ng nanay ko.
Simula noong naikasal na lahat kaming magkakapatid, isa-isa na naming iniwan ang aming nanay sa aming lumang, kinalakhang bahay. Tipikal na kuwentong Pinoy na maagang namatayan ng ama dahil sa malubhang sakit kuno at matiyagang pinalaki ng nag-iisang magulang. Tatlong babae lang naman kami, at si Nanay ay may puwesto sa palengke. Basta’t may kita, nakakaraos, at nakaraos naman. Para icelebrate naman kuno ang tagumpay na naabot ni Nanay bilang ina, napag-usapan na naming magkakapatid na taun-taon kaming magrereunion sa bahay namin dati, kasama ang aming kanya-kanyang pamilya.
Taun-taon, tuwing Pasko, maglalaan kami ng isang araw upang magsama-samang muli at mag-establish na rin ng connection sa pagitan ng magpipinsan, magtitita at maglola. Masaya na rin naman, yung mga reunion namin, maraming pagkain, maraming babies, maraming dapat icongratulate.
May anak nga pala ako, si Meg. Magf-1st year high school sa pasukan. Excited na excited parati pumunta sa bahay ng lola niya kasi masarap nga namang magluto si Nanay. Ewan ko ba kung bakit sa aming tatlo e ako lang yung hindi naturuan magluto. Parati raw kasing babad sa mga libro at TV noong bata, noong nagkolehiyo na e lalong hindi na nakakausap sa bahay. Ngayon, e sablay man kami ng aking asawa sa pagpapatikim ng sarap ng lutong bahay, bawing-bawi naman si Meg sa isang araw na pananatili sa bahay ni Nanay. Naihanda na niya ang sarili niya sa masasarap na putahe.
Bagong-bago ang video cam na binili ng aking asawa, aralin ko na raw para magamit sa nalalapit na pagpunta namin sa bahay ni Nanay. Maganda na rin yung pagrerekord ng mga alaala sa ngayon. Kung dati, parang itsinitsismis lang ang mga karanasan, oral na paghahatid ng mensahe at kolektibong pagpapasa ng mga imahen nang pasalita, pakuwento. Kasabay na rin nito ang pagsusulat ng mga tinatamad magsalita o mahina magsalita at mas mabilis pa ang takbo ng utak at lundag ng daliri kaysa sa paggulong padapa ng sariling dila. Hanggang sa naimbento na ang camera para mas madaling pasok ng mga imahen at karanasang alaala na pilit sumasabog sa utak, nakapagpapangiti, nakapagpapaiyak at kung minsa’y nakapagpapahiya ng panloob na karakter at naising magpuslit ng kutsilyo sa kusina para maglaslas nang panandalian. Marami kang maaaring sabihin sa C4 ng iisang larawan lamang, saka ka raratratin ng iba pang mga kasama nito sa kanilang album. Maya-maya tatawa ka, maya-maya, mahihiya ka. Tapos ito nga, itong hawak kong video cam. Gumagalaw na mga imahen. Video. Cam. Video Cam. Puwedeng-puwede kasi hindi mo na kailangang mag-imagine ng kunwaring audio na ginagawa mo lamang sa diary nang may diary, sa talsik ng laway ng matanda at sa litrato nang may litrato.
Handa na ang lahat. Papunta na kami sa bahay ni Nanay, sa bahay namin dati. Nagpapasabog na naman ng uluhati pagkakita ko pa lamang sa gate namin. Sa punong manggang itinanim ni Nanay at namumunga ng matatamis na mga mangga kapag summer na. Ayaw ko nga lang ng malalambot at matatamis. Mas gusto kong mangga e yung manibalang – malutong at bagay na bagay sa bagoong. Mas gusto ko rin yung puting hilaw na hilaw pa na mangga kaysa sa dun sa matamis na matamis na hinog. Ayaw ko ng hindi babagay sa bagoong ko. Hihintayin ko iyong malaglag noong bata pa ako kasi kahit gamitin ko yung panungkit e hindi ko pa rin naman maaabot. Kapag nalaglag ang hilaw, puwede pang kainin kasi hindi ito sasabog, di tulad ng hinog e nagkakalat lamang ng laman kapag nalaglag na sa kahit lupang tinamnan.
Tapos yung libingan ng aso naming si Spot. Pinangalanan namin siyang Spot kasi may black eye siya sa kanyang kanang mata. Hindi namin siya binubugbog no pero pagkapanganak pa lang sa kanya e kitang-kita na agad ang itim na bilog na pumapalibot sa mga inosente niyang mata. Mabait na aso iyang si Spot kaso nga lang e askal. Pero di naman tulad ng ibang may alagang imported na aso, hindi namin itinatali si Spot. Malaya lamang siyang magkakakalat ng mga tae kahit saang parte ng tapat ng aming bahay. Kami na rin ang bahalang humarang sa kanya kapag may gusto siyang sakmaling bisita. E kung nagwawalang aso lang din naman, tinapay o kahit na anong mabangong pagkain lang naman ang solusyon kay Spot. Hindi rin siya nagkaroon ng kulungan. Hindi naman sa katatamaran naming panatilihing malinis ang kulungang araw-araw rin namang babaho, pero kasi mas gusto naming nakikita ang aming aso bilang aming kaibigan, hindi lamang bilang security guard. Parang ang pangit naman kasing tingnan, kapag pinapakain mo, makikipaglaro kang sandali, tapos ikukulong mo. Okay na sa aming nakapaggagala siya kahit sa palibot lamang ng aming bahay.
Saka ko lang namataan si Nanay, nagwawalis. Gawain naman na niya yan. Gustung-gusto niyang malilinis ang aming mga kuwarto, ang buong bahay, ang tapat ng bahay, ang tapat ng tapat ng aming bahay, ang aming kapitbahay, ang aming mga bag, ang aming mga damit, ang aming mga katawan, katawan ni Spot, mga tae ni Spot. Binati ko ng good morning si Nanay, naggood morning din naman siyang pabalik sa akin, nakangiti. Itinabi na ang walis pagkamano ko, saka kami dinala papasok ng bahay. Nagmano na rin si Meg. Habang kami’y papasok ng aming bahay e nauna na ako sa kusina saka si Meg ay naiwan sa kanyang lolang nakikipagkuwentuhan kasama ang iba niya pang mga pinsan.
Kuwentuhan na lamang muna. Nandoon na rin yung mga kapatid ko, naghahandan ng maihahain para sa hapunan, para sa Christmas Eve. Kuwentuhan sa kasal ng mga tao, kuwentuhan sa mga sakit, kuwento sa concert ni Gary V, ni Lady Gaga, kuwento tungkol sa baby ni ganyan, baby ni ganito, kuwento tungkol sa damit, sa sapatos, kuwentuhan sa nangyayari kay Kris Aquino, kay Lea Salonga, kay Bong Revilla, mga kuwento nina Jessica Soho, Korina Sanchez, Marc Logan, kuwento sa mga pelikula, sa mga series, sa bago niyang laptop, sa bago niyang asawa, sa bago kong video camera. Ay oo nga pala! May dala nga pala kaming camera. Tinawag ko na si Meg para magsimula nang irecord ang aming reunion. Kaway sa camera. Ngiti, dapat parating walang problema. Walang hiya-hiya, nagtatago ng hiya, nahihiya. Hindi na dapat pang makita ng ibang tao kung sino kami, kung sino sila, kung sino kayo. Sa unang pagkakataon, may mangyayari na rin ba? Sa unang pagkakataong nagrerecord kami ng aming reunion, masaya, walang problema, dapat.
Tapos gabi na. Hapunan na. Masarap din naman yung pagkaing niluto naming magkakapatid, kaso e mas gustung-gusto ng mga bata yung luto ni Nanay. Hindi naman kami nagseselos o naiinggit e sa nahulog din naman na kami sa luto ni Nanay. Nang matapos nang kumain ang lahat, dumeretso na lahat sa sala, para magkuwentuhan na naman. Kuwento ni Lola naman, fiction naman daw. Fiction na kuwentuhan. Ang daming sinasabi ni Lola, marahil e siya lamang ang naiiwan dito talaga sa bahay at tuwing Pasko nga lang kami umuuwi, baka wala siyang nakakausap. Kahit na sa tuwing Paskong pagpunta namin ay niyayaya namin siyang sumama na sa amin, ayaw niya. Madikit na talaga siya sa bahay na ito, sa bahay namin, sa bahay niya, sa bahay na siya ang nagtaguyod. Marahil ay kung gusto niyang malagutan ng hininga e dito na lang siguro mas maganda. “Meg!” sigaw bigla ni Nanay sa anak ko. Pangiti namang ibinigay sa akin ng aking anak ang camera para siya naman raw ang makikita. “Meg, gusto mo bang makipagpustahan?” Malabo. Hindi naman sa hindi ko papayagan ang aking anak na mabulag sa saya at lungkot na dulot ng mga pustahan pero ang malabo sa akin e bakit ganito na lamang ang wika ni Nanay? Pustahan? Hindi ko maintindihan. Bakit pustahan? Anong meron kay Nanay at nakikipagpustahan na siya? Sa bata pa? Pero naisip-isip ko lang naman iyon, todo record pa rin ako sa kakaibang pangitaing pakiramdam ko lang naman e nakakagulat, pero hindi. “At dahil nagdadalaga ka na, pusta ko e hindi ka pa rin tutubuan ng tagihawat sa baba.” Malabo pa rin. Malabo. Hindi ko na talaga maintindihan. Wala na talagang sense. Kung sa bagay e kung nagkakatuwaan na lang naman, bakit ko pa hahanapan ng sense. Kasama pa yata ako sa sumigaw na GAME! GAMMME O!! Papayag na yan! Pumayag naman ang anak ko. Edi game.
Maya-maya e hinila ni Nanay papaakyat ng hagdanan si Meg. Hindi naman na nagtanong si Meg, nakangiti lang. Ako rin, nakangiti, kami-kami, habang nirerecord ko pa rin ang mga nangyayari. Dahan-dahan na siyang hila-hila ng kanyang Lola. Ipinatong ang kanang kamay at braso sa ulunan ng kanyang apo saka hinawakan ng kanyang kaliwa ang baba ni Meg. Itinulak niyang pabigla sa metal na hagdanan habang pilit na idinidikit ang baba rito. Tulak, higpit, sigaw. Bahala ka! Lahat kami e tawa nang tawa. Si Nanay talaga makapagbiro o! Sige, tawa pa, habang si Meg e nakangiti lang din. Malabo na ulit. Lampas isang minuto na siyang itinutulak. Mukhang ayaw na ni Meg. Pawis na pawis na si Nanay. Humihigpit ang kapit sa mukha ni Meg, saka niya iniuntog na sa bakal. Paulit-ulit niyang iniuntog ang ulo ni Meg sa bakal na kapitan. Dumadagundong na, jingle bells, jingle bells, jingle all the way. Hindi ko naman matanggal ang record. Malabo talaga. Minsan lang ako makakita ng ganito, kahit na sa anak ko, mukhang kailangan kong mairecord, para marahil sa kuwentuhan, ulit. Nang tiningnan kong mabuti e sinisipa lang naman pala ni Nanay yung hagdanan. Wala namang nasaktan, nabukol, hindi naman pala bumabangga si Meg. Nang pakawalan ni Nanay si Meg e tawa naman kami nang tawa habang ang anak ko e iyak nang iyak sa hiya habang umaakyat. Nawala na siya sa sakop ng videocam na hawak ko. Si Nanay naman e hinihingal, nagpupunas ng pawis, kaway at ngiti rin sa camerang hawak ko. “Wirdo mo Nanay talaga! Hahaha!” Tawa habang naghahabol ng hininga naman ang ibinalik na lang sa akin ni Nanay. Maya-maya e tumatakbong pababa si Meg, “BULAGA!” habang pabiglang pumatong sa balikat ng kanyang Lola. Kitang-kita sa camera ang nagulat na mukha ni Nanay. Mabilis na tumingin papaitaas ang kanyang mga mata hanggang sa nag-itim ang mga ito habang nakabukang gulat na gulat ang kanyang bibig. Papahigop na huling boses ang aming narinig mula sa kanya, hanggang sa ang tawa ni Meg e napalitan na ng pagkagulat. Itim na mga mata, bukambibig, mukhang nakaharap sa camera, hindi na humihinga si Nanay.
Kung akala ko e makapagkukuwento lang ako tungkol sa power trip ng nanay ko sa aking anak, nakapagpasok pa ako ng nagulat na bangkay sa aking videocam. Kung bakit itim na lamang ang kanyang mga matang hindi maisara, hindi ko na masabi. Habang kinakausap kita ngayon e paulit-ulit ko pa ring inirereplay ang eksena simula noong tumatakbong pababa si Meg hanggang sa mamatay ang lola niya nang nakanganga. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Ulit. ULIT. ISA PA? IKAW NAMAN DAW.