Obrang halaw sa nakaraan.
'Di na masabi pa kung sino
Ang unang nagsabi ngunit
Walang galit sa kung bakit
Inumpisahan ang pagsasabi.
May pakialam sa paghusgang
Malapit sa nakalayo na pero
Paalalang may misteryong
Kung anong paglikha ng isa-
Sa-isang pagtatagpo, walang
Agarang pagdiin; mayroon
Lamang pagbakat sa kung
Sino ang may salarin sa mga
Bagay na bistado subalit may
Patagong pagharang. Galit na
Galit sa abo, suklam na suklam
Sa hibang dahil sino nga bang
Ehemplo, may tunay ang tagay?
Lihim pa ba ang mga goyo,
May paglambing na lumanay?
'Pagkat iwanan mang marka
Sa bawat pahinang ibubuklat,
Sakaling umeksenang pitik
Ang mga alikabok sa harap,
Sasaan ang mga mistulang
Pangingirap nating paglingon,
Pasalamat na siguro kumbaga
Para sa lahat ng pag-inom,
Paghithit hanggang pagbuga.