Hindi ko pa rin naman talaga alam. Sa akin na lang (muna) ang ating mga alaala. Ako (lang naman yata) ang may gustong alagaan sila. Silang mga nagsisitulo, hanggang sa pumatak, hanggang sa kumagat ang puti sa itim, at hindi iyon simpleng pagkurap lamang sa mga tala bago magwalang hiyang humimlay.
Ni pagpikit, hindi makapipigil. Beef stew at seafood kung mananaginip. Sarili ang mag-aanyaya. Kung kailangan mang ipihit pabalik ang lurantik, hindi na rin nararapat pang kabahan pa kung mayroong maiinip.
Sila ang itatago matapos mapakawalan. Mangyaring sila't sila lamang ang tanging mga dahilan kung bakit paulit-ulit akong magsisimula, pabalik-balik na magsisindi, at hindi na magpapaawat pa kahit kailan na putahin ang hindi. Ko. Alam. Silang mga pinakapaborito. Sila ring mga minsan at kadalasang ikinakahiya.
Kaya, akin na lang muna sila. Ako na ang magtatago, at ako na ang magtatago. Ako na ang mag-aalaga, kakausap, uunawa, magbibigay-halaga. Ako na ang magbabalik sapagkat ako lamang din ang inasahang hihintayin. Ako na lamang ang makakikilala sa kanila, at sila na lamang ang makakikilala sa akin.