Hindi ko na magagamay pa ang wika ng pag-ibig. Mananatili na lamang itong misteryoso, mahiwaga. Makailang banong rima man si Gloc-9, makailang luha man ng lalamunan sina Ebe at Chris, makailang parinig si Chito, makailang kurot man si Armi, sumagad man ang lahat sa aking mga buto, maunawaan ko man lahat nang paiba-iba, tawanan man ako ng buwan gabi-gabi, hinding-hindi na lalawak pa ang aking aninag.
Kung anuman ang ikinapayak ng bad trip na mga nagkumpulan nang bulaklak na araw-araw inaasam-asam, ganoon ding magiging kakumplikado ang lahat ng pagkakataong sinubukang pagbugtungan ng liwanag ang mga pinagtangkaan. May hikayat ng dali, may kanti ng gulo. Sarili lang madalas ang nasa gitna ng digma. Pangunang bastos sa palatuntunan ang magbabadya. Nagbadya. Masarap na masakit. Masarap at masakit. Pilitin man ang pag-iwas, radikal pa rin ang hantungan.
Pero wala eh. Hindi man (pinaka)sapat na batayan, lagi't lagi kang kay rikit sa paningin, sa aking paningin, sa akin. May kung anong pansariling pag-angkin sa bawat hinihinging kahulugan ng mga salita. Tanungin man nila ako kung ano para sa akin ang hulog ng langit, pagkatamis mong ngiti ang ituturing. Tanungin man kung ano ang saya, lumilista ang pungay ng iyong mga mata. At kung hingin pang muli ang pag-ibig, na siyang tunay at wagas, walang ibang maisasagot pa, kung hindi ikaw.
Ngunit muli't muli, hinding-hindi ko magagamay ang wika ng pag-ibig. Sinadyang hindi ko kaya ito nang mag-isa, kahit na araw-araw na akong sinasanay ng pait at tamis. Araw-araw mang maging magulo ang lahat, araw-araw ko itong aakapin, sosolohin. Makailang buhos man sila sa akin ng galit, inis, at pagtataka, sa'yo at sa iyo lamang ako may pakialam. Hindi mo man ako maintindihan, kapuwa na lamang tayong maghahanap sa kalawakan kung ano ang maaaring katotohanan para sa atin, katotohanang para sa atin.
Dahil muli't muli, hinding-hindi ko magagamay pa ang aking pag-ibig.