March 25, 2017

100 Cigarettes - VII

VII

Nauna akong nagising kinaumagahan at nauna na rin akong kumain. Nagising ka rin naman agad matapos kong makapag-almusal at agad-agad pumatong sa akin. Itinuro ko sa bag ang ilan pang natirang adya at sabik-paatras ka namang pumayag at suotan ako. Nagsindi ka ng panibagong load, saka inihanda ang sarili sa akin namang, well, load.

Madalas kong mamiss yung mga ganitong umaga natin.

Gutom pa rin ako. Nauna na akong naligo sa ’yo dahil mukhang pagod ka pa. Pagkatapos kong makapaglinis ay dumiretso ako sa isang kaha ng yosi at laptop. Lumabas ka na rin para maligo. Dumaan lamang ang ilang saglit ng paglipad ng utak ko sa internet at katiting na luntian e nakabalik ka na rin kaagad sa kuwarto. Habang ika’y nagbibihis, sinabi kong mag-almusal muna tayo sa Sinangag Station.

Pagbaba, pansin kong medyo lampas tayo sa inaasahan nilang pagcheck out natin pero hindi naman tayo pinatungan ng bayad. Hindi ko alam kung dahil madalas na nila tayong kliyente o may grace period na isang oras, kung sakaling may hangover pa sa kagabi ang mga nagcheck in. Ang hindi naman nila alam e sabog pa tayong dalawa.

Dumiretso na tayo sa Sinangag Station at umorder na ng almusal. Saka ko lamang tinext si Jose na nasa Quezon City na tayo. Saka ko lamang din tinanong kung anong oras yung tugtog nila sa Ayala Museum mamayang gabi. At saka ko lang din tinext si Nanay kung bakit niya ako hinahanap kagabi. Sinabi ko kaagad na nag-almusal lang ako sa Maginhawa at maya-maya’y tatawag ako sa opisina niya para magkuwento, ng siyempreng tungkol sa aking thesis.

Mayroon ka namang hindi maunawaang linya ni Loonie tungkol sa barya. Hindi ko makuha masyado dahil sabog pa yata ako simula kagabi o may nasinghot ako sa hinithit mo kanina. Favorite mo yatang naliligo nang sabog. Mabuti na lamang at umorder ako ng sariling kape ngunit naramdaman kong kailangan ko pang magising talaga. Humingi ako kina Ate Sinangag Station ng asukal at nag-abot naman sila sa akin ng isang maliit na mala-vial na tasa. Ewan ko ba. Sabog pa ako eh. Inamoy ko muna kung suka ba iyon para sa ulam ko/mo. Tinikman ko gamit ang tinidor. Matamis. Baka ito yung asukal. Sumigaw ako ng, “Ito po ba yung asu-,” pero nagmukhang walang sasagot sa akin. Bahala na. Binuhos ko lahat sa tasa ko. Lalo namang tumamis. Edi okay.

Sumagot na rin si Jose na mga alas said pa ang kanilang tugtog ngunit may kailangan pa siyang ipaliwanag sa akin pagdating ko ng UP. Tinanong kita kung anong oras mong balak umuwi at sinabi mong okay pa namang gabihin ka. Hindi ko pa rin sigurado, kahit na ganoon. Hindi naman sa wala akong tiwala sa iyo kundi matagal mong hindi nakausap sa cellphone ang iyong mga magulang at baka lalo ka pa nilang pagalitan. Mukha ka namang kampante sa iyong mga ngiti. O nainlove lang ulit ako sa iyo.

Pagkaubos ng pagkai’y nakapagyosi na mula sa natitira sa kahang iniwan na natin sa lamesa. Sumakay na tayo kaagad ng tricycle dahil mainit at wala pa ako sa mood maglakad tungo sa sakayan ng Ikot.

~

Pagdating ng Ikot sa tapat ng Sunken, saka ko lamang naramdamang nasa UP nang muli tayo. Marami na ulit mga papansing nagsasaluhan ng frisbee at feeling na pumapayat sa Acad Oval. Wala na rin akong pakialam sa kanila dahil gusto ko nang isampal kay Jose yung unan natin ng wee-, putang ina yung pipe nga pala!

Dumating na tayo sa 108 agad at kinamayan ko na si Jose. Kinuwentuhan saglit saka mo sinampal yung unan natin ng luntian. Ibinalita naman ni Jose na puwedeng makahanap ng pipa sa bazaar na malapit sa Ilang-ilang.

Pumasok muna akong saglit sa bahay para makausap yung Nanay ko nang makapagpaalam at makahingi na rin ng perang pambili ng ticket para suportahan ang paskong soundtrip ng mga kakulektibo ni Jomil Supot. Ipinaliwanag ko na ring palusot na naubos yung pera ko kasi nga nagcelebrate ako masyado at nanlibre ako dahil naprint na lahat-lahat ng thesis ko. Tapos mahal talaga yung concert nina Jose. Pero okay lang naman.

Pinapunta naman ni Jose si Mitzi. Hindi sila makapagsasabay tungong Ayala Museum. Mayroon pa kasi siyang klase. Ninais ni Jose na sumabay na lamang sa atin si Mitzi. Ipinaliwanag kong magkita na lamang kami sa may Ayala station ng MRT dahil naramdaman kong kaya namang puntahan iyon ng girlfriend niya dahil malapit lang sa kanilang paaralan ang LRT 2.

Napagkasunduan na ang lahat ng plano at iniabot ko na rin ang lenguang mga pasalubong. Pinaiwan mo na muna sa aking kuwarto ang ilan sa iyong mga gamit bago tayong nagpunta sa bazaar para maghanap ng pipa. Sinuyod na natin lahat ng tindahan ngunit wala pa rin tayong nakita. Sa may bandang dulong stall ay may nakilala kang kapatid mo at nagkamayan naman kayo. Sa kalagitnaan ng ating ikalawa/huli sanang suyod ay naisipan kong ipatanong sa brod mo kung alam niya kung sa’n banda makakabili ng hithitan. Madaling pumayag yung brod mo at dinala tayo sa isang stall na sarado pa. Sayang. Gabi pa magbubukas ang tangi sigurong tagapagligtas na tindahan at mangilang oras pang pangangatal ni pareng Jose.

Nagbalik na agad tayo sa mansyon at nagsoundtrip/yosi/kuwentuhan na lamang hanggang sa pagpatak ng takdang oras para sumakay na ng jeep tungong MRT station. Nakailang mga awit at gaguhan din tayong may masasarap na tawanan at ilang mga nakaw na halik at yakap, at sa wakas, dinatnan na rin tayo ng oras para sumakay papuntang sakayan ng tren.

Wala muna masyadong nag-usap sa pampasahero ngunit may mababakas pa ring tila nais ilabas na mga kung ano. Hindi ko maiwasang tingnan ka nang paulit-ulit at pagmasdan ka sa tuwing hindi nakabaling ang atensyon mo sa akin. Iniisip ko kung ako ba yung iniisip mo. Kakapalan man ng mukha pero masayang isiping sa bawat oras na lumilipas e hindi mo sinasadyang isama ako sa iyong mga panaginip at pansariling mga pangarap. Araw-araw tayong bumubuo ng ating mga alaala para lang sa tuwing may mga puwang at kakulangan, madalas, mayroon tayong paghuhugutan. Kaya lamang, kadalasan din ang hindi sinasadyang paglimot o pagpapaulit ng ayaw asahan.

Naghuling yosi na muna tayo pagbaba ng jeep at napag-usapan ang tungkol sa datingan ng mga bullshitan nating thesis. Naniniwala na siguro akong pinaparating mo halfway na lampas kalahati ng mga undergraduate thesis e kalokohan lamang. Hindi naman ako naoffend kasi ako lang naman din ang nag-isip no’n. At medyo nang-ulol lang naman talaga ako sa thesis ko.

Pumasok na tayo sa mall pagkapaalam sa huli na munang nikotina. Lumusot, umakyat nang ilang palapag, at naglakad pang ulit. Wala pa ring binatbat sa mga dinaanan natin sa Baguio. Wala pa ring binatbat magpahanggang sa ngayon ang lahat-lahat ng mga sumunod pang nangyari sa mga nagdaan sa Baguio. Pilit ko mang iwanan, mahirap ding makalimot sa tuwing dadalawin ako ng ginaw o aakyat/bababa. Naikintal na rin siguro sa akin yung pag-akyat at pagbaba e legit na lamang sa Baguio. Pero kagaguhan ko lang iyon.

May kaunti ring kagaguhang naganap pa sa ilang madaraanang paskil habang nakasakay tayo sa dumadagundong nang tren. Tayo lang ang may lakas ng loob mag-usap at magtawanan sa loob, at gusto ko yung pakiramdam na hanggang ngayon, wala pa rin tayong pakialam sa kanila, sa paligid, sa mundo. Tayo lang ang mundo natin. Ikaw at ako.

Walang makakaunawa sa atin. Tayo lang. Kahit sabihin natin/nila na alam nila/natin, e wala pa rin talagang katiyakan. Iba pa rin ang samyo kapag alam mo kung kailan, alam mo kung paano, gaano at ano. Kahit mata lang natin ang magtinginan, ating mga labing nangungusapan/sabik mangusap muli, mga braso/kamay na hindi pinipilit.

Maya-maya’y nakababa na tayo sa Ayala station at nagtungo na sa KFC. Medyo gutom na ako at atat na rin sa paghihintay. Naramdaman ko naman kaagad na ililibre rin tayo ni Nanay ng kain pero lecheng makatakam madalas ang amoy ng fast food. Umorder na muna ako ng isang meal, yung may mashed, cheese, mais, at manok. Famous daw siya, malay ko rin.

Pagbalik ko sa ating lamesa, tinext ko na rin si Mtizi na naghihintay na tayo, pero hindi naman tayo galit. Nakatanggap naman ako ng reply mula sa kanya nang maubos ko ang aking inorder. Malapit na raw. Napagdesisyunan kong lumabas na para baka sakaling maligaw si Mitzi e tayo rin ang kabagsakan.

Hindi ko masyadong makita yung mga taong nagsisipasukan. Sobrang sikip na nga pala sa station nang ganitong mga oras. Maya’t maya akong tumitingkayad at baka sakaling makawayan ko siya. Hindi rin masyadong nagtagal at nagkawayan na rin tayong tatlo. Inanunsyohan ko kayong dalawa na sundan niyo lamang ako at magtiwala sa akin. Wala namang mga bangin sa bahaging daraanan natin sa Ayala.

Pinasok natin ang lampas sa isang mga mall at kinutya ang karamihan sa mga mannequin bago tayo nakarating ng Ayala Museum. Hinatid na natin si Mitzi sa may entrance saka kumaway ng ingat at pagpapasalamat.

Tinext ko na kaagad si Nanay na kararating lamang natin. Nagreply naman kaagad at pinapunta niya tayo sa likod ng kanyang office dahil doon siya maghihintay. Kaso, bago pa man tayo makarating doon e nag-usap at binullshit mo muna for 5 minutes yung papa mo. May mga sinabi ka namang legit, tapos yung iba, pinaimagine mo na lang sa kanya.

Matapos ay sinimulan nang muli ang matinding pause sa nagbabadyang pangunguwestiyon. Nang makita ko si Nanay’y kinawayan ko na kaagad saka tayo lumapit at nagbless na dalawa. Tinanong niya kung nagugutom tayo at siyempre, umoo ako. Nauna sa ating naglakad si Nanay tungo sa isang kainan habang nagkukuwento ako ng mga kunwaring nangyari sa’kin para sa linggong iyon. Nakarating tayo sa isang restaurant na nagseserve ng napakasarap na bagnet. Inisip ko kaagad na kahit malate tayo sa pilantikan ng mga tropa ni Jose e iinggitin ko siya sa pakain ni Nanay.

And as usual, tinuloy ko pa rin yung pagpapaimagine din kay Nanay habang ipinapakita yung kaisang hardbound na nauwi ko. Sinabi niyang babasahin niya raw iyon pagdating sa bahay. May mangilan pang tanungan tungkol sa iyong kurso at pekeng pangarap ko sa buhay na makapagsulat talaga.

Tapos na rin sa wakas at busog na tayo. Nakapuslit pa ako ng iilang laman mula sa iyong pinggan dahil napusuan ko rin namang madali kang mabusog. Iniabot na ni Nanay ang pambili ng ticket na pauso lang ng orkestra ni Jomil Supot para kunwari astig at may paggagamitan o kaya’y donation. Pero siyempre nagbibiro lamang ako. Wala munang umpugan sa gate.

Inihatid na tayo ni Nanay sa entrance ng museo at sinabi kong kinabukasan na ako uuwi dahil ihahatid pa nga kita kunwari. Tsaka dahil gabi na rin, na as if makapagdudulot ng difference. Matapos makapagbayad at pagpasok, una kong hinanap si Jose. Halata namang tapos na yung first act dahil panay rin naman ako silip sa aking relo habang ngumangasab ng baboy. Ngayun-ngayon ko lang din naisip yung kagaguhang bakit hindi na lang kalahati ng presyo yung binenta sa atin, tutal, kalahati na lang din naman ng performance yung maaabutan.

Wala nang pakialam ulit yung mundo sa kabullshitan ko. Nagpakita na rin si Jose Periwinkle. Bati, kamay, na parang hindi nagkita kaninang hapon. Hindi pa nakatugtog kaagad sina Jose kahit na matagal silang pinaupo sa harap. At least sila, nakaupo. Kaso, pinili ko lang din namang tumayo, at gaya-gaya ka naman. Magdamagan lamang tayong magkayakap habang inaasar ang mga taong nagtatanghal. Ikaw lamang ang aking tanghal, wala nang iba. Sana’y napalitan na yung mga karanasan mo sa bawat badtrip na Christmas song na napakinggan/mapakikinggan mo. Tanging mga puso lang natin ang nag-indakan sa loob, kahit na galit sa atin at walang pakialam ang musika. Sino ba sila para magpaalala.

Natapos na ang mga tugtugan at uyam. Hindi sana tayo/ako pinansin/napansin. Paglabas, nagyosi na tayo kaagad. Ngatal na rin siguro nang sagad simula noong unang makita si Nanay. Maya-maya’y lumabas na rin si Jose at tinanong kung saan natin gustong kumain. Ikinuwento ko naman kaagad yung masarap na inggit. Napayosi na lang yung supot.

Hindi ko sila makabisang dalawa pero ang alam ko, sa umpisa ng ating paglalakad, pagkalaglag ng huling stick e may isa sa kanilang nais kumain, dinner siguro o merienda. Basta ang alam ko, may kakain, si Mitzi siguro, dahil minsan, kuripot si Jose sa sarili niya. Bigla na lamang nagbago ang isip na dumiretso na tayo ng uwi dahil gabi na. Pinapili ko kayong lahat kung gusto niyong magbus o tren. Inemphasize kong mas hassle yung tren pero mas mabilis.

Edi nagbus nga tayo.

Ngayon ay may hindi tayo pagkakaintindihan dahil hindi ko mabasa kung galit ka ba sa akin. Hindi ko naman kasi tantyado ang bagal ng daloy ng mga sasakyan ngunit malakas ko ring ininsist na magbus tayo kaya panay siguro ang atat mo sa cellphone at nagpapanic na ako sa sasaluhin kong galit mula sa ’yo. Ayokong matapos nang ganito yung huling gabi nating panamantala kung kaya’t nagsorry ako nang maraming-marami pagbaba natin sa Sentral. Sinabi mong okay ka naman na at ipinaliwanag kung bakit medyo nanahimik ka sa kahabaan ng alingawngaw.

Pagdating sa 108, tumambad ang mga nag-iinuman sa tapat. Okay lang din naman, hindi ganoon kahassle. Umakyat na akong muli sa aking kuwarto para kunin ang mga pinaiwan mong mga gamit. Inayos at naghati na rin tayo sa gabimpo na luntian. Pagbaba ko’y hindi kita nakita sa kusina kung saan kita huling iniwan. Madali akong naglakad sa zen garden at doon kita nakita, niyakap, at naramdaman kong unti-unti ka nang malalayo talaga sa akin.

Nagpaalam na muna tayo kay Jose at nang maihatid na kita.

Mabagal. Hindi ko alam kung bakit. Sumasabay ang liwanag ng buwan sa bawat makapigil na hakbang na binibitawan natin papalapit sa hanggan. Tiningnan kita, malayo ang tingin mo ngunit napalingat ka rin sa akin. Ang ganda mo. Inabot ko na ang iyong kamay at inibig na huwag na masyado pang tulinan ang paglakad. Sana’y nasiraan na lang yung bus kanina. Sana, kumain na lang muna si Mitzi. Sana tatlo hanggang madaling araw pa yung tugtugan. Sana, sa atin na lang ang oras.

Walang ni isa sa atin ngayon ang may kakayahang masunod. Huling tapak na bago ka tumawid at sumakay ng bus. Ayoko ng ganitong pakiramdam kahit na tatlong araw na nating pilit na kinakalimutan. Alam nating sa isa’t isa lamang tayo tutuon ng pansin ngunit isa’t isa lang din ang siyang dahilan ng ating pagkarupok.

Yumakap ako nang mahigpit sa ’yo, sinabing iniibig kita. Hinalikan kang matagal sa labi, at inulit ang pagsintang lumanay. Lalong humigpit ang ating mga yakap. Humalik ka sa aking pisngi, gayun din naman ako. Pumiglas ang yakap.

Nagkatitigan tayo. Namamaalam sa isa’t isa ang ating mga mata. Hinila kitang muli para sa isa pang yakap. Dumampi ang aking labi sa iyong noo, habang humihigpit ang iyong yakap. Hinigpitan ko rin ang akin. Nagbalik ako sa iyong pisngi, sa iyong noo, kahit pa sa iyong mga mata. Nagbalik tayong mas matagal sa labi.

Muling piglas.

Bawat pagbalik, lalong tumatagal. Hinihingi ka na ng buwan sa akin. Wala nang pakialam muli ang mundo sa atin. Matagal nating pinilit na tayo dapat ang walang pakialam sa kanya ngunit bawat higpit at pisil ay nagbabadya na ng paubos na nating lakas ngunit hindi kailanmang mag-aapaw na kakuntentuhan sa isa’t isa. Piglas.

Nagkatitigan tayong muli. Putang ina, haha, mukhang kailangan na talaga. Tumawid ka na sa kabila at naghintay ng bus. Minabuti kong hintayin kang makasakay dahil ayaw ko pang magpaawat. Gusto pa kitang nakikita, kahit likod mo na lamang. Maya-maya’y lumingon ka, at nakailang bus din ang lumampas sa iyo. Bumalik ka sa akin, please.

At bumalik ka sa akin. Huling yakap, huling mga ngiting mapapait. Huling halik. Huli na talaga, sa ngayon.