Iinom muna 'yan ng kape bago makipag-usap. Pipigilan pumiglas sa bawat pahapyaw na paraya. Magtatakip ng bula habang nagdedesisyon kung ipipikit na muna ang mamaya o bubuksan na ang umaga. Mamamanhikan ng kaunting saglit dahil matindi pa ang kapit ng kumot. Pipiliting makipagtalo sa sarili hanggang sa hamunin na ang hindi hiramang hiyang.
Malay ang pagkasakanya ng mga bagay. Ang sentro ay ang daigdig, at ang daigdig ay hindi ang mundo. Ang daigdig ang siyang ipinakilala. Siyang mundo naman ang pahiwatig. Lahat ng maaaring malaman, hindi susubukang alamin. Alam niya ang mga dapat niya na lamang na malaman nang malamang hindi na malalaman pa kung dapat pa bang malaman ang mga dapat na alamin. Malaman-laman niya lamang, hindi na magiging totoo pa ang lahat ng mga hiwatig. Babalik na lamang sa kung anong pinanggalingang guwang ang lahat ng matitimbang na hagap ng kanyang mundo.
Isasauli ang daigdig, kumakaway na sa malayo. Anong hinatnang nagpatilamsik sa pagharurot. Hindi niya ito mapapayagan, mahal niya ang kanyang nilalang. Higit sa lahat, ito ang higit sa lahat, dahil ito ang higit na isinapupunan ng siyang isip. Marangyang huwag sanang makahalata na muna ang ganti. Kumudlit sa pag-ahon, at natapos na ang paligid.
Magtitimpla na 'yan ulit ng kape.