Ito yung karanasang panget yung tunog sa jeep. Malalakas na tunog na 'di naman kaaya-aya. Ingay kung baga. Nandiyan yung malalakas tumawa, halakhak kung halakhak. Tipikal sa mga edad palagi na mas bata sa 'yo, no matter what your age is. Hindi mo lang talaga gets yung humor nila, o kung humor ba talaga yung meron sila. Malalakas na nga ang tawanan, malalakas pa yung mga boses, magkakatabi lang naman.
Yung tipong gusto siguro nilang marinig namin yung pinagkukuwentuhan nila kasi feeling nila interesting yung topic nila kaya nila nilalakasan yung boses nila, na para bang in a way, iniaangat nila ang sarili nila na mas interesting ang buhay nila kaysa sa amin, o kaya'y matinding pagpapapansin para baka tumawa rin kami somehow sa jokes nila e sa katunayan, hindi naman talaga kami nakikinig sa kanila, naririnig lang namin sila, ina nila.
Kakampi rin nila yung matatandang may tawag sa cellphone tapos ang lakas ng boses. Manong, hindi niyo na po kailangang sumigaw. Advanced na po ang mic technology natin sa ngayon. Maririnig po kahit magbuntong-hininga lang kayo kasi disappointed na naman po kayo sa kausap niyo. Lalo pang hahaba ang usapan kasi bingi rin siya at madalas ipinauulit sa kausap ang kanyang sinabi, na magpapasigaw rin sa tao sa kabilang linya, na bubulabog din sa kapuwa niyang mga pasahero kung sakaling nakasakay rin siya sa jeep. The intensity!
Liban na lang kung likas kang mahilig sa tsismis (tulad ng maraming tao, hindi ako, promise!), magiging interesante lahat ng naririnig mong bagay. Kahit na hindi mo gets, para bang hindi mo mapigilang makinig, just for the sake of malaman mo.
Lalampas ka na sa mga driver rin na madaldal, na walang ibang kausap buong araw kundi ang kanilang mga jowa o asawa, na kung sakaling tamaan ng bugnot sa radyo e susubok ng libang sa katabing pasaherong mahilig umupo sa harapan, na tsambahan lang din kung sakali dahil sa tingin ko e kung hindi mahilig magpatawa yung madaldal na driver, mapulitikong daldal ang aabutin niya, dahil kaya mo na ring sakyan maski papaano ang kahit na anong genre ng kuwentuhan, na sa tuwing may tumatawa e natatawa ka na rin (kahit 'di mo gets), at kahit sumisigaw na yung isang lola sa kanyang cellphone e iniisipan mo pa ng paraan kung paano kang makakatulong sa kanya kung sakaling hindi niya maintindihan ang kanyang kinakausap, basta't maintindihan mo (somehow) ang usapan nila. Phew!
Hindi natin mapipili ang kaligiran ng jeep na ating masasakyan. Ang kaya na lamang nating gawin ay mag-obserba at maging mahinahon. Maaaring magbaon ng earphones, o magdownload ng games, o kahit na anong distraction mula sa ingay. Hindi sa lahat ng pagkakataon e good vibes ang biyahe.
Pero hindi rin naman palaging bad vibes. Good luck!