May bago akong pantalon. Naaalala mo pa rin siguro. Tingin ko, hinahanap-hanap pa rin tayo ng puting titig. Wala na ring naiinitan ang mga lambot. Wala nang sinasalong mga kilay ang usok. Wala nang nabubutas. Wala nang binubuksan, hinihila, minamadali. Wala na ring nabubuksan. Wala nang tawanan, ngitian, nakawan, titigan. Wala nang iyakan. Wala na ring pagpapaalam at paalam.
Wala na lahat. Wala na lang lahat. Wala na lang ang lahat, kahit na mayroon pa ring natitira, tumitira, nakikitira. Hindi ko sila mapaalis. Wala kasi akong makausap minsan kapagka gabi na. Hindi naman din sila nagbabalak na mamasiyal o manlibre man lang ng matamis. Ang iniisip ko na lang, papaano nga ba akong ulit magsuot ng pantalon.
Susulyap lamang ako sa salamin para malaman kung magulo pa ba yung buhok ko. Saka ko bubuksan yung aparador kahit na alam ko namang wala na akong makikita, dahil alam nating pareho na katatapos, katatapos ko lang mabusog. Lalabas ako nang saglit ulit para makipag-usap sa bintana. Minsan, puti. Minsan, serbesa. Minsan, gin. Sobrang minsan lang yung demonyo. Pagkatapos, babalik ako sa salamin, saka ako pipitik sa aking mga bulsa. Magsasalansan na rin ako ng mga kaban saka magpapailaw ng taranta at tanong.
Mauuna ka na lamang sa akin.