inilapit ko ang ashtray na matagal-tagal nang nakaligtaan. naglabas ako ng kaha at lighter. pinaikot at pinaglaruan ang kaha. nagdadalawang-isip. binuksan ang kaha, kahit na alam ko naman kung ilan pa ang natitira. sa tatlong stick na nagpapalipat-lipat ng sandal sa aking bawat pagtanggi, lalong nagdilirim at umaalala ang paningin.
kumulog muli.
nakatulala na pala ako sa isang sigarilyo. inabot ko ang lighter. sa unang pagpitik ay hindi ito sumindi. ginising na ang mga dahon sa iwang masidhi ng lumipas na hangin sa hardin ni mama. humalik na sa labi ang filter. ikinubli sa kabilang kamay ang sindihan nang hindi mahanginan kung sakali. pumitik muli ang lighter. wala pa rin. inilpat ko sa ibang anggulo ang ashtray na kanina pa ako tinatawanan. pumitik ako ng isa pa. at ng isa pa. at ng isa pa.
kumulog kasabay ng pagliyab ng pitik. humipak ako ng isa at binugahan sa mukha ang ashtray. ipinatong ko na ang lighter sa mesa.
bumuhos ang malakas na ulan.