August 8, 2024

VIII

Noong hindi pa ginigiba ang Starmall sa Alabang, mayroong malaking terminal ng mga jeep sa ilalim nito. Sa tuwing natatapos ang nanay ko sa grocery ay automatic na doon na rin lang agad ang diretso namin dahil mayroong lagusang nagkakabit sa dalawang puntahan.

Pagkagaling sa malamig at mabangong grocery, tatambad sa aming pag-uwi ang mainit, mausuk-usok, at mabaho na terminal. Maski pa, mayroon pa ring mga nakabukas na kainan at tindahan ng pagkain dito. Terminal nga naman kasi. Hindi terminal ang isang terminal kung walang mabibilhan ng pagkain sa loob. Yun nga lang, kung kaya naman din sikmurain ng sikmura mo yung amoy at lansa ng sari-saring likido at usok na nangangapit hanggang sa mapaanong sulok, wala rin namang makakapigil sa 'yo.

Bitbit ang aming parte pagkagaling mamili, pupunta na kami sa isa sa mga pila ng jeep. Mayroon pang malalaking signboard noon na nakasabit lang sa kisame. Apat din sa mga pilang ito ay dadaan sa iba't ibang lupalop ng aming probinsya. Punuan ang sistemang ipinamamalakad dito sa tuwing hindi pa madaling araw hanggang maaga-agang umaga. Fixed rate din ang pamasahe kahit pa magkakaiba kayo ng layo ng bababaan. Basta kung sa anong pila ng jeep ang pinasok mo, yun lang ang babayaran mo.

May ilang pila ng jeep ang mas mabilis mapuno kaysa iba kung kaya naiisipan din lumipat ng ibang pasahero ng pila kung sakaling nagmamadali. Kaya lang, hindi ka maaaring makipag-argumento na mas malapit naman ang bababaan mo at mas mura ang binabayaran mo sa kabilang pila. E 'di sa kabilang pila ka pumila, hindi ba dapat?

Matapos mapuno ng jeep na sinasakyan, aakyat na ang dispatcher na maniningil ng pamasahe ng lahat ng pasahero. Mangyaring miminsan e kulang na lamang ng isa at pagkatagal nang naghihintay ng lahat, mayroong magmamabuting kapuwa na babayaran na lamang ang kulang na bakanteng upuan nang makauwi na ang lahat. Fixed din ang kinikita ng mga driver kung sakaling mapadpad sila sa usual hours na normal ang dami ng mga dumadating na pasahero.

Marami ring ipinagmamadali ang pera, pero kung magkukulang ang lahat, nakaranas na rin ako dati na walang umaamin sa lupon ng mga nakasakay kung sino sa kanila ang hindi pa nakakapagbayad. Maanong bakit hindi na lang kasi sinunud-sunod ng dispatcher ang paniningil gayong nakadalawang hilera lang naman ang mga pasahero? Ang sarap din pari-paringgan ng natitirang hindi pa nagbabayad nang makauwi na. Matatag din kung susubukan mong huwag magbayad e mayroon ngang naniningil bago umalis, kaiba ng mga namamasadang jeep sa labas na nasa mga kalsada at nagsasakay. Kamalian na lang kaya talaga ito ng dispatcher dahil sa hindi pagiging organisado at mapagmatyag?

Sakali namang kumpleto na maging ang mga sukli, wala naman nang ibang aberya pa ang susunod. Ang ruta ng jeep palabas ng terminal ay serye ng mga pagliko't pag-ikot, na para bagang may one last tour ka pa ng ilalim bago pang makauwi talaga. Sa mangilang pag-ikot at likong ito'y madaraanan ang iba't ibang amoy, ibang mga pila ng jeep, kainan, mangilang humps, ibang exits ng mall, hanggang sa bibilis ang arangkada lalo dahil paakyat ang labasan patungong kalsada.

Kakaldag lamang nang dalawang beses hanggang sa umahon. Natutuwa pa ako minsan sa sarili ko dahil malalaman ko pa rin agad na nakalabas na ang jeep namin kahit pa nakapikit ako at naghihintay dalawin ng antok. Tipong umulit-ulit na kaming uwi sa ganitong ruta at hindi nagbabago, na unti-unti na ring napapako sa aking mga alaala. Kada kurba ay umuukit na pala, bawat bitaw, dumidiin, at sa huling hirit, pauwi na naman pala kami.