May oras pa naman pala. Sinubukan kong mag-isip. Binigyan ko ng hagdan ang muni. Umiglap sa ilalim, mamaya pa ang pagsabog. Mayroon tayong kanya-kanyang katatakutan kahit na ang sarap pandirihan ng lahat ng nakapalibot sa atin. Maya't maya lamang ay mayroong sasabog, at wala pa rin tayong pakialam sa likod ng ating ibang mga sarili.
Mamaya mo pa ako makikilala, at hindi mo na ako maaalala. Wala nang ibang paraan pa para maiparamdam sa iba ang gusto ng malisik na tagis. Kapag may naiiwan, siyang mag-iisip kung una, tatakbo ba akong maraya, o pangalawa, titigitpak ang bawat sampal ng lupa sa bangkay ng mga luma.
Nandirito ako, at iyo pa ring pinakikinggan. Nasa aking mga mata pa rin ang himagsik para magtagumpay sa ibayo ng alon ng mga bakal at pulbura. Nandirito ako ngayon, at iniisip kung patutuluyin ba ako sa mga yakap ko lang namang asam, o magbabalik sa pagmamasa ng alitaptap. Nandirito ako ngayon, ako ngayong nag-iisa sa ngiti ng aking kuweba, malagkit, mabaho, at hapo sa alat ng pagkakaibigan. Hihingi ako ng huling paumanhin sa hangin saka bubulyaw ng galit na minsan pa ring umunawa.