Hindi ko sigurado kung nakipagsigawan din ako o ano pero sa dulo'y kumalma na ang loob ng panira sa ating paglalakad at tawanan. May dumating na kakilalang 'di mawari kung sa iyo ba o akin, basta't nagpakilala't humingi ng paumanhin sa pagitan natin. Biglang bago silang umuwi'y may humahalik na sa aking leeg, malumanay na mga labi, habang may paulit-ulit na humihingi pa rin ng paumanhin.
Sorry, sorry, sorry.
Hindi ko pa rin maintindihan. Tungong paglalakad pa'y bigla na lamang tayong nag-aabang ng jeep na paparahin. Nag-iba nang bigla ang oras dahil may pakiraos nang nagmamadali na pala ako, o tayo? Pantasyang hindi ko na rin masiguro pero parang mahuhuli na naman yata ako sa susunod kong klase. Hindi naman kasi ako madalas sumakay ng jeep. Maglalakad lang dapat ako. Magaan lang naman ang aking bag, dala-dala pa ang assignment na ilang gabing maisusulat, mga salaysay ukol sa makinarya at alien.
Hindi ko na maalala kung paano kong sinimulan pero ang alam ko, tanong ako nang tanong sa aking kapatid kung paanong maisisikot ang turnilyo sa kumplikadong software na aming binubuo, 'di ko hinuha kung para sa akin o kanya, or kung kanino man for that matter. Basta ang alam ko, gusto ko na siyang tapusin at gusto ko rin siyang matutunan para matapos ko na at magawa na kasi parang nahuhuli na naman ako.