August 11, 2015

Good Night

Nais ko nang sumakay ulit doon sa wala nang makapipigil na paglipad sa haraya. Tila galit-galit na nagmamahalang magkakaibigan dahil hindi malaman kung kailan nga ba magkakatugma. Pero kahit na ganoon, sabay-sabay tayong lulutang sa langit, halos bulag nang mga paningin, musikang dalampasigan, orange, violet, pink, sky blue sa tenga, mahanging may kaunting kabang bumitaw.

Parang bigla na lang kasing mapapipitlag tayong lahat, mula sa napakabigat na pagkakupo, sa tuwing may mga kalabasang android, tulad din natin. May kapangyarihan tayong panibago na ayaw naman nating tanggapin ni gamitin dahil nauulol lang din naman tayo. With great power, comes great paranoia.

Pero laugh trip pa rin naman. Kahit tawanan pa tayo nang makailang ulit ng mga ilaw sa poste, dingding, kisame, kisame ng ibang bahay, alitaptap, parol na hindi pamasko, pundidong flashlight, kandila, katol, usok, mitsa, sumasayaw na mga usok, sasabay sa aking mga tenga ang imbentong melody na tanging arok lang din ng diwa at kunwaring talento ko, mapatatawang muli, hagikhikan, halakhakan, may isang ngingiti, may sasabay, kuwentuhan, kuwentuhan sa amoy at lutong ng bagong hangong fries at fried chicken, pilangkis ng laway, ngipin, at labi, mapapansing muli ang usok na tila halos isang araw mo nang tinitingnan, magsisinding muli ng panibago.

Kailangan kasi nating kanselahin ang amoy gayong pugad nga naman ng mas makapangyarihan sa atin ang ating hinihigaan. Kailangan nating maglinis habang nagdudumi. Kahit na alam na rin ng buong santinakpan na mas madumi, at tanging madumi pa nga ang ginagamit nating panlinis.

Hindi naman ganoong kamakalat kapag happiness yung trip. Tayo lang din naman ang pupulot sa ating mga sarili matapos lumipad, maglakbay. Iiwanan nating gutom ang mga kalam, lalam, unan, kumot, malambot nang muling hihimlay. Hindi rin maeksplika kung paanong nakahihilo pa rin ang nakikita ng patay nang mga mata.

Buhay ang diwa. Ayoko pang tapusin pero kinakabahan na rin ako kahit kanina pa tayo tawa nang tawa. Hindi dapat masanay sa ganitong mga balakin pero kay sarap ulitin. Kaya nga natin inulit yung powers and haraya, gabundok nang mga upos, ngunit walang haring osong pinatumba.

Isa pang Gamit ng Panitikang Pambata

Petsa: Pebrero 13, 2014
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Ikalawang Exam – Diskasin ang isyu/mga isyu sa bata/panitikang pambata na dinadala ng kuwento. Paano ito inilalarawan o isinasalaysay? Ano ang posisyon ng kuwento tungkol sa mga isyu na ito? Ano ang posisyon mo rito?


Napakagandang halimbawa ng Si Sibol at si Gunaw ni E.B. Maranan bilang isang panitikang nagpapakilala ng kuwentong bayan o karunungang bayan sa mga bata. Maigi nang maaga silang mamulat na mayroon na ang mga Pilipino dati ng mga ganitong uri ng salaysay at paniniwala bago pa man maimpluwensiyahan ng maraming dayuhan.

Isang halimbawa nito si Luningning, isang bathalumang taga-langit na may kapangyarihan sa mga pananim, ulan, puno’t halaman, maging sa ilog at bukal. Siya rin mismo ang nagpasimula ng buhay sa mundo. Kung may ibang relihiyong bata ang makababasa nito, maaga na siyang mamumulat at magtatanong nang kritikal sa kung paano ba talagang nagsimula ang buhay. Maaari rin naming maipakilala sa kanya ang pinaniniwalaan ng mga Pilipino noon, kung paano silang mag-isip, kung gaano na kayaman dati ang karunungan, ang panitikan, at ang kultura natin.

Sa panitikan pa lamang malalaman ng bata na tradisyon na pala sa atin ang pag-awit at pagtula. Masisilayan ito sa bahaging unang pagkikita nina Kapuy, isang lalaking mandirigmang taga-lupa, at Luningning, isang bathalumang diwatang taga-langit. Umawit na noon si Luningning at sinabayang-bigla naman ni Kapuy. Ang oral na tradisyon ang makapagsasabi kung paano ba talagang nag-aakyat ng ligaw ang mga Pilipino.

Isang halimbawa pa nito ang pambihirang paglalaban nina Sibol at Gunaw, na makikita sa maraming epiko bilang katangian din ng mga paglalaban ng mga tauhan. Dagdag pa rito ang paglalahad sa bandang dulo ng akda sa pinagmulan ng salitang gunaw. Bahagi rin ng karunungan at panitikang bayan ang pagsagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa pinagmulan ng mga bagay at pagpapangalan, tulad ng ating mga alamat.

Isa pa, mayroon na tayo noong konsepto ng pagkakapantay sa pagitan ng mga kasarian. Naipakita ito nang ipinakilalang babae ang diwata ng kalikasan at nagging hari naman si Gunaw. Kahit sino, maaaring mamuno, maaaring manalo, o matalo.

Hanggang sa mga dayuhang mangangalakal na pinagbentahan ni Gunaw ng punongkahoy, at paglamon ng buhawing itim sa yumaong si Kapuy bilang pagpapakita ng parehong kasaysayan at paniniwala, masasabi kong tagumpay ang akda sa pagpapakilala ng karunungan at panitikang bayan. Hindi rin nagpahuli ang awtor sa pag-iwan ng magandang asal na nakatuon sa responsibilidad.

Nariyan ang malaking responsibilidad ng mga tao sa kalikasan, na maagang pinakita ni Sibol, maging sa pagtatapos. At kahit na nagmukha pang masama si Gunaw, may makikita pa ring kahit katiting na responsibilidad bilang hari, o namumuno. Iyon nga lang, sablay siya sa responsibilidad bilang kapatid, may utang na loob sa kalikasan, at anak, na inako namang ni Sibol. Makikita rin ng mambabasa na ang pagtalikod sa responsibilidad ay hindi nagdudulot ng maganda, tulad ng nangyari kina Kapuy at Gunaw, na kapuwa tumanggap ng mga karampatang kapalarang kaparusahan.


Yayaman ang kaalaman ng batang makababasa ng akdang ito, lalo na kung alam din ng gagabay sa kanyang pagbabasa ang mga pinagsasasabi ko rito. Lilitaw na kasi ang pagtatanong ng bakit ng bata. Mabuti nang alam ng bata ang tunay na Pilipinong pagkakakilanlan at responsibilidad sa kapuwa, kaysa yung nasasayang yung mga kayamanan natin dati, at maging ngayon.

Pambatang Pamantayan

Petsa: Disyembre 10, 2013
Asignatura: Panitikang Pambata ng Pilipinas
Propesor: Torres-Yu

Unang Exam

---

Posible pa kayang magkaroon ng unibersal na panitikang pambata? Yung panitikan para sa lahat ng bata? Kahit yung panitikang pambata na lang na maaaring maunawaan ng lahat ng bata sa Pilipinas? Maaga kasing tinalakay sa klase, sa unang bahagi, na ang mga bata ay mayroong magkakaparehong mga angking katangian. Nandiyan yung, halimbawa, pagiging malikhain ang isip, inosente at utu-uto, at marami pang iba, na nakatutuwa kung iisipin, sapagkat pinagdaanan din naman natin. Kasabay nito, inalam ding ang panitikang pambata ay mayroong ding mga angking katangian, halimbawa, may aral at aliw, nakatatawa o nakatutuwa, madalas na bida ang bata, mayroong masayang wakas, na matingkad din naman sa halos lahat ng mabibilhang bookstore. Hindi rin maisasantabi ang binanggit sa klase na ang panitikang pambata ang siyang panitikang mayroong tiyak na mambabasa. Ngunit gaano nga ba katiyak ang tinutukoy rito?

Sa sumunod na bahagi ng mga pagtatalakay, saka nagsimulang magkaroon ng kontradiksyong mga pahayag laban sa mga binanggit kanina. Lumitaw ang paksang mayroong mga sentrong panitikang pambata, at dahil gayon, mayroong mga naisantabing maaari, hindi napapansin o pinapansin, o pupuwede ring hindi na talaga naisulat para maipamahagi sa higit pang nakararami.

Malinaw sa talakayan na dahil sa pagiging kapuluan ng Pilipinas, hindi malayong magkakaroon ng iba’t ibang wika, iba’t ibang kultura, magkakaibang kongkretong mga karanasan. Hindi lamang sa wika maaaring magkaroon ng pagkakaiba-iba ang mga batang Pilipino, kundi maging mismo sa edad, sa relihiyon, sa kasarian, pati na rin sa uri. Tanggihan ko man, lalabas at lalabas pa rin ang pagkakaiba ng karanasan ng mga batang Pilipino.

Maaaring tumigil nang maaga ang pagkamalikhain ng isang bata dahil sa perang kikitain na lamang ang tanging habol niya sa isang araw sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit-ulit na pagtatrabaho, o kalakal o limos, o kahit sa simpleng pagpipigil lamang ng mga relihiyosong magulang na maaaring magpakitid sa isip niya. Marami ring maagang nadedeinosentehan sa lipunang kanilang pinaggagalaan, na maagang nagmulat sa kanilang mayroong ding sad endings. O kahit mangalutkot lang siya sa internet, insta-Mulat na kaagad. Kung babalik tayo, e paano na lamang ang panitikan nila, ang panitikang tungkol sa at para sa kanila? Titindig pa ba sa mga binanggit na pamantayan kanina (pamantayan sa bata at panitikang pambata), o kinakailangan nang titiwalag para sa mas nakararami? Pamantayang mga katangian ba ang mga ito, o pagpupumilit na lamang ng isang “dapat” na bata, o simpleng paglalarawan lamang ito ng isang katiting na bahagdan ng populasyon ng batang Pilipino?


Katotohanan ba dapat ang nakapaloob sa kanilang panitikan? O malikhaing mundo ng reyalidad na binuo ng mga manunulat na kaya naman nilang (ng mga bata) likhain? At para ano? Para magbigay pag-asa? O pagtakas na lamang sa lipunang kay hirap takasan? Maaari nang magkaroon ng aral nang ‘di naaaliw. Nagmumukhang kontrabida o supporting actors o actresses, o extra ang mga naisasantabing bata. May mga sad at scary endings. At may mga bata ring ‘di nakapapasok ni pinapapasok sa National Bookstore.