Baka sakali lang na magbago akong muli, hinahayaan mo pa rin. Magagalit ako at magagalit ka, pareho tayong magagalit sa pareho nating kasalanan. Ako ang pasimuno, puwedeng ikaw rin ang nag-umpisa. Walang may balak magpaguho subalit handang pareho magpatawad. O siya, siya, gunaw na rin naman ang mundo mo, mundo ko. Magkapanig lamang naman ang sarili nating mundo pero nakikipagsiksikan pa rin pareho ang ating isipan, damdamin, kuru-kuro, galang may pagkaanimal, himpapawid pang-eroplano, ragasang pantren, usok na magulo, pansulasok, at walang makauunawa. Nagmamadaling palagi, pareho pa rin, wala namang dapat na mauna - sabay pa nga yata lagi dapat. At sa kung may pagkakataong may nais sumabat, alam nating parehong walang makakapigil sa alegro.
Saka na ang lahat, saka na ang dulo. Pinakamaigi namang halaga palagi ang gitna, ang punto, ang journey 'ika nga nila. Wika ba ng mga sino 'yan? 'Di naman porke't yatang may nauna nang paaralan, hindi na puwede pang manghikayat? Puwede pa naman siguro. Puwede pa. Hindi naman dapat matakot kung kayang ipaglaban ang isip. Hindi naman maaari ang tulog na lang agaran kapag hindi tumumba sa unang preso. Maraming nanganganib magsara, maagang magtatapos. Kahit may sinumpaan pang kamatayan na makapagpapahaba ng buhay at dagdag charisma na pang-alalay, laging tatandaang nakakaburat lang sumagip ng bangkay.
Kaya sige, sige, bunutin mo nang ulit sa susunod yung siyete pesos, at hindi na akong magrereklamo nga pala. Paumanhin.