Sa simula ng tulang Ibig Ko’y Kasama ni Jerry B. Gracio, unang inilalarawan ng persona ang taong gusto niyang makasama na para bang isang mannequin lamang o estatwang walang kibo o hindi nararapat na sumagot kahit na siya ay mali. Naghahanap ang persona ng makakasamang tatanggap lamang sa lahat ng kanyang mga sasabihin, nang hindi nagsasabi kung mali na ang kanyang mga iniisip o ginagawa habang nakangiti lamang sa kanya. Mahirap makahanap ng ganitong taong makakasama sapagkat mahirap naman marahil na hindi umimik at ngitian na lamang ang iyong gusto ring makasama habambuhay nang hindi man lamang inaalala ang kapakanan niya at takbo man lamang ng kanyang isip. Tila gusto ng personang siya lamang ang masusunod sa kanilang relasyon kung ayaw niyang mapagsasabihang mali siya ng kanyang gustong makasama. Kung lalabas mang diktador ang persona sa gawing bahagi nito ng akda, nagpapahiwatig lamang itong gusto niyang siya lang ang tama sa kanilang dalawa at marahil ay hindi niya pakinggan ang magiging reaksyon man lamang ng kanyang karelasyon. Maaari rin naman itong tingnan bilang isang makakasamang dahil sa kayo ang nagkatuluyan ay dahil nga sa para nga kayo sa isa’t isa. Ang isang bagay na mali sa paningin ng marami ay magiging tama sa paningin ninyong dalawa lamang. Ang pagkakaroon ng isang kasamang makauunawa sa lahat ng iyong sinasabi ay nararapat lamang para sa persona, maging sa isang taong naghahanap dahil sa mahirap nang magkaroon ng hidwaan sa pagitan ng dalawa kung mabilis naman nilang nauunawaan kung bakit ganito kumilos at mag-isip ang bawat isa sa kanila. Iyon lang naman malamang ang isa sa mga pinapangarap ng magkakasama na magandang bawas na bawas ang hindi pagkakasunduan, na isa sa mga palatandaan ng isang magandang relasyon ay madalang lamang ang pag-aaway o dahil sa mabilis na magkaintindihan ang nagsasama e mabilis magparaya at magbigay sa karelasyon. Kung maghahanap man lang din ng makakasama habambuhay, para sa persona, hindi siya naghahanap ng magiging kaaway niya sa kahit na anong dahilan at paraan kundi naghahanap siya ng makakasama niyang magiging kanyang kaibigan, hindi kailanman makakaaway, kakampi.
Sa susunod pang bahagi ng akda, lalong lumalim pa ang paglalarawan ng persona sa taong gusto niyang makasama habambuhay. Ninanais ng persona na magkaroon ng kasamang makapagpapasarap sa kanyang katawan at hinahanap na libog sa tuwing napapagod siya sa mga dumadaang araw. Naghahanap siya ng taong hindi mahihiya sa kanya at hindi rin niya kahihiyaan sa bawat pagsasama nilang dalawang naghahalikan, nagyayakapan, naglalambingan. Naghahanap siya ng sarap mula sa taong gusto niya, ng sarap na makapagpapabawi ng lahat ng hirap at pagtanggal ng lakas sa bawat hamon ng araw-araw niyang pagharap sa umaga, sa tuwing sasapit ang gabi, sa tuwing sasapit ang kanilang muling pagkikita. Ang paghingi ng lakas na binawi sa buong araw ng pagtratrabaho at pag-iisip habang kinukuhanan at binibigyan ng lakas ng kanyang makakasama ang siyang hinihingi ng persona. Sa bawat pagtatapos ng kanyang mga araw na galing sa hirap at pagod, nais lang niyang makita ang kanyang gustong makasama at mayakap at mahalikan siya para matanggal at makalimutan niyang muli ang kanyang hirap at pagod. Nabanggit din sa may bahaging ito ng akda ang pagnanais ng personang ang gusto niyang makasama ay siya ring magbibigay sa kanya ng panibagong lakas sa muling haharaping umaga. Gusto niyang sa simula at pagkatapos ng kanyang mga araw e ang gusto niya lamang makasama ang kanyang huli at unang nakikita sa araw-araw niyang pamamalagi sa mundo. Gusto niyang sinisimulan at tinatapos ang kanyang mga araw nang kasama ang kanyang pinakamamahal.
Nais ko sanang pansinin sa isang bahagi ng akda kung saan binanggit ng persona na “Hanggang sa matanggap ng lahat ng tao//Ang aking pag-ibig na kung magkaminsa’y//Hindi natatanggap maging ng sarili.” Makikitang alam ng personang kung minsa’y ang pag-ibig ay walang pinipiling lugar o kinakampihan kundi ang sarili, ang pag-ibig na makasarili. Ang pagiging madamot ng persona para sa mga personal niya lamang na kagustuhan kahit na gusto niyang may tumanggap pa rin sa kanyang ganitong hindi niya ring matanggap na ugali. Mula rito, marahil ay maaaring suportahan ng mga linyang ito ang mga nabanggit sa simulang bahagi ng akda na “Kung ako ay luksa o kung dumidilat//Ang mata ng unos.//Makikinig siya” at “Kahit na kung minsan,//Pananaw ko’y mali, kahit na madalas//Ay lihis ang aking mga ginagawi,//Siya’y di kikibo di man sumang-ayon//Sa aking sinabi, ngingiti na lamang”. Kung ganito nga ang makikita sa aking pagsusuri, maaaring makasarili nga ang persona. Maaaring dagdagan ko pa ito ng hindi niya pagsasabi tungkol sa gusto ng kanyang makakasama, kung makikinig man siya, o kung anu man lamang ang hihingiin sa kanya ng gusto niyang maging karelasyon. Bakit puro sariling pangangailangan niya lang ang mga binabanggit niya? Wala ba siyang pakialam sa mga nais din ng gusto niyang maging karelasyon?
Nais ko ring pansinin ang linyang “Ngunit sa piling niya, lahat ng mababaw//Nagiging malalim.” sa may bandang dulo ng tula. Ang pagkakaroon ng minamahal para sa persona ay marahil paglimot sa lahat ng nangyayari sa mundo, sa lahat ng “normal” na palakad sa mundo. Nakalilimutan lahat ng mga dapat at nagiging tama ang lahat ng mga hindi raw dapat. Kapag mayroon nang napiling makasa habambuhay at minamahal, wala nang sinisinu-sino, wala nang tanung-tanong, wala nang pakikinggan pa kundi ang bawat isa, sa piling ng bawat isa. Ang pagharap na lamang sa napiling magiging karelasyon ay mismong pagtalikod sa mga paninigaw ng mundo dahil sa kayong dalawa na mismo ang bumubuo ng kanilang sariling mundo kung saan sila lamang ang naghahalikan, nagyayakapan at nagkakaunawaan.
Isa pang bumabangungot na tanong sa akin e yung bakit kaya naisipan ng personang sabihin ang kanyang mga katangian ng gusto niyang makasama? Mula sa mga una ko nang nabanggit kanina, kung magiging makasarili nga siya, maaaring iniwan na siya nang maraming beses na ngunit nasasarapan sa mga sayang idinudulot ng pagkakaroon ng karelasyon kaya patuloy pa rin siyang naghahanap. Kung ang persona ay naghahanap, marahil ay nakaaway niya nang madalas ang mga nakasama niya na pero gusto pa rin niyang magkaroon ng makakasama, ayaw niyang mamatay nang mag-isa. Maaaring madalas niyang isipin ang mga magagandang alaalang dulot ng pagkakaroon ng karelasyon ngunit dahil sa kasama sa pag-aalalang ito ang pagkakamaling gusto niyang panatilihin sa kanyang sarili, isinasama at nililinaw niyang kailangan ng persona ng makikinig lamang sa kanya.
Ang pagkakaroon ng iniibig ay maaaring mahirap o madali para sa isang tao. Kung makahanap man ng makakatambalan sa buhay, edi okey. Kung iisipin ng bawat isa ang kani-kanilang mga naisin, magiging maayos ang bawat relasyon. Pero kung sa persona, marahil ang kanyang magiging karelasyon ay martir o maaaring mahal na mahal siya para lamang bumigya at gustuhin na lang ding pumailalim sa kapangyarihan niya. Kung maghahanap man ng gustong makasama habambuhay, tama rin naman ang mga naunang sinabi ng persona tulad ng madaling makaunawa at hindi makahihiyaan ngunit maganda rin namang ikonsidera ang mga nais din ng iyong iniibig na tao. Kung magiging mas madali lang para sa persona ang makinig din sa mga gusto ng kanyang minamahal, edi sana’y hindi na siya nagmumukmok nang ganito at naghahanap pa ng kanyang ibig na gustong makasama.