Sumasarap na ang lasa sa ihip at laway ng yosi. Sisiklop muli't titingala sa mga ulap. Kanya-kanyang mga 'di karaniwang tantya ng kasalukuyan. Ang pag-asa'y tanggap nang hindi darating, at ngiti na lamang ang kayang iganti.
Sumiluwak na't ipinaghain ang paghila sa katabing yaman. Ang paghimas ay patudyo hanggang sa hindi na at wala nang napipilitan. Bawat pag-udyok ay sasalamin ang hagikhik sa tuwing sinasalo ang iba't ibang bahagi ng hibla. Pinagmumura nang tahimik ang lahat ng mga yerong aninag. Malapit nang mamatay sa kalawang ang mundong hahalikan na ng dilim. Yayakag na maya-maya lamang ang libak na siyang turing. Mag-uumpisa na naman (muli) ang pag-uulit.
Tanging tutugtog ang alingawngaw ng hangin sa bawat sulok nitong masusuotan. Hihigante rin ang kaluskos ng masisipag na aliw. Aalitaptap ang muling pagsilab ng pangyayari. Magkakilalang mag-uusap ang mga hindi na sariwa't batid na rin sa wakas ang buwan.
Sumasarap na ang lasa sa bawat laway at ihip ng kalam. Titiklop muli't titingala sa mata ng puting pinatay na nang makailang beses.