Takot akong napapagalitan noon, magpahanggang siguro naman din sa ngayon. Hindi ako kumportableng nakikisalamuha sa mga nagagalit sa akin. Kahit sino rin naman siguro, ano? Pero hindi ko rin lubos na tantyado sa miminsan kung bakit mayroong mga anak na kinakayang pasanin ang mabigat na pakiramdam na galit ng kanilang mga magulang na sila mismo ang may-sala, sa tuwing halimbawa na lamang na sisiklab silang magwala 'pag hindi nila nakukuha ang kanilang gusto.
Hindi ko rin naman ginusto ito, at hindi ko rin halos mapipigilan. Ngayun-ngayon ko lang din napagtatanto nung tumanda na ako na isa siguro sa mga toxic trait ng mga Pinoy na magulang ang ipaubos sa kanilang mga anak ang inihaing pagkain sa kanila, kahit na umaayaw na ang mga ito sa mga nalalabing pagsubo, hindi rin naman kadalasan dahil sa hindi masarap ang pagkain kung hindi dahil sa, well, busog na.
Ano itong bagay na hindi nila minsan mapaniwalaang nabubusog din ang kanilang mga anak? Nabubusog din naman ako? Pasok din ba ito sa isa pang toxic trait nating mga Pinoy na uumpisahan ng mga magulang ang guilt trip na huwag sayangin ang biyaya, na hindi pinupulot ang pera? Sino bang nagdesisyon na kumain sa fast food in the first place? At magkasinlaki ba tayo ng appetite?
Nakahalos limang pilit na lunok din ako kanina lang para hindi ako mapagalitan sa restaurant. Ngayon ay nakakalimang halos lunok na rin ako ng laway 'wag lang ako masuka. May nakahanda naman nang plastic labo na ipinabulsa sa amin bago kami umalis ng bahay. Yun nga lang, ayaw ko pa ring mapagalitan, kahit na 'di ko naman dapat kasalanan.
Susubukan kong tumingin sa malayo, sa mga nalalampasan nang mga bahay. Bawat hump na matatalbugan ng jeep ay nagmamarka sa aking kalamnan kung kaya ko pa ba. Kaya ko pa. Titingin ako sa ibang malayo. Titingnan ko ang aking tatay. Titingnan ko yung bunso kong kapatid. Nasusuka rin kaya siya? Si Kuya malaki na kaya 'di na siya nasusuka. Sana lumaki na rin ako. Titingnan ko ang aking nanay, tapos ibang mga pasahero. Tapos tingin ulit sa malayo. Humps. Tingin sa kapatid. Sa bahay sa malayo. Kay Nanay.
"O, nasusuka ka? Asan na yung plastic mo?"
Mapipigilan ng mga labi ko ang paglobo ng suka sa loob ng aking mga pisngi. Lulunukin ko itong muli. Bubuklatin na ng nanay ko sa aking harapan ang plastic. Nakatingin na sa akin ang aking mga kapatid. Si Tatay ay tahimik lang at nag-iisip na ng paliwanag sa mga bagay, as per usual. Hindi ko na tiningnan pa kung nakatingin ang ibang mga pasahero.
Sa wakas at sumuko na rin ang lalamunan at tiyan ko.
Napuno ang plastic labo ng halu-halong kulay ng orange, dilaw, at kaning hindi natunaw. May humapyaw na pitik ng amoy ng suka na nagpaduwal sa ilang nakiusyoso. Nakahinga na ako nang maluwag. Tapos na ang kalbaryo.
Bumaba na kami sa tapat ng waiting shed. Dala-dala ng nanay ko ang pasalubong, itinapon sa basurahang malapit. Sayang lang yung pagkain.
"Sayang lang yung pagkain."