August 16, 2015

Yus!

Maginaw. Malapit na rin akong matapos sa pag-alam ng mga lungsod mula sa listahan ng mga pamantasang may potensyal na galugarin ko para sa aking napipintong thesis. Nasa magaang bahagi pa lamang ako ng aking pagsulat ngunit kinakabahan pa rin ako. Hindi ako sigurado kung bakit pero hindi ko kayang sikmurahin ang kaya na lamang arukin ng aking pagod at talino, kung mayroon man ako ng dalawang iyon. Siguro kasi, lampas isang semestre rin akong nanahimik at nagtago sa mundo. Halos isang semestre rin akong nagkulong sa aking kuwarto, nag-isip nang malalim tungkol sa mga bagay na ginawa ko, ginagawa, at gagawin. Lampas isang semestre rin akong nagbasa lang ng kung anu-ano, tungkol sa paradox space, tungkol sa mga bayani, tungkol sa kultura ng mga Pilipino, tungkol sa kultura ng mga manunulat, tungkol sa kultura ng mga hindi tao, tungkol sa kulturang hindi naman nalalaman ng mainstream na mga kultura. Lampas isang semestre rin akong nanood lamang ng mga pelikula, unti-unti silang kinikilatis, nakikipawang direktor na lamang ako’t kunwaring kritiko sa kung ano na lamang ang aking mapanood. Lampas isang semestre rin akong pinaluha, pinaiyak, at pinahikab ng maraming anime episodes. Ngunit, manguni at ngunit, kinakabahan pa rin ako. Hanggang ngayon yata, binubulong ko pa rin sa utak ko kung handa na ba talaga ako, kung naging handa ba talaga ako, kung magiging handa pa ba ako.

Isinara ko na ang listahan matapos makipagkutyaan sa aking sarili. Piniem ko na sa chat message ng Facebook si Mikka, kahit nasa kabilang table pa siya, harap ng aking aninag sa opisinang pinag-ayaan niya sa akin para magsulat. Mabuti na lamang at nakapagtimpla pa siya ng kape nang maaga-aga kahit na nahuli ako sa pagbili dahil sa dalawang beses pa akong bumalik sa malapit na kiosk sa kolehiyo ng Musika. Leche kasi, ang akala ko’y pitumpiso lamang ang isang sachet ng caffeine. Pumunta ako roon sa unang pagkakatao’t tatlong limampisong barya lamang ang aking dala. Pagkaabot ng aking bayad ay sinabi ni Manong Kiosk na otso isang Nescafe. Lintik! Hindi ko naman masabing, “Magtiwala po kayo sa aki’t nasa second floor lamang po ng kolehiyong aking babalikan ang aking utang na piso!” sa kadahilanang hindi naman ako kilala sa teritoryong iyon at hindi naman ako mukhang mapagkakatiwalaan.

“Babalik na lamang po ako.”

Umakyat ako, kumuha ng bente pesos mula sa wallet at pinakyu sa isipan si Kuya Kiosk at baka nampowertrip lang siya sa akin kanina dahil alam niyang umuulan, maluwag yung pantalon ko’t nakakafrustrate talagang isiping piso na lang yung kulang ko at kailangan kong magpakabait sa mga desperadong pagkakataon. Pag-abot ng bayad kay Manong Kuya Kiosk ay dumukot na akong tunay ng dalawang pulang sachet at hinintay ang apat na pisong sukli. Hindi ko alam kung bakit inisip kong dalawampiso na lang yung magiging sukli ko dahil sa gusto ko lang talagang isiping mahilig magpowertrip sa akin yung mundo. Ibinulsa ko na ang barya’t umakyat na sa ikalawang pagkakataon tungo sa opisina.

“Saglit, limang minuto,” pakiusap ni Mikka na mas totoong busy sa akin sa tuwing nakaharap sa laptop. Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Bente minuto bago ako nakaramdam na kailangan ko na nga pala uling manigarilyo. Sumipsip muna ng kape sa tasa.

“Yosi.”
“Tara.”

Medyo mahiya-hiya pa akong kaunti dahil lang sa sagot ni Mikka yung yosi, opisina, at mainit na tubig, maging ang tasang pinagtimplahan ng kape. Sumipa na lang din yung instinct ko na ngatal na rin naman si Mikka sa nikotina. Mabuti at pumayag siya. Bumaba kami at pumuwesto sa gilid ng gusali. Tig-isang nagsindi sa harap ng pabilog na kongkretong mesa-upuan kung saa’y may nakatanim na punong tinatangkayan ng kulay rosas-tamlay na mga dahon. Pinakapal ng malamig na panahon ang init ng aming bawat ibinubugang mga usok. Matapos makipag-ululan sa ambon, bumalik na kami sa opisina.

Nakaupo akong muli sa harap ng pinakamamahal kong laptop. Hinimas panumandali ang kanyang keyboard. Inalikabukan. Pinitik ang mga nandikit at ipinahid na lamang sa pantalon ang mga clingy. Nanood na lamang ako sa aking mga subscription sa YouTube hanggang sa pumatak ang 7:45. Nagbell alarm nang malakas sa buong kolehiyo ng musika, na nadinig naman namin ni Mikka. Hudyat na ito na malapit nang magsara ang gusali. Nagligpit na kami ng aming mga gamit at lumabas na ng opisina, ng kolehiyo.

Nagsindi kami sa huling pagkakataon. Makapal ang hamog. Liwanag na lamang ng streetlight at hindi ang mismong mga poste ang kaya kong makita mula sa Acad Oval. Hithit. Buga. Nakikikapal ang usok ng aming mga hininga sa kulambo ng manipis na ulop na pumalibot sa UP, sanhi ng maulang panahon. Kakaunti nga lang pala kaming mga nilalang na may hilig sa mga ganitong ginaw at tikatik ng ulan. Sinabayan pa ngayon ng minsan ko lang ding maramdamang makapal na hamog. Hithit. Buga. Lumingon ako sa aking kaliwa at napansing balot na balot na rin ang University Theatre. Hithit. Buga. Gutom na ako. Kinuwento ko kay Mikka na uuwi akong may sasalubong sa aking lutong manok pagtapak ko sa aming tahanan sa Cavite.

“Wow, edi ikaw na ang tinatanong kung anong gusto mong ulam,” hithit. Buga. Unti-unti nang nagpaalam sa mga huling nagsusumayawang usok. Mala-fairy tale na rin ang bagsak ng liwanag ng buwan sa mga kalye, tila sumasabay sa mainit na liwanag ng mga poste. Wala akong dalang hoodie, pinahiram ko nga pala sa iyo, at kulay green pala iyon. Kailangan ko yata ng pula, para makauwi. Nagpaalam na ako kay Mikka't hinanap ang amoy ng chicken.