Minsan, humihina ang tinta, humuhuni ang pilit. Ang daming maisip na simula ngunit hindi makahirit ng patak. Nagsimula sa matinding pasiklab hanggang sa tanungin nang muli ang sarili.
Ngunit hindi ko kailanman binalak na magmuni sa ipit. Nakakapagod ding makipagtalo sa sarili. At kung anumang munyo ang pilit na bumabagabag sa akin, siya ring pilit kong kinokonsensya. Ayaw kong tumigil pero kay lakas ng hikayat ng pahinga. Ang kailangan ko lang naman talaga'y mabuo ang paghila sa tunay na nagbibigay-buhay sa akin.
Kapayakang pamatok ng karamihan. Hindi pa naman kasi siguro sila nakatikim ng tunay na halo ng bughaw at luntian. Hanggang doon na lamang siguro sila sa dulo ng kung anumang kalderong walang kuwenta. Hindi sila malay sa sustansyang hinahanap-hanap ng mga pula sa ganda at paglapag ng lagkit ng tinta sa pandinig.
Hindi kami bawal. Mantsado lang kami sa lente ng mangilang indibidwal, maging ng aming sarili. Magkaroon man ng magkabilang ipinakong patungong init sa mga bato at damo, minsa'y humuhuni ang tinta, humihina ang pilit.