March 24, 2014

Smart Mo, Naks

Punyeta. Hindi na naman ako mapakali. Bakit ba kasi nagpadala pa ako? Alam ko namang walang mangyayari. Matagal nang bakas sa katauhan ko yung hinding-hindi ako mapapakali. Pero mahilig magbaka-sakali. Paano na lang 'yon? Wala rin naman akong magagawa. Maaga pa lamang ang lahat, medyo pinag-isipan ko rin naman bago ako magpadala. Inisip ko rin naman bago pumatak yung linya. Inisip ko rin naman bago tanggalin yung takip. Pero bakit kapag napindot ko na yung padala, nanghihinayang na ulit ako? Takot na takot kaagad ako sa tao. Parang ang labu-labo ng tingin ko sa sarili ko. Tapos maghihintay lang ako ulit. Paulit-ulit akong babalik sa magkakaibang mga bintana. Pero okay lang. Madali rin naman kasi akong madistract. Isa ka na nga sa mga distractions ko. Lahat nga yata kayo, distractions lang. Walang nananatiling focus. Walang focus. Hinding-hindi ko na maaabot yang focus na yan. Pero gusto ko rin ng malinaw na mga larawan. Yung maayos yung focus? Oo, yung ganon. Mahilig ako sa ganon. Kasi, kapag maraming salita, nakakawala rin ng focus. At least, sa isang larawan, nakatingin lang ako nang maayos, tapos titig, tapos kunwari, deep yung tinitingnan ko. Bahala na akong mag-isip kung ano talagang ibig sabihin ng nakikita ko. Parang ganito. Bahala na rin akong mag-isip kung anong pinipindot ng mga daliri ko. Bahala ka na rin kung magsasara ka na rin ng bintana. O ng taba.

Wala pa ring kuwenta. Wala pa ring sagot e. Maghihintay pa rin ba ako? Alam ko namang hindi ka sasagot kasi nga, walang kuwenta akong tao. Wala ring kuwenta yung mga sinasabi ko. Laking milagro na lang na umabot ka sa bahaging ito ng hindi ko na masasabi kung ilang talata. Kung ilan talaga. Wala naman na talagang talaga sa mundong 'to. Lahat na lang, iba-iba yung nakikita. Wala nang "lahat", actually. What the actual fuck, 'di ba? Tayo-tayo rin naman yung nag-imbento kung ano talaga yung tama. Tao rin naman ang lumikha ng mga paniniwala. Pero don't get me wrong. Malaking tulong din naman yung marunong kang gumamit ng pananampalataya. Malaking tulong din yung marami kang nabasa tungkol sa kasaysayan at sapat na dami ng panitikan para lamang makapag-isip nang maayos. Alam mo kung saan ka lulugar. Alam mo ring hindi dapat nananatili yung mga taong katulad ko na kumakausap sa'yo. Malinaw naman kasing nasa joke sinasabi ng mga tao kung ayaw nilang ipahalata sa'yo. Katulad no'n. Tatatlong titik, pero ako lang makakakuha. Kasi nga, ako lang yung nagsulat. Wala na rin naman akong pakialam kasi, wala naman talagang nagbabasa rito. Ikaw lang.

Ikaw naman kasi e. Sumagot ka na pala. Ayan tuloy! Sumagot ka kasi! Bakit ka ba kasi sumagot? Edi yun na nga. Paulit-ulit ko na namang itatanong sa sarili ko yun. Kung bakit ka nga ba sumagot. Kung bakit ka nga ba sumasagot. Bakit nga ba? Kakapal na ba agad yung mukha ko? Nakakakapal kasi ng mukha kapag sinasagot ka e. Pero kapag magulang yung sinagot mo, yung sumagot naman daw yung kumakapal yung mukha. Mukha na akong tanga rito kasi kung anu-ano na lang naiisip ko. Kung anu-ano na lang sinasabi sa akin ng sarili ko. Kung anu-ano na lang yung sinasabi ko sa sarili ko. Kung anu-ano na lang pinag-uusapan ko. Pero puro lang usap yun sa isip. Isip lang naman napagagana ko. Isip na nga lang kaya kong paganahin e. Isip ko pa yung mapurol. Isip na lang kasi nang isip. Hindi ko na alam kung nahahasa ba o kinakalawang sa sobrang paggamit. Paano bang maghasa ng isip? Naaalatan ka na ba? Kulang na kulang ka kasi sa pag-unawa. Kinakailangan mong umunawa. Unawain mo muna ang sarili mo. Tapos yung paligid mo. Tapos yung mundo. Tapos babalik ka sa sarili mong mundo. Kaya mo namang lumikha e, 'di ba? Kung si Sherlock London nga, may mind palace, ikaw pa kaya? Pero hindi mo magagawa yun kung hindi ka muna mag-iisip. Huwag mo nga lang akong gagayahin. Puro lang kasi akong isip. Hindi ko  na naman alam kung bakit. Kita mo na? Iniisip ko na nag-iisip ako pero wala akong maisip kung para saan pa ba yung mga naiisip ko. Hindi ko alam kung tinatamad akong gumawa ng kung anong naiisip ko o nagpoprocrastinate lang ako kasi wala naman talagang deadline. Marami na akong itinakdang imaginary ideas para sa kanilang imaginary deadlines. Imaginary purposes para sa imaginary readers, katulad mo. Kaso, imaginary distraction nga lang pala kita.

Imaginine mo, magpapalit ka ng rectangle kasi magkaiba tayo ng rectangle. Nakapasok lang yun, kung iisipin natin, sa maliit na pindutan ng hinlalaki. Malaking bagay na iyon para sa akin kahit na napakaliit lang ng quadrilateral na iyon. Minsan nga, mayroon pang mga nag-aalok sa jeep ng ganon. Tapos, mahina pa yung bars sa kuwarto ko. Mahirap na. Minsan, inihihiga ko na lang yung palapindutan para baka sakaling milagrong abutin. Ganun naman tayo 'di ba? Minsan, may mga ginagawa tayong akala natin, sobrang effective, kasi nga naman, bumisa. Bata rin kasi tayong mag-isip, minsan. Masarap minsan yung mag-iisip ka nang bata. Hindi ka sinungaling sa marami. Hindi ka sinungaling sa mga sinasabi mo. Hindi ka sinungaling sa iba. Hindi ka sinungaling sa sarili mo. Aminado ka na sa marami, aminado ka pa sa sarili mo. Mag-iiba ang pagtingin mo, kapag sumulyap ka sa ibang bintana, sa maraming taong dumadaan sa harap mo. Kung anong kayang tanawin ng paningin mo, mas malayung-malayo pa ang kayang tanawin ng maiisip mo tungkol sa kanila, tungkol sa mga tinitingnan at tinititigan mo.

Tititigan ko na lang naman na ulit kasi nga, baka sa inyo naman kumonti yung bars dahil sa pagpapalit mo. Sala.