Bumili ako ng bagong panulat para sa'yo, para siguro na rin sa pagpapatuloy ng unang bahagi, unang kabanata, o kung anuman iyon. Naubusan ng alay ng tanga, ng oras, ng tao, ng pagkamalikhain, ng pakialam, ng halos lahat, ng muntik na, ng lahat-lahat. Itinigil na lahat ng dapat, wala na kasing gusto pang pumilit, kahit na may gusto pang manood. Nagpalit na ng nagtuturo, ng panggilid na pag-iisip, ng pagbigay-ayos. Ako na lamang ang may pakialam. Ako na lamang ang tanging nakakapansin ng bawat kinang ng pinapakawalang lusaw. Ni hindi ko sinadyang lumapit at tumabi sa iba. Ang hanap ko lang minsa'y pag-iisa, saktong luwang ng patag, maputing akala, at 'di inaantok na mga paggunita.
Muli, sige, ikaw na lang ang nagpaumpisa. Hindi ko naman pinilit maging taal. Sariling boses ko na lang ang aking tanging naririnig. Paminsan-minsa'y bumubulong sa akin na kausapin ka. Paminsan-minsang pinapaalala sa akin na kailangan pa talagang idutdot ka sa akin ng panaho't pagkakataon para lang kumustahin kung kailan huling yumakap ang mahihigpit kong diwa sa tunaw.
Hindi ako galit, ipinapangako ko. Gusto ko lang ipagpatuloy ang mga binura ko nang mga alaala tungkol sa'yo. Paumanhin kung nagtira ako ng para sa akin. Sana ayos lang dahil kahit na sa ganito man lang, kung hanggang sa ganito pa rin, simple lamang ang mga pagpilit. Nawa'y maituloy pa rin ang (mga) salaysay.