March 6, 2015

Blue

Gumising na ako. Alam ko, yes, alam ko na kung bakit ako gumising, bumangon. Bumangon ako kasi alam kong nangangatal na naman yung mga hindi ko gustong yosi na yan. Alam kong ayaw ko nang magyosi pero gusto ko pa rin. Ginugusto ko, madalas, paggising, magyoyosi na lang ako. Tapos puro pag-iisip, pag-uusap na lang ng buong mundo yung gusto kong makita. Galit pa rin ako sa mundo kung kaya't pinili ko na lamang na sirain lahat ng pupuwedeng sirain. Tulad ng ganito. Sira ka ba, Martin? Sirang-sira ka naman talaga. Pero walang ibang nilalang ang makapagsasabi sa'yo na sira ka, na sirang-sira ka. Ikaw lang. Ikaw lang ang may hawak sa mundo mo, sa mundo mong ayaw na ayaw mong isinasabay sa mundo nila, sa mundo ng marami, sa tunay na mundo. Galit ka na rin naman kasi, matagal na, sa mga tunay, totoo, taos, tira-tira. Tira-tira ka na lamang sa mga pekeng nilalang na gustung-gusto na rin isuka ng mundo. Pero pakialam nga ba ng mundo sa'yo. Ikaw lang din naman ang may hawak sa sarili mong yosi, sa sarili mong kapeng ikaw mismo ang nagtimpla kasi para sa'yo lang naman talaga iyon. Mahal na mahal mo ang kape, yosi, tara.

Sinubukan ko nang sipsipin yung unang higop ng caffeine. Mainit! Putang ina. Galit na galit ka rin sa init, minsan. Minsan din, okay lang sa'yong naglalakad nang malayo para lang matuwa yung mga bagang araw-araw mong pinagtitripan. Tiningnan ko na yung cellphone ko kung may nagtext, kung nagtext ka. Alam ko na rin siguro kung bakit ko tiningnan yung phone ko kahit na alam ko sa sarili kong katangahan na hindi naman siya tumunog. Wala na rin akong pakialam kung sira na naman yung bait ko at kung bakit madalas kong nakakalimutang hindi naman pala na gumagana yung maraming bahagi ng katawan ko. Ikalawang higop, medyo mainit na lang. Minabuti kong isipin kung may magigising sa mundo kapag nagpatugtog ako ng sarili kong musika. AY. Mali. Hindi ko naman sarili yon. Dinownload ko lang, tapos nasa cellphone ko. AY. Hindi rin naman ako yung gumastos para sa cellphone ko. Humigop nang muli sa yosi, AY. Hindi rin naman ako yung nagpapatakbo ng pitaka ko. Ako na lang palagi yung tagagastos, tagasayang, tagasira. Sira ulo.

Ikatlong higop ng kape. Okay na. Okay naman talaga ako. Okay naman na ako. Hindi naman ako mahilig magmadali kahit na ayaw kong naghihintay. Ayaw ko minsang naghihintay pero okay lang din naman sa aking maghintay basta sumunod lang lahat ng nilalang sa lahat ng sinasabi nila. Gusto ko lang namang sumusunod ako sa lahat ng sinasabi nila. Sira ulo. Ikaapat. Yosi. Sindi. Sarado. Liyab. Usok. Great. Gusto ko na talagang buksan yung Coldplaylist para lang makigaya sa trip ng ibang nilalang. Nakikiuso. Hindi pauso. Pausok. Sira ulo. Ikalima. Ikaanim. Babayu. Gusto ko nang maligo. Actually, kailangan ko na yatang maligo. Miss ko na rin yung dampi ng kadalisayan minsan sa katawan ko kahit na panlabas lang. Nakakatakot na minsan lumabas ng mansyon tapos mukha kang hindi pinaliliguan ng nanay mo. Kahit na alam mong wala talaga akong pakialam sa kanilang lahat. Minsan, may pakialam naman ako, kapag siguro malapit na akong mangamoy. Kahit na hindi ko naman talaga alam kung nangangamoy na ako o kung ano nga ba talaga yung amoy ko. Ang alam ko, wala akong amoy. Sira ulo.

Niligpit ko na yung pinaggamitan kong isang tasa. Pati yung ash tray, nilinis ko na rin, yata. Umakyat na ako sa kuwarto namin at kinuha ko na yung aking t-t-t-toiletries. Pumili ng shirt na maluwag. Brief. Tuwalya. Bimpo. Mami. Bumaba na ako para makapasok sa banyo. Binuksan ang ilaw. Nilapag ang mga dapat ilapag. Naghubad. Nagtupi. Naligo. Nagsipilyo. Nagbihis. Umakyat. Nagligpit. Ng gamit. Ng sarili. Ng buong mundo. Sira ulo. Matapos makipagtagisan sa mga pabango at iba pang walang kuwentang bagay na madalas bigyang-kahalagahan, bumaba na ako para ilayo ang aking sariling buhok sa tanyag na si Tarzan. Ugh. Fuck. Minsan, gusto ko na talagang magpagupit pero ayoko pa talaga. Hindi ko pa rin nakikita kung anong meron sa buhok ko kapag hindi siya napagtripan ng maraming barbero sa perya. Okay? Uh. Okay? Okay na ba 'to? Tss. Okay na yan. Sira ulo puwede na yan!


Buhat ang aking napakabigat na bag, lumabas na ako. Handa para maglakad tungo sa iba pang mga nilalang na galit na galit din.

March 2, 2015

Bedside

Lasing na lasing na naman tayo noon. Yes, na naman. Sa katunayan, wala na rin tayo minsang pakialam unless may sumusuka na ng dugo. Pero ibang kuwento pa rin yon. Wala na rin naman na ako sa mood magkuwento, madalas. Madalas, minsan, marami kasi akong naaalala. Kaso, mas madalas, kaunti na lang yung mga pinipili kong alaala para hindi na ako masyadong nasasaktan. Kahit na yung mga pasakit na iyon e ako lang din naman ang bumuo, nag-imbento, at nagpasadyang ipanggitgit sa oh, so "helpless" kong kalagayan.

Mahilig akong magpaawa. Madali rin naman kasi akong kaawaan. Tingnan mo 'tong sarili ko. Kaya ganito ako e. Ni hindi ko kinakayang buhatin kung anuman ang trip na ipasan sa akin ng mundo, ng Mundo. Sila na lang ang bahala diyan. Wala na rin akong pakialam kung lumipad na naman yung kailangang ipunto ng bawat binibitawan kong mga pangungusap dito. Hindi naman kita personal na niyaya sa sarili kong kuweba. Ikaw ang unang nanghimasok. Ikaw ang unang nagsindi ng yosi, at hindi pa sa akin ang lighter.

Nakatatlong yosi na yata ako no'n at hindi pa rin umiikot sa atin, sa akin ang shot. Doon ko na rin masasabing umiikot na ang mundo nating lahat kasi wala na tayong pakialam kung may darating pa bang pag-asa sa mundo... sa Mundo. Wala na tayong pakialam sa "mahahalagang" bagay sa mundo, sa Mundo kasi nga umiikot na lang siya para sa atin. Ni hindi naman din tayo pinilit ng kalawakan para mag-aral nang mabuti o piliin ang pinakamainam na brand ng yosi para sa ating mga baga. Tayo na nga rin minsan ang pumipigil kapag sumusuka na tayo ng dugo pero nasa ibang kuwento na lang yon. Ang mahalaga, ramdam na ramdam natin yung pagkapilosopo nating lahat at gustung-gusto nating makipagsabayan kay Plato kahit na alam na nating dalawang isa lamang siyang malaking pauso.

Madali lang namang magpauso. Kailangan mo lang, matinding sakit sa lalamunan, sa baga, sa sinus, maging sa puso. Kailangan na kailangan mo yung panghuli para makapagbulalas ka nang maayos sa alapaap kung makapasok ka man. Wala namang nagdala ng happiness noon pero todo yakap ka pa rin sa akin. Hindi ko naman maalala kung namilit ako pero lahat na lang yata ng nasa harap ko, hinihila ako papunta sa kanila. Hindi naman ako nagpapahila. Madali nga lang magpauso. Sinubukan ko nang magsinding muli--

Hindi ka na pumayag. Marami nang nanonood at hindi ko na piniling alalahanin kung bakit sinasakal mo na lang ako bigla. Sinubukan kong magpumiglas pero ano nga bang gagawin ko sa'yo pagkatapos? Susuntukin ka? Iuumpog sa gate? Babasagan ng baso sa ulo? Dehins maaari... Alam mo naman na siguro iyon, ngayon. Ngayun-ngayon lang din naman.

Tumingin ako sa gate. Bukas naman siya. Sinubukan kong lumabas para lang makapagbisyo na talaga. Ayaw niyo na talaga. Ayaw mo na talaga. Wala naman kasi yung isa. Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko kasi wala na naman akong maalala. Siguro kasi, pinili ko rin naman magkaroon ng mga wala na ganito kaya lang medyo hassle na kapag gusto ko na silang hukayin muli. Masakit din paminsan-minsan kapag sagad na sa pamumuwersa yung utak mo at lalo nang natatapalan yung puso mong sawi, ayon sa iyong standards.

May habulan.
May tampuhan.
May kakapalan ng mukha.

Humalik ka na sa huling pagkakataon sa puso kong akala ko lang nama'y binalewala na nang paulit-ulit ng mundo, ng Mundo. Pero hindi nga pala ikaw yung mundo, ang Mundo. Isa ka sa mga katulad kong nanonood na lang sa malayo pero handang makipag-away kapag nakalagok nang muli ng isang tasang nikotina. Hindi tayo ang Mundo at wala tayong pakialam sa mundo. Ikaw na rin mismo ang nagpapaalala sa akin nang makailang ulit na magpahanggang sa ngayon na akala lang talaga yung pagbalewala ng mundo sa akin. Paumanhin, paulit-ulit.

Tara, yosi.