Never doubt.
Ito na lamang ang pinanghahawakan ko. Alam mo na rin kung
saan nanggaling. At kung saan pa nanggaling talaga. At kung saan pa nga ba
manggagaling. Nais ko munang magpasalamat sa walang patumayaw na pag-alala sa
mga iniisip ko, sa mga walang kabuluhang iniisip ko. Maraming salamat sa
pag-unawa sa mga hindi ko rin naman sinasadyang bigyang-maling kahulugang mga
bagay. Maraming salamat sa pag-intindi sa akin, sa paghihintay, na baka
sakaling magbalik-loob pa rin ako sa pagtitiwala sa mundo.
Nahirapan akong magtiwala, totoo, pero hindi ko na kayang
magalit sa’yo. Gusto ko na ring mapagod kakaisip kasi parang nahihirapan na
lang ako sa mga hindi naman dapat nang pagpaguran pang mga badtrip. Gusto ko
nang huminga nang mas maluwag. Gusto ko nang magmahal nang wagas, nang hindi
na’ko minsang naghihintay ring masaktan. Ayaw ko nang maghintay masaktan.
Ikaw at ikaw lamang ang nagtiwala lang din sa akin. Ikaw ang
sumagip. Ikaw ang umalala, nakiramdam, nakipag-usap, at nawa’y hindi pinilit
akong tanggapin. Ikaw lang ang may gusto sa akin, sa aking mga kilos, sa aking
mga iniisip, kahit na minsa’y may mga bagay tayong hindi magkatagpo, ngunit
nagkakasundo rin sa huli. Ikaw lang ang nag-iisip sa akin, sa mga araw na ikaw
lang din ang iniisip ko. Ikaw lang ang nagtangkang magpakilala nang buo ng
sarili mo, sa akin lang ding buong-buo ka nang tinatanggap. Ikaw lang ang
gusto, at ako lang din ang gusto mo.
Hindi na ako mapapatid pa sa mga lubak ng kagaguhan ng mga
sarili ko lamang mga binarberong suliranin. Hindi na ako matatakot. Hindi naman
na dapat. Hindi na ako magtatanong ng hindi ba nang may kahit katiting na duda.
Hindi na dapat ako magduda, dahil sa’yo na lang din naman nanggaling. Ikaw
na lang naman na ang pinanghahawakan ko. Hindi ka nagkukulang. Hindi mo na ako
sasaktan, sadya man o hindi, dahil ako na lang din ang hindi mo na kayang
bitawan.
Salamat sa iyo, ikaw
na tanging akin, at hinding-hindi sa iba.