November 3, 2013

Steel Gate, Steel Guard

Katatapos ko lang manood ng horror movie. Oo. Horror na pelikula. Kaso comedy. Buti na lang. Matagal ko na kasing isinumpa ang panonood ng nakakatakot. Hindi ko kasi kayang magtagal sa isang lugar, kapagka katatapos ko lang manood ng nakakatakot. Kahit 2 minutes lang. Hindi ko talaga kaya. Sobra kasi mag-isip yung utak ko. Kahit alam kong hindi mangyayari, pakiramdam niya, mangyayari pa rin. Tang ina mong utak ka. Parati mo na lang akong dinedehado sa maraming sitwasyon. Palibhasa, ikaw lang ang matatakbuhan ko kapag wala akong makausap, which is madalas. Kaya siguro medyo normal lang para sa akin ang maging mag-isa. Kahit na medyo nasasaktan ako kapag walang nag-aanyaya sa akin kapag may lakad. Puro lang ako upo at isip. Wala nang panahon maglakad. Wala sa lugar masaktan kasi, hindi ko naman sila kaclose. Kita mo na? Sila yung ginamit ko, hindi kayo. Ni hindi ko kayo kayang kausapin nang pasulat mismo. Ikaw lang naman yung madalas kong kasama, kasi nasa tuktok lang kita. Masaya kang kausapin kung minsan, pero madalas, napapahaba yung pagpapakawalang kuwenta nating dalawa. Sinara ko na yung media player, tapos nang sumalangit yung credits. Chineck nang sandali yung Facebook, sabay rant sandali sa Twitter.

Bumaba na ako, tiningnan ang buong silid. Hindi ko pa rin mapigilan ang sariling silipin ang pader. Galing silip, sabay aninag, tapos tingin. Tapos titig. Appreciate sandali, ngingiti, tapos bumaba na ako sa kama ko. Maginaw pa rin. Inabot ko na yung jacket ko mula sa magulong kama. Sinuot ko at kinapa ang dalawang bulsa - coin purse lang na mabigat-bigat ang laman - bakit wala rito? Pinuntahan ko yung shorts kong nakasabit. Kinapa ko yung isang bulsa - nandito pala. Nilagay ko na yung dalawa sa magkabilang bulsa ng jacket ko at dumiretso na ako sa pintuan ng silid. Lumingon ako para pumili ng mabubuksang ilaw. Pinili ko yung dalawang magkabilang dulo at iniwang nakasara ang nasa gitna. Nag-alinlangan. Binuksan ang gitna sabay sara ng malapit sa pintuang ilaw. Alinlangan ulit. Sinara lahat. Isip. Binuksan ang gitnang ilaw. Nang masiyahan na sa desisyon, pinili ko nang maging huli iyon at lumabas na.

Ang init syempre. Medyo malamok na rin. Mabuti na lang mahilig sa braso ang mga nangangagat kapag nakatayo ako. Bumaba na ako sa garahe at nagpaalam sa mga tao. Sabi ko, bibili lang ako isaw. Lumabas na ako ng gate na maingay at isinara ito nang maingay. Pagtingin ko sa kaliwa, may mga tambay pa rin sa ilalim ng liwanag sa katabing bahay namin na sari-sari store. May isang nakaparadang motorsiklong mayroong nakaupong isa. Nagkukuwentuhan lamang sila. Isang hakbang muli. Umaambon pala. Isinuot ko na ang hood ng jacket at nagsimulang maglakad paglingong muli.

Umabot na ako sa isawan. Pumili ako ng dalawang stick ng betamax. Iniabot ko na sa tagapaypay kasunod ng sampung piso. Namimiss ko na yung gulaman nilang tinitinda. Pabagu-bago rin kasi yung mga nagtitinda rito. Bale yung mga nagtitinda ngayon, wala silang panulak. Pero okay lang. Hindi naman din yun kasi yung pinunta ko, 'di ba? Hintay pa rin. Pasok kamay sa magkabilang bulsa. Tingala. Tingin sa gilid. Lingon.

"Tustado, Kuya?"

Itinaas ko lamang ang aking mga balikat. "Luto?"

"Luto na lang, Kuya?"

"Luto."

Tiningnan kong muli ang buwan. Maiitim na ulap. Parang painting. "Kuya, luto na'to." Isinawsaw ko na ang dalawang stick sa malaking plastic na lalagyang mayroong lamang suka, toge at sili. Hinalo ko gamit ang dalawang stick. Angat. Ngasab. Solb. Naglakad na ako patungong basketball court. Walang naglalaro. Walang ilaw. Walang cover. Wala ring cover. Kinapa kong muli ang yosi't lighter. Nandun pa rin naman sila. Inakyat ko na ang court sabay lakad papuntang halfcourt. Tumingin ako sa kaliwa, walang net. Bakit yung nasa kanan, meron? Tinapos ko na yung isa pang kalahati at umakyat muli, patungong playground. Walang bata. Walang maingay. Wala pa ring tao. Mayroon akong naririnig na mga nag-uusap na tambay sa malapit na kainan slash sari-sari store sa tapat ng playground. Umaambon pa rin. Maraming puno. Basa ang playground. Nilapitan ko yung swing na pang-apatan. Umupo. Basa nga pala yung playground. Unti-unting kumalat na parang tinagusan ako nang walang napkin ang basa sa puwitan ko. Kinapa ko yung likod ng shorts ko - basa. Bahala na. Iniupo ko na nang todo ang pambahay kong shorts. Kapang muli. Dukot. Dukot. Puwesto. Sindi. Hithit. Buga.

Masarap magyosi kapag umuulan. Makapal ang usok. Tuluy-tuloy. Buo. Bawat buga, mas maraming naiisip. Hithit. Buga. Tingin sa buwan. Malapit na palang magpasukan. Maraming beses na namang pipila. Maghihintay. Pero sila lang yon. Ako, maghihintay lang ako. Hithit. Buga. Kapa. May incomplete pa ako na isa. Bakit ba kasi ayaw akong babaan ng prof ko? Okay lang naman sa'kin. 'Di ko naman habol ang maglaude. Ni hindi ko habol gumraduate. Pero sayang din, kaya graduate na lang. Hithit. Buga. Kaba. Mayroon na lang pala akong dalawang sem. Sana dalawang sem na lang yon. Ayoko nang mag-extend pa ng isang sem. Paminsan-minsan, deep inside, naiinggit din ako sa mga nakapagtapos. Kahit na alam ko sa sarili kong kapag ako yung nakapagtapos, baka tapos na talaga. Hithit. Buga. Kaba. Putang inang thesis yan. Sana madali lang. Simula noong lumipat ako sa wika, bawat sem na lang, kinakabahan ako. Apat na sem na akong kinakabahan. Kinakabahan pa rin ako. Mali. Kakabahan na naman ako. Kakabahan ako nang kakabahan. Hindi na natapos. Bawat simula na lang ng sem. Hithit. Buga. Pitik. Salamat.

Tumayo na ako, sabay hubad ng jacket. Ipinulupot ko na sa aking bewang. Nakakahiya naman kasing makitang basa yung puwet ko. Nakakatawang tingnan. Ayoko munang mapagtawanan. Saka na siguro sa defense ko. Lumabas na ako ng playground. Naroon pa rin yung mga nag-uusap sa tindahan slash kainan. Nilampasan ko na sila't nagtuluy-tuloy na patungong bahay. Naroon pa rin ang mga tambay, ang motorsiklo. "Pabili."

"Ano sa'yo?"

"Cobra."

"Plastik pa?"

"'Di na."

"Iwan mo na lang diyan yung bote."

Sipsip. Dighay. Patong. Muli kong binuksan ang maingay na gate. Sarado. Ingay. Lumapit  na ako sa pinto ng bahay. "Tara, kain na."

"Gising na ba si Kuya?"

"Gigisingin ko na."

Umakyat na akong muli sa kuwarto. Malamig pa rin. Kahit papano nakakalimutan ko pa ring bawian yung horror na pelikula. Kasi nga, comedy.